three

1344 Words
Kinuha ko na rin ang marker habang hinihintay ang kanyang isasagot. “Name for the cup po, Sir?” Saglit siyang natigilan at tumingin sa akin. Pagkatapos ay bahagyang bumaba ang tingin niya sa hawak kong marker at paper cup, na para bang sinusubukan niyang alamin kung bakit kailangan pa ng pangalan para sa isang Americano. “Love Maria.” Bahagya akong tumango. “Okay po.” Agad ko namang isinulat ang sinabi niya. Sa dami ng orders na ginawa ko buong araw, wala na akong sapat na lakas para magtanong pa. Kahit sabihin pa niyang Batman ang pangalan niya, malamang ay naisulat ko rin iyon nang walang pag-aalinlangan. “One Americano po, Sir?” Paninigurado ko. “Yes.” Tumango ako at nagsimulang ihanda ang order. Napalingon ako, dahil mula sa gilid ko, narinig ko ang mahina ngunit napakalinaw na pagsinghap ni Serene na kanina lang ay nasa kabilang dulo ng counter at abalang nag-aayos ng mga pastries na halos maubos na sa display. Ibig sabihin lang nito may nakita na namang guwapong lalaki ang babaeng ito. Nakatitig na nga sya sa guest sa harap ng booth namin na mayroong kakaibang kislap na makikita sa kanyang mga mata habang hawak ang tray na wala nang laman. Napapikit na lamang ako. Kilalang-kilala ko kasi ang tinging iyon, at alam kong wala iyong maidudulot na mabuti. “Excuse me, Sir.” Ayan na nga ang sinasabi ko, eh! Bahagyang napalingon ang lalaki sa kanya. Ngumiti naman si Serene na para bang close sila. “Model po ba kayo?” Muntik ko nang maibagsak ang hawak kong pitcher. “Hoy!” “Ano?” depensa agad niya. “Nagtatanong lang naman ako, ah.” Natigilan ang lalaki na para bang hindi niya inaasahan ang tanong na iyon. Kung kaya’t bahagyang nagsalubong ang kanyang mga kilay habang nakatingin sa kaibigan ko na tila hindi niya agad masigurado kung tama ba ang kanyang narinig o siya ba ang kinakausap nito. “Model?” Pag-uulit niya sa tanong. “I mean, kung brand ambassador po ba kayo?” dagdag pa nya na tila seryosong nagsasagawa ng imbestigasyon. Pakiramdam ko ay gusto ko na lamang magpalamon sa sahig. Napapikit ako nang mas madiin. Hindi ko alam kung saan niya nakukuha ang confidence na makipag-usap sa mga estranghero na para bang matagal na niya itong kakilala. Imbes na sagutin ang tanong na iyon ay bahagyang umangat ang sulok ng labi ng lalaki at makikita ang bakas ng amusement sa kanyang mga mata. Nakakainis aminin, pero napakagwapo pala niyang ngumiti. At mukhang iyon pa ang mas ikinatuwa ni Serene na para bang nanalo na siya sa isang personal na kompetisyon matapos mapangiti ang lalaking kanina pa mukhang allergic sa emosyon. Sa wakas ay natapos ko rin ang Americano. Dahil kung magtatagal pa siguro ng ilang minuto ay hindi na ako magtataka kung may maisipan pa siyang kabaliwan. Mabilis kong inilapag sa counter ang mainit na kape. “Order po ninyo, Sir.” Saglit na bumaba ang tingin niya sa nakasulat bago muling bumalik sa akin at saka lang niya kinuha ang paper cup. “Thank you.” “You’re welcome, Sir.” Magalang akong ngumiti. “Enjoy your coffee, Sir,” sabay naming bati ni Serene. Akala ko ay babalik na siya agad sa kanyang upuan, ngunit sa halip ay nanatili lamang siya sa harap ng counter. Tahimik siyang nakatayo roon, tila may hinihintay o may pinag-iisipan, at sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, iyon ang naging simula ng kung anu-anong posibilidad na agad na tumakbo sa aking isipan. Masyado bang matapang ang pagkakatimpla ko? Or baka naman may nakalimutan akong ilagay? Bago pa tuluyang lumala ang mga naiisip ko ay muli siyang nagsalita. “What is your name?” Sa simpleng tanong na iyon ay agad akong natigilan. Hindi ko alam kung bakit, ngunit bigla kong naalala ang lahat ng paulit-ulit na bilin ni Ma’am Celeste sa amin tuwing may malaking event. Please don’t embarrass the café. Nanlamig tuloy ako. May reklamo ba siya? May nagawa ba akong mali nang hindi ko namamalayan? Oh my goodness! Hindi kaya dahil napansin nya ang smiley face na nakagawian ko ng ilagay sa gilid ng mga pangalan? Saglit na bumaba ang tingin niya sa name plate ko, at napatingin din ako rito bago ko muling ibinalik ang tingin sa kanya. “Maria po, Sir.” “Maria,” ulit niya. May kung anong kakaiba sa paraan ng pagbigkas niya rito, hindi ko naman maipaliwanag kung ano. Nakakapagtaka rin naman dahil napakacommon naman ng pangalan ko, pero parang may bigat at pamilyaridad ang pagkakasabi niya. Bahagya siyang tumango bago sumunod ang isang simpleng komento na hindi ko naman inaasahang maririnig. “Nice name.” Hindi ko alam kung bakit, ngunit ako naman ang nawalan ng maisasagot sa loob ng ilang segundo. “Thank you po.” Isang bahagyang ngiti lamang ang isinukli niya, sapat lamang para bahagyang magbago ang seryosong ekspresyon ng kanyang nakaka-intimidate na aura. At sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, mas lalo lamang iyong nagpagulo sa aking isipan. Pagkatapos noon ay tuluyan na siyang tumalikod. Tahimik ko siyang sinundan ng tingin habang naglalakad palayo sa coffee station namin hanggang sa mawala na siya sa gitna ng mga bisita. “Sayang.” Napalingon ako at agad na napakunot-noo habang tinatanggal ang mga bakanteng paper cups sa gilid ng counter. “Bakit?” “Hindi man lang nasagot kung model siya.” Napabuntong-hininga na lang ako habang inilalagay sa isang kahon ang ilan sa mga gamit na hindi na namin kailangan. Sa dami ng maaaring maging problema sa buhay, nakakabilib na iyon pa rin ang pinoproblema niya. “Iyon talaga ang pinagsisisihan mo?” “Syempre. Kapag nalaman ko kung model talaga siya, susunod ko na rin sanang itatanong kung single siya.” “Ay bakit pa? May boyfriend ka na, ah.” “Ano naman?” sagot niya habang inaayos ang natitirang pastries sa tray. “Hindi ko naman jojowain. Curious lang.” “Curious?” “Mukha namang bata pa sya at napakagwapo.” Napailing na lamang ako habang isinasara ang isang kahon ng paper cups. “‘Yung sinabi mong napakagwapo, sakit lang ng ulo ang mga ganoong klase ng lalaki.” “At saka,” dagdag pa niya habang pinupunasan ang counter, “huwag ka ngang umarte. Nakita ko kung paano ka rin napatitig kanina.” Muntik na akong mabilaukan sa sarili kong laway. “Ano?” “Love Maria pa talaga ang ipinasulat niya sa cup.” dagdag pa niya habang tumitingin sa direksiyong nilakaran ng lalaki. Napakurap ako. “So? Malay natin, baka pangalan ng girlfriend nya.” “Anong so? Hindi man lang niya pinalagay na Love Serene, kung ako lang sana ang nagtake ng order nya, sayang talaga!” “Hindi ka na talaga nahiya.” “Maybe, type ka nya?” “Excuse me?” Napapikit na lang ako. “Maganda ka kaya! Madalas nga lang wala sa sarili.” “Alam mo, hindi ko alam kung saan ka kumukuha ng mga conclusion mo! Kung may dapat ka sanang itinanong, ‘yung internship na lang sana.” Napakurap siya na para bang ngayon lang pumasok sa isip niya ang posibilidad na iyon. “Huh?” “Kung kaya mong tanungin ang isang estranghero kung model siya, bakit hindi mo na rin tinanong kung may mairerekomenda siyang internship program?” Tumawa siya. “Bakit ako? Eh, ikaw ang kinausap.” Napataas ang isang kilay ko. “Mas makapal kaya ang mukha mo kaysa sa akin.” Mas lalo siyang natawa. “Aaminin ko, may point ka.” Napailing na lamang ako. Mula sa entablado, at sa pagitan ng mga order na kailangang ihanda, mga guest na kailangang asikasuhin, at mga paper cups na kailangang lagyan ng label, mabilis ding lumipas ang natitirang bahagi ng programa. Nang matapos ang conference at magsimula nang magsialisan ang mga bisita, saka ko lamang naramdaman ang bigat ng pagod na ilang oras ko ring hindi pinansin. Pakiramdam ko ay ilang kilometro akong naglakad kahit hindi naman ako umalis sa pwesto.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD