"Hindi ka pa tapos kumain, ah? Aalis ka na kaagad?" takang tanong ni Aling Elena sa anak kinabukasan.
"Baka ma-late po ako sa trabaho, Mommy. Alam niyo naman po na mahirap humanap ng masasakyan kapag ganitong umaga." katwiran ni Eleanor sa ina.
'Weh? Lokohin mo ang sarili mo, Eleanor! Bakit hindi mo na lang aminin na nagmamadali ka sapagka't gusto mong makita ang driver ng taxi na nasakyan mo kahapon?' usig ng konsensiya ni Eleanor sa kanya.
Napabuntong hininga na lamang ang dalaga at kinuha ang kanyang bag sa kanilang sofa bago humalik sa kanyang ina at tuluyan nang umalis ng bahay.
Habang naglalakad papunta sa abangan ng sasakyan ay tila nasisiraan ng bait na kinakausap ng dalaga ang kanyang sarili.
'Hay naku, Zenobia Eleanor, ano ba talagang nangyayari sa iyo? Bakit masyado ka naman yatang nagpapaapekto sa lalaking iyon? Ano kung gwapo siya? Ano kung bumilis ang t***k ng puso mo ng masilayan ang kanyang mukha?!'
Napatingin na lamang siya sa kanyang wristwatch at nakaramdam ng panghihinayang dahil wala na siyang oras para maging mapili sa sasakyan.
Kaya naman ng may dumaang jeep ay kaagad niya iyong pinara at sumakay.
Hindi na niya napansin pa ang isang nakahintong taxi sa hindi kalayuan kung saan matamang nakatangin sa kanya ang driver at kanina pa siya pinagmamasdan.
Ngiting-ngiti ito dahil naaaliw habang pinapanood kung paano kausapin at tila kagalitan ng dalaga ang kanyang sarili.
Sa kabilang banda naman ay napailing na lang si Elon Croesus bago paandarin ang minamanehong taxi na iba pa sa minaneho niya kahapon.
'What's happening to me? I have met different types of beautiful women. But I never took an interest in any of them. So why has this woman not left my mind since I saw her?'
Ngunit hindi mapigilan ng binata ang kanyang sarili na sundan ang sinasakyan na jeepney ng dalaga hanggang sa marating ang SDACco. kung saan ito nagtatrabaho. Hindi niya malaman ang dahilan kung bakit tila may kakaibang saya na hatid sa puso niya ang masilayan lang ang magandang mukha ng dalaga.
Noong hapon naman ay natagpuan rin niya ang sarili na inaabangan ito sa paglabas. Alam niya agad ang oras ng uwi nito.
Sobra ang pagpipigil niya sa sarili na lapitan ang dalaga nang matanaw niya ito mula sa lobby ng SDACco.
Damn. This is not so good.
Bigla ang pagbilis ng t***k ng puso niya ng sa wakas ay masilayan ang magandang mukha ng dalaga ng mas malapit ngunit ganoon na lamang ang naging kunot ng noo niya ng makita na may kausap itong lalaki.
Who is that bastard?
Salubong ang kilay na pinagmasdan niya ang dalawa. Bagaman at nakangiti ay halatang hindi komportable ang dalaga sa kausap samantalang mababakas naman ang paghanga ng lalaki sa kanya.
Hindi mapakali sa kinauupuan si Elon.
Sa isip niya ay panahon na upang tuklasin ang totoong dahilan kung bakit nagkakaganoon siya.
At isa lang ang paraan para malaman niya iyon.
Ang lapitan ito.
Kaya naman agad niyang pinaandar ang minamanehong taxi ilang hakbang lang mula sa kinatatayuan ng dalaga at ng lalaking kausap nito.
At mukhang kampi ang tadhana sa kanya dahil ang lalaki pa mismo ang pumara ng taxi para sa dalaga. At ang taxi na iyon ay siya mismo ang driver.
Nice one.
Elon smirked as the man opened the door for her.
Hindi kumibo si Elon at mukhang nakalimutan din naman ng dalaga na sabihin kung saan siya ihahatid ng binata.
Naiinis si Eleanor kay Mark, ang makulit niyang katrabaho. Nagpipilit kasi ito na ihatid siya sa kanilang bahay pero alam niya na hindi lang iyon basta hatid dahil noong unang beses na pumayag siya sa binata ay kung saan-saan pa siya dinala nito, una ay inaya siyang maglakad-lakad, wala siyang nagawa noon kundi pumayag kahit ang totoo ay gustong-gusto na niyang umuwi, sumunod ay dinala siya nito sa mamahaling kainan, okay sana dahil minsan lang mangyari sa buhay niya na makakain sa mamahaling restawran pero ang hindi niya nagustuhan ay ang mga pagpapalipad hangin nito at bulgarang pagyayabang tungkol sa yaman ng kanilang Pamilya. Matapos nilang kumain ay dinala pa siya nito sa fireworks display. Romantic sana kaso inakbayan siya nito at ramdam niya ang pagpisil-pisil ng lalaki sa kanyang katawan maging ang pagtatangka nito na siya ay halikan!
Kaya mula noon ay nadala na siya. Hindi na siya ulit pumayag na ihatid ng binata.
Matapos manumbalik sa ala-ala ng dalaga ang nakaraang karanasan kay Mark ay tila nagising siya sa reyalidad dahil sa pakiramdam na may kanina pa tumitingin sa kanya.
At isa lang ang pwedeng gumawa noon.
Matalim ang mata na nilingon niya ang driver.
"Hello, good afternoon." napakaganda ng pagkakangiti ni Elon kay Eleanor.
Samantala ay gulat na gulat naman ang dalaga. Dumagundong sa kaba ang puso niya.
Nakakabingi iyon at animo may kabayong nagkakarera sa loob ng kanyang dibdib.
Hindi siya nakapagsalita noong una dahil titig na titig na siya sa magandang mata at ngiti ng binata. Ang binata na nagpapagulo sa isip niya mula pa ng unang magtagpo ang kanilang mga paningin!
Ilang segundo pa ang lumipas bago nakahagilap ng isasagot ang dalaga.
"H-Hi, good a-afternoon." halos sapukin ni Eleanor ang kanyang sarili dahil sa pagkakautal.
Ayaw niya sa kanyang nararamdaman!
Kakaiba talaga ang dulot sa kanya ng lalaki at aaminin niya na sobrang attracted siya rito.
Nagulat pa nga ang dalaga dahil wala siyang maalala na sinabi niya sa binata kung saan siya nakatira pero huminto ang taxi sa mismong tapat ng bahay nila!
Nagtatakang hinagilap niya ang kanyang wallet sa loob ng bag para kumuha ng pambayad pero halos mabaliktad na niya ang laman niyon ay hindi nagpakita sa kanya ang hinahanap.
Napatingin siya sa gwapong driver at alanganing ngumiti. Doon naman tumunog ang cellphone niya at nakitang text message iyon ng co-worker niya at sinabing naiwan niya ang kanyang wallet sa kanilang opisina.
Bababa sana siya para kumuha ng pera sa loob ng bahay pero biglang nagsalita ang binata.
"It's okay, you can pay me next time we meet again." mukhang nahulaan ng binata ang problema niya.
"No, kukuha na lang ako ng pera sa loob ng bahay." namumula ang pisngi na anas niya.
"Even if I want to but I'm in a hurry, miss. Garahe ko na kasi at ikaw ang huli kong pasahero." sabi ni Elon sa kanya.
Walang nagawa ang dalaga kundi ang dahan-dahang mapatango.
Sa gulat pa nga niya ay bumaba ang binata at pinagbuksan siya ng pinto.
Gentleman!
"Magkikita pa tayo, Miss.." sabi ng binata na animo ay tinatanong ang pangalan ng dalaga.
"E-Eleanor, Zenobia Eleanor." hindi magkandaugaga na sagot ng dalaga.
"Beautiful name, pero mas maganda ka." makalaglag panty ang ibinigay nitong ngiti sa kanya.
Pero hindi iyon ang nakapag pabilis lalo sa kanyang t***k ng puso kundi ang mismong sinabi nito.
'Maganda raw ako!' hiyaw ng isip ng dalaga.
Maganda naman talaga siya, pero ewan ba niya kung bakit kakaiba dahil sa binata iyon nanggaling.
"And I'm Elon, Elon Croesus." pakilala ng binata at binigyan pa siya ng pamatay na ngiti.
Napakagwapo nito sa paningin ng dalaga.
Hindi niya alam ay napaka ganda rin naman ng tingin nito sa kanya.
Napasandal na lamang sa likod ng pinto ng kanilang bahay si Eleanor.
Sapo niya ang kanyang dibdib. Tila gustong kumawala ng kanyang puso sa rib cage niya!
Napapikit siya at ng muling dumilat ay iginala niya ang kanyang mata sa loob ng kanilang bahay.
Doon pa lamang niya naalala na wala nga pala roon ang kanyang mga magulang dahil umuwi ang mga ito sa kanilang probinsya at doon sa bahay ng kanyang lolo at lola sa side ng Mommy niya muna pansamantalang mananatili ang mga ito.
Ayaw sana ng Mommy niya dahil walang mag-aasikaso sa kanya pero kailangan dahil may sakit ang kanyang lolo at hindi kaya mag-isa ng lola niya na mag-alaga sa asawa nito kung kaya ay pinilit ni Eleanor ang kanyang Mommy at sinabi na ayos lang siya, na kaya na niya ang kanyang sarili.
Ang Daddy naman niya ay pinag-resign na niya sa trabaho noong nakaraang tatlong buwan dahil gusto niya nang pagpahingahin na lamang ito sa bahay, katwiran niya ay sapat naman sa kanila ang sinasahod niya bilang Head Accountant sa kompanya ng mga sasakyan. Pinasamahan niya ang Mommy niya sa kanyang Daddy dahil panigurado ay kailangan din doon ang ama niya lalo pa nga at hindi na makakapag trabaho sa bukid ang kanilang lolo. Hindi naman pwedeng pabayaan na lamang nila ang malawak na taniman ng mga ito doon dahil iyon ang ikinabubuhay ng kanyang lolo at lola.
Umakyat na muna siya sa kanyang kwarto sa ikalawang palapag ng kanilang bahay at nagpalit ng damit pagkatapos ay bumaba siya at tumungo sa kusina para maghanap ng pwedeng iluto.
Pagkalapit niya sa refrigerator ay napangiti na lamang si Eleanor ng makita ang note ng kanyang Mommy, binasa niya iyon at nangilid ang kanyang luha, nakakataba ng puso dahil hindi umalis ang kanyang mga magulang na hindi nasisiguro na magiging mabuti ang kalagayan niya. Katunayan nga ay punong-puno ng laman ang refrigerator at cabinet ng mga groceries nila, bukod doon ay may mga note pa na nakalagay sa bawat container ng ulam.
Ayon sa note ay iinit na lang daw ni Eleanor ang mga nilutong ulam ng kanyang ina at kapag araw ng linggo ay mamili siya ng sariwang prutas, karne, gulay at isda.
Huwag daw siyang panay noodles at de lata dahil hindi raw iyon maganda sa kalusugan niya.
Ngayon pa lamang pakiramdam ni Eleanor ay nami-miss na niya ang kanyang Mommy at Daddy.
Kailangan na niyang sanayin ang sarili niya ng mag-isa, bagama't pansamantala lamang ay hindi iyon biro dahil ngayon pa lamang napalayo ang mga magulang sa piling niya.
Sa edad niya ay kinokonsidera pa rin niya ang desisyon at opinyon ng kanyang mga magulang kaya ngayong malayo ang mga ito sa kanya ay kailangan niyang tumayo sa sarili niyang mga paa, mula sa pag-aasikaso sa bahay at sarili maging sa mga desisyon na gagawin niya. Sabagay, maaari naman niyang tawagan ang kanyang mga magulang kapag kailangan.
Speaking of tawag. Habang kumakain ng hapunan ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang ina.
Kinamusta lang siya nito at inulit ang mga bilin sa kanya. Tinanong din kung ano ang hapunan niya at pinaalala rin na inumin ang kanyang vitamins at gatas.
Tamad kasi siyang uminom ng gatas noon pa man.
"Opo, Mommy. Huwag na po kayong mag-alala sa akin dahil kaya ko naman ang sarili ko."
Naiintindihan niya ang Mommy niya, dahil nga buong buhay niya ay ito ang nag-aasikaso sa lahat ng mga kailangan niya. Tinuruan man siya nito ng gawaing bahay ay hindi pa rin nito hinahayaan na kumilos siya nang kumilos sa kanilang pamamahay lalo na kapag galing siya sa trabaho.
Napaka maalaga at mapagmahal talaga ng kanyang mga magulang kaya pangarap niya na iahon sa hirap ang mga ito.
Ang kanyang ama ay itinaguyod sila sa pamamagitan ng ibat-ibang trabaho, naranasan nitong maging janitor, bodegero, kargador at jeepney driver. Ang Mommy naman niya ay nagtitinda ng isda at karne noon sa palengke pero ng makatapos siya ng pag-aaral ay kinailangan nitong tumigil sa pagtitinda dahil gusto nitong asikasuhin sila ng Daddy niya.
Buong buhay yata ng kaniyang mga magulang ay puro hirap ang dinanas ng mga ito dahil sa mabibigat na trabaho.
Kaya nangako rin sa sarili niya si Eleanor na kung siya ay mag-aasawa ay hindi siya basta-basta kukuha na lamang ng lalaki.
Ang gusto niya ay iyong mapagbigay, iyong mamahalin ang magulang niya katulad ng pagmamahal niya sa mga ito. Iyong magalang at syempre mayaman at gwapo, kung hindi man mayaman ay iyong may kaya or atleast may stable job at madiskarte sa buhay.
Gusto niya ng mayaman o may kaya hindi dahil sa pera lang nito ang habol niya, hindi siya ganoon pinalaki ng mga magulang niya.
Kaya lang naman niya pangarap na makapag asawa ng mayaman ay dahil gusto niyang stable ang estado ng pamumuhay nila para sa magiging future kids nila, ayaw niyang maranasan ng mga magiging anak nila ang hirap ng buhay.
At syempre para makatulong pa rin siya sa parents niya, pero balak niyang kunin iyon sa pera na galing sa pinaghirapan niya, sa pinagtrabahuhan niya at hindi sa mapapangasawa niya.
Pero tila suntok nga sa buwan na makabingwit ng ganoong klase ng lalaki sa panahon ngayon.
Pero kung hindi rin lang ganoon ang kanyang mapapangasawa ay mas gugustuhin pa nga niya na tumanda na lamang na dalaga.