Episode 2

3619 Words
“ANO na naman ba ang problema at dito ka na naman makikitulog sa bahay, Raine?” naiiling na tanong ni Liezel sa kaibigang si Raine Garcia na nakaupo sa couch ng living area niya at naghahanap ng magandang channel sa TV. Umupo siya sa tabi ng kaibigan at iniabot dito ang baso ng juice na tinimpla. Pagkarating niya kanina galing sa opisina ay agad niyang nakita ang nakaparadang sasakyan ni Raine sa labas ng bahay. Sinabi nitong dito na naman ito magpapalipas ng magdamag. Tumingin sa kanya si Raine at bumuntong-hininga. “Wala lang,” nagkibit-balikat ito. “Tinatamad lang akong umuwi sa bahay. Nasa conference meeting ang mga tao doon kaya wala rin naman akong makakasama maliban sa mga katulong at guwardiya. Wala rin ako sa mood na pumunta sa club.” Hindi na lamang siya nagkomento. Alam niya rin naman na ang pinaka-ayaw na topic ni Raine ay patungkol sa pamilya nito. Si Raine ay isa sa mga kaibigan at kasosyo niya sa coffee shop nilang Sweet Coffee Princesses Shop. Sa kanilang magkakaibigan ay ito ang pinaka-outgoing. Brat nga ang tawag ng nakararami dito dahil ginagawa nito ang lahat para lamang makuha ang gusto. Raine loved partying and having fun pero hindi kaila kay Liezel na kaya iyon ginagawa ng kaibigan ay dahil na rin sa problema nito sa pamilya. Nag-iisang anak si Raine ng mga magulang nito subalit ni minsan ay hindi nito naramdaman ang pagmamahal at pag-aalagang dapat nitong natatanggap bilang isang anak. Sa pagkakaalam niya kasi ay masyadong abala ang mga magulang ni Raine sa trabaho kaya ganoon. Hindi na nila masyadong inuungkat kay Raine ang relasyon nito sa mga magulang dahil alam naman nilang hindi rin ito magsasalita. Itinutok na lang ni Liezel ang paningin sa telebisyon habang umiinom ng hawak na juice. “Wala pa rin dito si Pao?” narinig niyang tanong ni Raine. Umiling siya. Tatlong araw na simula ng hiramin ng Kuya Robb niya si Pao. Kahit miss na miss niya na ang pamangkin ay wala naman siyang magagawa dahil kailangan rin nitong makasama ang tunay na magulang. Sumulyap siya kay Raine. “Si Megan? Hindi pa rin ba siya bumabalik galing Batanes?” tukoy niya sa isa pang kaibigan na si Megan Villarama. Noong isang araw kasi ay nagtungo si Megan sa isang lugar sa Batanes kasama ang ilan sa mga kasamahan nito sa pagmomodelo. Simula noon ay wala pa silang natatanggap na mensahe mula sa kaibigan kung ayos ba ang lagay nito. Sumandal sa sandalan ng couch si Raine. “Hindi pa rin. Hindi ko nga rin siya ma-kontak. Mahina siguro ang signal sa kinaroroonan niya,” napailing pa ito. Tumango-tango na lang siya. Napatigil si Liezel sa tangkang pag-inom nang marinig ang muling pagsasalita ni Raine. “I met Terrence last night. Nakabalik na pala siya galing sa States?” Napatingin siya sa kaibigan. Tinutukoy siguro nito ang pinsan niya sa side ng Mama Kate niyang si Terrence Franklin. Mahigit tatlong taon pa lang simula nang makilala niya ng personal ang pinsan niyang iyon noong magkaroon ng family reunion ang side ng Mama niya. Pero sa loob ng maikling panahon na iyon ay hindi naman nahirapan si Liezel na maging malapit sa mga pinsan, lalo na kay Terrence na para niya na ring nakatatandang kapatid. “Talaga?” napangiti siya sa balita. Isang taon na simula nang umalis si Terrence para tumungo sa Amerika, hindi niya inaasahan na agad ring uuwi ng Pilipinas ang pinsan. Ibinalik niya ang tingin kay Raine. “Senyales na ba iyon na magkakabalikan na kayo?” tudyo niya sa kaibigan. Si Raine ang huling nakarelasyon ni Terrence dito sa Pilipinas bago ito nag-desisyong umalis. Siya mismo ang nagpakilala sa dalawa ilang taon na rin ang nakalilipas. Noong una, akala niya ay magtatagal na nga ang relasyon ng dalawa subalit mukhang nagkamali siya. Hindi makapaniwalang napatingin sa kanya si Raine. “Matagal na kaming tapos ni Terrence, Zel,” napailing pa ito. “Nagkausap kami kagabi. We’re friends and that’s better.” Tumango-tango si Liezel. “Hindi mo ba siya minahal? Sayang naman ang naging pagsasama niyo kung wala ng chance na magkabalikan kayo,” patuloy na panunudyo niya. Bumuntong-hininga ito. “Dahil lang ba bumalik siya ay magkakaroon na naman ng chance na magkabalikan kami?” tanong ni Raine bago sumulyap sa kanya. “Ikaw? Kapag ba bumalik si Kyle ay posibleng magkabalikan rin kayo?” Hindi inaasahan ni Liezel ang tanong na iyon kaya hindi kaagad siya nakahuma. Kinagat niya ang pang-ibabang labi para pigilan ang pag-alpas ng emosyon. Itinutok niya na lamang ang paningin sa telebisyon kahit hindi niya naman magawang maintindihan ang palabas. “Imposibleng bumalik pa siya,” mahinang wika niya. Ni sa panaginip ay hindi niya naisip na babalikan pa siya ni Kyle. Nararamdaman niya ang tingin ni Raine sa kanya. “Bakit mo naman naisip ‘yan?” tanong pa nito. “Kung babalik siya, dapat matagal niya nang ginawa,” malamig na tugon niya. “It’s been more than six years, Raine. Hindi ko na gustong balikan ang bagay na iyon.” Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Raine. “I’m sorry,” mahinang wika nito. Ilang sandaling katahimikan ang bumalot sa kanila. “Hindi mo pa rin siya makalimutan, hindi ba?” Malungkot siyang napabuntong-hininga. Ilang taon na nga ang nakararaan pero hindi niya pa rin magawang makalimutan ang lalaking iyon. Ibinalik niya ang tingin kay Raine na seryoso nang nakatingin sa telebisyon. Kahit ganoon ang kaibigan ay alam niya namang nag-aalala rin ito para sa kanya. Ang mga kaibigan niya lang na ito at ang pamilya ang tanging nakaramay niya noong mga panahong sobra-sobra pa siyang nagdadalamhati sa ginawang pag-iwan sa kanya ng lalaking minahal niya ng lubos. “Sinusubukan ko naman, kahit mahirap,” puno ng kalungkutang tugon ni Liezel sa tanong ng kaibigan. Tanging sa mga kaibigan niya lang na ito siya umaamin ng tunay na nararamdaman. Tumango-tango si Raine. “Gustong-gusto ka na naming maka-move on ng tuluyan, Zel. Gusto na naming makitang maging totoong masaya ka.” Itinutok niya ang paningin sa hawak na baso ng juice. “Masaya naman ako,” aniya. “Simula ng dumating si Pao sa buhay ko, masaya na ako.” “Pero gusto pa rin naming makitang lumalabas ka na kasama ang ibang lalaki,” dugtong pa ng kaibigan. “Gaano katagal na ba simula ng huli kang makipag-date? Napakaraming lalaki diyan ang umaaligid sa’yo pero wala ni isa man sa kanila ang pinag-ukulan mo ng pansin.” Tumayo siya at nakangiting tiningnan ang kaibigan. “Hayaan mo, baka bukas ay simulan ko ng makipag-date diyan sa mga lalaking sinasabi mo.” Idinaan niya na lang sa biro ang patungkol sa bagay na iyon. Ayaw niya nang palawakin ang usapan patungkol sa pakikipag-relasyon. Kung sakali mang maisipan niya na nga muling pumasok sa isang relasyon, sisiguruhin niyang hilom na ang lahat ng sugat na dulot ng nakaraan niya. Umiling na lang si Raine at ipinaikot ang mga mata. “Bakit kasi ayaw mong sumama sa akin sa club para naman makapag-enjoy ka kahit minsan, hindi iyong puro trabaho at si Pao na lang ang iniintindi mo. Kaya ka napapagkamalang single mother, eh.” Tumawa siya at naglakad na patungo sa kitchen area. “Sa guest room ka na uli matulog,” pahabol niyang sigaw para kay Raine. Nang makarating sa kusina ay agad siyang napasandal sa dingding niyon. Pakiramdam niya ay pagod na pagod na siya dahil lamang sa pinag-usapan nila ni Raine. Gusto niyang umiyak pero hindi niya magawa. Hindi niya gustong mas lalo pang mag-alala ang kaibigan. Ilang ulit siyang bumuntong-hininga bago lumakad patungo sa lababo at ipinatong doon ang pinag-inumang baso. Pinagmasdan niya ang kabuuan ng kitchen area na gawa sa steel. The area looks out over the dining area kung saan nagkakaroon ng salu-salo ang buong pamilya niya tuwing may okasyon. Matagal-tagal na rin nang maganap ang huling salu-salo dito sa bahay na ito, iyon ay noong huling kaarawan pa ng Lolo Julio niya. Noong mawala ang kanyang lolo ay naging abala na sa kanya-kanyang gawain ang mga kapamilya niya kaya hindi na nagagawang makapagsalu-salo ng buo. Ipinilig niya ang ulo at napatingin sa bukana ng kusina nang makita ang pagpasok doon ni Raine. Lumapit sa table na naroroon ang kaibigan at ipinatong doon ang basong pinag-inuman. “Akala ko naman nag-e-emote ka na dito,” natatawang wika nito. “Walang magandang palabas sa TV kaya magpapahinga na ako. Ikaw?” “Sige, susunod na ako. Huhugasan ko lang itong mga pinag-inuman natin.” Tumango na lang si Raine at nagpaalam na sa kanya. Nang makaalis ito ay sinimulan niya na nga ang paghuhugas ng mga baso. Pagkatapos ay dumeretso na siya sa sariling kuwarto. Bungalow-type lamang ang ipinatayo niyang bahay dahil hindi niya gustong mahirapang magpabalik-balik sa hagdan lalo na at kasama niya si Pao. Subalit kahit ganoon ay malawak naman ang kabuuan ng bahay, lalo na ang parteng hardin at playground ng pamangkin na talagang ipina-sadya niya. Pagkapasok niya sa sariling kuwarto ay agad na siyang sumampa sa ibabaw ng kama at binuksan ang lamp shade na nasa bedside table. The whole house was made of white and luxurious metallic gold color scheme. Gusto niya na open at maliwanag ang dating ng kanyang sariling tahanan. Bakit? Dahil takot siya sa dilim. Ni minsan ay hindi siya natutulog na wala ni katiting na liwanag, pakiramdam niya ay nalulunod siya. Ibinaling niya ang tingin sa cabinet na malapit sa kama. Naalala niya ang itinagong ring box sa loob ng drawer na iyon. Bakit ba hindi pa niya itinatapon ang bagay na iyon? Bakit patuloy pa rin niyang pinanghahawakan ang isang alaala ng lalaking iyon? Bumuntong-hininga si Liezel at tumitig sa kisame. Muling nanumbalik sa isipan niya ang tanong ni Raine kanina. Paano nga ba kung muli niyang makita si Kyle? Anong gagawin niya? Anong magiging reaksiyon niya? Anong mararamdaman niya? Mariin niyang ipinikit ang mga mata. Siguro kung bumalik man ang lalaking iyon ay may sarili na itong pamilya. Siguro ay masaya na ito sa takbo ng buhay matapos siyang iwan. Siguro ay tuluyan na siyang nakalimutan ng lalaki. NAPANGITI si Liezel habang pinagmamasdan ang pamangkin na si Pao na masayang nakikipag-habulan sa kalaro nitong isa ring batang lalaki na anak ng isa sa mga kaibigan niyang si Josie. Kasalukuyan silang nasa second floor ng Sweet Coffee Princesses Shop sa Ortigas. Hindi niya inaasahan ang pagdalaw doon ng kaibigang ilang taon niya na ring hindi nakikita. Si Josie ay isa sa mga kaibigan at kaklase niya noon sa kolehiyo. Tumawag ito sa kanya kaninang umaga at sinabing kakauwi lang daw nito sa bansa at nais makipagkita sa kanya. Ang coffee shop na ang pinili niyang lugar dahil kailangan niyang pansamantalang pamahalaan iyon habang nasa culinary class nito ang kaibigan niyang si April Rivera. Tuwing araw kasi ng Sabado ay siya ang pansamantalang nagma-manage sa café para matulungan na rin si April. “He looks like you,” narinig ni Liezel na wika ni Josie, tinutukoy ang pamangkin niyang si Pao. “Akala ko talaga ay anak mo siya,” naiiling pa itong napatawa. Ngumiti siya habang nakasunod lang ang tingin kay Pao. Kaninang umaga lang nang ihatid ito dito ng Kuya Robb niya at masaya siya dahil muli na naman niyang makakasama ang pinakamamahal na pamangkin. “Marami na ngang nagsabi niyan,” tugon niya. “Kamukhang-kamukha mo rin ang anak mo. Nasaan ang Papa niya?” Ngumiti si Josie, may kislap sa mga mata. “Nasa Canada. Bumisita lang naman talaga kami dito sa Pilipinas para makita naman si Jake ng mga relatives ko dito.” Tumango-tango siya. “I’m happy for you,” usal niya. Masaya siya para sa kaibigan dahil mukhang maligaya at kuntento na ito sa sarili nitong pamilya. “Ikaw, Zel? Kumusta na kayo ni Kyle?” tanong ni Josie na nakapagpatigil sa kanya. “Matagal rin akong walang naging balita sa inyong dalawa simula noong maka-graduate tayo sa college. Kayo pa rin ba?” Mahigpit niyang ikinuyom ang mga kamao para pigilan ang sakit na nararamdaman. Hindi niya gustong magpakita ng kahinaan at kaawaan ng iba. She took two deep breaths before answering. “M-Matagal nang tapos ang relasyon namin,” pinilit pa niyang ngumiti para ipakitang balewala na iyon sa kanya. Nang tingnan niya si Josie ay may hindi maitatangging pagkagulat sa mukha nito. “G-Ganoon ba?” tumango-tango ito. “Hindi ko nabalitaan iyon. I-I’m sorry.” “W-Wala ‘yon,” hinihiling ni Liezel na sana ay hindi mapansin ng kaibigan ang bahagyang pangangatal ng boses niya. “M-Matagal na iyon at… at nakalimutan ko na rin naman siya,” pagsisinungaling pa niya. Akmang magsasalita pa sana si Josie subalit napatigil ito nang may lumapit sa kanilang isang staff ng café. Sinabi nitong may naghahanap daw sa kanyang customer sa ibaba. Kahit nagtataka pa ay minabuti na ni Liezel na bumaba at harapin ang customer na tinutukoy ng staff. Sandali niya munang ipinahabilin kay Josie ang pamangkin na si Pao. Nang makababa sila ay agad siyang iginiya ng staff sa isang table kung saan naroroon ang customer. Nang makaalis ang staff ay nilapitan niya ang lalaking nakatalikod ng upo sa kanya. “Sir, may kailangan po ba kayo?” tanong niya. Hindi nagawang itago ni Liezel ang matinding pagkagulat nang humarap sa kanya ang lalaking customer. No! sigaw ng puso niya. Her whole body shook. Pakiramdam niya ay bigla ring naubos ang lahat ng lakas niya kaya naituon niya ang mga kamay sa table na naroroon. Her visions swirled and she felt like her heart was tearing into tiny pieces. What was this man doing here? “Zel,” narinig niyang wika ng lalaking iyon na ni sa panaginip ay hindi niya naisip na muling makakaharap. Hinawakan nito ang braso niya para alalayan subalit mabilis niya ring iwinaksi ang kamay nito. Puno ng talim ang mga mata nang tingnan niya si Kyle. “Don’t you dare touch me,” she hissed, torment and anger was in her voice. Nakita niya ang pagyuko ni Kyle, hindi niya rin napalampas ang sakit at kalungkutang bumahid sa mukha nito. Mahigit anim na taon niyang hindi nakita ang lalaki subalit naging madali pa rin sa kanya ang makilala ito. Ilang beses siyang humugot ng malalim na hininga para alisin ang tila paninikip ng dibdib. Gusto niyang umiyak. Gusto niyang magwala at saktan ang lalaking ito. Gusto niya itong pagsalitaan ng masasakit na mga salita. Bakit? Bakit kailangan pa nitong magpakita muli? Ang kapal naman ng mukha nito! Nang magawa niyang pansamantalang ibalik ang natitirang lakas ay umayos siya ng tayo at hinarap ang lalaki. Hindi magawang tingnan ni Liezel ang mukha nito. Nothing had changed, maliban na lang sa nag-mature nitong itsura. But he was still the same; he was still that Kyle Reynon she once knew. “A-Anong ginagawa mo dito?” Sa wakas ay nagawa niya ring ibuka ang sariling bibig at magsalita. Nasa tinig niya ang pangangatal dahil sa tinitimping galit at sakit. Nag-angat ng tingin si Kyle, puno ng kalungkutan ang mga mata. “L-Liezel, I-I’m—” “Bakit ka pa nagpakita dito?” putol niya sa nais sana nitong sabihin. Sinubukan niyang salubungin ang tingin ng lalaki subalit agad din siyang nag-iwas. Hindi niya gustong makita ang mga mata nito – ang mga matang minsan ay bumihag sa puso niya. “I-I’m sorry, Zel. I’m so sorry,” narinig niyang wika ni Kyle, bahagya pa itong pumiyok. Ipinikit ni Liezel ang mga mata at hindi na napigilan ang pagtulo ng mga luha sa mukha. Gusto niya nang tumakbo paalis ng lugar na iyon. Gusto niyang magtago sa isang lugar na walang makakakita sa kanya para doon ibuhos ang lahat ng sakit na nararamdaman. His voice. Ang boses na iyon na matagal nang nakaukit sa puso at isipan. Gusto niyang isipin na nananaginip lamang siya. Na wala talaga dito sa harapan niya ang lalaking ito. Na hindi niya nararamdaman ang matinding paghihinagpis na ito sa puso niya. “L-Liezel…” muling banggit ni Kyle sa pangalan niya, there was sadness in his voice. Kinagat niya ang pang-ibabang labi at iminulat ang mga mata. Bakit pa ba bumalik ang lalaking ito? Bakit ba nito binabanggit ang pangalan niya na para bang wala itong ginawang kasalanan sa kanya? Bakit ba patuloy pa siya nitong sinasaktan? Liezel took a deep breath and calmed herself. Hindi niya gustong magpakita ng kahinaan sa harap ng lalaki. Hindi niya gustong malaman ni Kyle na labis siyang nasasaktan sa muli nitong pagpapakita. Nang muli niyang tingnan ang lalaki ay puno na ng kalamigan ang mga mata niya. Kyle’s face was filled with undeniable sadness and pain. Hindi magawang maunawaan ni Liezel kung bakit ganoon ang ipinapakitang emosyon ng lalaki. Bakit ito malulungkot? Ito ang nang-iwan sa kanya noon, hindi ba? Wala itong karapatan na magpakita ng kalungkutan at sakit! Muling nagyuko ng ulo si Kyle nang marahil ay mapansin ang galit na nararamdaman niya. “P-Patawarin mo ako, Liezel,” patuloy na paghingi nito ng kapatawaran. Gusto niya itong sampalin ng ubod lakas ng mga oras na iyon. Patawarin? Sa tingin ba nito ay ganoon kadali na lang magpatawad matapos ng lahat ng sakit na idinulot nito sa kanya? “Anong ginagawa mo dito?” ulit niya sa tanong kanina. “Hindi ako makapaniwalang may gana ka pang magpakita dito, Kyle,” nang-uuyam na dugtong niya. Hindi niya na nagawang pigilan ang sarili. She was so mad, so hurt. Nanatili lamang na nakayuko si Kyle na parang isang estudyanteng pinapagalitan ng guro nito. “N-Nagpunta ako dito dahil gusto kitang makita, Zel,” anito. “G-Gusto kong magpaliwanag.” “Magpaliwanag?” sarkastikong ulit niya sa sinabi nito. “Mahigit anim na taon na ang lumipas, Kyle, at ngayon mo pa naisipang magpakita at magpaliwanag? Ang kapal talaga ng mukha mo.” Ginawa ni Liezel ang lahat para hindi magtaas ng boses. Ayaw niyang gumawa ng eksena at mapahiya sa mga staffs at customers na nasa loob ng café. Nang mag-angat ng tingin si Kyle ay nakikita na ni Liezel ang mga luhang nagbabantang pumatak mula sa mga mata ng lalaki. Mabilis niyang iniiwas ang tingin dito. Pakiramdam niya ay may bumarang tinik sa lalamunan niya. Hindi! Hindi dapat siya magpadala sa ipinapakita nito! Malamang ay pinagtatawanan talaga siya ng lalaki. Malamang ay bumalik lang ito para makita ang pagdurusa niya. At hindi mahahayaan ni Liezel na mangyari iyon. Naramdaman niya ang paghakbang palapit ni Kyle subalit napatigil ito nang marinig nila ang boses ni Pao papalapit. “Mama! Mama!” tawag kay Liezel ng pamangkin na si Pao habang tumatakbo ito palapit sa kinatatayuan niya. Napatingin siya dito at sa kaibigang si Josie na malapit sa hagdan ng coffee shop kalong naman ang sarili nitong anak. Kitang-kita sa mukha ni Josie ang pagkagulat nang mamukhaan si Kyle. Tumigil sa harapan niya si Pao at nagpakarga. Ngumiti siya at inabot ang bata. Ibinalik niya ang tingin kay Kyle na nakatingin lamang sa kanilang dalawa ni Pao. Puno ng hindi maitatangging pagkagulat ang mga mata ng lalaki. Ilang sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila. Nang magawa nang salubungin ni Kyle ang mga mata niya ay may sakit ng bumalot doon. “M-May… a-anak ka na?” tila nahihirapan pang tanong ng lalaki. Labis na natigilan si Liezel sa tanong na iyon ni Kyle. Hindi niya inaasahan na maiisip iyon ng lalaki. Iniiwas niya ang tingin dito at inilipat kay Pao na nakahilig lamang sa balikat niya at nilalaro ang mga daliri. Humugot siya ng malalim na hininga bago muling ibinalik ang tingin kay Kyle. Sa halip na pabulaanan ang maling akala nito ay nagdesisyon siyang sang-ayunan iyon. “O-Oo, anak ko siya,” she lied. This is better, bulong ng isipan niya. Mas mabuti na ang hayaan na lamang si Kyle sa mali nitong akala. Iyon ang pinakamadaling paraan para tuluyan na siya nitong layuan. Hindi niya na gustong magkaroon pa ng koneksiyon sa lalaki at mas lalo pang masaktan. Ibinaling ni Kyle ang paningin kay Pao. Bumuntong-hininga ito at iniiwas na ang tingin sa kanya subalit hindi pa rin napalampas ni Liezel ang sakit na nasa mga mata ng lalaki. Maya-maya ay tumango-tango si Kyle at walang paalam na tumalikod at lumabas na ng café. Mahigpit na ikinuyom ni Liezel ang mga kamay. Gusto niyang habulin ang lalaki at sumbatan. Pero bakit pa? Hindi ba mas maganda na nga ang umalis na ito at huwag na muling magpakita? Kahit pigilin niya ay rumagasa na ang mga luha sa mukha niya. Nanlalambot na ang mga tuhod niya pero pinilit niya pa ring magpakatatag dahil hawak niya si Pao. Ilang beses siyang humugot ng malalim na hininga, pakiramdam niya ay pinipiga ng malalaking kamao ang puso niya ng mga oras na iyon. Napatingin siya kay Josie nang makita ang paglapit nito sa kanya. Kitang-kita ang pagkaawa sa mga mata ng kaibigan. Ibinaba nito ang hawak na anak at kinuha sa kanya si Pao na tuluyan nang nakatulog. “Sige na,” wika ni Josie sa mahinahong tinig. “Ako na munang bahala kay Pao.” Alam ni Liezel na maraming nais itanong ang kaibigan subalit hinahayaan na muna siyang kumalma. Tumango siya at natutop ang sariling bibig para pigilan ang paghikbi. Hindi niya na pinansin ang tinginan ng mga taong naroroon at nagtatakbo patungo sa comfort room para doon ilabas ang lahat ng bigat ng dibdib. She cried and cried until she felt numbness all over her. She wanted to curse that man for hurting her like this. Damn you, Kyle!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD