Episode 3

1913 Words
LUMAPIT si Liezel sa nakakalat na laruang mga sasakyan sa tabi ng kama ni Pao. Doon kaagad siya nagtungo sa kuwarto ng pamangkin nang magising siya nang araw na iyon. Ilang buwan na simula ng sinanay niyang matulog mag-isa ang pamangkin sa kuwarto nito malapit lamang sa kanya subalit minsan ay mas gusto pa rin nito ang katabi siya. Ipinatong niya sa maliit na cabinet na naroroon ang mga laruan bago umupo sa gilid ng kama ni Pao. Bumuntong-hininga siya at pinagmasdan ang pamangkin na himbing na himbing pa rin sa pagtulog. Marahan niyang hinaplos ang buhok ng pamangkin. Yumuko siya at hinalikan ang noo nito. Hindi niya alam ang mangyayari sa kanya kung hindi dumating si Pao sa buhay niya. Nang bahagyang gumalaw ang pamangkin ay minabuti niyang tumayo na at lumabas muna ng kuwarto para maghanda ng agahan. Maya-maya lang ay siguradong darating na ang inaasahan niyang bisita. Habang nagtitimpla ng kape ay narinig ni Liezel ang pagtunog ng doorbell. Iniwan niya ang ginagawa at lumapit sa front door ng bahay. Binuksan niya iyon at agad na napangiti nang matanaw sa gate ang pinsan na si Terrence Franklin. Kumaway pa ito sa kanya at itinaas ang mga hawak na pinamili. “Hindi ka na dapat nag-abala,” sabi niya dito nang makapasok sila sa loob. “Para kay Pao ang ilan dito,” wika ni Terrence at tumuloy sa living area. Ipinatong nito sa mesang naroroon ang mga dala at pabagsak na naupo sa couch. “It’s been a while, cousin. So, anong dahilan at pinapunta mo ako dito?” Malungkot siyang bumuntong-hininga at pinagmasdan ang pinsan. Ka-edad niya lamang si Terrence sa edad niyang twenty-six, isa marahil iyon sa dahilan kung bakit naging madali na ang maging malapit sa lalaki. Nasa itsura ng pinsan ang pagiging babaero, at iyon naman ang totoo. “May nangyari ba?” tanong uli ni Terrence, may pag-aalala na sa tono. Napansin siguro nito ang kalungkutang nararamdaman niya. Naupo siya sa tabi ng pinsan at hindi na napigilan ang mapaiyak. Simula pa kahapon ay hindi na matigil ang pag-iyak niya tuwing naaalala ang muling pagkikita nila ni Kyle. Pakiramdam niya ay patuloy lamang na nawawasak ang puso niya. Naramdaman niya ang kamay ni Terrence na marahang humahagod sa likod niya. Nang tingnan ni Liezel ang pinsan ay kakikitaan ng pagkaawa ang mga mata nito. Kahit na lalaki si Terrence ay hindi naging mahirap para kay Liezel ang magkuwento sa pinsan ng tungkol sa mga pangyayari sa buhay niya. Para na kasing nakatatandang kapatid ang itinuring niya dito sa kabila ng ilang taon lamang na pagkakakilala nila. Hindi niya nagagawang makapag-kuwento sa Kuya Robb niya dahil wala naman ito lagi sa bansa at abala sa trabaho. Ayaw niya namang pag-alalahanin pa ang mga magulang. Akala ng mga ito ay tuluyan na niyang nakalimutan ang nakaraang nagdulot ng matinding pighati sa kanya. “B-Bumalik na siya, Terrence,” patuloy pa rin sa pag-iyak na imporma niya sa pinsan. “N-Nagpakita siya sa akin kahapon.” Naramdaman niya ang pagkatigil ng pinsan. “Iyong lalaking nanakit sa’yo noon?” pangungumpirma nito. Tumango siya at pinunasan ang mga luha sa pisngi. “Bakit bumalik pa siya?” marahas na tanong ni Terrence. “Anong ginawa niya sa’yo? Sinaktan ka ba niya uli?” Umiling si Liezel. “Hindi,” hikbi niya. “G-Gusto niya daw magpaliwanag. Humihingi siya ng tawad pero… pero galit na galit ako kahapon. Hindi ko alam na makikita ko pa siya uli. Sobrang sakit pa rin,” tuluyan na siyang napahagulhol sa harap ng pinsan. “Pakiramdam ko lahat ng sakit na naramdaman ko noong malaman kong iniwan niya ako ay bumalik lahat.” Wala siyang narinig na salita mula kay Terrence. Alam ni Liezel na wala rin namang maipapayo ang pinsan sa kanya. Ano ba namang alam nito sa sakit na nararamdaman niya? Siguradong hindi pa ito nakakaranas na masaktan dahil sa pag-ibig. Terrence was a heartbreaker, hindi iyon kaila sa kanya. A lot of women had cried buckets because of him, she was sure of that. Pero alam naman ni Liezel na mabuting tao ang pinsan. Nagpatuloy siya. “Bakit kailangan pa niyang bumalik?” tuluyan nang nawala ang kontrol niya sa sarili at nailabas na ang lahat ng saloobin na pilit na kinikimkim. “Bakit kailangang magpakita pa siya uli para lamang gawing komplikado ang lahat? Gusto ko na siyang kalimutan. Pero pakiramdam ko ay hindi na ako sigurado sa mga nararamdaman ko nang makita ko siya kahapon. Bakit kailangang bumalik pa siya sa buhay ko at muling ibalik ang lahat ng sakit na naramdaman ko noon?! Bakit?! Damn him! I hate him so much!” Isinubsob ni Liezel ang mukha sa dalawang kamay at doon nagpatuloy sa walang-tigil na pag-iyak. She hated Kyle, yes. Her mind kept on telling her that. Pakiramdam ni Liezel ay napakasakit na ng ulo niya. Gulong-gulo na siya. Kahit pilit niyang pigilan ay patuloy pa ring bumabalik sa alaala niya ang itsura ni Kyle kahapon, ang boses nito, ang mga mata nito, ang kalungkutang nasa mukha nito. Bakit ba tila nakakaramdam pa siya ng awa para sa lalaking iyon? Hindi niya dapat iyon nararamdaman. Humugot siya ng malalim na hininga at tinuyo ang mga luhang nasa mukha. Ilang sandali siyang nakatitig lamang sa kawalan. “Bakit hindi na lang siya nanatiling nasa ibang lugar?” pabulong na tanong niya. Hindi na alam ni Liezel kung naririnig pa ba siya ni Terrence o kung naiintindihan pa ba nito ang sinasabi niya. Wala na siyang pakialam doon. “S-Sa lugar kung saan hindi ko siya nakikita.” Hindi niya na gustong umiyak. Pagod na pagod na siya. Bakit ba patuloy lang siyang pinapaluha ng lalaking iyon? Hindi niya alam kung bakit ganito pa rin kasakit sa kanya ang lahat. Gusto niyang malaman kung bakit pa muling nagpakita si Kyle. Gusto niyang malaman subalit hindi niya na gusto pang magkaroon ng kaugnayan sa lalaking iyon. She hated everything she was feeling right now – the pain, the anger and the longing. Mahabang sandaling katahimikan ang bumalot sa buong paligid. Akala ni Liezel ay hindi na magsasalita si Terrence kaya nagulat pa siya nang marinig ang tanong nito. “Do you still love him, Zel?” Natigilan si Liezel sa tanong ng pinsan. Hindi niya alam kung ano ang isasagot. Mahal pa ba niya si Kyle? Sa kabila ng pag-iwan at pananakit nito sa kanya noon, mahal pa rin ba niya ang lalaki? Ini-iling niya ang ulo. No. Imposible iyon. Galit siya dito. Galit siya sa lahat ng idinulot nitong sakit sa puso niya. Ang mga bagay na iyon ang patuloy na itinatatak ni Liezel sa isipan. Pero bakit hindi niya masagot ang pinsan? Bakit hindi niya magawang sabihin na hindi niya na mahal si Kyle? Ano ba talagang problema niya? Maya-maya ay narinig niya ang mahinang pagtawa ni Terrence. Nang tingnan niya ang pinsan ay nakita pa niya ang pag-iling nito. “Your silence is enough,” anito. Marahan nitong ginulo ang buhok niya na para bang isa siyang bata sa paningin nito. “Masasaktan ka pa ba kung hindi mo na siya mahal?” Akmang magsasalita pa siya pero nagpatuloy pa ito. “Ano na’ng plano mo ngayon?” tanong ni Terrence. “Hahayaan mo ba siyang magpaliwanag?” Umismid si Liezel. “Para saan pa?” sarkastikong tanong niya. “Wala nang posibleng maging dahilan kung bakit niya ako iniwan noon maliban sa hindi niya na ako mahal. Sapat na iyon.” “Paano kung lapitan ka pa niya uli?” “Imposible nang mangyari ‘yon,” humugot muna siya ng malalim na hininga bago nagpatuloy. “He met Pao yesterday. Akala niya ay anak ko si Pao at hindi ko na itinama ang akala niyang iyon.” “Ano?!” nasa tinig ni Terrence ang matinding pagkagulat. “B-Bakit mo ginawa iyon?” Tiningnan ni Liezel ang pinsan, puno ng katatagan ang mukha. “Iyon lang ang paraan para maiwasan ko na siya. Mas makabubuti na ang isipin niyang may sarili na akong pamilya,” bumuntong-hininga siya. “At iyon ang dahilan kaya kita pinapunta dito, Rence. G-Gusto ko sanang humingi ng tulong.” Kumunot ang noo ni Terrence. “Tulong?” Tumango siya at nag-aalangang nagpatuloy. “C-Can you… can you pretend to be my… husband? I-Iyon ay kung sakaling… lumapit pa uli sa akin si Kyle.” Iniiwas ni Liezel ang tingin sa pinsan nang makita ang matinding pagkagulat na bumahid sa mukha nito. She felt so stupid at that time. Alam niyang kahibangan ang hinihiling niya subalit wala na talaga siyang maisip na ibang paraan para hindi na siya lapitan ni Kyle kundi ang bumuo ng kunwaring pamilya. Ang magpanggap na masaya na siya. Ang ipaisip sa dating nobyo na wala na sa kanya ang sakit na ipinadanas nito noon. “N-Nababaliw ka na ba, Liezel?” maya-maya ay tanong ni Terrence, puno ng pagkamangha ang tinig. “Naririnig mo ba ang mga sinasabi mo?” Muli na naman siyang napahikbi. Damn it! Bakit ba napaka-iyakin niya, lalo na pagdating sa lalaking iyon?! “I know it’s insane. Pero ayoko nang masaktan, Terrence. Ayoko nang magkaroon pa siya ng pagkakataon na saktan at ipahiya uli ako. Ayoko na,” inabot niya ang kamay ng pinsan at nagma-makaawang tiningnan ito. “You don’t need to pretend like a real husband, Rence. Sapat na ang nasa tabi kita. Parang-awa mo na.” Marahas na napabuntong-hininga si Terrence. “Zel, hindi ko alam kung tama ba itong mga ginagawa mo,” tiningnan siya nito, hindi maitatanggi ang pagkaawang nasa mga mata ng pinsan. “You still love him, that’s very obvious. Pero gusto mo siyang itulak palayo. Hindi ko talaga maintindihan kayong mga babae.” Malungkot siyang napangiti. “Umiiwas lang akong masaktang muli. Pero… pero kung hindi mo gusto, ayos lang. Maghahanap na lang ako ng ibang lalaki na maaaring magpanggap.” Napapikit si Terrence at napahawak sa ulo. “Sa tingin mo ba, hahayaan kitang basta na lang kumuha ng ibang lalaking magpapanggap na asawa mo?” Iminulat nito ang mga mata at seryosong tumingin sa kanya. “I can’t promise na lagi akong nasa tabi mo tuwing kailangan mo ng magpapanggap pero susubukan ko. Alam mo naman na may mga bagay rin akong kailangang asikasuhin,” ngumiti pa ito. Ipinaikot ni Liezel ang mga mata. “Your women,” umiling siya. Ilang sandali lang ay tumayo na siya. “Thank you, cousin, for listening. Salamat na rin sa pagtulong na gagawin mo kung sakaling lumapit pa sa akin si Kyle. Hinihiling ko na sana ay hindi na.” Tinitigan lang siya ng pinsan, tila inaalam ang tunay niyang nararamdaman. “Sana lang ay maging masaya ka na ng tuluyan sa desisyon mong ito, Zel. Hindi ko na gustong makitang umiiyak at nasasaktan ang paborito kong pinsan,” muli itong ngumiti para pagaanin ang pakiramdam niya. Ginantihan niya ang ngiti nito subalit hindi iyon umabot sa mga mata niya. “Titingnan ko lang kung gising na si Pao,” paalam niya kay Terrence. Habang naglalakad patungo sa kuwarto ng pamangkin ay hindi niya naiwasang itanong sa sarili kung iyon nga ba ang gusto niya, kung iyon nga ba ang hinihiling niya. Nais niya na ba talaga na tuluyan nang malayo at makalimutan si Kyle? Magiging masaya ba talaga siya kapag nangyari iyon?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD