BEBE’S POV
“BEBE!”
Paglingon ko sa tumawag sa aking likuran ay na-sight ko si Jiro. Napasimangot ako. Nagpatuloy ako sa pagrampa habang may bitbit na maliit na timba na may laman na mga pako, martilyo at lagari. Kasabay ko si Majamba sa paglalakad at may dala siyang malalapad na plywood. Todo-todo na ang pawis niya sa mukha dahil kainitan ng sikat ng araw. Aayusin na kasi namin today ang lugawan kaya may dala kaming mga ganito.
At dahil si Jiro na tambay iyon na dead na dead sa aking kagandahan ay hindi ko siya pinansin.
“Hoy, Bebe!” kalabit sa akin ni Majamba. “Tinatawag ka ni Jiro, oh!”
“Wala akong naririnig, Majamba. Wala!”
“Magtanggal ka ng tutuli! Grabe ka talaga kay Jiro. Cute naman siya and you’re lucky na ikaw ang nililigawan niya.”
“Wala akong pake! He’s not my type! Kung suto mo, sa’yo na lang siya.”
“Kung pwede nga lang, eh! Hmp! Naku, Bebe, nakasunod pa rin siya sa atin, oh!” Kinikilig na turan ni Majamba.
“Bebe! Bebe! Bebe!’ habol na tawag pa rin ni Jiro.
“`Wag kang lilingon. `Yang pagbubuhat ng plywood ang atupagin mo!”
“Bebe!”
At ganoon na lang ang gulat ko nang hawakan ako ni Jiro sa aking likod. Sa sobrang gulat ko talaga ay nabitwan ko ang timba at kumalat ang mga pako na laman niyon. Naiinis na nilingon ko si Jiro at binigyan siya ng masamang tingin.
“Tingnan mo ang ginawa mo, Jiro! Bakit ka ba tawag nang tawag, ha?!” sigaw ko sa kanya.
Nakakabwisit naman kasi talaga itong si Jiro. Super. As in!
Hindi naman siguro siya manhid at hindi niya nafe-feel na hindi ko siya bet dati pa. Hindi ako magkakagusto sa tambay like him, `no? And besides, meron na akong forever—ang super gwapo at macho na si Super Jiro.
“Sorry talaga, Bebe! Gusto ko lang naman kayong tulungan sa pagdadala,” anito.
“Tulungan? Sa tingin mo, natulungan mo kami sa ginawa mo? Go away ka na nga!”
Yumuko ako para kuhain ang mga pako at ibalik iyon sa timba pero dahil yumuko din si Jiro para tulungan ako ay nagkauntugan pa kami. Natumba tuloy ako.
“Anubeee?!” inis na sigaw ko. “Umalis ka na kasi, Jiro! Alam ko naman na gusto mo ako dahil maganda ako pero I don’t like you dahil tambay ka. And besides, may boyfriend na ako. Naririnig mo ba? Do you hear me? May boyfriend na ako!”
Biglang natigilan si Jiro sa sinabi ko. Nakonsensiya naman ako bigla nang mapansin ko na parang na-hurt siya sa sinabi ko. Hindi naman ako bad pero kailangan ko na talaga siyang tapatin para tigilan na niya ako. Ang hirap talagang maging pretty, ang daming nagkakagusto. Hmp!
Tumayo na si Jiro at walang imik na umalis.
Bakit ganito? Parang naawa naman ako sa ginawa ko sa kanya?
Pinitik ako ni Majamba sa noo. “Grabe ka talaga, Bebe! Tingnan mo ang ginawa mo kay Jiro. Broken hearted `yong tao!” Iiling-iling na sabi pa niya.
“Eh… Hayaan mo nga siya! Tara na nga at nang matapos na tayo.”
“Pero, wait… Totoo ba `yong sinabi mo na may boyfriend ka na? Is it real o sinabi mo lang iyon para ma-hurt ang feeling ni Jiro?”
“Totoo `yon!”
“Ha? Bakit hindi ko man lang alam?! Magkwento ka!”
“Mamaya na, pwede?” Bigla akong kinilig nang wala sa oras.
“Ay! Pabebe much?” natatawang sabi ni Majamba.
PUKPOK here… Pukpok there.
Super pagod na talaga ako sa pagtatayo ulit ng lugawan namin ni Majamba. Pero inspired ako dahil kay Super Jiro.
“Hawakan mo nang maayos `yang pako, Majamba,” sabi ko sa aking friend.
Lalagyan na kasi namin ng dingding na plywood ang aming maliit na lugawan. Hawak ko ang martilyo habang pako naman ang kay Majamba.
“Ingat ka, ha. Baka mapukpok mo ang bagong linis at nail polished kong kuko, ha. Careful, Bebe!” paalala pa niya sa akin.
“Yes! Don’t worry, Majamba, keri ko ito.”
“Oo nga pala, Bebe, ikwento mo na sa akin `yong sinasabi mong boyfriend— Aray kooo!!!” sigaw ni Majamba nang aksidente kong mapukpok ang kanyang daliri.
“Naku, sorry, sorry! Ang likot mo kasi, eh!”
“Ako pa talaga ang malikot? Eh, ikaw nga diyan ang parang hindi mataeng pusa na kinikilig diyan? Sino ba talaga `yang jowa mo, ha? Ikwento mo na kasi!”
Inirapan ko siya at ipinagpatuloy ang pagpukpok. “Hindi ko alam kung maniniwala ka, pero… boyfreind ko na si Super Jiro! Kami na kagabi pa!” Impit na napatili ako sa sobrang kilig.
“Nilalagnat ka ba, Bebe? O baka baliw ka na? Si Super Jiro? Jowa mo—Araaay!!!”
Napukpok ko na naman siya.
“Bakit parang ayaw mong maniwala? Haay… siguro naiingit ka lang kasi pinapantasya mo si Super Jiro. Pero, sorry ka na lang, Majamba, dahil he’s mine now!”
“Sige na, sabihin na nating jowa mo nga si Super Jiro. Eh, ang tanong ko lang naman ay kailan ka magigising diyang sa ilusyon mo na—Araaay!!! Sianasadya mo na yata, ha!”
“Hoy, hindi, ah! Ang laki lang kasi ng daliri mo kaya napupukpok ko. Sorry nemen… At saka, hindi ako nag-iilusyon. Boyfriend ko na talaga siya. Siya pa nga ang nagtapat sa akin na mahal niya ako, eh. Alam mo, wala kang kwentang kaibigan. Hindi ka naniniwala sa sinasabi ko. So sad!”
“Hindi naman kasi kapani-paniwala ang sinasabi mo, Bebe! Sige nga, kung boyfriend mo talaga siya, papuntahin mo siya dito. Now na! At dapat papatunayan niya `yang sinasabi mo sa ‘kin—Araaay!!!”
Binitawan ko na ang martilyo saka umayos ng tayo. Mangiyak-ngiyak si Majamba dahil kulay ube na ang kanyang daliri na super nabugbog ng martilyo. Hmm… Sinusubukan talaga ako ng Majamba na ito. Tatawagin ko talaga si Super Jiro. Papatunayan ko sa kanya na hindi ako nagbibiro sa sinabi ko sa kanya! Saka, oo nga pala, magpapatulong ako sa kanya na gawin itong lugawan.
“Peste ka, Bebe! Tingnan mo ginawa mo sa beautiful fingers ko!” mangiyak-ngiyak na sabi niya.
“Sorry na nga, eh. Wait ka lang at tatawagin ko ang aking boyfie and my forever na si Super Jiro!”
Malakas na tumawa si Majamba.
Sige lang, pagtawanan mo lang ako. Mapapahiya talaga itong si Majamba kapag pinuntahan ako dito ni Super Jiro.
Nag-ready na ako sa pagtawag sa kanya…
“Super Jirooo!!!” Malakas kong tawag sa kanya. “Suuuper Jirooo!!!”
Nakailang beses ko siyang tinawag, hanggang sa may magsalita sa likuran namin.
“Tinatawag mo ba ako, Bebe?”
May ngiting pabebe na lumingon ako. Pero bigla akong napasimangot nang imbes na si Super Jiro ang naroon ay si Jiro lang pala. Kainis nemen!