BEBE’S POV
“SUPER Jirooo! Super Jirooo!” panay ang sigaw ko sa pangalan ng aking superhero’ng boyfriend pero halos isang oras na akong nagsisigaw ay hindi pa rin siya dumarating.
Panay naman ang trabaho nina Majamba at Jiro para matapos na ang lugawan.
Nakakainis naman!
Eh, kasi si Super Jiro ang tinatawag ko pero si Jiro naman ang dumating. Hindi ko na siya pinigilan nang magprisinta siya na tutulong siya sa paggawa ng lugawan. Kailangan din naman kasi naman ng tulong mula sa isang lalaki para mapabilis ang opening ng aming negosyo.
Disappointed ako, super!
“Super Jiro! Super Jirooo—Aray ko!” igik ko nang bigla akong sabunutan ni Majamba. “Hoy! Bakit mo ako sinabunutan? Baklang `to!”
“Mukha ka nang tanga diyan, Bebe! Tulungan mo na lang kami ni Jiro, okey? Kesa mamaos ka diyan kakatawag sa imaginary boyfriend mo!”
“Excuse me! Hindi ko imaginary boyfriend si—“
“Oo na. Oo na. Halika ka na at tumulong ka na. Para bukas ay makapagsimula na ulit tayo.”
Super sad ako dahil hindi man lang dumating si Super Jiro para patunayan kay Majamba na boyfriend ko siya. Ayokong magtampo sa kanya kaya inisip ko na lang na baka may inililigtas siya o hindi kaya ay tinutulungan na tao.
Maya maya nga ay katulong na rin ako nina Jiro at Majamba. Puro ligaw-tingin sa akin si Jiro the whole time at puro irap naman ako sa kanya. Akala niya siguro ay makukuha niya ako sa pagpapa-cute at pagiging helpful niya, ha! Sorry na lang siya dahil may Super Jiro na ako sa aking heart. Hihi!
“THANK you talaga, Jiro! Dahil sa’yo ay natapos namin itong lugawan in just one day!” Todo-yakap pa talaga si Majamba kay Jiro habang nagpapasalamat ito sa lalaki.
Hindi ko kayang tingnan nang matagal ang ginagawa ni Majamba. Naaalibadbaran ako, eh! Pabebe na din ang kaibigan kong beki na mataba. Hindi naman bagay. Ako lang kasi ang may karapatan na magpabebe dito sa Brgy. Taktak at wala nang iba, `no!
“Wala `yon… Saka masarap naman `yong banana cue na niluto ni Bebe kanina. Sulit na sulit ang pagod ko.”
Pero, in fairness naman kay Jiro, kahit tambay siya ay marunong siya na magkarpintero. Mas mukhang matibay na ang aming lugawan ngayon kesa noong kami lang ni Majamba ang gumawa. Sa tingin ko ay mahihirapan na sina Baklang Uod at Baklang Biritera na sirain ito ngayon.
“Oh, siya… Tama na `yan. Lets go home na at medyo pagabi na rin,” sabi ko.
“Hindi ka man lang ba magpapasalamat kay Jiro?” ani Majamba.
Sumimangot ako at tumingin kay Jiro. “Thank you,” tipid kong sabi sa kanya.
“Walang anuman, Bebe. Basta, ikaw!”
“Jiro, tatapatin na kita, ha. I don’t like you kaya sana `wag kang kaasa sa akin, okey? Tara na, Majamba.”
Mas okey na honest, `di ba? Kesa naman sa paasahin ko siya. Masheket kaya `yon…
JIRO’S POV
ISANG malalim na paghinga ang pinakawalan ko habang sinusundan ko ng tingin ang papalayong sina Bebe at Majamba. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako sa mga nangyari ngayon? Matutuwa ba ako kasi proud si Bebe na boyfriend niya si Super Jiro o malulungkot dahil kapag si Jiro pala ako ay hindi niya ako gusto?
Ang hirap naman ng sitwasyon na ito! Parang nakakasira ng ulo.
Pero ayos na rin siguro ito. Atleast, kapag si Super Jiro ako ay girlfriend ko naman si Bebe.
Nang mawala na sina Bebe sa paningin ko ay saka ako nag-umpisang maglakad pauwi. Panigurado na hinahanap na ako ni Tito Ador at pagabi na rin. Wala pa sigurong sinaing sa bahay. Pero nakakailang hakbang pa lamang ako nang bigla akong may marinig na parang kaguluhan…
“Magbabayad ka ba ng utang mo o hindi?”
“Eh, wala nga akong pera ngayon! Sa susunod na lang!”
“Sa susunod?! Puro ka sa susunod! Kung hindi ka magbabayad, pwes, iba na lang ang kukunin kong bayad!”
“Hoy! Ano `yan?! Bakit may kutsilyo ka?!”
Ganoon na lang ang kaba nang marinig ko ang usapan ng dalawang lalaki na nagtatalo na nasasagap ng aking super hearing. Isa sa mga lalaking iyon ay si Tito Ador. Hindi ako pwedeng magkamali, nasa panganib siya!
Agad akong humanap ng lugar kung saan walang makakakita kapag naging si Super Jiro ako. Sa likod ng isang bahay ako pumunta at doon ko isinuot ang singsing.
“Super Jiro!” sigaw ko at naging si Super Jiro na ako.
Nag-concentrate ako upang malaman ko ang eksaktong kinaroroonan ni Tito Ador. `Ayon! Nakikita ko na. Nasa harapan siya ng isang tindahan na malapit sa bahay namin. Agad akong lumipad doon pero mukhang huli na ang lahat dahil nakabulagta na sa lupa si Tito Ador habang sapo nito ang dumudugong tiyan. Sa harapan niya ay may isang lalaki na may hawak na kutsilyo.
“Sinasabi ko na sa’yo na magbayad ka, Ador! Ang mga taong tumatakbo sa utang ay dapat lang na mamatay!!!” sigaw ng lalaki.
Akmang sasaksakin ulit ng lalaki si Tito Ador pero ginamit ko ang super speed at mabilis kong naiharang ang aking katawan sa katawan ng aking amain. Kaya naman sa likod ko tumama ang kutsilyo pero hindi niyon ako nagawang sugatan.
Humarap ako sa lalaki at takot na takot siyang napaatras habang hawak ang nabaling kutsilyo.
“S-super Jiro!” nanginginig na sabi ng lalaki.
“Kung may utang sa’yo ang isang tao, hindi ka niyon binibigyan ng karapatan na patayin siya,” aniya. Dinaklot ko ang lalaki sa batok at sa pamamagitan ng aking super speed ay dinala ko siya sa isang presinto.
Gulat na gulat ang mga pulis na naroon.
“Ikulong niyo ito sa kasong attempted murder!” mabilis kong sabi.
Muli kong ginamit ang aking super speed upang makabalik agad kay Tito Ador. Nakabulagta pa rin siya sa lupa at marami na ang dugo na nawala sa kanya. Iniunan ko siya sa aking hita at tinapik-tapik ang kanyang pisngi.
“Tito Ador! Tito Ador!” Pero wala na akong nakuhang sagot sa kanya.
Kinakabahan na ako pero nagkaroon ako ng konting pag-asa nang malaman ko na may pulso pa siya. Kailangan ko na siyang dalhin sa hospital bago mahuli ang lahat!
MABILIS kong nadala si Tito Ador sa hospital at dahil nasa anyong Super Jiro ako ay sumunod agad ang mga nurse at doktor nang sabihin ko sa kanila na unahin na nila ang dala kong pasyente. Nang masiguro kong aasikasuhin na siya ng mga doktor ay agad akong pumunta sa likod ng ospital at doon ay bumalik ako sa pagiging Jiro.
Pumunta agad ako sa loob ng ospital at doon ay sinabi sa akin ng doktor na kailangan ni Tito Ador na masalinan ng dugo. Type AB daw at wala daw sila noon sa kanilang ospital. Kung kukuha pa daw sa ibang ospital ay baka matagalan at iyon ang maging sanhi ng kamatayan ng Tito Ador ako.
Walang pagdadalawang-isip na nagpa-test ako at sa awa naman ng Diyos ay magka-blood type pala kami.
Ako ang nag-donate ng dugo kay Tito Ador.
Habang nakatingin ako sa kanya, habang dumadaloy sa maliit na tubo ang dugo ko papunta sa kanya ay wala akong nakikita kundi ang lalaking minahal ng aking tunay na ina. Kahit na walang ginawa si Tito Ador kundi pagmalupitan ako ay wala akong ibang naisip kanina kundi ang iligtas ang buhay niya…
Sana naman ay malampasan ito ni Tito Ador.
Sana…