JIRO’S POV
“HELLO, Bebe!” bati ko kay Bebe nang makita ko siya na may bitbit na basket na puno ng mga pinamili niya. Galing yata siya palengke. Ala-siyete na nang gabi kaya madlim na sa daan.
Dahan-dahan akong bumaba sa lupa dahil nakalutang ako.
Nasa anyong Super Jiro ako.
Nagtaka ako nang imbes na matuwa siya nang makita niya ay ako ay sumimangot siya at nilampasan lang ako. Bakit naman ganoon ang reaksiyon niya? Hindi ba niya ako na-miss? Isang linggo rin kaming hindi nagkita, ah.
“Bebe, sandali!” Hinabol ko siya at hinarangan ang kanyang daraanan kaya napahinto na siya sa paglalakad.
“Tumabi ka nga diyan, Super Jiro!” aniya sabay irap.
“Ha? May problema ba? Bakit naman ang sungit mo sa akin?”
“At talagang nagtanong ka pa? Isang linggo kang hindi nagpakita sa akin tapos nagtataka ka pa kung bakit ako masungit sa’yo? Hmp!”
Ah… Mukhang nagtatampo pala.
Kaya naman kasi hindi ko nagawang magpakita sa kanya ay dahil isang linggo rin akong nagbantay kay Tito Ador sa ospital at kahapon lang siya nakalabas. Mabuti na lang at may PhilHealth siya at tinulungan kami ni Mayor kaya nakabayad kami sa bayarin. Ayun, nakakatuwa lang na nang malaman ni Tito Ador na ako ang nagdonate ng dugo sa kanya para siya ay mabuhay, bigla siyang bumait sa akin. Sabagay, utang niya sa akin ang buhay niya.
Wala na akong problema kay Tito Ador ngunit mukhang kay Bebe ay meron.
“Sorry naman, Bebe… Alam mo naman na superhero ako at may obligasyon ako sa mga tao dito sa Brgy. Taktak.” Bigla akong nakonsensiya sa pagsisinungaling kong iyon. Hindi ko naman pwedeng sabihin na nagbantay ako kay Tito Ador dahil mabubuko niya na ako si Jiro.
Seryosong tumingin si Bebe sa akin. “Alam ko naman `yon, Super Jiro, pero sana hindi mo nakakalimutan ang obligasyon mo sa akin bilang boyfriend kita! Tabi ka nga diyan!” singhal niya.
Oo, guilty ako sa sinabi niya. At mukhang kailangan kong bumawi sa kanya.
Bigla ko siyang niyakap sa kanyang beywang at inilipad ko siya. Dinala ko siya doon sa rooftop ng building kung saan niya ako sinagot.
“Hindi mo ako madadala sa ganito, Super Jiro! Galit ako sa’yo!” sabi ni Bebe nang maibaba ko na siya.
“Bebe, sorry na. Hindi na mauulit. Hayaan mo babawi ako sa susunod… Magde-date tayo dito bukas!” nakangiti kong sabi.
Tiningnan niya ako sa mukha at isang pabebeng smile ang binitiwan niya. Maarteng pumadyak si Bebe sabay takip ng dalawang kamay sa kanyang magandang mukha. “Kainis naman, oh! Hindi kita matiis, Super Jiro!” Tinanggal na niya ang kamay niya sa mukha at hinampas ako sa dibdib. “Nakakainis ka! Hindi mo ba alam na isang linggo akong nag-aalala sa’yo dahil wala ka man lang paramdam? Tapos, tinatawag kita noong gumagawa kami ng lugawan, hindi ka dumating!”
Niyakap ko siya nang mahigpit at hinalikan ang kanyang ulo.
Hindi talaga ako darating noong gumagawa sila ng lugawan dahil naroon na ako. Bilang Jiro nga lang. Hehe…
“Sorry talaga, Bebe. Pinapatawad mo na ba ako?”
“Oo na! Basta, `wag nang mauulit. Hindi ko naman dini-demand na every hour ay magkasama tayo. `Yong kahit konting oras lang sa isang araw, malaman ko lang na okey ka. Every minute nag-aalala ako sa’yo dahil alam ko na kung anu-anong panganib ang hinaharap mo…” Napangiti naman ako sa pag-aalala niyang iyon.
Haay… Sana ay nasasabi niya rin `yan sa akin kahit si Jiro ako.
Bigla ko tuloy naisip, ano kaya ang mangyayari kapag sinabi ko kay Bebe na ako at si Super Jiro ay iisa?
“Ang sarap mo talagang magmahal, Bebe! `Wag mong kakalimutan `yong date natin bukas, ha? Ganitong oras, susunduin kita sa bahay niyo,” sabi ko.
“Sure. Magpapaganda ako nang super para sa’yo bukas!” kinikilig na sagot ni Bebe.
BEBE’S POV
THIS is it! This is the night!
Official first date na namin ni Super Jiro at super excited talaga ako. Isang cute na pink dress ang suot ko at malaking pink na ribbon ako sa aking buhok. Tapos flat shoes na pink din. Pink lady ang peg ko. Pati lipstick ko ay pink din with light make-up din para super pretty talaga ako tonight. Para mas lalo akong mahalin ni Super Jiro ko! Hihi…
“Oh, Bebe, bakit bihis na bihis ka? Aattend ka ba ng JS Prom?” tanong ni Mommy Chanda sa akin habang palakad-lakad ako sa bahay namin. Hindi na kasi ako mapakali kasi alam ko anytime ay darating na ang superhero kong boyfie.
“Mommy, may date ako… with my boyfriend,” nahihiya kong sagot.
“Boyfriend?! May boyfriend ka na? Bakit hindi ko naman yata alam?” gulat na gulat talaga si Mommy Chanda.
Fli-nip ko ang hair ko. “Yes, mommy. Actually, wala pa naman kaming isang buwan saka hindi ko kasi sure kung maniniwala kayo sa akin kaya hindi ko agad sinabi sa inyo. Pero tonight, darating siya dito at susunduin ako kaya mami-meet niya siya!”
Nagtitili kaming dalawa ni Mommy Chanda. Talagang magkasundo na kaming mag-mother, `di ba?
“Gano’n ba? Eh, sino naman `yang lalaki na iyan, ha, anak? Baka naman kung sino lang na tambay `yan, ha.”
“Mommy, hindi po ako papatol sa tambay. Eeww!” Si Jiro agad ang naisip ko nang sabihin ko iyon. “Saka, hindi po basta-basta itong boyfie ko. He’s extraordinary po!”
“Extraordinary? Ano siya, superhero?”
Napahagikhik ako. “Lets see na lang po pagdating niya, mommy!”
Umupo muna ako sa upuan dahil medyo nakakangalay nang tumayo.
“Excited na akong makilala ang boyfriend mo, anak. Diyan ka muna at maghuhugas lang ako ng pinagkainan natin. Basta kapag `andiyan na ang boyfriend mo, tawagin mo ako, ha.”
“Yes na yes naman po!” sagot ko at nagpunta na siya sa may lababo para hugasan ang mga pinagkainan namin for dinner.
After one hour ay hindi pa rin dumadating si Super Jiro. OMG lang, ha. Eight o’clock na pala ng gabi pero wala pa rin siya. Baka naman nagpapa-pogi pa para sa akin. Ayiiieee! Excited na talaga akong makita siya! Ang kailangan ko lang sigurong gawin ay maghintay. Darating din siya…
“BEBE… Bebe… Bebe!” Ang mahihinang tapik sa pisngi ko ang gumising sa akin.
“Super Jiro!” Bigla kong sabi nang magising ako. Natabig ko pa ang limang tasa na nasa maliit na mesa sa harapan ko. Mabuti na lang at hindi nabasag. Nakatulog na pala ako dito sa upuan kakahintay kay Super Jiro at hindi umumbra ang limang tasa ng kape para maging wide awake ako.
Imbes na si Super Jiro ay si Mommy Chanda ang nakita ko. Medyo disappointed ako.
“Lumipat ka na sa higaan mo, Bebe. Mangangawit ka diyan…” aniya.
Uminat ako. “A-anong oras na po? Dumating po ba `yong boyfriend ko, mommy?”
Umiling siya. “Walang dumating na kahit na sino. Mukhang inindian ka, ah. Sige na, bukas mo na `yan problemahin. Alas-onse na ng gabi…”
Sinunod ko na lang siMommy Chanda. Laglag ang balikat na nagpalit na ako ng damit pambahay at naghilamos para maalis ang make-up sa aking pretty face. Namumuro na talaga sa akin si Super Jiro! Dati one week na hindi nagparamdam tapos ngayon hindi pa siya sumipot sa date namin.
Hmp!
Nakakainis! Nakakainis!!! Super!
Aawayin ko talaga `pag nagkita kami. Humanda siya!
TAWA lang nang tawa si Majamba nang ikwento ko sa kanya ang hindi pagsipot sa akin ni Super Jiro sa date namin sana kagabi. Wala pang kumakain sa lugawan namin dahil kakabukas pa lang naman. Kaya super chika pa kami.
“Hala ka talaga, Bebe! Asa ka pa kasi! Sa panaginip mo lang naman boyfriend `yang si Super Jiro, niloloko mo lang ako. At `yang date-date niyo sa rooftop na sinasabi mo ay isang malaking imbento!” Binelatan pa niya ako at gustung-gusto kong hilahin ang dila niyang pang-aasar sa akin.
Inirapan ko na lang siya. “Ewan ko sa’yo! Kakainin mo lahat sinasabi mo, Majamba. Oras na mapatunayan ko na boyfie ko talaga si Super Jiro ko!”
“At ano na namang gagawin mo, Bebe? `Wag mong sabihin na magtatawag ka na naman diyan kay Super Jiro. Mukha ka kayang baliw no’ng last time na tinawag mo siya pero hindi naman dumating!” sabay tawa niya ulit.
Haay… Hindi na nga lang ako magsasalita tutal naman ay akala talaga ng kaibigan kong pig ay ilusyunada lang ako. Hmp! Makakakita rin ako ng chance para ipakita kay Majamba na jowa ko talaga si Super Jiro.