Chapter 2

2015 Words
Tumawa na lamang si Cara at bumitaw sa pagkakahawak ni Zian, “Ikaw ha. Kanina ka pa. Anong hangin ba ang tinitira mo? Sa pagkakatanda ko naman ay hindi kita nauututan ngayong maghapon.” Imbes na sumagot ay naglakad si Zian palapit sa tumpukan ng mga mangingisdang katatabi pa lamang ng sasakyang bangka. Sumunod si Cara sa likuran nito. “Manong Hulyo. Magandang hapon po. Kamusta ho ang huli?” “Ay Sir Zian, ok lang ho,” “Manong...mamaya pag nagkilo-kilo, ipagtabi mo ako ng tatlo ha.” Ngumisi ang mangingisda, “Nako niligawan mo na po si Mam Cara? Sa wakas.” “Hala, issue si Manong Hulyo. Naaawa na naman ho yan.” Sabat ni Cara saka bumaling kay Zian. “Ikaw pag pinagalitan ka ni Tita.” “Matanda na ako, Cara. Di na ako bata para diktahan nila kung sino ang gusto kong kasama. Halika kana...Manong Hulyo, balik na lang ho kami mamaya.” Hinawakan na ulit ni Zian ang braso niya at inakay papunta sa bahay ng tita nito. “Zian!” bati ng tiyahin nito nang salubungin sila nito. “Tita, happy birthday po. Kasama ko po si Cara.” “Kamusta na iha? Buti naman nakasama ka. Ang tagal na kitang gustong makita. Halika, pasok, kain kayo.” Nagmano at yumakap naman agad si Cara rito pero pilit ang mga ngiti niya. “Salamat po. Happy birthday po.” Bandang alas-sies na ng gabi nang makauwi si Cara. Habang naglalakad paakyat sa kanilang bahay ay di niya mapigilang maiyak. “ATE!” Magiliw na salubong ni Boching kaya agad niyang pinunas ang mga luha para di makita ng kapatid. “Sorry, nalate si Ate ng uwi. Kumain na ba kayo? May pasalubong ang Ate.” “Ano po yan, Ate?” “Masasarap na pagkain. Dali, tara sa loob nang makapaghain,” “Yehey! Sa wakas makakakain rin ng masarap.” Tanging lampara at ilaw mula sa kandila ang nagbibigay ng liwanag sa kanilang munting kubo. “Nay, andito na ho ako.” Pagkababa sa mga pagkain ay nagmano si Cara sa ina na abala na agad sa pagbabalot ng mga sumang ilalako bukas ng umaga. “Anak, ano yang mga dala mo?” Napalunok si Cara bago nakasagot, “Ah...bigay ho ni Zian. May anim na kilo diyang isda saka ilang mga pagkain na galing naman ho sa birthday ni Tita Marjorie.” Malungkot na ngiti ang gumuhit sa mga labi ng ina ni Cara. “Mabuti na lamang at kahit ganito ang estado ng buhay natin, nanatiling kaibigan si Zian sayo.” “Kaya nga ho. Isang mabuting kaibigan.” Ramdam ang bigat sa mga salita ni Cara. “Siya, ihain mo na yan nang makakain ang kapatid mo. Mamaya-maya na ako. Ikaw ay kumain na rin dahil alam kong pagod ka,” “Mamaya na rin lang ho ako. Lilinisan ko po muna itong mga isda at nang maibilad bukas.” Sabik na isinalin ng magkapatid ang mga naka supot-supot na pagkain sa mga plato at mga tasa. “Aba, at nakauwi ka na pala!” Natigil sa pagsasalin ng ulam si Caraat takot na bumaling ang tingin sa ama. Agad na tumayo ang kaniyang ina at sinalubong ang ama. “Roger, magpahinga ka na sa taas. Halika ka na, pupunasan kita bago matulog.” “Ikaw, wag kang makialam rito! Kakausapin ko pa si Cara, umalis ka diyan sa harap ko,” singhal nito sa kaniyang ina. “Cara, nasaan ang perang pinapahiram ko?” Dali-daling hinunot ni Caraang limang-daan sa bulsa at iniabot sa ama. “Tay...w-wala rin...daw ho s-sina Ate.” Nilukot ng kaniyang ama ang pera at tinapon. Galit itong lumapit kay Caraat inalis ang sinturon na suot. “Ikaw na bata ka, ako pa ang pagsisinungalingan mo! Ilabas mo yong pera.” Umamba ito ng palo pero agad na humarang ang kaniyang ina. Lumahid ang sinturon sa likuran nito. "Tay! Nagsasabi ho ako ng totoo," iyak ni Cara. "Roger, pakiusap, tama na," daing ng ina ni Cara at niyakap siya ng mas mahigpit para protektahan sa ama. Pero imbes na makinig, humagupit na naman ito. “Roger, tama na.” hagulgol ng kaniyang ina. “Tay, wala ho. Yan lang po talaga ang binigay ni Ate.” Daing ni Cara. Nabaling ang tingin ng kaniyang ama sa mga pagkain sa mesa, “Ano ang mga ito? Dito mo naubos ang pera?” Nanginginig ang mga labi ni Carahabang nangingilid ang mga luha, “Hindi ho, Tay.” “Bwisit talaga!” Sa isang iglap, parang mga dumi lamang na nagsitalsikan ang mga pagkain pagkatapos na hawiin ng ama sa galit. Napatakbo si Boching sa likuran ni Cara sa takot. Tuluyang tumulo ang mga luha ni Cara at nanginginig na lumuhod para damputin ang mga pagkain. “Bakit ka ganiyan, Tay? Gustong...gusto kong magalit, pero hindi ko po magawa. Puro ka po inom tapos lahat ng dismaya niyo sa buhay, samin niyo binubuhos. Ang daya Tay, sobrang daya. Pero di ko naman ho kayo masisi, dahil alam ko naman hong naduduwag ka lang harapin ang totoong kalagayan ng buhay natin. Ang totoong kalagayan natin na kung hindi pangarap ay dahil lamang sa awa kaya tayo nakakaraos sa isang araw. Ang sakit na kung hindi pangmamaliit ay matinding awa lamang ang tanging tingin satin ng mga tao. Ang sakit na hindi niyo naman ho sinasadya na magkaganito ang lahat dahil nadala kayo ng mga damdamin niyo, na hindi kayo handa noong ginawa niyo kami.” Galit na tumalikod ang kaniyang ama at umakyat sa kwarto saka sinara ang pinto dahil wala nang nasabi. “Anak.” Labis na ang pag-iyak ng kaniyang ina nang subukan siya nitong yakapin ulit pero tumanggi siya. “Hindi Nay, ok lang po ako. Hugasan ko na lang ho itong mga ulam tapos lulutuin ko na lang ho ulit para siguradong malinis.” Mahigit alas-nueve na ng gabi at gising pa rin si Cara. Matapos ang mainit na usapan sa ama kanina ay di niya magawang makatulog. “Anak, hindi ka pa ba matutulog?” “Hindi pa po Nay. May assignment pa po ako. Matulog na po kayo, ako na po ang magbabantay ng suman. May niluluto pa rin naman po ako.” Sinabay narin niya ang pagtigang sa mga isda na bigay ni Zian para maibilad kinabukasan. “Anak, nga pala. Lagi mo lang pakatatandaan na magkaiba ang pagmamahal sa awa. Piliin mo iyong tao na titingnan kang sapat kung sino ka.” Hindi mapigilan ni Cara na malungkot. Totoo ngang di kailangan magsabi sa magulang, alam na nila. “Salamat Nay.” Habang nakaupo sa labas ng kubo, katapat ng tungko nila at gumagawa ng assignment, diretso ang pakinig niya sa paboritong istasyon sa radyo. Iyon ang libangan niya sa tuwing matatagalan na tumulog sa gabi. Merong magagandang kwentong pag-ibig at kwentong buhay ang hatid ng istasyong iyon. “Tsk! Mas mahirap pa diyan ang kwento ng buhay ko.” Ngingisi-ngisi at iiling-iling na bulong ni Cara sa sarili habang ninananaw ang sinusulat sa notebook. “At dahil malapit na ang pasko, hindi pa dito nagtatapos ang episode nating ngayong gabi. Lahat ng mga tagapakinig na nais magbahagi ng mga kwento nila ay libre lamang ang tawag, walang babayaran.” Turan ng dj ng istasyon. Natigil sa pagsusulat si Cara at kinuha ang lumang cellphone na ginagamit sa kwarto nilang magkapatid para maka contact sa mga kapatid. Gustong-gusto niyang ilabas ang damdamin pero naisip niyang hindi naman maaari sa ina o sa mga kapatid niya dahil baka makadagdag pa siya sa mga isipin nito. Dali-dali siyang nag-dial at wala pang ilang segundo ay may sumagot na nga. “He-hello po?” “Hi. Si Dj Vera ito. Ikaw ang maswerteng caller natin ngayong gabi.” “Ang galing. Totoo nga,” “Ah totoo talaga to. Pwede mo nang ibahagi sa amin ang kwento mo. Pero bago yon, anong pangalan mo?” “Ako po si Caranova Lavero, Cara ang tawag sakin ng karamihan, bente-singko taong gulang. Taga Isla Kordero po, baryo Humilapan, sa bundok ho.” “Ay bongga, binigay na ang buong impormasyon. Bukas usap-usapan ka ng mga kakilala mo, ikaw rin,” “Malabo ho siguro. Masyado na hong makabago ang panahon ngayon, himala na ho kung may mga kasing edad ako na nakikinig pa ng radyo, o alam manlang na may gamit na ang tawag ay radyo,” “Sabagay Cara, may point ka naman. Sige, simulan mo na ang kwento mo.” “Sige ho. Sa edad ko pong ito ay ni minsan di pa po ako nagka-boyfriend. Pero hindi po dahil sa walang nanliligaw o dahil sa ginusto ko, kundi ang lalaking matagal ko ng mahal, walang araw na hindi niya ako tiningnan ng puno ng awa.” “Aww. Bakit naman?” “Si Zi po, bestfriend ko siya simula pagkabata. May kaya ang pamilya nila kumpara sa amin na talagang sobrang hirap. Ni kuryente ay wala po kami. Ito nga hong cellphone na gamit ko ay cellphone lang po na di-keypad na ginagamit namin para makacontact sa mga kapatid ko sa luwasan. Ayon na nga ho, kahit mahirap pa kami sa mahirap, tinuring niya ako ng maayos. Inaalagaan, pinagsisilbihan, binibigay ang mga bagay-bagay kahit di ko hingin. Kaya nga sa sobrang bait niya sakin, napapatanong na ako kung normal pa ba o pwede ko na rin iassume na baka-sakali, kahit tutol na tutol ang pamilya niya sa pakikipagkaibigan namin, ay magustuhan niya rin ang kagaya ko. Mahalin ng higit pa sa kaibigan pero ngayong araw, isang araw na walang-wala na naman kami, ang umagahan namin kamoteng-kahoy at tuyo lamang, napagtanto ka na baka hindi pa nga ata umabot sa pagkakaibigan ang tingin niya sakin kundi isang babaeng nagpipilit sa buhay at dapat lang kaawaan. Binigyan niya ako ng anim na kilo na isda at ilang supot ng pagkain mula sa birthday ng kaniyang tiyahin. Para akong pinupunit habang nakatingin siya akin. Kung pwede lang maglaho ay ginawa ko na po.” Bumasag na ang boses ni Cara. “Pinilit ko pong pigilan ang sarili ko na kumbinsihin na malabo ang pagmamahal sa kagaya ko pero bakit...bakit meron pa rin sa puso ko ang naghahangad na sana...meron kahit isa na maligaw sa harapan ng bahay namin at susubukan akong mahalin.” “Grabe naman ikaw Cara. Pero hindi naman kita masisisi. Mahirap talaga ang lahat para sa mahihirap. Gusto kitang yakapin kung pwede lang eh. Ganito, sikapin mo makatapos...hahanap ako ng pwedeng sumuporta sayo sa abot ng makakaya ko at pag natapos ka na, hahanap tayo ng mapapagtrabahuhan mo, ok ba? Ano ba ang pangarap mo?” “Bukod ho sa maiahon ang pamilya ko sa kahirapan, gusto ko ho mabigyan ng kuryente ang baryo ko po. Kahit bumabagyo po ay di mamamatay ang mga ilaw.” “Maganda yan, maganda yan Cara. May mga pangarap ka. Malinaw,” “Opo naman po,” “Wala ka bang balak bumaba sa bundok?” “Kung magtatrabaho ay gagawin ko ho pero yong kung saan ho ako maninirahan, dito pa rin ho. Payapa lang ho dito at simple.” “Sige, sige. Good luck, Cara. We’ll keep in touch, ok? Ingat palagi. Salamat sa maiksi pero napakagandang kwento mo.” Pagkababa ng tawag ay nakaramdam si Cara ng kagaanan ng loob dahil sa wakas, nailabas niya rin ang mga saloobin na pilit niyang tinago ng matagal na panahon. Lumingon siya sa mga niluluto at nakitang paupos na ang apoy kaya’t tumayo na siya saka isinara na ang kawayang pinto sabay nagpasyang matulog. Mahimbing ang naging tulog ni Cara. Kaya’t ganon na lang ang gulat niya nang maalimpungatan sa kaguluhang nangyayari sa labas ng kanilang kubo kinabukasan. “Anong nangyayari? Sinong buntis?” Namimikit at nag-iinat pa na ungot ni Cara habang naglalakad palabas ng kanilang kubo. Nang tuluyang makalabas, kinamot ni Cara ang tiyan saka ang buhok na gulo-gulo habang nangungunot ang noo sa mga bulung-bulungan. Hanggang sa natahimik ang mga bulungan at marahan niyang iminulat ang mga mata. “Will you marry me, Caranova Lavero?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD