Wala nang buhay si mama nang dumating kami sa ospital. Ang masaya sanang selebrasyon para sa kaarawan ko ay nauwi sa lungkot at pagdadalamhati. Ang saya-saya pa naming nag-uusap pero heto pala ang kapalit.
Mula nang iburol si mama ay parehas na hindi kumakain ng maayos sina Kate at papa. Lagi lang silang nakatanaw sa malayo. Ni hindi ko sila makausap ng matino. Sobrang sakit din para sa akin ang nangyari pero pinipilit kong maging matatag dahil papaano na lang kami kung pati ako ay magiging mahina din.
“’Pa, Kate, kain na muna kayo. Kahit kaonti lang. Magkaroon lang ng laman ang tiyan n’yo.” Lumuluhang pakiusap ko sa kanila. Hindi kumibo si papa. Nakatingin lang siya sa kawalan.
“Ate, si mama, hindi na natin makakasama pa kahit kailan si mama.” Namumugto ang mga matang tumingala si Kate sa akin. Napahagulgol kaming dalawa. Naupo ako sa katabing upuan at niyakap siya ng mahigpit.
“Kate, kailangan nating magpakatatag. Hindi matutuwa si mama kapag nakita niyang nagpapabaya tayo sa sarili. Please, kumain na kayo ni papa. Please?” Tumango lang si Kate sa akin. Wala sa sariling tinungo niya ang kusina.
“Papa, samahan ko lang po si Kate sa kusina. Pagkatapos niyang kumain ikaw naman po, ha? Ikaw na muna ang bahala dito.” Wala akong nakuhang sagot mula kay papa. Ni hindi man lang niya ako nilingon. Napabuntong hininga ako. Sa labas ng bahay namin ibinurol ang labi ni mama dahil masikip sa loob.
Inalalayan ko si Kate papunta sa kusina. Matapos ko siyang ipaghila ng upuan ay nag sandok ako. Hindi gaanong marami ang kinuha kong pagkain.
“Kain ka na, Kate.” Inilapag ko ang plato sa harap niya. Tumalikod ako at kumuha ng baso. Nagsalin ako ng tubig sa baso at naupo sa tapat niya.
Habang pinagmamasdan ko siya ay muling tumulo ang luha ko. Noong maliit pa siya ay tinatawag niya akong mama. Lumaki siya na hindi man lang nakasama si mama ng matagal.
“T-Tapos ka na agad? Kakaonti pa lang ang nakain mo. Dagdagan mo pa.” Hindi man lang nangalahati ang nabawas niya sa pagkaing nasa plato.
Walang buhay ang mga matang umiling siya sa akin. Parang kailan lang ay puno ng saya ang mga mata niya para sa nalalapit na pag-uwi ni mama. Pero ngayon ay napalitan na ng lungkot.
“Kate, please? Nakatatlong subo ka lang yata. Gusto mo ba subuan ka ni ate kagaya ng ginagawa ko sa ’yo noon tapos tatawagin mo akong mama?” Hinila ko palapit sa akin ang plato. Sumandok ako ng kanin at ulam at inilapit ’yon sa bibig niya.
“Bunso, kain ka pa ng kaonti. Sige na, please?”
“Ate, wala po akong gana. Kakain din po ako kapag nagutom.” Tumayo si Kate at mabagal na naglakad palabas ng bahay.
Sumunod ako sa kaniya. Naupo ako sa tabi ni papa at ipinatong ko ang kamay sa balikat niya.
“’Pa, nandito na po si Kate. Halika ka, samahan ko din po kayong kumain.” Wala akong nakuhang reaksiyon mula kay papa.
“Kain ka na din po, Papa. Please naman oh, mahihirapan si mama niyan kapag nakita nilang nagpapabaya tayo.” Lumuluhang pakiusap ko kay papa.
Hindi pa din kumibo si papa. Tahimik lang siyang umiiyak. Hawak niya ang huling kuha ng larawan nila ni mama na magkasama.
Pumasok ako sa silid. Kinuha ko ang picture frame na naglalaman ng family picture namin. Niyakap ko iyon at nahiga sa kama.
“Mama, bakit ang daya mo? Malapit na ang birthday ko. Bakit iniwan mo kami agad?” Muli akong napahagulgol. Kung naririto lang sana si Tony, sana ay may karamay ako at masasandalan. Pero nauna na siyang hindi nagparamdam sa akin.
Naalimpungatan ako nang may humaplos sa pisngi ako. Napakunot-noo ako nang makilala ang taong nasa loob ng aking silid.
“Senyorito Lufer, ano ho ang ginagawa ninyo sa silid ko? Paano kayo nakapasok dito?” Magkasunod na tanong ko.
“Pinayagan ako ni Tito Angelo na pumasok sa silid mo.”
Naikuyom ko ang kamao. “Ako ho ang nagmamay-ari ng silid na ito. Huwag na po sanang maulit pa ito, Senyorito.”
Hindi ko alam kung namalikmata lang ba ako pero napansin kong may dumaang galit sa mga mata niya habang nakatunghay siya sa akin.
“I’m sorry. Nag-aalala lang naman ako sa ’yo. Sige na, lalabas na ako.”
Hindi ko na muling nakita si Senyorito Lufer pagkatapos ng araw na iyon. Kahit nang mailibing si mama ay hindi siya dumating na ipinagpasalamat ko. Hindi ako kumportable sa tuwing tumitingin siya sa akin. Pakiramdam ko ay may binabalak siyang masama.
Mula nang mailibing si mama ay hindi na namasada si papa. Madalas siyang tumatambay sa tindahan at naglalasing. Naging laman din siya ng beerhouse. Si Kate naman ay madalas na nagkukulong sa silid at umiiyak.
Lumipas ang tatlong buwan na laging ganoon ang gawain ni papa. Minsan pa nga ay may nagsasabi sa akin na kumukuha pa daw siya ng kwarto at nagsasama ng kung sino-sinong babae.
Kahit na may kaedaran na si papa ay maganda pa din ang pangangatawan niya. Bakas pa din ang kaguwapuhan niyang taglay kahit may edad na.
“Angeli! Kate! Nandito na ang papa ninyo!” Tawag ni Ninong Kulas sa amin.
Dali-dali akong lumapit sa pinto. Nakasampay ang balikat ni Papa kay Ninong Kulas. Halos lupaypay na siya sa kalasingan. Lumapit ako sa kanila. Isinampay ko ang isang balikat ni papa sa balikat ko.
“Salamat po sa paghatid kay papa, Ninong. Makikisuyo po sana ako ulit, ihatid natin sa kwarto si papa.
“Sige, para makatulog na.” Pinagtulungan namin ni Ninong Kulas na ihatid si Papa sa aming silid.
“Salamat po, Ninong. Pasensya na po kung kayo ang madalas na maabala ni papa.”
“Walang anuman, Angeli. Sana bumalik na sa dati ang papa mo. Kailangang kailangan ninyo siya pero heto at naging mahina siya sa hamon ng buhay. Hindi ka na nakapagkolehiyo.” Malungkot na napailing si Ninong Kulas.
Dahil sa paglalasing ni papa ay naubos ang natirang pera na inipon ni mama. Ang ibang ipon ni mama ay ginamit namin para sa kabaong at sa iba pang bayarin. Hindi na ako nag-enroll para sa kolehiyo dahil naubos na ang tabi naming pera.
Si Kate naman ay laging nagkukulong sa silid. Labis akong nag-alala dahil baka hindi na siya mag-aral pero nagkamali ako. Nang ayain ko siyang mag-enroll ay agad naman siyang sumama.
Noong una ay matamlay pa din siya. Pero lumipas ang ilang linggo mula nang pasukan ay unti-unti na siyang bumalik sa dati. Hindi na siya madalas magkulong sa silid.