“Angeli, pasensiya ka na iha, pero last na talaga ’to ha? Aabot na ng limang libo ang utang n’yo sa ’kin kasama na ang mga alak na iniinom lagi ng papa mo. Kung hindi ka lang inaanak ni Kulas at kung hindi ko lang din naging matalik na kaibigan si Katherine hindi ko hahayaang umabot ng ganito kalaki ang utang n’yo sa akin,” napabuntong hiningang sambit ni Tita Mercy na asawa ni Ninong Kulas.
Inabot niya sa akin ang inutang kong limang kilong bigas, tatlong pirasong shampoo at tatlong pirasong detergent powder. Pagkakasyahin ko ito sa loob ng isang linggo.
“Pasensiya na po talaga, Tita. Sinubukan ko na din pong maghanap ng mapapasukang trabaho sa bayan pero wala pong bakante ’yong mga napuntahan ko. Huwag po kayong mag-alala, kapag may trabaho po ako tubuan ko na lang po ’yong mga inutang ko sa inyo.”
“Ano ba naman kasi ’yang tatay ninyo, pinabayaan na kayo. Alam na nga niyang siya na lang ang maaasahan ninyo pero heto at pabigat pa. Pangkain n’yo na sana pinang-iinom pa.”
“Pasensiya na po talaga. Sige po, aalis na po ako. Magsasaing pa po kasi ako.”
Hiyang-hiya akong umalis sa tindahan ni Tita Mercy. Kagagaling ko lang sa pag-a apply. Kanina pa kumakalam ang tiyan ko sa gutom. Kung sana ay hindi lang pinang-beerhouse ni papa ang perang naitabi niya pati na din ang natira sa ipon ni mama, siguro ay may budget pa din kami ngayon kahit papaano.
Pagdating sa bahay ay agad kong isinalin ang bigas sa balde na dating pinaglagyan ng biskwit. Kumuha ako ng ilang pirasong papel. Sinindihan ko iyon at inilagay sa ilalim ng kahoy na panggatong. Hindi na kami nakakabili ng uling kaya nangangahoy na lang ako madalas para sa kahoy na lang kami magluto.
Habang hinihintay na magningas ang apoy ay nagtakal ako ng bigas. Napahawak ako sa lababo nang sa pagtayo ko ay umikot ang paningin ko. Kumulo din ang aking tiyan. Kagabi pa ako walang kain. Kasya lang sa dalawang tao ang bigas na sinaing ko kagabi kaya sinabi ko na lang kay Kate na busog ako kaya hindi na ako kumain.
Uminom muna ako ng tubig bago ko hinugasan ang bigas at isinalang. Twelve thirty na ng tanghali. Habang hinihintay na kumulo ang sinaing ay nagprito ako ng itlog ng manok mula sa mga alaga namin.
Mabuti na lang at hindi naiisipan ni papa na ibenta ang tatlong inahing manok at isang tandang na alaga namin. Kahit papaano ay nairaraos namin ang pang ulam paminsan-minsan dahil sa mga itlog nila.
Nanatili ako sa kusina pagkatapos kong magluto. Ilang sandali ay naulinigan ko ang boses ni papa na paparating. Kinakanta niya ang theme song nila ni mama. Napangiti ako at tumayo upang salubungin siya.
Ngunit agad ding nabura ang ngiti sa mga labi ko nang pagpasok ni papa ay may kaakbay siyang babaeng puno ng kolorete ang mukha. Kulay blonde ang kaniyang buhok. Halos lumuwa na ang malulusog niyang dibdib sa suot na spaghetti strap na kulay pula. Litaw din ang mapuputing hita nito sa suot na puting maong shorts na sobrang iksi.
“P-Papa, ano po ang ibig sabihin nito? Sino ho ’yang babaeng kasama mo?” Ikinuyom ko ang kamao.
“Ipaghain mo kami anak. Nagugutom na kami ni Helen.” Sa halip na sagutin ang tanong ko ay dumiretso sila sa kusina.
“Honey, ipaghila mo ako ng upuan, please?” Malambing na utos ng babae kay papa na agad naman nitong ginawa.
Nanginig ako sa sobrang galit. Lumapit ako sa kanila at hinampas ang lamesa. Nanlilisik ang mga matang tumingin ako kay papa.
“Sumosobra na po kayo, Papa! Wala pa ngang isang taon mula nang mamatay si mama tapos nagdala ka na agad ng babae dito? Papa naman! Pinalampas ko ho ’yong mga usap-usapan na kumukuha kayo ng mga babae sa beerhouse. Pero ’yung magdadala kayo ng babae dito sa mismong pamamahay ni mama, ibang usapan na ho ’yan! Paalisin mo po ang babaeng ’yan
dito sa pamamahay ni mama!”
“Huwag mo akong masigaw-sigawan, Angeli! Anak lang kita! Ititira ko dito sa pamamahay ko kung sino ang gusto ko at wala ka nang magagawa!”
“Hindi n’yo na inisip ang mararamdaman ni mama!” lumuluhang sigaw ko kay papa.
“Wala nang pakiramdam ang taong patay, Angeli! Patay na ang nanay mo! Iniwanan niya na ako!”
Ibinaling ko ang tingin sa babaeng dahilan ng pag-aaway namin ni papa na prenteng nakaupo at kinakalikot ang cellphone. Lumapit ako sa kaniya at hinila siya sa braso upang tumayo.
“Tayo! Lumabas ka dito sa pamamahay namin!”
“Aray! Ano ba, bitawan mo nga ako!” Pilit niyang binabawi ang braso mula sa pagkakahawak ko.
“Honey, oh! Baka magkapasa ang balat ko. Ayaw akong bitawan nitong anak mo.” Sumbong niya kay papa.
“Angeli! Bitawan mo si Helen!”
Binitawan ko ang braso niya ngunit hinila ko ang mahaba niyang buhok at kinaladkad siya palabas ng bahay. Hindi ako bayolenteng babae, pero sobra-sobra na ang ginagawa ni papa.
“Aray! Honey! Gelo! Tulungan mo ’ko ang sakit! Masisira ang buhok ko, bagong rebond lang ’to!” Pilit niyang hinihila ang buhok niyang hawak-hawak ko.
Sa sobrang gigil ko ay ipinulupot ko sa aking kamay ang buhok niya. Malapit na kami sa pintuan ng bahay nang sampalin ako ni papa. Halos mabingi ako sa sobrang lakas ng pagkakasampal niya at nalasahan ko ang dugo na galing sa bibig ko.
Nabitawan ko ang buhok ng babae niya. Hinaplos ko ang pisngi na nasaktan. Hindi makapaniwalang tumingin ako kay papa.
“P-Papa . . .” pabulong na sambit ko.
Tumulo ang mga luha ko hindi sa sakit ng sampal ni papa kung ’di dahil sa kaisipang napagbuhatan niya ako ng kamay dahil sa babae niya. Kahit kailan ay hindi niya kami nasaktan ni Kate. Mahinahon niya kaming pinagsasabihan tuwing nagkakamali kami. Kahit ang magtaas ng boses ay hindi niya nagawa noon.
“A-Anak, p-patawad. Hindi sinasadya ni papa.” Akmang lalapit siya sa akin ngunit mabilis na yumapak sa kaniya ang babaeng tinawag niyang Helen.
“Honey, ang sakit-sakit ng anit ko. Gulo-gulo na din ang buhok ko,” humihikbing sambit nito.
“Hayaan mo na, bibigyan na lang kita ulit ng pera.” Ipinulupot ni papa ang isang braso sa baywang ni Helen habang ang isa naman niyang kamay ay hinahagod ang likod nito.
“May pera pa ho kayo, Papa? Pero bakit sa tuwing humihingi ako sa ’yo pambili ng mga pangangailangan natin dito lagi mong sinasabing wala kang pera?” tanong ko kay papa habang patuloy na umiiyak.
“Huwag mo akong hahanapan sa perang pinaghirapan kong kitain, Angeli!”
“Pero papa! Halos wala na tayong makain! Limang libo na ang utang natin kay Tita Mercy! Baka tayo pa ang maging dahilan ng pagkalugi ng tindahan nila! Papa naman, unahin naman po ninyo ang pangangailangan natin! Hindi na nga ako nag-enroll sa college, eh!”
Kumalas siya sa pagkakayakap kay Helen at may dinukot sa bulsa. Nanlaki ang mga mata ko nang ilabas niya ang wallet. Nangangapal iyon sa dami ng perang lilibuhin.
“Magbayad ka na kay Mareng Mercy! Bumili ka na din ng isang sakong bigas at mag-grocery ng mga pangangailangan dito!” Naglabas siya ng ilang libong papel. Kinuha niya ang isang kamay ko at ipinatong doon ang pera.
Nagtatakang pinagmasdan ko ang perang inilagay niya sa kamay ko. “Saan n’yo ho kinuha ang perang ’to, Papa? Bakit ang dami mong pera?”
“Ibinenta ko ang lupang pag-aari ng mama mo sa kabilang baranggay.”
“Papa! Bakit n’yo ho ibinenta ang lupang ’yon? Ang sabi ni Mama ay para sa amin ’yon ni Kate.”
“Huwag mo ’kong pinagdadamutan, Angeli! Nakatira ka pa din sa puder ko kaya ako pa din ang masusunod!”
“Honey, nagugutom na ako.” Singit ni Helen sa usapan namin. Ikinawit niya ang isang kamay sa leeg ni papa at sumandal sa dibdib nito.
“Ipaghain mo na kami, Angeli.” Utos ni papa.
Isinuksok ko sa bulsa ang pera at tinungo ang kusina. Labag man sa kalooban ay sinunod ko ang utos ni papa. Natatakot ako dahil baka masampal niya ako ulit.
“Itlog? Itlog lang ang ulam n’yo, honey?” Tila nandidiring pinagmasdan ni Helen ang pinirito kong itlog na nasa lamesa.
“Ayaw mo ba ng itlog? Ano ang gusto mo?” Malambing na tanong ni papa sa kaniya.
“Corned beef na lang or tuna na de lata. Puwede na ‘yun kaysa mangati ako dahil diyan sa itlog.”
“Anak, bili ka ng uulamin ni Helen. Sige na.”
Napabuntong hininga ako sa pagpipigil ng galit. Inilahad ko ang kamay kay papa upang humingi ng pera.
“Pahingi pong pambili, Papa.”
“Hindi ba’t binigyan na kita?”
“Baka po kasi kulangin ’yong budget na ibinigay mo.”
Naglabas si papa ng isang daan at ibinigay sa akin. Napatigil ako sa paghakbang nang magsalita si Helen.
“Honey, masiyado ka nang hinuhuthutan ng anak mo,” maarteng sambit nito. Tiim-bagang na muli akong humarap sa kanila ni papa.
“Galing sa pinagbentahang lupa ni Mama ang perang hawak ni Papa kaya karapatan kong humingi. At saka, ikaw naman ang ayaw kumain ng itlog ’di ba?”
“Honey, akala ko ba mababait ang mga anak mo?” Mangiyak-ngiyak siyang tumingin kay papa.
“Angeli, hindi kita pinalaking ganiyan. Magmula ngayon, dito na titira si Helen kaya galangin n’yo dapat siya.”
Hindi ko pinansin ang sinabi ni papa. Walang imik na lumabas ako ng bahay at pumunta sa tindahan nila Tita Mercy. Binayaran ko lahat ng utang namin.
Pagkalapag ng biniling corned beef at tuna ay pumasok ako sa silid. Hindi na ako lumingon sa kanila kahit nang tawagin ako ni papa. Gutom na gutom na ako kanina pero nawalan ako ng gana dahil sa mga ginawa ni papa.