“Ate, sino ’yong babaeng humahagikhik sa kwarto ni Papa?” tanong ni Kate nang makapasok siya sa silid naming dalawa. Kagagaling niya lang sa paaralan.
Bumangon ako mula sa pagkakahiga at naupo. “Si Helen. Babae ni Papa. Dito na daw ’yon titira magmula ngayon.” Nag-angat ako ng tingin kay Kate. Mahapdi ang mga mata ko sa kaiiyak.
“Ano?!” Padabog na inilapag ni Kate ang bag na gamit niya sa pagpasok sa paaralan.
“Wala pa ngang isang taon mula nang mamatay si Mama pero nagdala na agad si Papa ng babae dito sa bahay? Hindi na niya nirespeto si Mama!” Namula ang mukha niya sa galit. Nagsimulang pumatak ang mga luha sa pisngi niya.
“Hindi ko na alam ang nangyayari kay Papa, Kate,” naluluhang sambit ko.
“Teka, bakit may pasa ang gilid ng labi mo, Ate?” Yumuko si Kate at hinawakan ang pisngi ko. Mataman niyang tinitigan ang gilid ng labi ko na nagkaroon ng pasa dahil sa sampal ni papa.
“Si Papa ba ang may gawa nito?”
“Hindi naman niya sinasadya. Nagkasagutan kasi kami.”
“Nasaktan ka ba niya dahil sa babaeng ’yon?”
“Hayaan mo na, kasalanan ko din naman.” Masakit para sa akin ang ginawa ni papa. ’Yon ang unang beses na masaktan niya ako at dahil pa talaga sa kabit niya.
“Magmula nang mamatay si mama nag-iba na si papa. Naging lasenggo na siya. Kulang na lang ay sa beerhouse siya tumira. Kumukuha din siya ng mga babaeng bayaran,” malungkot na sambit ni Kate.
“A-Alam mo ang mga ginagawa ni Papa?”
“Maraming nagkukuwento sa akin, Ate. Hindi na nga siya namamasada panay pa ang inom niya. Akala ba niya siya lang ang nawalan at nasaktan sa pagkamatay ni Mama? Wala na ba tayong halaga sa kaniya para pabayaan niya tayo?” Nanlulumong naupo si Kate sa tabi ko.
“Huwag kang mag-alala, kakausapin ko si Papa.”
“Pilit kong nilalabanan ang sakit at lungkot dahil alam kong hindi matutuwa si Mama kapag nakita niyang nagpapabaya tayo. Pero heto naman ang ginagawa ni papa.” Isinandal niya ang ulo sa balikat ko. Kinabig ko siya at niyakap nang mahigpit.
Ipinagtapat ko sa kaniya ang ginawang pagbenta ni papa sa lupang pag-aari ni mama na dapat ay pamana para sa aming dalawa. Ayaw ko mang madagdagan ang sama ng loob niya para kay papa pero karapatan niyang malaman ang totoo. Lalong nagngitngit ang kalooban ni Kate para kay papa.
Bandang alas tres ng hapon nang lumabas ako sa silid para kumain. Saktong paglabas ko ay siya ding paglabas ni papa kasama si Helen. Magkahawak kamay silang lumabas ng bahay. Ang buong akala ko ay hindi na babalik pa dito ang babae niya. Kinuha lang pala nila ang mga gamit nito.
“SA SUSUNOD agahan ninyong dalawa ang gising n’yo para naman may mag-asikaso kay Angelo bago siya mamasada. Hindi kayo mga senyorita dito sa bahay para gumising kung kailan n’yo gusto.” Nakapamaywang na sita sa amin ni Helen. Wala nang maitago ang katawan nito sa nipis ng suot niyang pantulog.
Sabay kaming nagising ni Kate kinabukasan. Quarter to seven na ng umaga nang magising kami. Akmang sasagutin ni Kate si Helen ngunit hinawakan ko siya sa braso para pigilan.
“Namasada si Papa?” tanong ko kay Helen.
“Malamang! Kailangan niyang kumayod para sa magiging anak namin sakaling mabuntis ako. Kaya kayo, matuto kayong kumilos dito sa bahay. Hindi ako puwedeng magkikikilos. Ayaw kong mapagod dahil bibigyan ko pa ng anak na lalaki ang tatay n’yo.”
“Sige. Bukas ako na ang mag-aasikaso kay Papa.”
“Dapat lang!” Nagdadabog na pumasok siya sa kwarto ni papa.
“Ang kapal talaga ng mukha niya, Ate! Feeling asawa siya pero ayaw naman niyang asikasuhin si Papa!” gigil na sambit ni Kate.
“Hayaan mo na. Tayo na lang ang mag-asikaso kay Papa kasi gawain din naman natin ’yan noon pa. Ang importante namamasada na ulit si Papa. Sana hindi na siya maging lasenggo ulit.”
Magkatuwang na nilinis namin ni Kate ang bahay pagkatapos naming kumain. Habang naglalaba sa likod ng bahay ay inaalala naming dalawa ang mga masasayang araw na magkakasama kaming apat noong nabubuhay pa si mama.
Ngunit nabura ang ngiti sa mga labi ko nang lumabas si Helen mula sa kusina na may bitbit na laundry basket. Puno ito ng mga labahan.
“Idamay n’yo na din ’tong mga kurtina, kumot at punda namin ng papa n’yo.” Agad siyang tumalikod pagkalapag ng laundry basket.
“Ang kapal talaga! Kapag ako nainis lalagyan ko talaga ng sili ang underwear niyan,” sambit ni Kate. Masama ang tingin niya sa pintong dinaanan ni Helen kahit wala na ito doon.
“Huwag mo na lang siyang pansinin.” Humugot ako ng malalim na hininga at ipinagpatuloy ko ang paglalaba.
Nagpresinta si Kate na siya na ang magsasampay ng mga nilabahan namin. May pagmamadali sa kilos na nagluto ako ng tanghalian. Malapit nang umuwi si papa, kailangang may pagkain na kami bago siya dumating.
“Kate, samahan mo ako mamaya sa bayan. Mag-grocery tayo at bumili ng bigas.” Aya ko kay Kate habang nagpapahinga kami sa kwarto pagkatapos kong magluto.
“Sige, ate.”
“Maliligo muna pala ako, Kate.”
Minadali ko ang pagligo. Excited akong umuwi si papa dahil ngayon na lang ulit namin siya makakasabay kumain. Magmula nang mamatay si mama ay parang nagkaroon ng sariling mundo si papa. Parang nakalimutan na niyang naririto pa kami ni Kate.
“Ang bilis mo naman yatang maligo, ate?”
“Nagmadali talaga akong maligo kasi ’di ba matagal na noong huli nating nakasabay si papa sa pagkain.”
“Si papa kasi, kinalimutan tayo.”
Ilang sandali pa ay narinig na namin ang pamilyar na tunog ng tricycle ni papa.
“Nandiyan na si Papa. Mauna ka na sa labas.”
“Hintayin na kita, Ate. Sabay na tayo.”
“Sige.” Nagsuklay ako pagkatapos kong magpahid ng lotion. Inilagay ko ang towel sa hanger at isinabit sa hawakan ng kabinet.
“Tara na?” Aya ko kay Kate.
Naabutan naming naghahain ng pagkain ang babae ni papa. Nakasuot pa siya ng apron. Nakaupo na si papa sa kabisera. Sa kabila ng pagod na mababakas sa kaniyang mukha ay nakangiti pa din siya habang pinagmamasdan si Helen.
“Oh, mga anak nandiyan na pala kayo. Tamang-tama, tapos na akong magluto. Kain na tayo.” Malapad ang ngiting paanyaya ni Helen sa amin nang makalapit kami sa kusina.
Nagkatinginan kami ni Kate. Bakas ang iritasyon sa kaniyang magandang mukha.
“Ang bango ng ulam! Mukhang masarap! Ikaw pala ang nagluto nito?” tanong ni papa kay Helen.
“Oo, mahal ko. Pagkatapos kong labahan ’yung mga punda, kumot at kurtina natin ay nagluto agad ako kasi alam kong pagod at gutom ka pagdating mo.” Hinubad niya ang apron at isinabit.
“Kapal! Puro tulog nga lang siya pagkatapos magluto ng almusal kanina! Ginamit pa talaga niya ang tawagan nila mama at papa,” pabulong na sambit ni Kate.
Siniko ko siya ng mahina upang patigilin. Pagod si papa galing sa trabaho at ngayon ko na lang siya ulit nakitang ngumiti. Ayaw kong mag-away away na naman kami lalo na at sa harap ng pagkain.
“Mga anak, bakit ang Mama Helen n’yo pa ang pinagluto n’yo eh naglaba pa siya? Dapat kayo na ang nagluto.” Sita sa amin ni papa.
“Okay lang naman, mahal ko. Obligasyon kong asikasuhin kayo ng mga bata dahil ako na ang may bahay mo. Gusto mo ba hatiran din kita ng pagkain tuwing tanghali?” malambing na tanong ni Helen kay papa. Lumapit siya kay papa at minasahe ang balikat nito.
“Umuuwi talaga dito si papa bago mag-alas onse ng umaga para kumain. Hindi namin siya hinahayaang mag-stay sa labas tuwing tanghali dahil baka ma-heat stroke siya. Huwag po kayong bida-bida.” Nakasimangot na naupo si Kate sa kaniyang puwesto. Ako naman ay tahimik na naupo sa tabi niya.
Dumako ang tingin ni papa kay Kate. “Ano ba ’yang mukha mo, Kate? Nasa harap ka ng pagkain. Umayos ka. Irespeto mo ang pagkain pati na din ang Mama Helen n’yo.” Sermon ni papa.
“Okay lang, mahal ko. Baka nabigla lang sila dahil nagsama na tayo kaagad kaya siguro sila nagkakaganiyan.”
Mariing nakakuyom ang mga kamay ni Kate na nasa kandungan niya. Hinaplos ko iyon upang pakalmahin siya.
Nanikip ang dibdib ko nang maupo si Helen sa bandang kanan ni papa. Dati ay si mama ang nakaupo doon. Ngayon ay ibang babae na. Magiliw niyang sinandukan si papa ng kanin at ulam.
Tahimik lang kami ni Kate habang kumakain. Habang sina papa at Helen naman ay nagsusubuan ng pagkain. Paminsan-minsan ay hinahalikan pa ni Helen si papa.