KABANATA 7

1222 Words
“Magandang umaga sa ’yo, Angeli!” Tumuwid ako ng tayo nang marinig ko ang boses ng kapitbahay naming si Aling Sonia habang nagwawalis ako sa harap ng bahay namin. Nakatayo siya sa may tarangkahan ng bakod naming gawa sa kawayan. “Magandang umaga din po, Aling Sonia! Day off n’yo po ngayon?” Lumapit ako sa gate at binuksan iyon. “Oo, iha. Kararating ko lang.” Nagtatrabaho bilang mayordoma si Aling Sonia sa mansiyon nila Senyorito Lufer. Matagal na siyang naninilbihan doon. “Tuloy po kayo.” Paanyaya ko sa kaniya. “Naku, huwag na dito na lang at hindi din naman ako magtatagal. Kanina habang pauwi ako ay dumaan ako kila Mercy. Nabalitaan kong naghahanap ka daw ng trabaho.” “Opo, Aling Sonia. Hindi ho kasi ako nakapag-enroll sa college kaya magtatrabaho na po muna ako. Baka next year na lang siguro ako mag-aral. Mag-iipon po muna ako.” “Tamang-tama iha, nangangailangan ng kasambahay ngayon sa mansiyon. Baka gusto mong magtrabaho muna roon?” Nag-atubuli akong tanggapin ang inaalok na trabaho ni Aling Sonia. Hindi sa ayaw kong maging kasambahay. Ang isiping makakasama ko sa iisang bubong si Senyorito Lufer ang siyang pumipigil sa akin. “Limang libo ang sasahurin mo tuwing kinsenas. Bale sampung libo sa isang buwan. Tapos tuwing birthday mo o kaya ng kamag-anak mo, nagbibigay si Don Lucio ng pera na nagkakahalaga ng isang libo at saka isang kilong manok,” dagdag pa niya. “Sampung libo po ang sweldo at nagbibigay din po siya ng pa-birthday sa kaanak ng empleyado?” Napukaw ang interes ko nang sabihin niya kung magkano ang pa-sweldo. “Oo. May benepisyo din. Isang beses sa isang linggo ang day off. Ano, gusto mo ba?” “Magpapaalam po muna ako kay papa.” “Sige, ikaw ang bahala. I-save mo ang cellphone number ko para ma-text mo ako kung sakaling nakapagdesisyon ka na.” “Kukunin ko lang po ang cellphone ko sa loob.” “Teka, ako na lang pala ang magsi-save ng cellphone number mo. Ite-text na lang kita.” Inilabas ni Aling Sonia ang cellphone mula sa shoulder bag na dala niya. Umalis din siya kaagad matapos kong ibigay sa kaniya ang cellphone number ko. “Papa, magpapaalam po sana ako. Gusto ko po sanang magtrabaho sa mansiyon ni Don Lucio bilang kasambahay.” Paalam ko kay papa habang nag-aalmusal kami. “Bakit gusto mong magtrabaho, anak?” tanong ni papa. Kunot-noong tumingin siya sa akin. “Gusto ko po sana na makaipon para sa pag-aaral ko sa kolehiyo next year,” kaswal na sagot ko. “Ako na ang bahala sa pag-aaral mo, anak. Nagtatrabaho na ulit ako. Pasensiya na kung hindi ka nakapag-enroll ngayong taon. Pero huwag kang mag-alala, pag-iipunan ko na ang mga pangangailangan mo para makapag-aral ka na sa sunod na taon.” “Gusto ko po kasing makatulong sa ’yo, Papa. Wala din naman po akong ginagawa dito sa bahay,” giit ko. “Hindi puwede, Angeli. Halos napabayaan ko na nga kayo ng ilang buwan. Obligasyon ko ang pag-aralin kayo.” “Mahal ko, payagan mo na si Angeli. Wala din naman siyang ginagawa dito sa bahay, eh. Hayaan mo siyang matutong maghanap buhay. Para kahit papaano may katuwang ka sa mga gastusin dito at para na din makapag-ipon tayo sakaling magkaroon na tayo ng anak,” malumanay na saad ni Helen. Hinawakan niya ang braso ni papa at hinaplos iyon. Napabuntong hininga si papa. “Sige, kung ’yan ang gusto mo. Basta kapag nahirapan ka, umalis ka kaagad doon, ha? Ang balita ko’y walang nagtatagal na dalagang trabahador doon dahil selosa daw si Donya Clara.” Napangiti ako nang pumayag si papa. Hindi nabanggit ni Aling Sonia ang tungkol kay Donya Clara pero iiwasan ko na lang siguro ang mga bagay na ayaw niya para hindi ako mapag-initan. “Angeli, ako ito si Aling Sonia. Text ka lang kapag nakapagdesisyon ka na ha?” Chat ni Aling Sonia sa akin. Agad akong nag-type ng message para makapag-reply sa kaniya. “Pumayag na po si Papa. Pasensiya na po sa late reply, katatapos ko lang maghugas ng mga pinagkainan.” “Ayos lang. Ihanda mo na ang mga gamit na dadalhin mo, ha? Bukas ng umaga ang balik ko sa mansiyon. Isasama na kita.” “Sige po. Ano-ano po ba ang mga kailangan kong dalhin?” “Mga damit lang ang dalahin mo pati na din ang iba mong personal na pangangailangan. Pero ’yong sabong pangligo, panglaba at shampoo ay libre na kaya makakatipid ka at malaki ang sasahurin mo.” “Maigi po pala kung gan’on. Sige po, mag-aasikaso na po ako ng mga dadalhin ko.” Nag-impake na ako pagkatapos naming mag-usap ni Aling Sonia sa text. Kakaonti lang ang mga gamit ko kaya natapos din ako kaagad. “Aalis ka na talaga, Ate?” naluluhang tanong ni Kate. Umupo siya sa kabilang dulo ng papag na higaan namin. “Oo, Kate. Kailangan kong magtrabaho at mag-ipon para makatulong kay Papa sa mga gastusin habang hindi pa ako nag-aaral.” Ibinaba ko ang bag na naglalaman ng mga damit na dadalhin ko. “Mami-miss kita, Ate.” Lumapit siya sa akin at mahigpit akong niyakap. “Huwag kang mag-alala, weekly naman ang uwi ko dito, eh. Ikaw na ang bahala kay Papa, ha? Huwag mo na din masiyadong patulan si Helen. Nakatulong naman kay papa ang pagdating niya sa buhay natin kahit papaano.” “Opo, Ate.” Kinakabahan ako sa pagpasok ko bilang kasambahay sa mansiyon. Ayaw ko sanang makasama sa iisang bubong si Senyorito Lufer dahil hindi ako kumportable sa kaniya pero kailangan kong magtrabaho para makaipon at makatulong kay papa. “Anak, huwag kang masiyadong magpapakapagod doon, ha? Kumain ka sa tamang oras. Kapag hindi mo kaya ang mga gawain umuwi ka lang dito. Huwag ka ding masiyadong makikipag-usap kay Don Lucio kapag walang kinalaman sa trabaho dahil baka mapag-initan ka ni Donya Clara.” Mangiyak-ngiyak na habilin ni papa. “Opo, Papa..Huwag po kayong mag-alala sa akin. Hindi ko po pababayaan ang sarili ko.” Niyakap ko siya ng mahigpit. “Huwag ka na lang kayang umalis anak?” “Mahal ko, hayaan mo na si Angeli. Kailangan din niyang tumayo sa sarili niyang mga paa lalo na at ikaw na lang ang puwede nilang asahan,” sabat ni Helen. “Papa, kayo na po ang bahala kay Kate, ha? Maninibago po ’yon ngayong hindi niya na ako madalas makakasama. Lagi n’yo po sana siyang kukumustahin.” “Oo, anak. Halika na, ihahatid na kita at baka magbago pa ang isip ko.” Binitbit ni papa ang hindi kalakihang bag na dala ko. Hinatid niya ako sa bahay ni Aling Sonia. “Aling Sonia, kayo na ho ang bahala dito sa anak ko, ha? Unang beses niya pa lang ho na mamamasukan. Pakigabayan na lang po sana siya.” Bilin ni papa kay Aling Sonia nang maihatid niya ako sa kanila. “Huwag kang mag-alala. Ako na ang bahala sa kaniya. Halika na, iha?” Muli kong niyakap ng mahigpit si papa. Si Kate ay umalis ng maaga sa bahay dahil ayaw daw niyang makita ang pag-alis ko. Dito lang naman ako magtatrabaho sa malapit pero akala mong aalis ako sa isla kung makaiyak kanina bago siya pumasok sa paaralan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD