KABANATA 8

1102 Words
Lulan ng tricycle na pagmamay-ari ng anak ni Aling Sonia ay nakarating kami sa mansiyon ni Don Lucio. Napakataas ng gate na bakal, maging ang bakod nito ay sobrang taas din. Agad kaming pinagbuksan ng guwardiya pagkakita kay Aling Sonia. Napaawang ang bibig ko nang makapasok na kami sa gate. Namamanghang inilibot ko ang tingin sa malawak nilang bakuran na nalalatagan ng bermuda grass. Malayo-layo pa ang lalakarin bago marating ang mansiyon. Tanaw ko mula sa aking kinatatayuan ang fountain na napapalibutan ng iba’t-ibang halamang namumulaklak. May ilang kalalakihang nakatayo malapit sa bakod. Bakas sa tagiliran nila ang namumukol na bagay at nasisiguro kong baril iyon. Marahil ay tagabantay sila kung may magnanakaw. “Halika na, iha. Sakay na.” Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses ni Aling Sonia. Nasa likod ko siya habang nakasakay sa E-bike. “Grabe, ang laki po pala talaga ng mansiyon ng mga Del Mundo, Aling Sonia,” namamangha pa ring sambit ko. Lumapit ako sa kaniya at naupo sa bandang likuran ng E-bike. “Oo, iha. Kaya sasakay tayo dito dahil mananakit ang tuhod ko kapag nilakad natin ang papunta mismo sa mansiyon.” Ilang sandali ay narating namin ang garahe ng mansiyon. May anim na mamahaling sasakyan ang nakaparada doon at isa pa uling E-bike. Tahimik na sumunod ako kay Aling Sonia bitbit ang bag na naglalaman ng mga gamit ko. Kulay krema ang pintura sa labas ng bahay habang sa loob naman ay halos puti lahat. Makintab at napakalinis ng sahig. May malaking chandelier na nakabitin sa tabi ng malapad na hagdan na may nakalatag na pulang carpet. Sa pader ay may mga nakasabit na painting ng mga lalaki na halos magkakamukha maliban lang kay Senyorito Lufer na nagmana sa kaniyang ina na si Donya Clara. “Dito ang silid mo, iha. Magkatabi ang silid nating dalawa. Ang ibang kasambahay ay sa likod nitong mansiyon natutulog. Pinagawaan sila ni Don Lucio ng kanya-kaniyang silid lalo na ’yung mga may asawang nagtatrabaho din dito.” Pinasadahan ko ng tingin ang silid na napipinturahan din ng kulay puti. Sa gitna ay ang kama na kasya ang dalawang tao. Bulaklakin ang sapin nito, maging ang punda ay ganoon din. May maliit na tokador sa bandang kanan at may plastic na upuan na nakapuwesto sa harap nito. Sa kaliwa naman ng kama ay ang built-in cabinet na kulay puti din ang pintura. “Ilan po ang kasambahay dito, Aling Sonia? Ang lawak ng mansiyon nila.” Inilapag ko sa gilid ng kama ang bag na dala ko. “Walo tayong lahat na trabahador dito sa mansiyon. Dalawang tagalinis, dalawang tagalaba, dalawang tagaluto, isang hardinero at ikaw ang ika-walo. Ikaw ang personal na mag-aasikaso ng mga pangangailangan ni Senyorito Lufer.” “H-Ho? Ako po?” Nanlumo ako at napaupo sa kama. Tila may nabuhay na kaba at takot sa dibdib ko. “Hindi ko ba nabanggit sa ’yo, iha?” “Hindi po ninyo nabanggit sa akin.” Hindi ko maintindihan kung bakit ganito na lang ang nararamdaman ko para kay Senyorito Lufer. Para bang sa tuwing naririyan siya ay may mangyayari sa aking hindi maganda. “Naku, pasensiya ka na. Makakalimutin na kasi ako. Huwag kang mag-alala, mabait ’yun si Senyorito. Karamihan kasi sa mga nagiging kasambahay na nakatoka sa kaniya ay may ginawang kalokohan kaya napapaalis. Mabuti na lang at hindi na niya pinapakulong, pinapaalis na lang niya.” Lumapit siya sa built-in cabinet at binuksan iyon. “Ilagay mo na lang dito ang mga gamit mo. Kukunin ko lang ang uniporme mo sa kwarto ko. Iwanan na muna kita dito, ha?” Inayos ko kaagad ang mga gamit ko pagkalabas ni Aling Sonia. Hindi ako sang-ayon na maging personal na yaya ni Senyorito Lufer pero wala naman akong magagawa dahil nandito na ako. Makaraan ang ilang minuto ay bumalik si Aling Sonia dala ang tatlong uniporme na kulay asul. “Isuot mo na, sabay na tayong lumabas at ipapakilala kita sa mga kasamahan natin.” Pumasok ako sa banyo at isinuot ang uniporme. Hanggang tuhod ang haba at hanggang siko naman ang manggas. Sakto lang ang sukat sa aking katawan. “Kasyang-kasya pala sa ’yo. Ipuyod mo lang ang buhok mo, bawal ang nakalugay ang buhok para hindi sagabal sa pagtatrabaho.” Isa-isang kong nakilala ang mga kasamahan naming kasambahay. Mukha naman silang mababait at palakaibigan. Lumipas ang isang linggo na hindi ko pa nakikita si Senyorito Lufer at ang ina niyang si Donya Clara. Ayon kay Aling Sonia ay nasa maynila daw si Senyorito Lufer dahil may inaasikasong negosyo samantalang si Donya Clara naman ay nagbabakasyon sa Japan kasama ang mga amiga nito. Si Don Lucio ay abala sa pamamahala sa farm. Minsan ay doon na siya kumakain ng tanghalian. Nang umuwi ako sa bahay para mag-day off ay halos ayaw na akong pabalikin ni Kate. Hindi niya ako kinibo kahit kita naman sa kaniyang magandang mukha na sabik na sabik siyang makasama ako ulit. “Ganito na lang, sa unang suweldo ko ay bibilhan kita ng cellphone para lagi kitang makakausap kapag nami-miss mo ako. Okay ba ’yun ha, bunso?” saad ko bilang pampalubag loob. Nanunulis ang ngusong humarap siya sa akin. “Totoo ba ’yan?” Pinagkrus niya ang mga braso sa dibdib at muling tumingin sa ibang direksiyon. Iniiwasan niyang magtama ang paningin naming dalawa. “Promise, bibilhan kita para lagi ko kayong makausap ni papa.” Hinawakan ko ang kamay niya. “Kumusta nga pala kayo dito? Hindi ka naman ba inaapi ni Helen?” “Napakatamad niya kapag wala dito si Papa. Kahapon ang dami kong nilabahang damit tapos hindi man lang siya tumulong. Halos damit pa naman niya lahat. Tapos nang marinig niyang parating na si Papa saka siya lumabas sa kwarto at inagaw sa akin ’yong sinasampay ko. Napagsabihan tuloy ako ni Papa kasi pinalabas niya na siya ang nag-aasikaso dito habang wala akong pasok. Kapag nandito si Papa ayaw niya akong pakilusin para masabing ulirang ilaw ng tahanan siya,” nakasimangot na sumbong sa akin ni Kate. “Pasensiya ka na kung ikaw na ang sumalo sa lahat nang gawain dito sa bahay. Tiis-tiis na lang muna, ha?” Malungkot na hinaplos ko ang mukha niya. “No choice naman po ako, Ate. Hindi naman ako makapagreklamo kay Papa kasi baka kapag wala dito si Papa saka niya ako awayin. Halos ako lang ang kumikilos dito sa bahay.” Mabigat ang dibdib ko nang bumalik ako sa mansiyon. Pinagdasal ko na lang na huwag siyang sasaktan ni Helen. Kaya kong palampasin ang kaplastikan niya, pero ibang usapan na kapag sinaktan na niya ang kapatid ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD