“Sumweldo ka na po, Ate?” tanong niya nang humarap siya sa akin.
“Oo, maaga akong pinasweldo para daw may maiuwi akong pera. Pero itinabi ko ’yong iba kasi ibibili ko ’yon ng cellphone mo sa sunod kong sweldo,” nakangiting sagot ko.
Inilabas ko ang mga pinamili mula sa isang kilalang pharmacy sa bayan. Mga gamit sa katawan at chocolates ang mga pinamili ko para sa kaniya. Bata pa lang kami ay chocolates ang lagi niyang hinihiling sa akin.
“Para sa ’yo ang lahat nang mga ’yan. Pagbutihin mo ang pag-aaral mo, ha?”
“Salamat po, Ate!” malapad ang ngiting sambit niya at yumakap sa akin nang mahigpit.
“Walang anuman. May mga binili din pala akong gamot diyan, uminom ka ng gamot para sa sakit ng ulo. Mainit kasi ang katawan mo.” Dinama ng palad ko ang noo niya.
“Tapos ayaw maniwala sa akin ni Papa,” tila muling maiiyak na sambit niya.
“Kakausapin ko si Papa. Nag-almusal ka na ba? Kumain ka na muna bago uminom ng gamot.”
“Hindi pa po ako nag-almusal.”
Napabuntong hininga ako. Awang-awa ako sa kaniya. Sa halip na pagkain ay sampal at sama ng loob ang inalmusal niya.
“Dito ka muna, kukuha ako ng pagkain at tubig mo.”
Mabibilis ang hakbang na tinungo ko ang kusina upang kumuha ng pagkain niya. Pagkatapos kong magtimpla ng gatas ay kumuha ako ng sinangag.
Binuksan ko ang kawali upang tingnan kung ano ang ulam pero pinagprituhan lang ng isda ang naroroon. Nakita kong may natatakpan sa lamesa kaya lumapit ako doon para kumuha ng ulam. Ngunit nadismaya ako nang makitang puro ulo at tinik lang ng pritong tilapia ang natatakpan.
“Hindi ko na tinirahan ng ulam ‘yang kapatid mo. Masiyadong pa-importante. Kakain na nga lang at lahat-lahat pero ang hirap pang tawagin. Tapos napakabastos pa,” sambit ni Helen.
Nakataas ang manipis niyang kilay na drawing lang naman. Nakakrus naman ang mga braso sa ilalim ng malulusog niyang dibdib.
“Masama ho ang pakiramdam ni Kate kaya hindi siya agad bumangon kanina. Sana kinausap n’yo muna siya bago kayo gumawa ng kuwento at siraan siya kay Papa.” Sinalubong ko ng matalim na titig ang mga mata niya.
“Ang lakas din naman ng loob mo na tingnan ako ng ganiyan. Magkapatid nga talaga kayo. Pareho kayong bastos. Tanggapin n’yo na lang kasi na ako na ang reyna ng bahay na ’to. At susunod kayo sa akin sa ayaw at sa gusto ninyo.” Ngumiti siya ng nakakaloko.
“Hindi kami pinalaking bastos. Abusado ka lang talaga. Sinasamantala mo ang pagmamahal sa ’yo ni Papa para paikutin siya sa palad mo. Huwag mong inaalila ang kapatid ko. Matuto kang kumilos dito sa bahay dahil wala kang kasambahay dito!” mariing sambit ko sa kaniya.
“Hindi ko na kasalanan kung uto-uto ’yang Tatay n’yo. Pasensiya na lang kayo dahil ako ang mas kinakampihan niya kaysa sa inyo,” nakatikwas ang kilay na sambit niya.
Mariin kong ikinuyom ang kamao. Nagluto na lang ako ng instant noodles mula sa dala ko at ’yon ang ipinaulam sa kaniya.
“Pasensiya na kung natagalan si Ate, bunso.” Hinging paumanhin ko pagpasok sa silid namin.
Dahan-dahan siyang bumangon. “Wala nang ulam ’no?” namumungay ang mga matang tanong niya.
“Heto na muna ang kainin mo para hindi ka mahirapan.” Hindi ko sinagot ang tanong niya. Hinipan ko muna ang kutsara bago siya sinubuan.
“Madalas akong maubusan ng ulam tuwing umaga lalo na kapag nakaalis na si Papa. Pero kapag late na si Papa namamasada, todo asikaso siya sa akin.”
Pakiramdam ko ay pinipiga ang puso ko sa mga sinabi niya. Wala akong kaalam-alam na habang masasarap ang inuulam namin sa mansiyon, siya naman ay halos hindi nakakakain ng maayos.
Pinagmasdan kong maigi ang mukha niya. Pumayat siya ng kaonti kumpara noong huling beses na umuwi ako dito.
“Bibigyan kita ng extra na allowance. Kumain ka na lang sa school kapag maubusan ka ng ulam.”
“Thank you, Ate! Sorry ha? Pagod ka na nga sa trabaho tapos puro problema pa ang nadatnan mo dito.”
“Huwag mo na akong intindihin. Hindi naman ako nahihirapan sa trabaho.”
Matapos kumain ay inalalayan ko si Kate upang makainom ng gamot. Pagpunta ko sa kusina ay naabutan ko si Papa na nagbabalat ng sayote. Hinugasan ko muna ang pinagkainan ni Kate bago naupo sa katapat ng inuupuan niya.
“Pwede ko po ba kayong makausap, Papa?” Kumuha ako ng isang tangkay ng malunggay at hinimay.
“Pasensiya na sa nangyari kanina, anak. Hindi ko sinasadyang pagbuhatan ng kamay ang kapatid mo. Masiyado na siyang nagiging suwail. Baka nababarkada ’yang batang ’yan. Tama siguro ang sabi ni Helen na pahintuin na lang sa pag-aaral dahil parang wala namang natututunan,” sambit ni Papa.
Saglit siyang huminto sa pagbabalat at timingin sa malayo.
“Nang dahil sa kaniya kaya nagawa mong pagbuhatan kami ng kamay, Papa. Mas pinapaniwalaan at pinapaboran mo pa siya kaysa sa amin na sariling kadugo mo,” nagdaramdam na sambit ko.
“Hindi mo alam na masama ang pakiramdam ni Kate. Pinakain ko siya at pinainom ng gamot kanina. Tapos ikaw s*mpal agad bungad mo sa kaniya nang hindi man lang pinapakinggan ang paliwanag niya.”
“Masama ang pakiramdam niya? Kumusta na ang lagay niya ngayon?” Bakas ang pagsisisi sa gwapong mukha ni Papa.
“Pinatulog ko na po ulit para makapagpahinga.” Patuloy ako sa paghihimay ng malunggay.
“Huwag mo po sanang mamasamain, Papa. Pero sana paniwalaan mo naman kami dahil bata pa lang kilala mo na ang ugali naming magkapatid. Huwag mo po sanang kalilimutan na anak n’yo po kami,” saad ko sa malumanay na tono.
“Hindi lang kasi kayo nabigyan ng pagkakataon na makapag-bonding at makilala ang isa’t-isa. Mabait si Helen, anak. Mabait siya kaya ang pakiusap ko ay bigyan n’yo sana siya ng pagkakataong makasama kayo.” Pagtatanggol pa ni papa sa kaniya.
“Huwag mo po sana kaming madaliin ni Kate, lalo na siya. Ipakita muna niyang karespe-respeto siya. Hindi po gano’n kadali na tanggapin siya lalo na at wala pang isang taon mula nang mawala si Mama.”