KABANATA 25

1098 Words
Hinilot ni Ate Tessie ang balakang, likod at ang paa ko na agad na namaga. “Namaga na ’yang paa mo. Huwag ka na munang lalabas, ipahinga mo muna ’yan para hindi lumala,” sambit niya matapos akong hilutin. “Kaya ko pa naman po, Ate Tessie. Baka mapagalitan po ako ni Donya Clara kapag hindi po ako magtrabaho.” Naupo ako at sinubukan kong tumayo. Pero napangiwi ako at agad na napaupo nang kumirot ang aking paa. “Huwag mong pwersahin ang sarili mo. Nakalimutan mo na ba ’yong sinabi kanina ni Gerlyn?” pinaalala niya sa akin ang payo ni Ate Gerlyn kanina. Napabuntong hininga ako. Unti-unti na namang pumatak ang luha sa aking pisngi. Natatakot ako na baka kung ano-ano na namang masasakit na salita ang sabihin ni Donya Clara sa akin. “Bakit ba kasi dalaga pa ang gusto ni Senyorito Lufer na maging personal maid niya! Tapos aapihin lang din naman ng nanay niyang matapobre na akala mong hindi nanggaling sa hirap,” maktol ni Ate Tessie. “Pinag-initan po ba ni Donya Clara lahat nang naging personal maid ni Senyorito Lufer?” “Oo. Kaya walang nagtatagal. Bakit hindi mo subukang mag-apply sa bayan? Baka may mapasukan kang trabaho doon. Kasi sigurado akong hindi ka titigilan ni Donya Clara hangga't hindi ka niya napapatalsik dito sa mansiyon,” suhestiyon niya sa akin. Pinahid ko ang luha sa aking pisngi. “Sinubukan ko na pong mag-apply bago pa ako mapadpad dito. Kaso wala daw silang bakante,” sagot ko. Hindi ko masabi sa kaniya na gustong gusto ko nang umalis dito pero tinatakot ako ni Senyorito Lufer. Magsasalita na sana ulit si Ate Tessie nang may kumatok sa pinto. “Angeli, ako ’to si Ate Gerlyn. Pwede bang pumasok?” sigaw ni Ate Gerlyn sa labas ng kwarto ko. “Pasok ka po, Ate. Bukas po ’yan,” tugon ko. Pumasok si Ate Gerlyn sa kwarto kasunod si Don Lucio. Hindi pa siya nakakapagpalit ng damit pambahay. Kagagaling niya lang siguro sa farm. “Magandang gabi po, Don Lucio,” sabay na bati namin ni Ate Tessie kay Don Lucio. Tumango lang siya sa amin. “Nahulog ka daw sa hagdan, iha?” tanong niya sa akin. “Opo, pero okay na po ako,” pagsisinungaling ko. Baka magalit din siya sa akin kapag nalaman niyang hindi ako makapagtrabaho. “Umuwi ka muna sa inyo, iha. Hindi ka mukhang okay sa lagay ng paa mo, namamaga na ’yan. Bumalik ka na lang kapag magaling ka na,” sambit niya na nakatunghay pala sa paa ko na namamaga. “P-Pero–” “Huwag nang matigas ang ulo. Sundin mo na lang ang sinabi ko. Ipahahatid kita kay Armando para hindi ka na mahirapang umuwi. Samahan mo sila, Tessie,” may pinalidad sa boses na sambit ni Don Lucio. Tumalikod siya at dire-diretsong lumabas ng kwarto. Nagkatinginan kaming tatlo. Nagkibit balikat sina Ate Tessie at Ate Gerlyn habang ako naman ay napabuntong hininga na lang. “Lalabas na ako, Angeli. Pagaling ka ha?” Tinapik ako sa balikat ni Ate Gerlyn bago siya tuluyang lumabas sa kwarto. Nagpalit ako ng damit at nagdala ng ilang gamit. Ilang sandali lang ay may kumatok ulit sa pinto. “Angeli, ihatid daw kita sa bahay n’yo sabi ni Don Lucio. Nakapag-ayos ka na ba?” tanong ni Mang Armando sa labas ng kwarto ko. “Sige po, lalabas na po ako,” sagot ko. “Halika, alalayan na kita. Akin na ’yang backpack mo.” Kinuha ni Ate Tessie ang backpack ko at isinukbit sa balikat niya. Isinampay niya ang kaliwang braso ko sa kaniyang balikat. Paika-ika akong lumabas sa kwarto. “Akin na ’yang bag ni Angeli, Tessie.” Kinuha ni Mang Armando ang backpack ko kay Ate Tessie. “Angeli, anak. Ano ang nangyari sa ’yo? Bakit namamaga ’yang paa mo?” puno ng pag-aalalang tanong ni Papa sa akin. Magkatuwang na inalalayan ako nila Mang Armando at Ate Tessie papasok sa bahay. “Aksidente po siyang nahulog sa hagdan, Mang Angelo. Pero huwag po kayong mag-alala, nahilot ko na po siya. Kailangan niya lang pong ipahinga ang katawan niya para tuluyan po siyang gumaling,” ani Ate Tessie. Siya na ang nagkusang sumagot sa tanong ni Papa. “Salamat po sa paghatid ninyo, Ate Tessie, Mang Armando. Pakisabi na lang din po kay Don Lucio ang pasasalamat ko,” nakangiting sambit ko. “Walang anuman, iha. Sige na, hindi na kami magtatagal at gabi na.” “Magpagaling ka, Angeli. Huwag mong pwersahin ang paa mo, ha? Para gumaling agad,” habilin naman ni Ate Tessie. “Maraming salamat sa paghatid ninyo, Pareng Armando, Tessie. Mag-iingat kayo pag-uwi. Ipaabot n’yo na lang din kay Don Lucio ang pasasalamat ko.” Kakilala ni Papa si Mang Armando at Ate Tessie dahil naging kapitbahay namin sila noon. Pamangkin ni Mang Armando si Ate Tessie.. Hinatid ni Papa sina Mang Armando sa labas ng bahay. “Ano ba kasing katangahan ang ginawa mo at nahulog ka? Naku, mababawasan niyan ang sweldo mo kapag hindi ka kaagad nakabalik.” Napalingon ako sa likod ko nang biglang magsalita si Helen. Nakabusangot ang mukha niya na nakatingin sa akin. Sa halip na kumustahin ang lagay ko pero heto at inaalala pa niya ’yong sasahurin ko. “Huwag kang patamad-tamad habang nandito ka. Kulang na kulang ’yong perang ibinibigay sa akin ng tatay n’yo. Kaya kahit sa mga gawaing bahay eh makabawi ka man lang.” “Ano ka ba naman, Helen? Iniuwi nga muna siya dito para magpagaling tapos uutusan mo naman,” sita ni Papa kay Helen saktong pagpasok niya. “Pero mahal, dagdag pa kasi siya dito sa gastusin. Ilang araw din siya dito sa atin,” reklamo ni Helen. “Anak ko siya, Helen! Bahay niya din ’to! Ang mabuti pa ay maghanda ka na ng makakain natin.” Napahilot si Papa sa noo. Si Helen naman ay nagdadabog na tinungo ang kusina upang maghain. “Ate! Bakit ngayon ka lang umuwi? Hindi ba dapat kanina ka pa dito nakauwi?” Lumapit si Kate at yumakap sa akin. “May ginawa pa kasi ako sa mansiyon. At saka, kanina pa ko dito, bakit ngayon ka lang lumabas?” kunwari ay nagtatampong sambit ko. “Sorry naman, nakikinig kasi ako ng music. Katatapos ko lang kasing gawin ang homework ko.” “Sipag naman. Halika nga, yakapin mo ulit si Ate.” Paglalambing ko sa kaniya. Naging masaya ang hapunan namin kahit pa walang kangiti-ngiti si Helen. Natutuwa ako na ipagtanggol ako ni Papa laban sa babae niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD