Alex's POV
Mariin ang pagkakapikit ng aking mga mata habang hinihintay ko kung ano ang gagawin sa akin ni Uriel. Asawa na niya ako kaya kung gugustuhin niyang may mangyari sa amin ay wala akong magagawa kundi ang magpaubaya sa kanya. Baka kasi mahalata nito na hindi naman talaga ako si Alexa tiyak na malaking gulo. Maaaring hindi matuloy ang pagpapagamot ni Alexa kay Mama kapag nabuko na hindi siya ang pinakasalan ni Uriel kundi ako na kakambal ni Alexa.
Habang hinihintay ko ang gagawin ni Uriel sa akin ay isang malakas na pitik sa aking noo ang naramdaman ko kasabay ng pagmulat ng aking mga mata. Nakasalubong ko ang naniningkit na mga mata ni Uriel.
"Silly. Ano sa tingin mo ang gagawin ko sa'yo? Nakalimutan mo na ba ang usapan natin?" mula sa pagkakadagan sa akin ay bumangon siya at naupo na lamang sa gilid ng kama.
Usapan namin? Ano ang usapan namin? Wala namang nababanggit sa kanyang sulat si Alexa na may usapan pala ito at ng lalaking ito.
"S-Sorry. Nakalimutan ko. Nataranta kasi ako," pilit ang ngiting sagot ko sa kanya kahit na hindi ko naman alam kung ano ang pinag-usapan nila ng kakambal ko.
"Kung nakalimutan mo ay ipapaalala kong muli sa'yo ang napag-usapan natin. Napag-usapan natin at pumayag ka na magiging mag-asawa lamang tayo sa papel at sa harapan ng mga tao. Ngunit libre tayong gawin ang anumang nais nating gawin at hindi natin pakikialaman ang isa't isa as long as hindi ito makakasira sa ating agreement," paliwanag ni Uriel sa napag-usapan nito at ng kakambal ko.
Tila naman nahipan ako ng hangin na nakatanga lamang sa mukha ni Uriel. Hindi kasi ako makapaniwala sa aking narinig. Sa mga pelikula at mga story sa novel ko lamang kasi nakikita at nababasa ang ganitong klaseng plot. At hindi ko alam na talagang nangyayari pala ang ganoon sa totoong buhay.
"Ibig sabihin ay puwede kang magkaroon ng girlfriend at ako naman ay boyfriend kahit na mag-asawa na tayo?" hindi pa rin makapaniwalang tanong ko sa kanya.
"Of course. Sabi ko nga sa'yo na maaari nating gawin ang anumang naisin natin basta hindi makakasira sa agreement natin. In short, wala tayong pakialamanan sa isa't isa. Mind your own business and I will mind my own business too," tila balewalang sagot nito. Hindi ba makakasira sa agreement kapag pareho kaming magkaroon ng relasyon sa ibang tao lalo na kung malaman ng aming mga pamilya na fake marriage lang pala ang mangyayari? Hay naku, bigla akong naguluhan sa mga sinabi ni Uriel. Pero hayai na lang. At least hindi namin kailangang magsiping na dalawa. Mananatiling ligtas ang puri ko at maiaalay ko pa ito sa lalaking totoong magiging asawa ko.
"O-Okay," ang tanging nasabi ko na lamang sa kanya. Mahirap makipag-debate sa kanya dahil tingin ko ay hindi ako mananalo sa kanya.
"Good. Mabuti naman at nagkakaintindihan tayo," natutuwang sabi nito. "Pareho tayong makikinabang sa kooperasyon nating ito. Makikinabang ang daddy mo dahil pahihiramin siya ng kapital ng mommy ko para makabawi ang nalulugi ninyong kumpanya samantalang mapapasaya ko naman ang mommy ko na may taning na ang buhay dahil alam mo naman na gustong-gusto ka niyang maging daughter-in-law. At tandaan mo, Alexa. Tunay man ang kasal natin ay peke naman ang ating pagiging mag-asawa kaya huwag na huwag kang magkakagusto sa akin dahil masasaktan ka lamang. I already love someone else, okay?"
Bigla akong napasimangot sa aking narinig. Ano ba ang iniisip ng lalaking ito? Na gugustuhin kong maging totohanan ang aming pagiging mag-asawa? At saka hindi ako magkakagusto sa katulad niyang kasin-lamig yata ng yelo ang puso. Hindi ko nga lubos-maisip na kaya pala niyong magmahal.
"Huwag kang mag-alala, Mr. Fontagio dahil hinding-hindi ako magkakagusto sa'yo. At isa pa ay hindi ko tipo ang mga katulad mong lalaki na seryoso palagi ang anyo at mukhang hindi marunong ngumiti. Hindi ko nga alam kung bakit nagkakagusto sa'yo iyong mga babaeng bisita sa kasal-kasalan natin gayong maliban sa mukha at bulsa mo ay wala namang kagustu-gusto sa'yo—" Bigla akong napahinto sa walang tigil kong pagdaldal nang makita kong dumilim ang mukha niya at nagtagis ang mga ngipin na obvious na hindi niya nagustuhan ang mga sinabi ko. Hay naku, bakit ba kasi ang daldal ko? Paano kung bigla na lamang akong sakalin ng lalaking ito tapos palabasin na nagbigti ako? My gosh! Kawawa naman ang beauty ko. Mamamatay ng nakaluwa ang mga mata at nakalawit ang dila. Dapat ay talagang bawas-bawasan ko ang pagiging madaldal ko para ligtas ang buhay ko.
"Sa ibaba ka ng kama matulog. May foam diyan sa ilalim hugutin mo na lang. Hindi ako sanay matulog sa ibaba kaya hindi puwedeng ako ang matulog diyan," masungit na sabi niya sa akin. Mukhang dinibdib yata niya ang mga sinabi ko.
"Sanay naman akong matulog sa matigas na sahig kaya okay lang na dito ako matulog at kahit walang kutson ay okay lang din," nakangiting sagot ko habang pababa sa kama. Sa bahay nga namin ay matigas na sahig ang hinihigaan ko mabuti nga rito at may kutson kaya mag-iinarte pa ba ako?
"Sanay kang matulog sa matigas na sahig? Bakit? Sa sahig ka ba pinapatulog ng daddy mo?" nakakunot ang noo na tanong sa akin ni Uriel.
Nakagat ko ang aking pang-ibabang labi nang ma-realized ko kung ano ang aking sinabi. Kaagad kong kinastigo ang aking sarili sa hindi ko pag-iingat ng mga salitang lumalabas sa bibig ko. Dapat ko na talagang takpan ng masking tape ang bibig ko para wala ng lumabas na mga salitang maaaring makapagbigay kay Uriel ng pagdududa tungkol sa aking pagkatao.
"Yes. Sanay akong matulog s sahig sa loob ng aking kuwarto. Minsan kasi ay trip kong matulog sa sahig kaysa sa kama. Weird na hobby ko na yata ito pero nakagawian ko na at sa kalaunan ay nasanay na ako," mabilis kong paliwanag. Mabuti na lang at mabilis akong nakaisip ng paraan kaya nakalusot ako sa pagkakamaling nasabi ko. "Saan pala ang gagamitin kong unan at—"
Hindi ko naituloy ang aking sasabihin at napatili na lamang ako ng mahina nang bigla akong hilahin ni Uriel pabalik sa kama at pagkatapos ay dinaganan ako ng katawan niya. Bigla kasing may kumatok at pagkatapos ay bumukas ang pintuan kaya ako biglang hinila ni Uriel. Hindi ko naiwasang mapaungol hindi dahil sa biglang init na gumapang sa aking katawan dahil sa pagkakadikit ng aming mga katawan na ewan kung saan nanggaling kundi dahil sa bigat ng katawan niyang nakadagan sa akin. Sa ginawa kong pag-ungol ng mahina ay biglang napatingin sa mukha si Uriel na nakakunot ang noo. Namula naman ang mukha ko nang mabasa ko sa kanyang mga mata kung ano ang nasa loob ng kanyang isip. Hindi. Nagkakamali ka ng iniisip mo, Uriel, piping hiyaw ko sa aking isip.