Chapter 1 Apartment for Rent

1726 Words
Carel Rain HINDI ako makapaniwala na nasa lungsod na ako. Lugar na pinangarap ko marating noon pa man. Sa telebisyon ko lang kasi ito nakikita. Mga matataas na gusali, maraming magagarang sasakyan, at maraming tao na iba't iba ang itsura. Unang tapak ko ay hindi ko pa alam kung saan o ano ang gagawin ko. Mas lalo akong natakot sa mga titig ng mga tao na para bang isa akong mikrobyo at may dalang nakahahawang sakit. Sa ganda kong ito. Sabay irap ko sa hangin. Naalala ko ang laging bilin sa akin ni Tiya Lucing noon. Na hindi basta-basta ang buhay sa lungsod. Madalas ko kasi sabihin sa kanya na pangarap ko makarating dito. Lagi niya pinapaalala noong bata ako na talagang tumatak sa isip ko ay; huwag kang tatanga-tanga at huwag mong ipakita na bagong salta ka. Dahil 'yon daw ang madalas na naloloko. Kaya naman taas noo akong naglakad at kahit hindi ko alam kung saan ako patungo ay nagpatuloy ako sa paglalakad. Isa lang ang nasa isip ko habang hawak-hawak ang isang bag pack, kailangan ko ng matutuluyan sa lalong madaling panahon. Dahil ramdam ko pa ang pagod ay nagpasya akong tumigil sa isang karinderya. Kakain na muna ako para may lakas ako para maghanap ng matutuluyan. Nang makapasok ako sa isang maliit pero maayos na karinderya ay agad na kumalam ang aking sikmura. Gutom na talaga ang mga alaga ko. Nang mapatingin ako sa may dingding kung saan ay may nakasabit na pabilog na orasan ay napaawang na lang ang aking bibig sa gulat. Mag-ala una na pala ng hapon. "Kakain ka ba ineng?" pukaw na tanong ng ginang na siyang nasa harapan ko. Palagay ko ay nasa singkwenta na ang edad niya. "Kung hindi ka kakain ay bawal ang tumambay rito," dugtong niya pa kaya naman nabalik na ako nang tuluyan sa aking sarili. "O-opo. Kakain po ako." Sinimulan kong tingnan ang mga pagkain na nasa aking harapan. Natakam ako dahil sa mabangong amoy at mukhang masasarap lahat. "Magkano po ba ang order?" magalang kong tanong. "Singkwenta sa ulam at sampu piso sa kanin." Napatango ako saka itinuro ang kare-kare. Paborito ko ito at madalas lutuin ni Tiya Lucing noong nagpapadala pa si Nanay. "Softdrinks, meron din kami," hirit pa nito habang sinasandok ang order ko. "Sige po." "Maupo ka na at ihahatid na lang sa 'yo." Tinalikuran ko na siya saka ako humanap ng pwesto. Nakita ko naman ang bandang sulok at 'yon ang pinili ko. Nasa limang lamesa lang naman ang nasa loob at mayroon din naman sa labas pero dalawang lamesa lang ang okupado. Kunsabagay tapos na ang oras ng tanghalian. Mga babae naman ang nasa magkabilang lamesa kaya kahit paano ay napanatag ako. Pero s'yempre todo ingat pa rin. Ipinatong ko ang dalang bag pack sa aking kandungan. Kailangan ko itong ingatan at ito ang aking sandata ngayon. Ilang sandali lang ang lumipas ay inihatid na nga ang aking order. Magana akong kumain dahil bukod sa gutom na gutom ako ay talagang napakasarap ng luto ng kare-kare at ng bagoong kasama nito kaya hindi ko napigilan na um-order pa ng kanin. "Mukhang gutom na gutom ka, ineng. Saan ka ba nanggaling?" tanong ng ginang pagkalapag niya ng kanin na order ko. Pinasadahan niya pa ako ng tingin. "Mukha kang bagong salta rito," komento niya pa. Uminom muna ako ng soft drink bago ko siya sinagot, "Galing po ako sa probinsya." Inilipat ko ang kanin sa plato ko. "Ang sarap po ng kare-kare. Kayo po ba nagluto?" Muli akong sumubo. Pati ang bagoong na terno ng kare-kare ay saktong-sakto sa panlasa ko. "Oo naman. Ako lahat nagluluto ng tinda namin. Salamat naman at nagustuhan mo—" "Mader! Mader!" Isang humahangos na babae ang pumasok sa loob ng karinderya at mukhang ang tinatawag niya ay ang ginang na nakatayo sa tabi ko. "Bakit ka naman nagmamadali? Ano'ng nangyari sayo?" tanong ng ginang. Nagpatuloy naman ako sa aking pagkain habang ang aking mata at tainga ay nakatutok sa dalawa. Palagay ko ay mag-ina sila dahil may pagkakahawig. Hindi naman porket tinawag na mother ay mother nga niya, 'di ba? "Mader, tinakasan tayo nina lamyana. Sabi ko na kasi sayo na ipabarangay mo na o ngayon wala na sila," bakas ang inis sa boses ng dalaga. Sa tingin ko naman ay magkasing-edad lang kami. Narinig ko ang pagbuntung-hininga ng ginang. "Hayaan mo na at Diyos na ang bahala sa kanila. Wala bang iniwan na gamit? O kalat ang iniwan?" "Sa pangalawa ka may tama Mader. Ang kalat ng bahay. Ang dugyot, Mader. Tapos may mga nakakalat pa na mga iiiiiiwwŵ so kadiri na condom ba 'yon?" Humina ang boses ng dalaga sa dulong sinabi niya pero narinig ko naman dahil nga katabi ko sila. "Hayaan mo na at ipapalinis ko na lang. Saka mo isabit ulit 'yong apartment for rent." Nanlaki ang mga mata ko at biglang tumingin sa kanila. Tumingin din ang dalaga sa akin kaya nagtama ang aming mga mata. Pero isang irap ang sinukli niya nang ngitian ko siya. "Oh, siya, magbantay ka na rito at tatawagan ko lang si Milagros para maglinis." Naglakad na ang ginang pabalik sa pwesto niya na kasunod ang anak. Binilisan ko na ang pagkain ko para makausap ang ginang. Uunahan ko na bago pa niya maisabit ang karatula. Mukhang sinuswerte ako sa araw na ito at hindi na ako mahihirapan maghanap. At sigurado pa ako na mabait ang may-ari. Sa sinabi pa lang niya kanina na 'bahala na ang Diyos' ay senyales na mabuting tao siya. Nang matapos akong kumain ay lumapit ako upang magbayad. "80 pesos lahat," agad na bungad ng dalaga sa akin. "At huwag mo nang subukan tumawad dahil hindi papasa sa akin ang mga diskarte n'yong ganyan. Kumain kayo kaya dapat magbayad kayo. Tapos!" Nagulat ako sa inasal ng dalaga. Alam ko na mukha akong nawawala sa tamang daan pero ang panget ng ugali niya. "Zariah Nyll..! Ang bibig mo!" saway rito ng ginang na kalalabas lang mula sa isang pintuan. Doon ko lang napansin na may pinto pala roon. May nakaharang kasi na kurtina. "Huwag kang mag-alala at may pambayad ako kaya hindi mo ako kailangan sungitan," sagot ko sabay irap. Akala niya aatrasan ko siya. Never! Binuksan ko ang bag na dala ko at kumuha ng isang daan. "Keep the change po." English 'yon, ah. Natutunan ko 'yon sa mga napapanood ko sa telebisyon. "Pagpasensyahan mo na ang anak ko, ineng. Ganyan talaga 'yan pero mabait naman siya. Salamat sa pagkain dito." Nginitian ko ang ginang habang tinaasan ko naman ng kilay ang anak niya na Za-Zarayah Nail—nailcutter?...ay ewan kung ano'ng pangalan at ang hirap bigkasin. Pwede naman Mirasol, Zia, or Zamora. Bakit kailangan pahirapan ang mga tao? Akin nga Carel Rain, o, 'di ba? Napakasimple. "Keep the change, akala mo marunong talaga mag-English," bulong pa niya pero rinig naman namin. "Zariah Nyll! May bumibili, asikasuhin mo," utos ng ginang dito. Padabog pa siyang sumunod at inirapan na naman ako. Kinuha ko ang pagkakataon na 'yon para makausap ang ginang. "Ate, narinig ko po kayo kanina na nag-uusap tungkol po sa paupahan na apartment. Magkano po ba ang upa roon?" magalang kong tanong. Tuluyan nang humarap sa akin ang ginang na mukhang nakuha ko ang interest niya. "Apartment ba kamo? Oo, meron. Naghahanap ka ba ng matutuluyan?" "Opo sana." "Aba, halika rito at mag-usap tayo." Inakay ako ng ginang sa inupuan ko kanina. "Taga saan ka ba, ineng?" tanong niya nang makaupo na kami. "Bagong salta ka rito, 'di ba?" Napatango na ako sa tanong niya. Mas maganda na magsabi na ako ng totoo kaysa magsinungaling. Mukhang mabait naman siya. "Sabi ko na nga ba. Kanina pa kasi kita pinagmamasdan. Kahit pilit mong ipinapakita na matagal ka na rito ay hindi nakaligtas sa akin ang totoo. Marunong akong kumilatis ng tao kaya malalaman ko talaga." Tipid na ngiti na lang ang isinukli ko sa kanyang sinabi. "Mahabang kwento po. Sa ngayon po ay kailangan ko po talaga ng matutuluyan," sabi ko na lang dahil ayoko rin muna pag-usapan kung ano ba ang nangyari sa akin. "Ikaw lang ba mag-isa?" Tumango ako. "Tatlong libo ang upa. Kailangan mo magbigay ng 1-month deposit at 1-month advance. Kaya mo ba? 'Yon na ang pinakamura upahan dito lalo na kung ikaw lang mag-isa. Maliit lang kasi ang apartment. Gusto mo ba makita? Medyo madumi pa at ipapalinis ko pa lang." Habang nagsasalita siya ay nagkukwenta na ako sa isip ko kung magkano lahat. Tatlong libo ang upa. Kakailangin ko ng siyam na libo para lang makuha ang apartment. Napalunok ako dahil malaking pera 'yon. "Kaya mo ba ilabas, ineng? Kung hindi—" "Mader naman! Kung hindi niya kaya ilabas 'di humanap siya ng iba uupahan. Ewan ko lang kung may makita pa siyang mura. Ah, meron…sa kalsada." Sabay tawa ni Nyll na hindi namin napansin na nasa likod ko pala at mukhang kanina pa nakikinig. Nyll na lang at masyado mahaba ang pangalan niya. Sakit sa bangs. "Zariah Nyll! Sinabi ko na huwag kang ganyan sa kapwa mo," saway na naman ng ginang dito. Mukhang sanay na ang ginang na tawagin ang anak sa kumpletong pangalan. Kunsabagay anak niya 'yon. "Mader naman! Ayoko lang naman po na patuloy kayong iniisahan ng mga tao. Na porket mabait kayo e, hahayaan na lang natin sila na lokohin kayo," paliwanag ni Nyll. Doon ko naintindihan kung bakit gano'n na lang ang inaasal niya. Nagdadabog siyang bumalik sa pwesto niya kanina. "Pasensya ka na sa kanya. Ilang taon ka na pala?" Nabalik muli ang atensyon ko sa ginang. "Bente uno na po. Sa susunod na buwan po ay bente dos na po ako," aniko. "Magkano ba ang perang hawak mo?" "Kaya ko pong ibigay ang hinihingi n'yo. May ipon naman po ako bago ako nagpunta rito," nakangiti kong sabi pero sa kaloob-looban ko ay kinakabahan na ako. Sana ay hindi niya mapansin na nagsisinungaling ako. 'Sorry na po Papa God.' "Zariah Nyll, halika rito," tawag ng ginang kay Nyll. Muntik pa akong matawa nang makitang nakasimangot siya at halatang tutol sa kabaitan ng Ina niya. "Samahan mo si," bumaling muli sa akin ang ginang, "ano nga pala ang pangalan mo, ineng?" "Rain na lang po." "Ano 'yon, ulan?" Agad na sagot ng dalaga. Sabay kaming natawa ng ginang at nagkatinginan. At 'yon ang simula ng pagkakaroon ko ng bagong pamilya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD