“Uy besh, free ka ba sa weekend? Baka gusto mong sumama sa amin maliligo kami sa bagong gawang pool sa resort malapit sa amin. Pinatatanong ni Mama kung gusto mong sumama.”
Nang matapos ni Iris ang sinusulat sa daily log book ng isa niyang pasyente ay saka niya hinarap ang kaibigang si Mylene.
“Pass ako diyan besh. May raket ako ngayong weekend,” kaswal niyang sabi saka umayos sa pagkakatayo. Inunat niya ang kaniyang mga braso saka marahang tinapik ang kaniyang pisngi nang ilang beses para magising. Halos ilang araw na rin kasi siyang hindi nakakatulog nang maayos. Hindi sapat ang three hours na tulog niya araw-araw pero wala naman siyang choice kundi magtrabaho dahil siya ang nagpapaaral sa kaniyang nag-iisang kapatid na kapapasok lang ng kolehiyo.
“Raket na naman? Eh yun na nga lang ang panahon mo para mag-relax at makabawi ng tulog tapos gagamitin mo pa sa raket. Iris naman, puwede magpahinga.”
Tinitigan niya ang kaibigan.
“Pahinga? Ano ‘yon? Parang hindi naman nag-e exist sa vocabulary ko ang salitang iyon.”
Napailing nalang si Mylene nang marinig ang sinabi niya.
“Naku, Iris ha. Baka nakakalimutan mo, 25 ka na. Tapos hanggang ngayon, wala ka pa ring boyfriend.”
“Hindi ko naman kailangan ng boyfriend sa buhay ko. Dagdag responsibilidad lang iyon.”
“Eh saan ba kasi ang raket mo sa weekend?”
Kinuha ni Iris ang phone sa kaniyang bulsa at ipinakita niya kay Mylene ang text mula sa tourism office ng Batanes.
“Tour guide ka na namang ngayong weekend? Baka naman pagbalik mo rito sa hospital hindi ka na makalakad ha. Tandaan mo, matataas ang lugar na aakyatin ng mga turista.”
“Kaya nga ako umiinom ng vitamins para lumabas ang buto ko. Saka kinaya ko naman noong nakaraan. Sayang din ang perang kikitain ko sa pagto-tour sa mga bisita. Pambaon din iyon ng kapatid ko.”
Umiling si Mylene at bumuntong-hininga.
“Good luck nalang talaga sa’yo friend. At sana may guwapong kabilang sa mga ito-tour mo, para naman ganahan ka magtrabaho.”
Inikot niya ang mga mata.
“That’s the least of my concern, Mylene. Ang kailangan ko ngayon ay pera.”
Graduate si Iris ng nursing sa UST. Noong nag-aaral pa siya, maraming hospital ang pinasahan niya ng resume pagkatapos niyang makapasa ng Nursing board exam. Pero nauwi pa rin siya sa pagtatrabaho sa kanilang probinsiya dahil na-realize niya na ayaw niyang iwan ang kaniyang pamilya rito sa Batanes.
Malaki ang sahod sa mga malalaking hospital sa Manila, pero pinili niya pa rin dito dahil nakakasama niya ang kaniyang mga magulang at kapatid. Natural kay Iris ang pagiging isang raketera. Basta kung saan may pera, naroon din siya. Lahat na yata ng trabaho ay ginawa niya na. Balewala na sa kaniyang kung anong sabihin sa kaniya ng ibang tao. Basta ang mahalaga, nakakaipon siya ng pera na pambayad para sa matrikula ng kapatid niya at maintenance medicine ng kaniyang Papa.
At sa darating na weekend, mayroon na naman siyang raket at iyon ay ang pagiging tour guide. Sa lahat ng mga naging trabaho niya, iyon na yata ang pinakapaborito niya. Bukod kasi sa malaki ang binibigay sa kaniya ng tourism office na bayad, may tip pa na binibigay sa kaniya ang mga turista.
“Good morning po,” medyo hinihingal na bati niya sa head ng opisina. Inayos pa niya ang suot na backpack na may lamang mga gamit niya.
“Oh, Nurse Iris, hinihingal ka yata,” puna sa kaniya ng janitor na palagi niyang nakikitang nagma-mop malapit sa pinto. Nginitian niya lang si Mang Nilo. Lahat ng mga naroon sa opisina ay nginitian siya.
“Nariyan na pala ang wonder woman ng Batanes,” sabi ng isa sa mga staff. Sumaludo naman siya rito.
“Oh, ayan ang itinerary niyo sa loob ng dalawang araw ha. Si Manong Ismael ang driver na maghahatid sa inyo sa Ivana Port. Siya rin ang susundo sa inyo sa Linggo ng hapon. Sa tingin mo ba magiging okay ka?”
Sunod-sunod na tumango si Iris.
“Siyempre naman, Ma’am. Kailan ba ako hindi naging okay?”
“Nasa hall na silang lahat. Pumunta ka nalang doon nang sa gayon ay maipakilala mo ang iyong sarili sa kanila.”
Alam na ni Iris ang gagawin. Pangatlong beses niya na ito. Paulit-ulit lang naman ang ginagawa niya. Magpapakilala sa mga turista, siya ang sasama sa mga ito at magpapaliwanag ng mga history ng bawat lugar na pupuntahan nila.
Pagpasok niya sa hall ay agad siyang nalula sa dami ng mga naroon. Bumaling siya sa isang staff at kinalabit ito.
“Ilan ang total tourist na hawak ko, Jake?”
“Fifteen, Nurse Iris. Medyo marami ngayon dahil palaging napo-promote sa mga travel channel ang lugar natin.”
Medyo nalula si Iris sa dami nito. Hindi siya sanay sa ganoon karami. Sa past experiences niya, ang pinakamarami niyang nai-tour ay nasa walong tao lang.
“Sa tingin mo ba Jake, kaya ko ito? Parang ang dami kasi nila ngayon. Baka mahirapan akong i-guide sila nang maayos. Hindi ba puwedeng hatiin sila?”
“Kayang-kaya mo iyan, Nurse Iris. Saka alam mo na ang ibig sabihin kapag madami, hindi ba? Edi mas malaki ang kita.”
Natawa nalang si Iris sa sinabi ng batang staff.
Pagpasok niya sa loob ng hall ay agad bumungad sa kaniya ang masasayang ngiti ng mga turista. Isa-isa niyang pinasadahan nang tingin ang mga mukha nito. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang puro Pilipino iyon. Huminto ang kaniyang pag-scan sa lalaki sa pinakadulo. Hindi ito nakatingin sa kaniya. Pinagmasdang maigi ni Iris ang hitsura nito.
Mukhang naramdaman naman ng lalaki ang pagmamasid niya kaya umangat din ang tingin nito sa kaniya. Nang magtama ang kanilang paningin, alam na agad ni Iris na ang lalaking ito ang magiging sakit ng ulo niya sa buong dalawang araw.
Paanong na namang hindi? Eh kahit na sino yata ang tumingin sa lalaki ay masasabing parang buhat nito ang buong mundo o hindi kaya ito ang guwapong anghel na inihulog sa lupa dahil sa malaking kasalanan nitong nagawa.
Muling ngumiti si Iris sa mga nasa loob. Pagkatapos niyang magpakilala sa mga ito, sinabi niya na rin ang mga guidelines na kailangang sundin ng mga ito.
Nang matapos ang orientation, naunang lumabas at nagtungo sa sasakyan ang mga turista. Ang tanging naiwan nalang sa loob ng hall ay siya at ang lalaking nakaupo pa rin sa upuan nito.
“Hindi ka pa ba lalabas?” tanong ni Iris sa lalaki.
“Are you checking out on me?”
Kumunot ang noo ni Iris.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Kanina mo pa ako tinitingnan, are you checking out on me? Do you find me attractive? Sorry, I don’t flirt with anyone.”
Dinig ni Iris sa boses nito ang malamig na boses ng lalaki. Napatitig siya rito at pinagmasdang mabuti ang mukha nito. Yes, the guy is handsome. Mukha rin itong mayaman. Pero sigurado si Iris na hindi ito ang uri ng lalaking tipo niya. Ayaw niya sa arogante at mayabang.
“Excuse me? Hindi porket tinitingnan kita ay intresado na ako sa’yo.”
“Then why are you looking at me? Don’t tell me you’re judging me?”
“At bakit mo naman naisip iyon? Lahat naman kayo tiningnan ko ah. And what makes you think I’m judging you?”
Lumaki si Iris na mayroong mahabang pasensiya. Noong nag-aaral siya may pailan-ilan ding nang-aasar sa kaniya pero ni isa ay wala siyang pinatulan sa mga ito. May mga pasyente rin siyang masasama ang ugali pero nagagawa niya pa ring ngitian ang mga iyon. Pero ngayong kaharap niya ang lalaking ito, hindi niya mawari kung bakit pakiramdam niya ay nauubusan agad siya ng pasensiya.
“Maganda ka sana eh. Kaso, judgemental,” saad ng lalaki sa kaniya saka tumalikod.
“Hoy, Mister, anong sinabi mo?”
Hinabol niya ito at mabilis na hinawakan sa braso. Huminto naman ang lalaki.
“Jiro Hernandez ang pangalan ko. Hindi Mister.”
“Aba’t talagang—”
“Iris, siguradong nasa dalawang bagay lang na sinabi ko sa’yo ang dahilan kung bakit ka tingin nang tingin sa akin. Either na-love at first sight ka sa akin o hindi kaya ay jina-judge mo ako.”
Hindi alam ni Iris kung saan nakuha ng lalaki ang lakas ng loob nito na sabihin iyon sa kaniya. At tinawag pa siya nito sa first name niya samantalang hindi naman sila close.
Gustuhin mang sagutin ni Iris si Jiro, hindi na niya itinuloy iyon dahil baka bigla itong mag-back out sa tour. Mahirap na at baka mabawasan pa ang kikitain niya sa loob ng dalawang araw.
“Bahala ka nga sa buhay mo.”
Padabog na naglakad si Iris patungo sa sasakyan. Sa loob din siya sumakay kasama ng mga turista. Nakasanayan niya kasing nagkukuwento siya habang nasa biyahe sila.
“Ilang taon ka na nga, hija?”
Napahinto si Iris sa pag-aayos ng kaniyang mga gamit nang marinig ang tanong sa kaniya ng isang babae na may edad na.
“25 years old po.”
“Napag-alaman naming Nurse ka rito sa Batanes.”
“Ah, opo. Bukod sa pagiging Nurse, may iba rin po akong mga raket.”
“Ikaw ba ay may boyfriend?”
Umiling siya. Bahagyang nagtaka si Iris sa tanong ng babae sa kaniya.
“Wala po.”
“Bakit naman wala? Sa ganda mong iyan, dapat ay may boyfriend ka na.”
Alanganin siyang ngumiti sa mga ito.
“Sakto, may guwapo akong katabi rito sa likod. Ikaw ba hijo, may girlfriend ka na?”
Lumipat ang atensiyon ng lahat kay Jiro na tahimik lang na nakaupo sa bandang dulo.
“Wala akong girlfriend.”
Agad na naghiyawan ang mga sakay ng van nang marinig ang sagot ni Jiro.
“Ayun naman pala. Ibig sabihin, hindi malulungkot si Nurse Iris dahil may guwapo tayong kasama.”
Bumaling sa kaniya si Manong Ismael na ngayon ay patawa-tawa lang.
“Mukhang magkaka-love life ka na, Nurse Iris, ah.”
Sinamaan ni Iris nang tingin ang driver ng van. Magkaka-love life? Naku, kung alam lang ng mga kasama nila na napaka-arogante ng lalaking iyon. Aanuhin naman niya ang guwapong lalaki kung masama naman ang ugali nito?
“Hindi naman po ako mahilig sa guwapo.”
“Mukhang mabait naman itong si Jiro. Baka naghahanap ka ng mabait na lalaki, Nurse Iris?”
Gustong matawa ni Iris sa sinabi ng isa nilang kasama. Kung alam lang nila kung paano siya pinakitunguhan ng binata kanina.
Nang makarating sila sa Ivana Port, natanaw agad ni Iris ang dalawang bangka na sasakyan ng mga turistang kasama niya patungo sa Sabtang Island.
“Falluwa ang tawag sa bangka na sasakyan nating patungong Sabtang Island. Ginagamit ang traditional boat na ito para mas maging ligtas ang bawat turista sa pagtawid sa kabilang isla. Hindi ito basta-basta tataob, at higit sa lahat, maganda ang pagkakagawa ng interior nito. May hawakan din nang sa gayon ay hindi kayo malaglag kung sakaling umihip ang malakas na hangin.”
“Alam mo, Nurse Iris, kung sakaling mahulog ka sa tubig, hindi mo kailangang mag-alala dahil narito naman si Jiro para iligtas ka.”
Naiinis man si Iris dahil inaasar siya ng mga kasama nila sa lalaking iyon, pinilit niya pa ring ngumiti. Nang magtama ang tingin nila ni Jiro ay napansin niya ang malalim nitong titig sa kaniya na halos tumagos sa kaluluwa niya.
“Huwag po kayong mag-alala, marunong po akong lumangoy.”
Nawala ang ngiti sa labi at napalitan ng panghihinayang. Si Jiro sa isang tabi ay napangisi.
“Ay, sayang naman.”
Tinawanan nalang ito ni Iris at nagpatuloy sa pagbibigay-kaalaman sa iba pang intresado sa Falluwa.