Helena’s POV
Ano kayang pinagu- usapan nila inang duon? Medyo duda ako kay inang e iiling- iling na wika niya sa sarili habang naglalaba. Nang matapos nga niya ang isang palangganang de color ay ikinula (proseso na pagbababad nang puting damit na may mga mantsa sa init ng araw, nilalagyan iyon ng chlorine/calamansi) niya ang mga may mantsang damit. Maayos iyong nakahayang sa malilinis na malalaking bato.
Naalala niya ang bilin ng kaniyang lola. Oo nga pala, labhan ko na daw yung kay Eros.
Kinuha naman niya ang batya na naumpisahan nang sabunan ng binata. Hindi naman marurumi ang mga iyon pero ang daming kulutan (pagkitan / mangket ang tawag sa ibang lugar, dumidikit ito sa tela kapag dumadaan sa damuhan) ng ilang salwal niyon. Hindi talaga sanay sa probinsiya bulong niya.
Sumunod niyang nilabhan ang pang ilalim nito- brief. Napaawang ang bibig ni Helena, unang beses niyang nakakita at nakahawak niyon. Gray ang kulay at malaki ang allowance nito sa parteng gitna sa harapan. Pakiramdam niya’y nag- init nang husto ang kaniyang pisngi. Ito yata ang suot ng binata kahapon ng naliligo ito sa balon. Napasinghap pa siya nang makakita ng iilang kulot na maiiksing buhok. Napalunok siya, bakit naman naglalagas ang mga buhok nito sa ibaba? Nabitawan naman niya iyon at sa kapilyahan ng utak ay kung ano- ano ang pumasok sa kaniyang isip. Mahina siyang napatawa at saka kinontrol ang sarili. Binrush na lamang niya iyon at nakangiwing mabilis na inalis ang mga buhok- buhok doon. Kung siya pala’y mangkukulam ay puwede na niyang kulamin iyon. Nasa kaniya na ang buhok nito sa ibaba.
Tinapos niya agad banlawan ang mga damit ng binata, kakaunti lang naman ang mga damit. Tatlong pares lang yata.
Maya maya pa ay natanaw niya sa malayo ang lumitaw na bulto ni Eros, humahangos iyon at nang makalapit ay tila walang kulay ang mukha. Hindi naman siya agad nagtanong pero curious na siya kung anong ginawang kalokohan ng kaniyang abuela.
“Helena, kumusta?” tanong nito na tila pinilit na ngumiti.
“Ayos naman, tapos na ang labahin mo” sagot niya kunwari’y hindi napapansin ang pagka balisa nito.
“Naku, hindi mo na dapat idinamay nakakahiya.” Sagot nito. Kahit ako’y mahihiya kung may buhok sa aking undies. Ngumiti na lamang siya.
“Wala ‘yon, konti lang naman iyan” sagot niya.
“Gusto mo bang malaman ang pinag usapan namin ng lola mo?” tanong nito.
Bilang curious din naman siya ay tumango narin siya bilang sagot.
“Sabi niya, puwede akong makipag kilala pa sa’yo. Sinabi rin niya ang mga inaasahan niya sa isang lalaki kung sakaling..” tumigil ito.
“Kung sakaling?” tanong niya.
“Mag asawa ka, ganun” sagot nito na nakatitig sa kaniya at hinihintay ang kaniyang reaksyon.
Napailing na lang siya, hindi makapaniwala na ang billis ng utak ng inang.
“Naku pasensya ka na sa inang. Mapagbiro talaga iyon” ‘yon na lamang ang kaniyang naisagot dahil hindi rin naman niya alam ang sasabihin. Nakakahiya sa binata. Kakakilala pa lang nila at siguradong hindi naman ito magkakagusto sa kaniya.
“Helena sana makilala pa kita. Interesado ako sa’yo at hindi ako titigil kahit ano pa ang sabihin ng iyong inang” sagot ng binate at saka bahagyang lumapit. Napatameme na lang rin siya Ano naman kayang pananakot ang ginawa nang inang?
Kinuha ni Eros ang batya nitong may laman na malinis na damit at saka ngumiti sa kanya
“Salamat uli Helena, napakabait mo at alam ko ang lola mo din kahit terror, sinisiguro lang niyang matino ang iyong kakaibiganin. Dadalaw ako sa’yo, una na'ko” sagot nito saka tumalikod na at umalis.
Nang hindi na niya marinig ang yabag ng binata ay sumilay naman sa kaniyang mga labi ang ngiting kanina pa niya sinusupil. Kinikilig na yata siya pero hindi naman siya aasa dahil pag nalaman ng pamilya nito na nakikipag- kita ang binata sa kaniya ay siguradong pipigilan ito. Napabuntong hininga siya. Bahala na.
Nang matapos nga sa lahat ng labada ay umuwi na rin siya. Nadatnan niya si Lola Huling na umaawit awit pa habang nagga- gadgad ng carrots. Napasingkit ang mata ni Helena Aha! Sigurado na nga, may ginawang kaduda- duda ang matanda!
Nang mapansin siya nito ay lumapad ang ngiti ng matanda. Mas lalo pang kinabahan si Helena. Hindi siya nagtitiwala sa mga ganoong ngitian.
“Oh, andyan ka na pala. Kumain ka muna maganda kong apo” malawak parin ang ngiting wika nito.
“Inang ano pong ginawa niyo kanina bukod sa pagkakape?”nagdududang tanong niya habang sumasandok ng kanin.
“Ginawa? Ako? Naging mabuti akong tao at inalok siya nang masarap na langka, inaliw ko naman siya ah” namimilog ang matang wika nito.
Hmm hmmm talagang kahina- hinala.
“Inang ha, baka me bago nanaman silang itsismis nan” sagot niya.
“Yun nga ang una kong pagsubok sa kaniya. Malalaman natin kung karapat dapat ba siya” sabay hagikgik ng matandang tila may kakatwang naiisip.
“Inay, ano po iyon? Bakit may pagsubok agad hindi ko pa nga siya ganap na kaibigan”
“Pagsubok kung karapat dapat ba siyang maging kaibigan mo, baka mamaya ilaglag ka niyan e mapahamak ka pa. Iniingatan lang kita Helena. Makikita mo bukas o makalawa kung ano ang mangyayari” sabay halakhak ng matanda.
Tumigil na rin siya. Hindi naman nito sa kaniya iyon sasabihin kahit ano pang gawin niya.
Nang matapos kumain ay nagsampay naman siya. Mahaba ang kawad na sinasampayan at may maliliit na ipit na gawa sa kawayan. Hindi pa naman masakit sa balat ang init ng araw. Mahangin, tinatangay ang kaniyang mahabang buhok at suot na mahabang palda. Kay saya sa pakiramdam, gumala ang kaniyang tingin sa paligid. Nagsasayawan ang mga punong tila nakikiramay sa kaniyang tuwang nararamdaman, may ilang dahon na nahuhulog at tinatangka niyang saluhin ngunit mailap ang mga iyon.
May bago siyang kakilala at kaakit- akit pa ang itsura nito. Higit sa lahat hindi takot sa kaniya at mukhang malinis ang hangarin. Sana nga malagpasan nito ang kung ano mang pagsubok na binigay ng kaniyang lola.
Nang bumalik siya sa kanilang bahay ay naabutan niya ang abuela na nagpupukpok na ng nganga nito. Pagkatingin niya sa malawak na lamesa ay tapos naman na ang ginagadgad nitong carrots.
Sisimulan na niya ang paggawa ng atsara. Ang ibinabad na papaya ay kaniyang hinugasan uli sa malinis na tubig at pinigaan sa malinis na tela saka ito nilagay sa plangganita, ihinalo narin niya ang carrots na ginadgad ng abuela
Walong papaya, dalawang carrots, isang kutsarang buong paminta, isang ulo ng bawang, dalawang sibuyas, isang tipak na luya, dalawang bell pepper~ Ito ang ingredients sa kaniyang atchara na nakabisado narin niya sa tagal na ginagawa ito. Pagkahiwa ng maliliit sa mga iyon ay nagpakulo na siya ng tatlong takal na suka at isa’t kalahating takal ng asukal. Nang kumulo ay pinaghalo na niya lahat ng ingredients. Nangibabaw sa hangin ang samyo niyon, maasim at matamis. Ihinanda na niya ang mga plastic jar at matiyagang inisa- isang nilagyan at sinelyuhan. Nilagay niya sa cabinet at sa susunod na linggo maaari na niyang ibenta ang mga iyon.
Eros’ POV
Hanggang ngayon ay tumataas parin ang kaniyang balahibo pag naiisip ang ibinulong ng lola ni Helena. Paano naman nito nalaman ang pangyayaring iyon e siya lang naman ang nakakaalam nito. Positibo siyang wala siyang napagsabihan ng pangyayari kagabi sa banyo. Ang mabilis na aninong tumakbo.
“Insan, ang lalim yata ng iniisip mo” wika sa kaniya ni Anton na bahagyang ibinaba ang cellphone at tumingin sa kaniya.
“Haha wala insan, naiisip ko lang yung mga alaga kong pusa sa amin. Sana hindi nila pabayaan” sagot niya. Totoo naman, naga alala rin siya lalo na kay Isagani. Gala pa naman yun at mailap sa ibang tao, sa kaniya lang.
“Papakainin naman yun panigurado at saka makakahuli yun ng daga” sagot nito.
“Kakadiri naman yun ‘wag naman daga sana” nakangiwing sagot niya.
“Tara sa court, manood nalang tayo ng naglalaro” aya nito saka ichinarge ang cellphone.
Lumabas sila, nang mapadaan sa kapitbahay ay nakita nila si Emma katabi ang isa pang bata ring dalagita na kiming napangiti at tumungo. Si Emma naman ay malawak ang ngiti at nagsabing,
“Kuya crush ka daw ni Colleen” saka nito tinudyo pa ang kaibigan na ngayon ay nakatakip na ang mukha.
Napangiti rin naman siya. Aminado siyang cute dahil chinito at maputi pero hindi naman siya papatol sa menor de edad. Mukhang 16 o 17 palang yung dalagita na morena at payat. Hindi kaya ito talaga ang patagong naninilip sa kaniya sa banyo.
“Hoy, kababata niyo pa puro kayo love life. Umuwi ka nga dun Emma at maghugas ng pinggan” pasinghal naman na wika ni Anton sa mga ito. Natawa lang rin siyang nagpatuloy na lang sa paglalakad.
Wala paring makakatalo sa beauty ni Helena kahit marami pang babae dito sa baryo. Si Helena ang labis na kabigha- bighani. Ito lang dapat ang manilip sa kanya sa banyo, matutuwa pa siya.
Maraming naglalaro sa court at kalaunan ay nakisali narin sila ni Anton. Mas matangkad siya sa halos lahat ng naandun. Nagba- basketball rin naman siya dati kapag nagkakayayaan silang magba barkada. Hindi siya ganun kagaling sa lungsod pero mukhang siya ang pinakamagaling dito sa baryo. Malaki ang katawan niya at maliksi rin. Nakarinig siya ng tilian. Nang lumingon ay tila kinikilig ang grupo ng mga babae at baklang nakatayo sa sulok. Naghahampasan ang mga ito. Umakbay sa kaniya si Anton.
“Iba talaga ang karisma mo insan, isa diyan crush ko e ngayon sa’yo na yata may gusto” Iiling iling na sabi ng kanyang pinsan.
“Sino ba diyan?”tanong naman niya.
“Ayun yung naka blue na maliit” turo nito.
Kumaway siya sa grupo ng mga babae at bakla.
Lalo namang nag ingay ang mga iyon at naghahampasan. Ang bakla ay binigyan pa siya ng halik sa hangin. Napatawa na lamang siya.
Perks ng pagiging pogi!