Pagkababa ng jeep, nagpahinga muna si Helena sa kanilang kubo. Kita niya ang namumula na niyang mga kamay. Mabigat ang dalawang sako bag at malayo ang kanilang bahay kaya naisipan niyang iiwan muna ang isang sako bag saka hahatiin sa dalawa ang laman ng isa. Inuna niya ang mga pagkain gaya ng mga isda, mahirap na baka may hayop na maligaw sa kubo. Baka nagugutom na rin si Olgrey…
Napapangiti siya habang tinatahak ang daan patungo sa kanilang bahay. Bumabalik sa kaniyang alaala ang kaganapan kanina sa bilihan ng siomai. Date? First date daw namin yun! Gusto niyang sumigaw. Kinikilig ba siya? Sinupil niya ang sarili nang malapit na sa kanilang bahay.
Naririnig na niya ang tunog ng pagwawalis nasa may bukana pa lamang. Sa gilid nga ng kanilang tahanan ay nakita niya ang nakayukong matanda na abalang abala sa pagwawalis.
“Inang!” sigaw niya. Muntik nang mapatalon ang matanda at ibinato sa kaniyang gawi ang walis.
“Anak ka ng kalabaw na dep*ta ka!” singhal nito na ikinatawa niya.
“Inang naman hindi ka na mabiro. Halika po, kakain.” Masiglang yaya niya dito saka pumasok sa bahay.
“Siguraduhin mong masarap yan ha, yung pasalubong mo nung nakaraan hindi ko makagat sa sobrang kunat” tinutukoy nito yung nadaanan niyang calamares at proben na malamig na nung siya ay nakauwi.
Sumunod naman ang matanda sa loob ng bahay at naupo sa kusina. Inilabas niya ang Siomai at inilagay ito sa lamesa. Kumuha rin siya ng plato at kutsara at inayos ang sawsawang toyo at kalamansi.
“Inang makakalimutan niyo dito ang pangalan ko kapag kinain niyo ‘to” masayang wika niya saka pinagmasdan ang matandang halatang nae- excite.
Ang tagal nitong ngumunguya-nguya na lumalaki at lumiliit ang mga mata. Tila nilalasahang mabuti ang kinakain.
“Aba ay masarap nga ano? Malambot.” Nagagalak na wika nito.
“Mas masarap itong toyo kung mayroong sili. Hala ikuha mo ako dun” utos ng matanda. Agad naman siyang pumitas ng mapulang siling labuyo sa gilid ng bahay.
“Inang anong pangalan ko?” birong tanong niya sa matanda.
“Maganda. Ikaw si magandang dilag” pabirong sagot din nito saka sila nagtawanan. “San mo pala ito nabili?”
“Ah nilibre po ako sa bayan ni Eros. Nakita ko po kasi siya sa bilihan ng battery at niyaya po akong kumain. Hindi na po ako tumanggi kasi kape lang ang laman ng tiyan ko” Tapat na sagot niya.
Tila sumeryoso ang mukha ng matanda.
“Ah ganun ba? baka naman sinusundan ka niyan ni Eros ha.”
“Inang diga ho ay bumibiyahe din ng kalakal ang tiyo niya kaya sa palengke po siya tsaka siya po ang bumili niyan para sa inyo. Naalala niya po kayo” pagpapabango niya sa pangalan ni Eros. Ngumiti naman ang lola Huling. Kinilig din yata.
“Siya nga? Aba e mabuting bata. Eh bumili ka ba ng uulamin natin?” tanong nito.
“Opo meron po diyang paa ng manok na pang ngayong araw. Meron rin pong tulingan diyan at pang daing na tilapya.” Sagot niya habang isinasalin ang sprite sa baso.
“O e ano naman iyan?” tanong nito na nangunot ang noo sa kaniyang hawak.
“Softdrinks po inilibre din ako ni Eros.”
“Ah hindi ko iinumin iyan, mananakit lang lalamunan ko at baka ako'y ubuhin. Maigi pa ilalagay natin sa paa ng manok” nakangiting wika nito.
“Pupuwede po ba iyon?” sagot niya.
“Ay oo naman, Ang iyong ina at tiya dati ginagamit iyan sa adobo. Mga natutunan nila sa lungsod” sagot nito.
“Sige po inang kayo nalang po bahala sa pagluluto ng paa ng manok.”
“Oh sige basta’t ikaw ang maglinis mamaya” wika nito saka tumayo na dahil ubos na ang kinakain.
“Opo, babalik na po ako sa kubo para sa iba pang pinamili. Yung hasang po pala inang pasalang nalang para kay Olgrey.”
“Kow busog nanaman ang matabang pusa na iyon. Sige magi ingat ka lang ha. Tingin sa dinaraanan at baka may ahas. Huwag titinga tingala sa langit at baka madapa” wika nito habang binubungkal ang kaniyang mga pinamili.
Bago siya bumalik ay kumuha pa siya ng isang sako bag para hatiin ang mga bubuhatin sa kubo.
Nang makauwi na ay bumungad sa kaniya ang sumasama sa hangin na lansa ng nilulutong hasang. Sinilip niya ito. Parang luto na pero nilagyan niya ng kaunting suka at toyo saka inahon sa apoy.
‘Ngiyaaaaaaaaaaaaw ngraww nyaw’ rinig niya ang paglapit ni Olgrey na humilihid sa kaniyang binti.
“Oo nga Olgrey , hintay ka lang at baka mapaso ka.” Pagkausap niya dito saka naglagay ng hasang sa pakainan nito. Tila hindi naman makapaghintay ang pusa.
Kinukuhit kuhit nito ang hasang kahit mainit pa. Tatawa tawa na lamang siyang tumungo sa likod ng bahay. Nandoon si lola Huling na naghihiwa ng maliliit na tilapya sa korteng parang paro-paro.
“Maganda kong apo. Maigi pang kuhanin mo ang radyo at bagong baterya. Makinig tayo ng drama” utos nito.
“Inang talaga maganda ako kapag me utos” kunwa ay nagrereklamong sagot niya pero excited na rin siyang makinig ng drama sa radyo pati ang mga awitin at horror stories doon.
“Ito inang, teka lang po ha kunin ko lang yung mga lilinisan kong paa ng manok para sabay tayo makikinig” mabilis siyang pumasok sa bahay at kumuha ng sangkalan, kutsilyo at yung supot ng mga paa ng manok.
Dumaan ang maghapon na masaya ang mag- lolang nakikinig sa radyo habang ginagawa ang kanilang mga dapat gawin. Nagsaing din sila ng tulingan at naidarang na nga sa init ng araw ang mga tilapya na hindi nila iniiwanan. Nasa gilid lang kasi si Olgrey at anumang oras ay baka dumagit ng tilapya.
Masaya ang kaniyang pakiramdam ng humiga sa kaniyang kuwarto. Nasa gitnang kuwarto ang matanda, marahil ay nagpapalipas oras pa pero rinig niya ang mahinang tunog ng radyo na Gabi ng lagim ang kasalukuyang napapakinggan.
Bumibigat narin ang talukap ng kaniyang mga mata kaya kahit nais rin niyang makinig ay pinili na lamang niyang matulog.
*†*
Maga a las otso na nang magising si Eros. Napagod yata siya sa dami nang ginawa kahapon.
Ngayong araw sila bibisita kila Helena. Sabi ng kaniyang tiyo ay uuwi daw sila ng mga ala una ng hapon saka magluluto ang kaniyang tiya ng pansit na kanilang dadalhin kila Helena. Kagabi rin ay may iniabot sa kaniya ang kaniyang tiyo na isang tela na naglalaman ng bawang, asin, luya at isang maliit na bote ng langis.
“Ayan, tigi- tigisa tayo niyan. Huwag mong iwawala” paalala nito. Kita niyang mayroon pang limang ganoon na ihinahanda ang kaniyang tito. Pang buong mag- anak. Hindi nalang siya tumutol pa. Mabuti narin naman iyong nagi ingat.
Tila mabagal ang oras ng kaniyang paghihintay. May mga pagkain naman sa ref pero tamad na tamad siyang kumain. Ganun rin ang kaniyang mga pinsan na puros paglalaro lang sa cellphone ang alam.
Nang a las dose na ay tumayo siya. Nakakita siya ng hinog na saging kaya iyon na lamang ang kaniyang kinain. Tumungo na siya sa balon para maligo. Basa nanaman ang mga bato duon, ibig sabihin ay kaliligo lamang ni Helena. Sayang hindi ko pa inabot!
Hindi katagalan ay dumating na rin ang kaniyang tito at tita. Nang makaluto nga ang kaniyang tiya ay nagbihis naman ang mga ito. Sa isang basket ay nakalagay ang pansit na napakabango ng amoy dahilan para kumulo ang kaniyang tiyan. May isang supot rin ng kalamansi doon. Sa isip isip niya ay sobrang oa naman sa dami niyon.
“Aljur at Gemma dito na lamang kayo ha. I lock ninyo ang mga pinto at walang aalis” habilin ng kaniyang tiyo. Nagtaklis rin ito ng itak at kasama nila si Anton na nagtungo na sa labak saka tinungo ang daan papunta sa bahay ng pinaghihinalaang aswang. Nasa hulihan siya dala ang basket ng pansit, siya na lamang ang nagtuturo sa kung saan sila dadaan.
“Sige po diretso lamang diyan” Wika niya ng mapansing tumigil ang mga ito ng makita ang nagtatayugang kawayan at medyo masukal ang daan.
“Sigurado ka dito Eros ha” seryosong wika ni tito Arthur. Napatawa siya ng mahina.
“Opo tito diretso lang tas tataas tayo dun sa may puno ng langka.”
Nang tumambad sa kanila ang garden at ang bahay nila Helena ay bumakas ang pagkamangha sa kaniyang mga kasama. Tumatagos ang sikat ng araw sa nagtatayugang puno ng niyog sa paligid at tumatama ang mga ito sa iba’t ibang kulay ng gumamela sa hardin. Nagsasayawan ang matataas ring halaman na iyon habang sila ay dumadaan. Makikislap ang mga ito na tila wine- welcome sila sa bahay. Kaliwa’t kanang magaganda at makukulay na halaman ang kanilang mga nakikita. Hindi halos makapaniwala ang kaniyang mga kasama. Hindi pa sila nagta- tao po ay bumungad sa pinto ang maliit na matanda, may hawak hawak rin itong kutsilyo.
“Anong sadya ninyo rito?” bungad nitong mataas ang tono ng boses.
“Magandang hapon po aling Huling” ang tiya na niya ang unang bumati.
“Nandito po kami para makipagkuwentuhan kasama ang aming binatang si Eros” pagpapatuloy naman ng kaniyang tito.
“Ah, akala ko ay naghahamon kayo ng tagaan at mayroon ka pang itak. Julie, halikayo pasok, pasok.” Magiliw na paga aya nito. Tumuloy naman sila at pinaupo sila sa sala. Napansin nila sa malaking lamesa ay may mga mustasa, bawang at kamatis. May mga plastic container din na parang nilinisan dahil nakataob ang mga ito sa isang puting tela. Inilapag ng matanda ang kutsilyo sa table saka pumunta sa likod bahay.
“Helena, halika muna sandali at maghugas ka ng kamay. May bisita ka” malakas na sigaw nito.
Nang papalapit si Helena ay para naman siyang naestatwa. Napakaganda nito. Nakasuot iyon ng paldang kulay dark-brown at pang itaas na maihahalintulad sa tube. Litaw ang isang balikat nito at ang pusod ng dalaga. Dahilan kaya’t halatang halata ang magandang hubog ng katawan nito. Hindi iyon ang pangkaraniwang isinusot ni Helena na kaniyang nakikita kaya naninibago siya. Napalunok na lamang siya. Luminga ang tingin niya sa kaniyang mga kasamahan. Nakanganga lamang ang mga ito na para ring naging taong- bato pagkakita kay Helena.
“Helena magandang hapon” bati niya rito. Napangiti ng bahagya ang dalagang tila nahihiya.
“Magandang hapon po sa inyo” mababang boses na bati nito sa kanila.
“Kaya pala patay na patay sa iyo ang pamangkin ko eh” pagbibiro ni tito Arthur.
“Napakagandang bata!” nakatawa namang wika ni tita Julie. Si Anton ay naglihis ng tingin.
“Maganda talaga ang apo ko! Ako ang nagtahi ng damit niyan. Bagay na bagay!” pagmamalaki ni lola Huling.
“Aling Huling may dala po kami ditong meryenda para ating pagsaluhan” magiliw na wika ni tita Julie.
“Nag- abala pa kayo ay, salamat naman. Ay siya duon tayo maupo sa kusina. Helena maglagay ka ng mga plato” wika ng lola Huling saka inabot ang basket.
“Ang dami niyo naman dalang kalamansi, mag kalamansi juice ba tayo?” malakas wika ng matanda na itinaas pa ang supot ng kalamansi.
Tumawa naman ang lahat. Nakita niyang nagkatinginan ang kaniyang tito at tita.
“Hmm masarap ka palang magluto Julie” puro ni lola Huling. Magana itong kumakain. Napatingin siya kay Helena. Kakaunti ang nasa plato nito, siguro ay nahihiyang kumuha ng madami dahil sa mga tao pero panay ang tingin sa bandehadong puno pa ng pansit. Nasa dalawang bandehado ang dala nila.
“Kain pa Helena” wika niya dito saka iniabot ang pansit. Tinanggap rin naman nito iyon saka kiming ngumiti.
“Mabait naman itong pamangkin ninyo Arthur kaya pumayag rin akong ligawan ang Helena ko” wika ni lola Huling.
“Salamat po aling Huling” sagot na lang ng kaniyang tito.
“Pero alam ko rin na kaya kayo naririto ay para siguraduhin na hindi ako aswang hindi ba?” diretsahang tanong nito.
“Hindi naman po sa ganon Aling..” hindi na nito napagpatuloy ang sasabihin dahil pinutol ito ng matanda.
“Naku huwag na kayong tumanggi. Alam ko iyan. Saka ayos lamang rin dahil sinabihan ko nga ang manliligaw nitong apo ko na ipagtapat sa pamilya. Hindi ba’t sa relasyon at sa kahit saan pa man ang pinaka importante ay katapatan?” mahabang litanya nito saka kumuha ng kalamansi at pinatak sa kaniyang pansit at maganang kumain.
“Tama po kayo, ayaw rin naming naglilihim si Eros.” Sagot ng kaniyang tita.
“Kung wala siyang gagawing masama, hindi siya mapapahamak” makahulugang sambit ng matanda saka dumiretso lamang ng kain.