Nakasuot siya ng white crop top and white shorts. Saka nagsuot din ng puting cap. Gustong-gusto niya ang white dahil ang linis tingnan. Nagpahatid na rin sila kay Mang Jose papunta sa mall.
Habang bumibili sila ay panay ang tingin ni Jane sa presyo tapos bubulong ng mahal.
“Grabeng mga presyo, hindi ko afford,” wika nito. Kaya lumapit siya sa kaibigan.
“Kumuha ka na, ako magbabayad,” sabi niya. Napatingin sa kanya ang kaibigan at nanlalaki ang mga mata.
“Hala! Hindi na, maghanap na lang tayo ng mas mura,” wika nito at hinila siya pero pinigilan niya.
“Ayos lang, Jane. We're friends, ’di ba?” wika niya.
“P-pero…ayokong isipin mo at ng ibang tao na ginagamit kita. Gusto kong makita nila na totoong kaibigan ang turing ko sa ’yo. Saka binilhan mo na ako last year,” sabi nito.
“Bakit mo iisipin ang sasabihin ng ibang tao sa ’yo? Basta magkaibigan tayo, labas na sila sa kung ano ang ibibigay ko sa ’yo. At alam kong totoo ka kaya hindi mo kailangan mangamaba, okay? Sige na, pumili ka na,” wika niya.
Pero nakatitig lang ito sa kanya kaya siya na ang kumuha ng basket at pumili ng mga notebook. Hanggang sa ngumiti ito at tumulong na rin.
Nang matapos nilang makapili ay binayadan na nila iyon. Bumili na rin siya ng regalo para sa daddy niya. Wala na rin naman silang bibilhin o gagawin saka gusto rin niyang tumulong sa birthday ng daddy niya. At gusto rin iyon ni Jane. Kaya nagpahatid na sila kay Mang Jose pauwi.
Pagdating doon, halos patapos na. Nakahilera na ang mga mesa na at may design na rin. Ganoong selebrasyon gusto ni Aries, iyong nasa mahabang mesa tapos sabay-sabay kakain. Pero sa gabi pa iyon gagamitin. Niyaya niya si Jane sa loob at nagtungo sila sa kusina. Para pakainin si Jane dahil mamayang gabi pa gaganapin ang party.
Pero sa sala sila kumain habang nagpapalobo ng mga lobo.
“Grabe, ang simple lang talaga ng pamilya ninyo,” sambit ni Jane.
“Simple lang naman talaga kasi kami,” wika niya.
“Hindi, I mean. Kahit mayaman kayo hindi halata kasi nakikitungo kayo sa ibang tao kahit hindi mayaman gaya ninyo,” sambit nito.
“Syempre. Tumakbo sina mom and dad para talaga tumulong sa mga tao. Nasa puso talaga nila ang pagtulong kaya wala silang pinipili kung mayaman o hindi ang kakausapin nila. Kasi sa botohan naman, wala rin mayaman o mahirap na basehan. Lahat sila, bumoboto,” sagot niya.
“Sabagay, tama naman. Mabuti at marunong magsukli parents mo sa tao. Tapos pati ikaw katulad nila na may mabait na puso,” wika nito.
“Sus, nambola pa. Ubusin mo muna ’yang pagkain mo bago ka magpalobo,” wika niya. Natawa ang kaibigan niya habang naiiling lang siya.
Pagkatapos nila roon, pingdikit-dikit nila iyon at inilagay sa garden. Gumawa rin sila ng board na mayroong lettering at nakasulat na ’Happy birthday, Aries’. Nang magdilim, iniwan niya muna si Jane sa kusina dahil tumutulong doon. Nagtungo siya sa kwarto ng kanyang ama. Kumatok muna siya bago pumasok sa loob. Nakita niya ang kanyang ama na nasa veranda habang nagbabasa ng libro.
“Daddy…” tawag niya. Nilingon siya nito at isinarado ang librong binabasa. Hawak niya ang regalong binili niya kanina habang nakatago sa likod niya.
“Ano ’yon, anak?” tanong nito. “Halika,” dagdag nito.
Naglakad siya palapit sa ama at saka inilahad ang regalo.
“Happy birthday, dad. Ibibigay ko na po kasi baka maging busy na kayo mamaya, dahil alam kong makikipagkuwentuhan ka na sa mga bisita natin,” wika niya.
Sumilay ang ngiti sa labi ng kanyang ama nang tanggapin ang regalo.
“Thank you. Hindi ko expected ito. Sapat na sa aking regalo na kasama ko kayo,” wika nito. Yumakap siya sa ama.
“Pwede ba ’yon? Syempre, iba pa rin po kapag mabibigyan ko kayo ng regalo. Happy birthday, dad. I love you,” wika niya at yumakap ng mahigpit sa ama bago bumitaw.
“Ang lambing ng baby ko. Teka nga, bubuksan ko,” wika nito. Ngumiti siya at pinagmasdan ang ama habang nagbubukas ng regalo. Nang mabuksan iyon ay nakita niyang ngumiti ito. Pero naglaho ang ngiti nang makita ang keychain.
Isang watch, book at scientist keychain ang regalo niya. Dahil alam niyang dating sciencetist ang ama. Hindi nga lang niya alam ang buong kwento kung bakit ito tumigil at tinalikuran ang pagiging sciencetist.
“Hindi ninyo po ba nagustuhan?” nag-aalalang tanong niya.
“Hindi sa ganoon, anak. I love it. Thank you. It just that… nalungkot lang ako dahil naalala ko na minsan nga pala akong naging sciencetist,” wika nito.
“Namimiss ninyo po ba?” tanong niya.
“Minsan, lalo na kapag nakakabasa ako bg mga librong may kaugnayan sa mga ganito,” kwento nito.
“Bakit ninyo po tinalikuran kung masaya pala kayo?” usisa niya.
“May mga bagay kasi na kailangan talikuran. At hindi naman ako nagsisisi na ginawa ko ’yon, kasi kapalit naman no’n ay ikaw. Naging masaya kami nang dumating ka sa amin ng mommy mo,” wika nito.
Hindi niya maintindihan pero tila may ibang kahulugan ang sinabi nito. Pero ipinagsawalang bahala iyon dahil mas tumatak sa isip niya kung gaano siya kamahal ng magulang niya.
“Hmm. Gusto ko pong malaman ang buhay ninyo noong scientist kayo at bago kayo tumalikod sa pangarap ninyo. Ngunit hindi ko po kayo pipilitin kung hindi ninyo pa kaya ikwento ngayon, kapag ready na kayo handa po ako makinig,” wika niya. Tumango ang ama niya at niyakap siya saka hinalikan sa noo.
“Sige po, dad. Pumunta lang ako rito para ibigay iyan. Happy birthday po ulit. Mahal ko kayo ni mommy,” wika niya.
“Salamat, anak. Mahal din kita, kayo ng mommy. Sige, mamaya bababa na rin ako,” saad nito. Ngumiti na lang siya at naglakad na palabas ng silid na iyon. Nagpunta siya sa kusina at tumulong sa paglalabas ng mga pagkain. Unti-unti na rin nagdadatingan ang mga bisita. Dalawang mahabang mesa ang naroon at ibang ay circle na. Mabuti malawak ang harapan nila kaya kasya ang maraming tao.
SAMANTALA, habang nasa mall sila ay tinawag ni Aries si Manang Lupe para kausapin. Pagdating ni Manang Lupe sa kwarto nito ay nagtaka itong may makitang bag na itim. Nakaupo si Aries sa kama at hawak ang regalo sa kanya ni Angelina.
“Aries, ano ito? Itatapon ko?” bungad nitong tanong. Umiling ito at naupo saka binuksan ang bag.
“Hindi ko alam pero iba ang pakiramdam ko ngayon, manang. Parang may mangyayaring masama at hindi ko kaya kung mapapahamak ang mag-ina ko,” wika ni Aries na ipinataka ni Manang Lupe.
“Teka, ano ba ang sinasabi mo? Jusmiyo, kinakabahan naman ako sa ’yo,” wika nito.
“Basta, manang. Bitbitin ninyo ito sa back door. Doon sa madali ninyo makukuha kapag aalis kayo. Someone send me a text message, saying papatayin ang mag-ina ko. Hindi ko alam kung sino iyon at ano ang pakay nila pero mas mabuti nang handa. Kapag patapos na ang party, umalis na kayo, okay? Saka na ako magpapaliwanag kay Lorena,” sabi ni Aries.
“A-ano? Diyos ko. Sino naman ang gagawa no’n? Hindi kaya kalaban mo sa politiko o mga taong inggit? Baka hindi naman seryoso at nananakot lang dahil may party,” sambit ni Manang.
“Ewan ko, manang. Sanay na ako sa ganitong threats pero iba ngayon. Kinakabahan ako. Mas mabuti na rin ito. May pera rito sa bag at ang ibang mahalagang kailangan ni Angelina, kayo na bahala sa kanya kung ano man ang mangyari,” sabi ni Aries.
Magtatanong pa sana si Manang pero pinalabas na niya ito. Walang nagawa si manang kundi sumunod. Nang maiwan siya sa kwarto ay muli niyang binasa ang text message.
Papatayin ko ang mag-ina mo. Wala kang karapatan sumaya ngayon.
Pagbasa niya. Bigla siyang kinabahan nang mabasa iyon at natakot para sa kaligtasan ni Angelina. Hindi niya alam kung sino iyon pero ayaw niyang isaalang-alang ang kaligtasan ng mag-ina niya. Gusto niyang safe si Angelina kung sakaling may mangyari man.
Napabuntonghininga siya bago nagpasyang maligo.
PAGKATAPOS nilang ilabas ang mga pagkain ay sakto rin ang paglabas ng kanyang ama at kanya-kanya nang bati ang mga tao.
“Happy birthday, Mayor!”
“Mayor, happy birthday po.”
“Happy birthday, Mayor Aries.”
“Maligayang kaarawan. Sana’y pagpalain pa kayo.”
Halos pare-pareho pero hindi nagsawa ang kanyang ama sa pagpapasalamat at pagngiti sa lahat ng bumabati. Samantala nasa sala sila ni Jane at nakatingin lang sa mga tao sa labas.
“Grabe, dami ninyo bisita,” komento nito.
“Oo pero sanay na kami kasi taon-taon naman ganito,” sagot niya. Napansin niyang napatingin sa orasan si Jane.
“Hala! Mag-aalas diyes na pala. Naku, kailangan ko na umuwi. Baka hinihintay ako nina nanay. Sabi ko kasi dadalhan ko sila,” wika nito. May kalayuan kasi kila Jane kaya hindi makapunta magulang nito.
“Oh, sure, kuha kita roon. Marami pa naman pagkain,” wika niya.
“Hindi na. Pinagbalot na ako ni Manang Lupe,” wika nito at ngumiti. Tumango siya.
“Mabuti naman. Gusto mo pahatid kita kay Mang Jose?” tanong niya.
“Huwag na, abala na iyon. Pwede naman ako mag-commute. May sasakyan pa naman ako. Basta, maraming salamat sa pagkain,” sabi nito.
“Ano ka ba, wala 'to. Sige, ingat ka,” saad niya.
“Ingat sila sa akin,” sagot nito at tumawa saka yumakap sa kanya. “Siya alis na ako, see you sa school,” wika nito.
“Oy, magkikita pa tayo ulit bago magpasukan, susugurin kita sa inyo,” saad niya.
“Sure, hintayin kita. Siya, aalis na ako,” paalam nito. Kumaway na lang siya at sinundan ng tingin ang kaibigan. Nang makaalis na ito ay nag-cellphone muna siya habang kumakain ng cake sa sala.
Pero napatigil siya sa ginagawa niya nang mapansing nagkakagulo sa labas. Kaya tumayo siya para silipin iyon ngunit sinalubong siya ng kanyang ama.
“Dad, what happened?”
“Pumunta ka kay Manang Lupe,” wika nito. Pero naagaw ng atensyon niya ang mga armadong pumasok sa garden nila. Mga nakamaskara at nakasuot ng itim na damit. Nataranta ang mga tao at nagkagulo dahil sa mga hawak na baril.
“Dad, sino sila? Ano ang kailangan nila?” tanong niya.
“Angel, just follow me,” wika ng kanyang ama. “Manang!” tawag nito.
Pero napatingin siya sa mga lalaki at nakita niyang lumapit ito sa kanyang ina. Napalingon ang kanyang ama pero hindi siya maiwan nito.
“Ano ang nangyayari, Aries?” Lumapit si Manang Lupe kaya marahan siyang itinulak ng kanyang ama palapit kay Manang Lupe.
“Manang, ilayo ninyo si Angelina. Puputahan ko si Lorena. Magtago muna kayo sa malayo at hahanapin ko kayo kapag okay na ang lahat,” wika nito at isinarado ang glass door saka lumabas para puntahan ang kanyang ina.
“Halika na, Ange—”
“Ayoko, manang! Hindi natin iiwan sina daddy at mommy. Ayoko!” sigaw niya at pilit nagpupumiglas pero masiyadong mahigpit ang hawak nito sa kanya.
Nakita niya pa sa labas na humarang ang kanyang na tila pinoprotektahan ang kanyang ina pero sinuntok ito ng isang lalaki. Naging dahilan iyon para makita niya ang tattoo sa kamay ng lalaki. Tattoo na kapareho ng sa kanyang ama. Natakot si Lupe kaya pinilit siya nitong hilahin. Dahil sa panghihina niya kaya nagawa siyang hilahin ni Manang Lupe paalis. Naglakad sila patungo sa kusina. May backdoor doon at may daan papunta sa highway. Pero bago sila tuluyang makalayo ay nakarinig siya ng maraming beses na pagputok ng baril.
“Daddy! Mommy!” sigaw niya habang tumatakbo sila. Umagos ang luha niya habang nakatingin sa bahay nila na unti-unting lumalabo dahil sa luha at paglayo nila.
Pagdating nila sa highway ay pumara agad ng bus si Manang Lupe at sumakay sila. Pero umiiyak siya at nagpupumiglas pero hindi siya binitiwan nito.
“Manang, si mom at dad. Balikan natin. They need our help,” wika niya. Pero nakayakap lang ito sa kanya habang umiiyak.
“Let's go to the police, manang,” wika niya pero umiling si manang.
Wala siyang nagawa kundi ang umiyak nang umiyak habang umaandar ang sasakyan at isinasambit ang pangalan ng ama't ina. Hanggang sa natuyo na lang ang luha niya sa pisngi niya.
Tumigil ang sasakyan sa isang hindi pamilyar na lugar. Dumukot si Manang ng pera at nagbayad sa bus.
“Manang, bakit natin sila iniwan?” Muling pumatak ang luha niya.
“Patawad, hija, pero ito ang hiling ng daddy mo,” sagot nito.
“Sino ang mga iyon, manang? Ano ang kailangan nila sa amin? Kalaban ba iyon sa politika?” tanong niya.
Ang tanging naiisip niya ay politiko at mga taong inggit sa pamilya niya ang gumawa no’n.
“Hindi ko alam, Angelina. Basta, kailangan natin magtago dahil baka balikan tayo at ikaw naman ang patayin. Halika, maghanap muna tayo ng matitirahan,” wika nito.
Bumuhos ang luha niya dahil sa isang iglap, ang masayang pamilya at pamumuhay nila ay nasira. Hindi niya alam kung paano magsisimula nang hindi kapiling ang magulang.
Hinawakan siya ni Manang sa kamay at hinila na. Hindi niya alam kung nasaan sila pero nagpatianod lang siya sa ginang. Dahil tila isa siyang lantang gulay na nawalan ng sustansya sa katawan.
NAKALULUNGKOT na balita. Isang mayor ang pinatay sa isang bahay sa Quezon city, Manila. Kinilala itong si Aries Del Valle. Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis. Sinasabing dahil sa inggit o galit ang dahilan ng pagpatay ngunit wala roon ang asawa nitong si Lorena Del Valle at ang nag-iisang anak. Maging ang kasambahay. Sabi ng mga nakasaksi ay nakamaskara ang mga taong pumatay kaya mahirap kilalanin.
Pinaghahanap pa ang ibang pamilya ng biktima upang mahingian ng opinyon at pangyayari. Ako si—
Naputol ang balita dahil pinatay ni Manang Lupe ang tv. Hindi na tumigil sa pagbuhos ang luha niya.
“Angel, kumain ka na, kagabi pa walang laman ang tiyan mo,” wika nito pero para siyang walang naririnig.
“P-patay na si daddy? At nawawala si mommy?” bulong niya habang umiiyak.
“Angelina…” sambit ni manang.
“Manang, bakit kami? Mabait naman sila sa mga tao at sa tingin ko naman w-wala silang tinapakan na tao pero bakit?” wika niya ngunit tanging pag-iling lang sagot nito.
“Hindi ko alam, hija. Pero iniwan ’to sa akin ng ama mo para sana sa inyo ni Lorena. Pero hindi natin nakasama ang iyong ina. Patawarin mo ako,” wika nito at inilapag ang bag sa kanyang harapan.
Hindi niya napansin na may dalang bag si Manang Lupe sa pagtakbo nila kagabi. Agad siyang nagpunas ng luha at binuksan ang bag. Naglalaman iyon ng mga folder at pera. Nakita rin niya roon ang regalo niya sa daddy niya.
“Mahal na mahal ka namin, anak,” pagbasa niya sa papel na nakaipit sa notebook.
Napahagulgol na lang siya ng iyak habang yakap ang libro at keychain na ibinigay sa ama. Bigla niya naalala ang mga lambing ng kanyang ama, hindi niya masiyadong binigyan ng kahulugan dahil ganoon naman ito palagi sa kanya.
“Kung alam ko lang na mangyayari ’to, sana sinulit ko na ang araw na kasama ko siya,” bulong niya habang umiiyak.
Pinagmamasdan lang siya ni Manang Lupe na nalulungkot at nasasaktan para sa kanya dahil sa nangyari.