3RD PERSON POV
"Alpha Reign, dahil sa pag atake ng mga Rouge sa Nayon lumikas na ang mga nakatira doon," balita ng beta na si Pell mula sa pagpapatrolya sa buong lugar.
Ang Cresent Moon Pack ang pinakamalaki at kilalang groupo ng werewolves sa loob ng Nuctious forest, kaya naman sila ang nagbabantay at nagpapatupad ng kapayapaan sa teretoryong kanilang nasasakupan.
Hindi maiiwasan ang mga kaguluhan dulot ng mga Rouge o ligaw na werewolves, pero ramdam ng Alpha ng Cresent Moon na iba ang balak ng mga ito ngayon.
Halos mapaluhod sa takot ang kanyang Beta dahil sa madilim at mabigat na aura na kanyang pinakawalan. Hindi niya matanggap na nakalusot sa kanilang paningin ang mga rouge na iyon at nakapaghasik ng gulo sa Nayon kung saan nakatira ang kanyang magiging Luna.
"Hindi ito simpleng pag atake lang..." mahina, pero seryosong turan ng Alpha sa pack member nito.
"A-Ano po ang dapat nating gawin?"
Lumingon ang si Alpha Reign sa nakayuko nitong Beta bago sabihin ang utos nito.
Tumango si Pell at mabilis na sinunod ang masabing utos.
▼△▼△▼△▼△
"Kung iaalay talaga nila si Lila, ibigsabihin lang noon ay hindi siya agad papatayin ng mga halimaw na iyon. Malaki ang tyansa na buhay pa siya," saad ni Aries habang naglalakbay sila pabalik sa sentro ng Nayon.
"Tama, at saka wala naman tayong nakitang bangkay kaya wag tayong susuko sa paghahanap."
Napangiti naman si Red sapagkat sa unang pagkakataon ay nagkasundo ang dalawang ito sa isang bagay. Halatang gusto lamang nilang pagaanin ang kanyang kalooban at bigyan ng pag asa.
"Salamat sa inyo, sana matagpuan natin siya."
Dala ang mga gamit at handa na muling bumalik sa mahiwagang kagubatan ng Nuctious nang bigla na lamang may humarang sa kanila. Nanlaki ang mga mata nilang tatlo nang mapagtanto kung sino ang nasa kanilang harapan.
"Lolang Propesiya!!!" sabay-sabay nilang sigaw at mabilis na nagsibabaan sa kabayong sinasakyan.
"Lola, nandito pa pala po kayo, bakit di pa kayo sumama sa mga lumikas? Delikado na ang lugar na ito," nag aalala niyang ani habang hawak ang maliit at payat nitong mga kamay.
"Hinihintay kita hija, may mga bagay pa akong dapat sabihin sa iyo," seryoso naman itong sagot na nakapagbigay ng kakaibang kaba sa kanyang dibdib.
"T-Tungkol po saan?"
"----- sa pagpasok nyo sa kagubatan ng Nuctious," pabulong nitong sagot, pero sapat lang upang marinig nilang lahat ang tinuran nito.
Nagkatinginan silang tatlong magkakaibigan sapagkat wala siyang ideya kung paano nito nalaman ang kanilang binabalak. Mula nang makita nila ito noon sa loob ng opisina ng pinuno ay iyon na ang huling beses na nakita nila ito at wala nang ibang pagkakataon pa.
"Baka nahulaan din niya," bulong pa ni Theo kaya nahampas ito ni Aries sa batok.
Pero kung may alam ito sa librong hawak niya at sa bagay na pwedeng niyang pagdaanan at kaharapin sa loob ng mahiwagang kagubatan na iyon ay hindi siya magdadalawang isip na makinig dito. Pakiramdam niya kahit paano ay napapalapit siya sa para mahanap si Lila.
Matapos alalayan ang matanda hanggang sa makaupo sila sa isang gilid. Inilahad nito ang kamay sa kanyang harap. Napuno naman nang pagtataka ang kanyang mukha.
"Ah, pagkain po ba hinihingi nyo? Meron po ako," masaya pang ani Theo sa matandang babae.
Nakangiti itong umiling bago magsalita.
"Ang libro hija, ipakita mo sa akin."
Nagmamadali namang kinuha ni Red ang librong iniwan ng ama sa kanya para maibigay sa matanda.
Habang kita nilang binubuklat nito ang bawat pahina ay hindi na siya nakapagpigil na hindi magtanong.
"Lola, sabi po sa akin ni Ama noon, mahalaga daw po ang librong iyan para sa akin at sa aking hinaharap, pero hindi ko naman po alam ang ibigsabihin niya."
Mula sa paghaplos sa mga blankong pahina sa libro ay marahan itong tumingin sa kanya.
"Tunay na mahalaga ang librong ito para sa iyo hija, napakaraming sekreto ang librong ito na tunay na makakatulong sa iyong paglalakbay. Gamitin mo ito ng maayos at ingatan."
"Talaga po? Paano po ito makakatulong ay isang storya lamang naman po ang laman nito," naguguluhan pa niyang ani.
Ngumiti muli ng bahagya ang matanda bago iabot pabalik sa kanya ang libro.
"Bawat pahina ay may nakatagong mapa, alamin nyo ang paraan upang magpakita ito."
"Mapa?" tanong pa nilang tatlo sa habang magkakaharap at pare-parehas na naguguluhan.
"Paano po magpapakita ang ma---" napatigil na lamang siya sa pagsasalita nang bigyan siya nito ng isang maliit na supot na may lamang ginintuang buhangin, ganun din ang isang kapirasong sulat na nakalakip dito.
"Ano yan?" tanong pa ng dalawa habang inuusisa nila an supot na may kumikinang na buhangin sa loob.
Marami pa sana siyang balak itanong sa matanda, ngunit paglingon niya ay wala na ito.
Napalinga sila sa paligid ngunit hindi na nila ito natagpuan pang muli. Kaya naman pabulong na nagpasalamat siya dito at napagpasyahan nilang umalis.
"Ihh katakot naman, hindi kaya multo si Lola?" ani Theo habang pasakay sila sa kabayo.
Hindi naman niya nagawang sumagot sapagkat puno ang kanyang isipan ng mga katanungan. Katulad na lang ng... Paano magpapakita ang mapa, at saan ito patungo? Ano ba talaga ang lihim ng libro at bakit parang alam na ng kanyang Ama ang mga magaganap noon pa kaya nito iniwan ang libro sa kanya.
Nang makalampas sila sa arko na nagpapahayag ng pasukan at labasan ng kanilang Nayon ay humampas sa kanila ang malakas na bugso ng hangin. Kasabay noon ay may hindi mawari siyang narinig.
"Sana sa pagpasok mo sa lugar na iyon ay mahanap mo din ang tunay mong katauhan."
'Baka guni-guni ko lamang iyon,' isip-isip pa niya sa sarili at nagkibit-balikat na lang.
HALOS palubog na muli ang araw nang makarating sila sa tarangkahan ng gubat. Nagbalik sa kanila ang pakiramdam ang nadama noong una silang magtungo rito. Ang kilabot at kaba ay hindi sapat para mailarawan iyon. Delikado at mapangahas ang kanilang gagawin, pero wala silang pagpipilian kung hindi magpatuloy sa paglalakbay na ito.
Habang papalapit ay unti-unti ring nag aagaw ang liwanag at dilim. Ang malakas na hangin ay nagdudulot ng hindi maipaliwanag na kilabot sa kanilang mga balat.
Saktong paglubog ng araw ay nagsimula na ang kakaibang mga pangyayari.
"HYAHHH!!!" sigaw pa nila dahil biglang nagwala ang mga kabayong sinasakyan nila.
Para bang may kinatatakutan ito na hindi nila mawari. Pero, sa totoo lamang ay kahit sila ay nakakaramdam din ng takot ngayon. Sa labis na pagwawala ng mga kabayo ay halos itapon na sila nito para lamang makatakbo palayo sa gubat.
"ANO YUN!? Aray naman," daing pa ni Theo habang tumatayo sila mula sa pagkakasalampak sa lupa. Mabuti na lang at nahulog ang lahat ng kanilang bagahe at hindi nadala ng mga kabayo.
Dahil sa dilim ay muling ginamit ni Aries ang kanyang magic circle, pero ngayon ay para lumikha na ng apoy bilang liwanag nila.
Sulyap lamang, pero nakita nilang tatlo iyon. Ang bawat pagitan ng puno sa loob ng kagubatan ay may mga maliliwanag na matang nakabantay sa kanila. Ngunit nang tingnan muli nila ito ay naglaho na ang lahat na para bang isang malik-mata lamang.
Buo ang loob at pigil ang hininga nang magsimula na silang maglakad papasok sa nasabing gubat. Ang mahiwagang gubat na mula sa mga kwento ay kumakain ng mga manlalakbay. Lahat daw ng pumasok sa lugar na ito ay wala nang nakabalik ng buhay.
Pagyapak pa lang nila sa bungad ng Nuctious forest ay ramdam na nila ang pagbabago ng klima sa loob nito. Hindi maipaliwanag na bigat sa pakiramdam na para bang kay hirap huminga.
Kahit alerto sa bawat hakbang na ginagawa ay nagulat sila nang magawa pang humimig ng kasama nilang si Theo.
"Theo, anong ginagawa mo?" pabulong na tanong nila ni Aries dito.
"Kinakabahan ako kaya inaaliw ko lang ang sarili ko," inosente naman nitong sagot kaya napahampas na lamang sila ni Aries sa kanilang mukha. Ano pa nga ba ang aasahan nila kay Theo, kalmado ito lagi kahit halos nagkakagulo na ang pagilid. Hindi rin ito mabilis ma-pressure kaya nakakapag isip ito ng matino kahit nasa gitna ng mahirap na sitwasyon.
Para kay Red, iyon ang mga katangian ni Theo na nakapagpalakas dito bilang silang swordsman.
Hindi naman niya mapigil ito sa paghimig kaya napailing na lamang siya habang nakasilay sa likod nitong may nakasukbit na espada. Dapat ay nasa unahan nila si Aries dahil ito ang may dalang apoy, pero dahil makulit si Theo kaya inayaan na lamang nilang nasa unahan ito.
"Poprotekhan ka namin, Red," desidido pa nitong ani sa kanya habang naglalakad sa unahan.
Napapangiwi na lamang si Aries sa kanilang likuran. Napapagitnaan kasi siya ng dalawang kaibigan para daw ma-protektahan siya.
"Kaya ko naman ang sarili ko, Theo."
"Kahit na, wala pa ring saysay ang pagpunta natin dito kung mapapahamak ka at hindi naman kayo magkikita ni Lila."
Bahagya siyang napangiti, malaki ang utang na loob niya sa mga kaibigang ito.
Kahit madilim ang paligid ay pansin naman niyang halos walang ipinagkaiba ang gubat na ito sa isang normal na kagubatan. Mula pagkabata ay ipinangtatakot na sa kanila ang tungkol sa mahiwagang kagubatan na ito. Sabi ng matatanda noon, ito ay puno ng mga mababangis na halimaw at kakaibang nilalang.
Ganun din ay matatagpuan din daw dito ang iba't ibang lumang kaharian na may lamang ginto at pilak kaya naman marami ang nagtangkang pumasok dito, pero wala kahit isa ang nakabalik o nakalabas ng buhay.
"Hindi naman pala kakaiba ang gubat ba ito sa mga kakahuyan na nakapalibot sa ating nayon," saad pa ni Theo na para bang nabasa ang kanyang iniisip.
"Hindi ba nakakaubos ng enerhiya ang pag gamit mo ng magic, Aries?" tanong naman niya sa kaibigan nang lingunin niya ito.
"Hindi naman masyado, bukod pa roon ay sulit naman ang pag gamit ko nito, mukhang malayo-layo na rin naman ang nalakad natin."
"Tama ka, pero hindi tayo pwedeng magpatuloy ng ganito, kailangan nating maghanap ng matutulugan ngayong gabi," suhestyon pa niya.
Sumang ayon naman ang dalawa kaya naghanap sila ng siwang sa ilalim ng isang malaking puno. Halos mukha na itong kweba dahil sa lawak nito. Tago din ang lugar kaya nakakasiguro silang ligtas ito.
Hindi na sila gumawa pa ng bonfire sapagkat delikado ito, baka ito pa ang maging dahilan upang mapahamak sila. Nang maibaba ang mga gamit sa lupa ay kanya-kanya na silang nagpasyang magpahinga.
▼△▼△▼△▼△
"Hmm~ masarap po ang bagong luto naming t-tinapay."
"Ha?" ani Red, nang magising siya dahil sa ibinubulong ni Theo habang natutulog ito, napatawa na lang din siya nang makita ang pagtulo ng laway nito.
Nang bumaling naman siya sa kanyang kaliwa ay nagulat siya nang mapansin na wala si Aries doon. " Baka kanila pa siyang nagising,' saad pa niya sa kanyang isipan habang mabilis na nililigpit ang kanyang hinigaan.
Malalim ang kinalalagyan ng siwang sa ugat ng puno na kanilang tinuluyan kabagi kaya kailangan pa niyang umakyat para makaahon. Nang makarating sa ibabaw ay napansin niya si Aries na nakatayo lamang at tila ba ay tulala.
"Uii, anong problema Aries?"
Hindi ito nagsalita at itinaas lamang ang kamay para ituro sa kanya ang isang bagay. Tiningnan naman niya kung saan nakaturo ang daliri nito. Nang mapagtanto ang nangyari ay halos mamutla siya sa takot nang makita ang sa kanyang harapan.
Muntik nang lumapat sa lupa ang kanyang panga nang makitang halos sana harap lamang sila ng lumang bato na naging pananda bilang tarangkahan o pasukan sa kagubatan ng Nuctious.
Naguguluhan silang napatingin sa isa't isa. Alam nilang malayo na ang naabot nila sa paglalakad, paanong hindi man lang sila umalis sa harapan ng gubat.
Nakatulala pa rin siya sa kaganapan sa kanyang harapan nang marinig ang boses ni Theo mula sa kanilang likuran.
"Anong meron?"
Katulad nang ginawa ni Aries sa kanya kanina. Hindi na siya nagsalita at itinuro na lamang ang unahan. Pero, hindi kagaya ng kanyang reaksyon napatawa lamang ito habang napapakamot sa ulo.
"Mahiwaga nga ang gubat na ito," saad pa nito, kaya napatango siya.
SA HALIP na manatili pa roon ay napagpasyahan nilang magpatuloy na.
"Gabi naman nung pumasok tayo kaya baka maligaw lang tayo, di ba?" paliwanag pa ni Theo sa nangyari.
Alam niyang hindi iyon ang dahilan, ganun din si Aries na tahimik lamang sa kanyang likuran. Umaga na, pero dahil sa yabong at dami ng mga puno ay halos walang kahit kaunting sikat ng araw na pumapaloob sa gubat, kaya naman kahit umaga ay makulimlim pa rin dito.
Malakas na paghampas lamang ng hangin sa mga dahon ng puno ang kanilang naririnig, maya't maya rin silang lumilingon para siguruhin na malayo na sila sa tarangkahan ng gubat.
Ngunit hindi lamang nila alam na may katotohanan ang kwento ng matatanda noon. Ang mga puno raw sa loob ng Nuctious ay buhay at gumagalaw.