Two

2052 Words
"I-I AM Maya's friend." Sa wakas, nakapagsalita rin ang lalaki pagkatapos ng ilang segundong pagkatulala. Itinaas pa nito ang dalawang kamay na parang kriminal na na-korner ng mga alagad ng batas. "Don't do anything, okay? Ayokong maging ipis o magka-uod ang ilong. Hindi ko intensiyong sirain ang tulog mo. I'm sorry." Napahagod pa sa buhok, parang hindi alam kung paano makikipag-usap sa kanya nang tama. Halatang takot magkakamali. Ikaw ba naman ang maging ipis o labasan ng uod sa ilong? Takot lang talagang pumangit. Nagpipigil ng tawa si Diwa. "Ang sabi kasi ni Maya," dagdag ng lalaki. "Para harapin mo ako, isigaw ko nang malakas ang name mo. Singganda ka raw ng...ah...name mo?" "Kaya akala mo mukha akong diwata at santa, ganoon?" Pagalit pa rin na tanong ni Diwa, sinadya niyang mas matalim na tingin ang itutok sa bisita. Pilit na pilit ang pagtango ng lalaki. "But...you're pretty too—in a different way?" Umangat ang kilay ni Diwa. "Bobolahin mo ako para hindi ka maging ipis?" "Hindi ganoon, Miss—" "Shhh!" bigla niyang saway, mas tumalim ang tingin. "Manahimik ka muna, okay?" "Okay..." kasabay ng pagtango. Hindi alam ni Diwa kung hanggang saan ang pagpipigil niyang tumawa. Hindi na maipinta ang anyo ng lalaki. Paniwalang paniwala na witch nga siya. Lukaret din talaga si Maya. Sigurado siyang ginu-good time lang ng kaibigan ang pobreng lalaki. Ang inis ng dalaga na naputol ang tulog, napalitan ng pagkaaliw. Pasimple niyang hinawi ang mga hibla ng buhok palayo sa mukha. Binawasan niya ang kunot sa noo, ibinaba ang kilay at binawi na ang matalim na sulyap. "Nagbago na ang isip ko," sabi niya, mabait na ang tono. "Hindi na kita gagawing ipis. Ano'ng kailangan mo?" "Help!" Agad agad na sabi ng lalaki. Inilahad nito ang kamay at nagpakilala. "Enrique Ruiz." Sa mga mata agad nito ang tingin ni Diwa. At base sa assessment niya sa titig at sa pagngiti, sincere naman ang lalaki. Ilang segundo muna siyang nakipagtitigan na medyo nakaangat uli ang kilay bago niya inabot ang kamay nito. Nag-shake hands sila. Nahiya ang magaspang niyang palad sa nipis ng kamay ng 'buwisita'. "Diwa na lang," sabi niya. "Ka-pangalan mo 'yong artista na narinig kong na-interview sa radyo minsan." Dagdag niya, hindi uso sa kanilang mag-ina ang telebisyon. Radyo lang ang koneksiyon nilang mag-ina sa mundo. "Tuloy ka. Hindi kita papakuluan at gagawing almusal. 'Wag kang matakot." Niluwangan ni Diwa ang pagkakaawang ng pinto. Nagpipigil pa rin ng tawa. Papasa talaga siya sa role na witch. Hindi kailangan ng iba pang props. Effective siya sa pagpapanggap! "Ako nga 'yon." "Sabi ko nga, eh. Ikaw talaga 'yon." Labas sa ilong na sang-ayon ni Diwa. Sarkastiko. Ano namang gagawin ng artistang iyon sa apartment ni Maya? Lalong hindi siya lalapitan ng artista para humingi lang ng tulong. "'Upo ka diyan, Enrique—" "Rique na lang, Diwa." "Rique," ulit niya. "Maghihilamos lang ako. Pag-usapan natin ang kailangan mo pagbalik ko. Relax ka lang muna." "Hindi ka naniniwalang ako si Enrique Ruiz?" "Ikaw na kung ikaw. Hintayin mo ako. Mga five minutes lang!" At balewalang iniwan na niya ang lalaki sa sala. Tuloy-tuloy si Diwa sa kuwarto. Inistorbo na ng Enrique Ruiz na a ito ang tulog niya, mang-eetching pa? Probinsiyana siya pero hindi siya tangang maniniwalang lalapitan siya bigla ng artista. Mabilis niyang tinapos ang morning routine. Hindi na siya nag-abalang itali ang mahabang buhok pagkahilamos. Sinuklay niya lang iyon bago bumaba. Hindi man tiningnan sa salamin ang sarili, alam ni Diwa na hindi na siya gaanong nakakatakot. Lakas lang talagang makadagdag ng creepy effect ang magulo niyang buhok. Itim na itim kasi. Ni hindi pa nadaanan ng kahit anong kemikal. "Here," pagkarating sa sala ay iniabot sa kanya ng bisita ang cell phone nito. Umangat ang mga kilay ni Diwa. "Si Maya." Pagkarinig sa pangalan ng kaibigan ay kaagad niyang inabot mula rito ang cell phone. "Maya—" "You're crazy, Diwa!" Tumatawang bungad agad ni Maya. Mukhang isinumbong siya ng 'buwisita'. "'Wag mong masyadong takutin si Rique!" Parang aliw na aliw si Maya base sa boses. "Duwag sa multo 'yan at takot sa kahit ano'ng connected sa black magic!" At nagtuloy-tuloy na ang litanya ni Maya. Hindi na siya binigyan ng pagkakataong magsalita. Sa huli ay nakanganga na napaupo si Diwa sa sofa, nakaawang ang bibig at namimilog ang mga matang napabaling sa lalaking kasama sa sala. Kung ganoon, ang tinatakot niyang gawing ipis ay si... Marahang ngumiti ang lalaki. Ang tingin ay parang sinasabi sa kanyang 'I told you' Nawala na sa kabilang linya si Maya ay hindi pa rin mapaniwalaan ni Diwa ang mga narinig. Sana man lang nag-warning si Maya na may kaibigang artista! "Wala ka bang sasabihin?" si Enrique sa kanya, nagbabanta ang ngisi pero nang umangat ang kilay niya at tumalim ang tingin, nawala agad ang ngiti nito. Nagseryoso bigla at nag-peace sign pa. "O, eh ano naman ngayon kung ikaw nga talaga si Enrique Ruiz? 'Wag kang pa-espesyal diyan. Hindi mo ako fan. Wala kaming telebisyon kaya hindi kita kilala." "May nabubuhay pa bang tao sa ganoong lugar? Baka hindi na inaabot ng kulog sa inyo—" "Mali. Sa amin nagmumula ang kulog!" Tumawa si Enrique at nag-peace sign uli. "Biro lang," bawi nito. "Wala namang kaso sa akin kung hindi mo ako kilala. Hindi naman ako nagde-demand ng special treatment, Diwa. Okay sa akin na ganyan ka lang—minus the ipis thing of course. Okay lang din na i-add mo ako sa list ng friends mo. Best friends daw kayo ni Maya?" Tumango siya sa huling tanong. "Gusto mo rin maging friend ko?" balik ni Diwa. "Totoo 'yan o shino-showbiz mo ako?" "Totoo, Diwa," sabi ni Enrique at ngumiti. "Kaya nga gusto ko si Maya—I mean, favorite girl friend—" "Girlfriend?" "Girl space friend," paglilinaw nito. "Simpleng tao lang ang turing niya sa akin—hindi artista. Gusto ko 'yon." In fairness, mukha namang sincere si Enrique Ruiz sa sinabi. Ilang segundo niyang tinitigan ito—mula ulo pababa at pataas uli. Hinayaan naman siya ng lalaki. Parang naaliw pa sa ginagawa niyang lantarang pagtitig. Tama pala ang nasagap ng 'radar' niya kanina. "Guwapo ka pala sa personal, ah? Ang kinis pa. Totoo ka ba o salamat doc?" "Tingin mo?" "Hmn?" inulit niya ang pagtitig mula ulo pababa at pataas uli. "Totoong diyamante, 'di puwet ng baso." May tunog ang tawa ni Enrique. Balik siya agad sa topic. "Ano pala'ng kailangan mo? Tulong? Gusto mo ba ng kape o juice muna?" Nakangiting umiling ito. "Try ko raw humingi ng tulog sa 'yo sabi ni Maya. Gifted ka raw at trustworthy?" "Ano'ng tulong?" Nakakunot-noo nang susog ni Diwa. "May multo sa bahay ko." Napangiwi agad si Diwa sabay hagod sa sariling sentido. 'Graduate' na siya sa trabahong iyon! Gusto na niya ng bagong buhay sa Maynila. Bakit naman hina-hunting pa siya ng tinatakasan niyang nakaraan? "Mag-stay ka muna sa bahay ko for...well, days or a week? Talk to them..." Napapangiwi na rin ang lalaki. Totoo nga ang sabi ni Maya. Greatest fear nga talaga ng actor ang multo. Hindi umimik si Diwa. Tumingin lang siya sa actor, nag-iisip kung tutulong o tatanggi. Kung si Maya ang nagrekomenda sa kanya, dapat siyang tumulong. Hindi sasabihin ni Maya sa iba ang sekreto niya kung hindi kailangan talaga. Nag-aalala rin siguro ang kaibigan sa actor. Magi-guilty nga naman sila pareho kung maatake sa puso si Enrique dahil sa takot. "Hindi ako espiritista, Rique," si Diwa na gustong maintindihan ng actor ang kakayahan niya. "Hindi ako basta makakapagtaboy ng multo. Wala akong special power or skills—para lang malinaw. Wala rin akong training sa kahit ano'ng may kinalaman sa paranormal. Nakikita ko sila—kung ligaw o hindi, ayoko nang itanong—at nakakausap. 'Yon lang. Hindi ko kayang gawin ang sinasabi mong pagtataboy. Professionals ang dapat sa kaso mo. Maghanap ka na lang ng paranormal expert." "Baka kumalat lang ang balita. Ayoko namang pati multo sa bagong bahay ko, maging cause pa ng kung anu-ano na namang intriga. Nabanggit ka sa akin ni Maya kaya naisip kong puntahan ka muna. Mas gusto ko nang ma-tsismis na may kasamang babae sa bahay kaysa mapuntang mental dahil sa ghost," kasunod ang buntong-hininga. "And right now, mas gusto kong ikaw na lang talaga, Diwa." Tinitigan siya nito. "Will you help me? Please?" Umangat lang ang isang kilay niya. "Bakit ako? Naniniwala kang may powers ako at kaya kitang gawing ipis?" Sa pagkakataong iyon, tumawa na talaga si Diwa. Hindi siya makapaniwalang nagpapaniwala sa witchcraft ang young actor. "I like you, Diwa." "Ay wow! Like agad?" Tumawa na rin si Enrique. Parang naka-adjust na sa sitwasyon. Nakatulong yata ang pagtawa niya. "Hindi ka magiging best friend ni Maya kung 'di kayo pareho." "Parehong ano?" Ngiti lang ang sagot ni Enrique. "Let's be friends?" "Weirdo ka rin 'ata, eh!" Si Diwa na napailing. "Sa lawak ng mundong ginagalawan mo, ako pa talaga? Witch nga ako 'di ba?" Pigil niyang matawa uli. "Basta," sabi ng actor, nakangiti pa rin. "Gusto na kita agad." "Hindi pa luto ang love potion ko, may epekto na sa 'yo?" Tawa uli ang reaksiyon nito. Nagseryoso na si Diwa pagkatapos panoorin ang pagtawa ng young actor. "Ilang taon ka na bang nakatira sa bahay mo?" "Last month ko lang nabili. Mga two weeks pa lang akong nag-stay. Hindi na ako umuwi since no'ng may kakaiba akong naramdamdam." "Ano'ng naramdaman mo?" "Parang lagi akong may kasama. Parang laging may nakatingin sa akin. 'Yong weird feeling na parang hindi ka mag-isa kahit ikaw lang ang ando'n?" "May nakita ka ba?" Umiling ito. "Narinig lang," "Ano'ng narinig mo?" "May nagsa-shower sa bathroom sa kuwarto ko every midnight. Then no'ng minsan—dawn 'yon, nagising ako'ng may umiiyak from somewhere. Hindi ko alam kung saan galing pero parang ang lapit lang. Ayokong isipin na nasa tabi ko lang—baka tumalon ako galing sa balcony, eh." "Ano pa?" "I left without my things—bago pa magliwanag. Hindi ko na mapilit ang sarili kong bumalik." Tumango-tango si Diwa. "Ano'ng gusto mong mangyari ngayon?" "Talk to them. If they need something from me...from us humans, siguro ibigay natin para matahimik na rin sila. Hindi okay 'yong pare-pareho kaming walang katahimikan. Mag-stay ka sa bahay, Diwa." "Naniniwala kang may unfinished business ang nagpaparamdam na kaluluwa?" Tumango si Rique. "Unless, ako ang gustong patayin sa takot." "May rason ba naman sila para gawin 'yon?" "Ang alam ko, wala. First time ghost experience ko 'to, Diwa." "Wala ka namang inagrabyadong babae na namatay or nagpakamatay?" "Wala." "Mga ex girlfriend mo, buhay pa lahat?" "Wala akong ex." Tumango-tango si Diwa. Hindi muna siya nagsalita nang kahit ano. Pinag-isipan ang sitwasyon. Kung hindi si Maya ang nagrekomenda sa kanya, itataboy agad niya paalis si Enrique. Hindi niya guguluhin ang tahimik na niyang mundo. Hindi man niya naranasan ang saktan ng multo, hindi na niya gustong balikan ang mga eksenang nakikipag-usap siya sa mga kaluluwang hindi mahanap ang daan pabalik sa kung saan ang mga ito dapat. "Ask me anything," basag ni Enrique sa katahimikan. Ibibigay ko kahit anong gusto mong kapalit ng tulong, Diwa." Base sa mukha at sa damdamin sa mga mata, seryoso ang actor. "Pera?" "Cash or check?" Bumigay agad si Diwa. Weakness niya ang pera. Nagkaka-energy siya kapag may kapalit na pera ang pabor. Sa mundong api ang mahirap, pera ang sa sagot sa problema ng mundo. Nagpigil ng tawa si Diwa sa naisip. "Hindi ako babanggitin ni Maya sa 'yo kung hindi ka niya inaalala," sabi niya. "Titingnan ko kung may magagawa ako, Rique." Halatang nakahinga ito nang maluwag. "Thanks." "May bayad ang serbisyo ko," agap agad niya. "'Wag kang magpasalamat. Mga kalahati ng talent fee mo sa buong taon ang sisingilin ko, Enrique Ruiz!" Tatawa-tawang sabi niya. Parang walang anuman na nagkibit-balikat lang ang actor. Mukhang ibibigay nito ang lahat sa ngalan ng kaligtasan. Handang i-give up ang savings mawala lang ang mumu? Sa tingin ni Diwa, kasama si Enrique sa mga mababait na artista. Walang ere ang lalaki kung kumilos. Malakas siyang makaramdam ng pekeng ugali. Para siyang may radar na nakakasagap ng positive at negative energy. Totoong tao ang actor. Nakikipag-usap ito sa kanya nang hindi nagpapanggap o nagbabait-baitan lang. Parang gusto na rin niyang maging kaibigan ng artista. Ang lapad ng ngiti ni Diwa sa isip.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD