• ALYNNA MARIE PAREDES •
[5th Floor - Millenium Heights Condominium]
Tulad noon, nasa labas na naman ng kwarto ko si Sky. Naghihintay ulit siya sa akin na matapos ayusan ni Shibama para naman ihatid niya ako at sabay kaming pumasok sa ECB.
Medyo nasasanay na rin ako sa ganito kaya hindi ko na rin inaaway pa si Sky. Kung gusto niya akong ihatid ng ihatid. Eh ‘di bahala siya. Siya rin naman ang mapapagod, eh.
Ngayon na ang volleyball game ko na kalaban ang team nila Farrah na tinatawag na Centuria.
Nag-announce din sa website ng ECB na hindi na muna kami magkakaroon ng klase ngayon upang magbigay daan sa magaganap na laro kaya naman ay p’wede na kaming pumasok sa school ng naka-jersey na agad. Nakakatakot kasi parang manunuod talaga ang buong school sa laro. Bakit nila kailangan alisin lahat ng mga klase?
Gano’n ba talaga ka-importante sa kanila ang laban ng Centuria at The Royals?
Iniisip ko palang ang mga p’wedeng mangyari ay kinikilabutan na ako.
Diyos ko, kayo na po ang bahala sa akin.
Pero s’yempre ay inayusan pa rin ako ni Shibama kasi hindi naman niya alam na may laro ako ngayon. Kaya naman naka make-up pa rin ako at naka-kikay pink dress at wedges.
Palihim ko nalang itinago sa bag ko ang jersey na binigay sa amin noon, mga gamit sa paglalaro ng volleyball, at rubber shoes para magpalit nalang ako mamaya kapag hindi na nakikita ni Shibama.
Parang ang sama ko kay Shibama kasi naglilihim ako sa kanya pero wala na akong magagawa kung hindi panindigan ito dahil kung ngayon pa ako aamin ay wala na ring oras para makapaghanda.
At bukod pa do’n ay hindi ko alam ang magiging reaksyon ni Shibama kapag nalaman niya na nagsinungaling ako sa kanya. Malay ko ba kung may pagka-Sky siya at nagiging dinosaur din? Mahirap na.
Paglabas ko ng kwarto ay biglang sumigaw naman ng malakas itong si Sky! Panira talaga!
"Why are you weari—mmph!"
Tinakpan ko agad ang bibig ni Sky kasi baka malaman ni Shibama na may laro ngayon at dapat naka-jersey akong papasok sa school.
Hinila ko na si Sky hanggang sa labas ng condo at iniwan na namin si Shibama sa loob. Nakita kong medyo nagtataka si Shibama sa ikinilos ko pero nag-aprub ako sa kanya bilang simbolo na okay lang ang lahat. Tumango naman siya sa akin at ngumiti kaya naman sana napaniwala ko siya ro’n.
Kasi ang totoo, walang okay.
Lahat ng nangyayari ay hindi okay.
"What the hell? Why did you do that? And why are you wearing that?"
Binungad sa akin ni Sky ang napakarami niyang tanong nang nakalabas na kami sa condominium. Kanina ko pa pala kasi hawak ang bibig niya. Kung hindi pa niya hinawi ang kamay ko ay baka hawak ko ang bibig niya hanggang makarating kami sa ECB. Haha.
"Eh kasi, ang ingay mo!"
Kumunot ang noo niya. "Bakit naman ako maingay?"
"Tsk! ‘Di mo ba talaga nage-gets?"
"Ang ano?"
"Wow! Slow ka pala, Sky!"
"What the f—"
"Ginagawa ko 'to para sa’yo! Para sa utos mo sa akin."
"The hell?"
"Hindi nga kasi alam ni Shibama na may laro ako ngayon kaya binihisan pa rin niya ako ng ganito. Kasi kapag nalaman ni Shibama ay siguradong itra-train niya ako para manalo. Pero since sinabi mo na magpatalo ako, eh ‘di hindi ko sinabi sa kanya para wala akong training. Okay? Malinaw na ba?"
Nakita kong natahimik si Sky sa sinabi ko.
Parang medyo naaawa yata siya?
Pero sandali lang yung itsura niyang mukhang naaawa sa akin. Nagpalit ulit siya ng reaksyon. Yung hitsura na parang batong walang puso.
Oo. ‘Yon na ang reaksyon niya ngayon. Pagkatapos ng ilang minuto ay saka lang siya nakapagsalita ulit.
"O-okay…"
"Teka, ano ba yang hawak mo?" tanong ko sa kanya. Mayro’n kasi siyang hawak na parang lunchbox.
"Pagkain mo," sinabi niya na para bang wala siyang pakialam.
"H-ha? Sa akin?" Wow.
"Oo. Hindi ba one month kitang dapat pakainin ng maayos sa nutrition activity? Halos nalimutan ko na nga din, eh. Pero ngayon, gagawin na natin ang assignment natin. Ito ang kakainin mo ngayon.”
"Ano ba ‘yan?"
Kikiligin na ba ako? Hehe.
Umupo kami sa park ng ECB at binuksan ni Sky ang lunchbox niya. Laman nito ay isang pirasong wheat bread na mukhang luma na at mukha pang matigas at gulay na mukhang lantang lanta na.
"Ito lang?!" napasigaw ako. Kikiligin na sana ako, eh.
Erase. Bawal nga palang kiligin.
Pero nakakasakit naman sa damdamin na ito lang ang ipapakain niya sa akin. Wala pa nga akong breakfast, eh! Tapos ito ibubungad niya? Gutom na gutom na pa naman ako.
"Oo," malamig niyang sinabi.
"Nakikita mo bang ang payat payat ko na? Dapat madami kang pinapakain sa akin. Gutom na gutom na pa naman ako tapos ito lang?!"
Umiwas siya ng tingin. "Just shut up and eat."
"Ang sama mo, Sky."
"I had to make sure you’ll lose."
Parang kumirot naman ang puso ko sa sinabi niya. ‘Yon pala ang dahilan kaya may pagkain siya ngayon. Kikiligin na sana ako, eh. Pero oo nga pala, kay Farrah pa rin naman talaga umiikot ang buhay niya. Asa pa ako na mag-e-effort siya na bigyan ako eh galit na galit nga sila ni Farrah sa akin.
"Oo nga naman," malungkot kong sabi. Hindi ko maiwasan na hindi talaga magtampo.
Kinain ko ng mabilis ang pagkain na binigay sa akin ni Sky. Nakatingin lang siya sa akin habang kinakain ko ito. Parang wala siyang emosyon. Wala siyang konsensya. Nakakainis talaga siya! Ang sama sama niya! Pasabugin ko mukha niya, eh! Bagay na bagay talaga sa kanya yung ringtone ko sa kanya! Kapal!
"Magbibihis na ako," tumayo ako at naglakad palayo sa kanya.
Hindi ko alam kung bakit pero bakit may luhang tumulo sa mga mata ko? Dali-dali ko itong pinunasan.
Nababaliw na talaga ako.
Ibang klase ang epekto ng Maynila.
Ano ba itong nangyayari sa akin?
***
[Girl's Locker Room]
Nakasuot ako ng jersey na may number '16' at apelyidong 'Fortaleza' sa likuran. Kulay pink at black ito kaya naman pati medyas, rubber shoes, knee pads, hair bands, at hair ties ko ay pink and black din. Habang naghahanap ako kanina ay ito lang ang mga nakita kong kulay eh. Siguro ay talagang pinapares-pares ni Janina ang mga kulay ng accessories niya sa damit niya.
Tinignan ko ang sarili ko sa salamin at nakitang medyo namamaga pa ang mata ko dahil sa pagluha ko kanina sa hindi malamang dahilan. Mukha tuloy akong inaway.
Ang pangit ko na. Huhu.
Sinimulan ko nalang taliin ang aking buhok. Pero bago ko pa matapos ang pagaayos ng aking buhok ay biglang may humila nito.
"Aray!" napasigaw ako.
"You b’tch!"
Sinalubong ako ng isang galit na galit na babaeng naka-green jersey mula sa team ng 'Centuria'.
Si Farrah.
"Aray, Farrah! Bakit mo ko sinasabunutan?!" pasigaw ko ulit na tanong.
"How dare you! Get your hands off Sky!" patuloy pa rin siya sa pagsabunot sa akin. Ang lakas niya. Ang sakit!
"Ano ba! Nasasaktan ako!"
"Oh, poor poor lady. Are you crying? So paawa effect ka na pala ngayon? Nice try! Pero hindi bagay!"
"Ano bang problema mo sa akin, ha?!" Ramdam ko na tumulo na naman ang luha ko. Kainis! Bakit ba kasi ang babaw ng luha ko?!
Tumawa siya.
"Ikaw! Lahat ng lalaking minamahal ko ay inaagaw mo sa akin!"
"Ha?! Eh ‘di ba boyfriend mo na si Dave?"
"Huwag na huwag mong gagalawin si Dave kung ‘di magkakamatayan tayo! At si Sky, hindi ka mahal no’n! Ako ang mahal niya!"
"Wala kang pakialam!" sagot ko.
"F’ck off, b’tch. Sa laban natin mamaya malalaman kung sino ang mas magaling sa atin."
Sinampal ni Farrah sa mukha ko ang mga buhok ko na hawak niya kanina sabay alis ng girl's locker room. Hindi ko alam na kanina pa pala ako umiiyak.
Ano ba ‘tong nangyayari sa akin?
At ano bang kinagagalit mo, Farrah?
Ang alam ko ay mahal niya si Dave. ‘Yon yung narinig ko sa telepono kahapon. Eh sila naman ni Dave ngayon ang magkarelasyon kaya bakit siya nagagalit sa akin?
Mahal din ba niya si Sky?
Gusto niya sa kanya ni Dave at si Sky?
At pumapayag naman si Sky na dalawa sila ni Dave?
Kaya ba magsakama sila kahapon?
Eh bakit pa nila ako dinadamay sa mga gulo nila?
Hay.
Hindi ko na talaga maintindihan.
Pinunasan ko nalang ang luha ko at itinali muli ang buhok ko. Pinilit kong ngumiti muna sa sarili ko sa salamin bago ako umalis sa girl's locker room at tuluyan nang pumunta at pumasok sa gym.
Kaya mo 'to, Ynna.
***
"And for our first game, it is The Royals vs Centuria!" sigaw ng announcer.
Ngayon ko lang nakita kung sino ang mga teammates ko. Si Debbie at Karen lang ang kilala ko. Yung iba, ngayon ko lang sila talaga nakita pero tulad nila Debbie at Karen ay ramdam ko ang respeto nila sa akin tuwing dumadaan ako.
Narinig ko naman ang mga panauhin sa gym na nag che-cheer sa dalawang magkaibang teams.
"Go Royals!"
"For sure, Royals na naman ang mananalo!"
"Sobrang bulok kaya maglaro ng mga Centuria!"
"Oo nga, laging 2nd place lang ang Centuria!"
"Sobrang galing kasi ni Ynna!"
"Tama!"
"Let's go, Royals!"
"Let's go, Ynna!"
Inikot ko ang tingin ko sa buong gym at nakita ko si Sky na nakatingin kay Farrah at nakangiti. Sa kabilang dulo naman ay nakita ko si Dave na nakatingin sa direksyon ko. Ang mga mata niya ang madilim at parang... nami-miss niya ako?
Nami-miss nga ba niya si Janina?
Bakit parang may nagsasabi sa akin na ginagamit lang niya si Farrah? Kaya ba galit na galit sa akin si Farrah kanina? Hindi ba ‘yon dahil kay Sky? Dahil nga kaya ‘yon kay Dave?
"Girl! The game's about to start! Let's go!"
Hinila ako ni Karen papunta sa ring. Kanina pa pala ako nakatulala sa audience kung saan naroon si Sky at Dave. Tulaley ang peg ko kanina. Tsk.
Pinapasok na ako ng coach namin sa ring. Pagpasok ko sa ring ay nagtilian na lahat ng mga estudyante sabay taas ng kani-kanilang banners sa kung sinong team ba ang kanilang gusto. Karamihan ng banners na nakikita ko halos pabor lahat sa team ko. Patay.
At oo nga naman, s’yempre kasama ako do’n sa first five. Ako si Janina eh. Tsk.
Bahala na.
"Let the first round... begin!"
Bigla nalang akong nakakita ng bolang lumilipad na sa ere! Hala!
Anong gagawin ko?!
Waaa!
"Mine!"
"Mine!"
"Mine!"
Ano bang sinasabi nila? Bakit sila mine ng mine?
Nakatayo lang ako dito sa gitna ng ring na parang tanga. Sinusundan ko lang ng tingin ang bola.
"Mine!"
Umm. Kailangan ko ba silang gayahin? Mag-mine din ba ako?
Heto na nga bang kinakatakot ko, eh. Hindi ko alam ang gagawin ko!
"Mine!”
Waaa!
Natatakot ako sa bola! Ang bilis kasi lumipad! Hindi man lang siya napupunta sa sahig! Ang galing naman!
"Ynna, dear! What's wrong? Bakit hindi mo sinasalo?" tanong sa’kin ni Debbie. Pawis na siya.
"Mine!"
"Oo nga, girl! What's the problem?" si Karen naman.
"Mine!"
"Ah… Hehe. Masama kasi ang pakiramdam ko,” palusot ko.
"Mine!"
"Gusto mo mag-sub?" si Debbie ulit.
"Mine!"
"Sub?" pag-ulit ko. Ano ba kasi ‘yon?
"Mine!"
"Yup! You want?" tanong naman ulit ni Karen.
"Mine!"
"Ha? Ano ba kasi ‘yo—”
Bigla nalang naging black ang buong paligid.
Lord, kinuha mo na ba ako?
.
.
.
© mharizt