Iris POV
Isang babae ang nakikita ko ngayon. Isang babae na nakaputi. Magulo ang kaniyang buhok. Para siyang umiiyak dahil sa hikbing nanggagaling sa kaniya.
Nakatalikod siya't nakaluhod at parang nanghihingi ng tulong at nagmamakaawang pakawalan siya. Ngunit sa hindi ko inaasahang pagkakataon, isang putok ng baril ang gumulat sa akin kaya ako napabangon mula sa pagkakahiga't hingal na hingal.
"Okay ka lang ba, Iris?" Narinig kong nag-aalalang tanong ni Ina kaya napalingon ako sa kaniya.
Napasapo ako sa aking ulo. Mabilis at malakas ang pintig ng aking puso. Para akong tumakbo ng ilang kilometro dahil hingal na hingal ako. Nang dinampi ko ang aking kamay sa aking mukha ay napagtanto kong galing ako sa pag-iyak dahil basa ito ng luha.
"Okay ka lang ba, anak?" Tanong niya muli. Bakas sa kaniyang mukha ang pag-aalala.
"Nananaginip na naman po ako, Ina." Sabi ko, kinakabahan.
Ngumiti si Ina at umupo sa tabi ko. Bigla naman akong kumalma. Sa tuwing nasisilayan ko ang kaniyang mga ngiti, pakiramdam ko'y maayos ang lahat. Pakiramdam ko'y ligtas ako.
"Panaginip lang ang lahat, anak. Huwag kang mag-alala dahil hindi iyon totoo." Pampalubag-loob niya.
Tipid akong ngumiti. Sana nga ay panaginip lamang ang lahat.
Ngunit, ang pinagtataka ko ay sino ang babaeng iyon? Bakit lagi ko siyang nakikita sa panaginip man o sa tuwing pumipikit ako?
Mula nang nagising ako mula sa isang trahedya, lahat ay nagbago sa akin. Nagbago ang takbo ng buhay ko. Hindi ko maintindihan kung bakit iniiwasan ako ng mga tao. Hindi ko rin maintindihan kung bakit lahat ng mga naging kaibigan ko ay hindi na lumalapit sa akin. Pinagbabawalan na raw umano silang makipag-usap sa akin.
Hindi naman ako masamang tao. Mabait naman ako pero bakit ayaw nila sa akin? Bakit iniiwasan at kinamumuhian nila ako?
Bumangon na ako para makapag-ayos ng sarili. Ngayong umaga ay sasama ako kina Ina at Ama sa bukid. Bago kami tutulak roon ay may dala dala kaming gamit para sa pagsasaka. Dala na rin namin ang aming mga pagkain dahil doon na rin kami manananghalian.
"Ate Iris, bakit nakaganiyan ka lang?" Tanong ni Eris, ang nakababata kong kapatid na lalaki.
Tinignan ko ang aking damit. Puting bestida ang aking suot. Mas komportable kasi ako kapag ganito. Ang buhok ko namang makapal at maitim ay bagsak na bagsak.
"Wala naman sigurong masama kung ganito ang isusuot ko kapatid, 'di ba?" Nakangiti kong tanong pabalik.
"Hmm," ngumuso siya. "Sige na nga!" Suko niya.
Tumawa ako ng mahina. "Alam mo, Eris," lumuhod ako sa harap niya. "... wala namang masama kung ganito ang suot ko. Ikaw nga nakaputing damit na mahaba ang manggas. E, 'di ba tutulong ka kina Ama at Ina sa pagbubukid? Baka marumihan iyan."
Ngumuso siya. "Kung sa bagay, ate... tara na nga! Baka hinahanap na tayo nila Ina at Ama." Ngumisi siya.
"Sige..." tumayo na ako. "Pagdating doon, trabaho kaagad, ha? Huwag magpatamad tamad. Alam mo naman ang mga amo natin ay istrikto pagdating sa trabaho."
Labinlimang taon pa lamang si Eris ngunit nagtatrabaho na siya sa bukid. At sa pagtungtong niya ng labing-anim, mawawalay na siya sa amin dahil obligado niyang magtrabaho sa ilalim ng pamumuno ng mga Kastila. Mula kasi nang nasakop ang bansang 'to ng mga Espanyol, marami ng nagbago.
Noong panahong bago pa lamang ang mga Espanyol sa bansa, ginawang batas ang tinatawag nilang "polo y servicio" kung saan ang mga kalalakihang edad labing-anim hanggang animnapu ay sapilitang nagtatrabaho sa ilalim ng pamahalaan ng Espanyol.
At sa kasamaang palad, isa si Ama roon. Nagtatrabaho siya sa loob ng apatnapung araw bilang "polista", ang tawag sa mga trabahador o manggagawa.
Sa panahong iyon, ang pamahalaang Espanyol ay nagpapatayo ng tulay, simbahan at maging barkong galyon. Dahil salat sa yaman ang pamilya ni Ama, hindi niya kayang bayaran ang "falla". Ang Falla naman ay multa kung sakaling hindi ka magtatrabaho.
"Oo naman, Ate Iris! Sanay na kaya ako sa ganitong trabaho." Pagmamayabang niya.
Ngumiti ako ng pilit. Parang kinukurot ang puso ko. Nasasaktan ako dahil sa murang edad, marami na siyang gampanin sa buhay. Imbes na maglaro kasama ang mga batang ka-edad niya, heto siya ngayon at naghahanda para magsaka sa bukid. At sa susunod na taon, mas mabigat pa rito ang trabaho niya.
Kapag may kakayahan na ang isang lalaki sa pagtrabaho at tumuntong na siya sa tamang edad, sapilitan silang magtrabaho. At ang masama pa roon, walang sahod. Magtatrabaho lang sila ng magtatrabaho.
"O, sige sige. Tara na at napag-iwanan na tayo nila Ina at Ama. Baka mapagalitan pa tayo." Sabi ko't binitbit na ang mga kagamitan at tumulak na kasama ang aking kapatid na naunang maglakad sa akin.
Samuel POV
Habang nakahawak sa barandilya, nilalasap ko ang malamig na simoy na hangin. Umagang umaga'y maganda ang aking pakiramdam. Tila payapa ang lahat.
"Senyorito Samuel, handa na po ang almusal." Rinig kong pahayag ng isang babae.
Nakangiti akong pumikit, dinarama ang katamtamang lamig at init ng hangin. Ngayong umaga ay ihahanda ko ang aking sarili para makipagkita kay Wesley, ang matalik kong kaibigang babae.
Humarap ako sa katulong na ngayo'y nakayuko sa akin.
"Adelante." Sabi ko. [Sige.]
"Bueno, Señorito." [Okay, sir.] Yumuko siya't tumalikod saka umalis sa harap ko.
Bumaba na ako sa unang palapag at doon nakita ko ang aking Ama na si Manuel de Legazpi, isang Gobernadorcillo; hukom o gobernador ng bansa. Ang kaniyang ama, Santiago de Legazpi, na aking lolo ay isang Gobernador-Heneral. Siya ang may pinakamataas na ranggo sa bansa dahil hawak niya ang lahat.
"Buenos dìas." Bati ko sa kanilang lahat. [Magandang umaga.]
"Hijo! Mabuti at gising ka na." Masayang sabi ni Papa na ngayo'y nakaupo sa kabisera ng mahabang mesa. "Halika't tayo'y kumain. Nakasisiguro akong gutom ka na."
Tahimik akong umupo sa kaliwang banda niya.
Nandito sila Mama at ang mga kapatid ko. Dahil hindi rito nakatira ang aking Lolo at Lola, paminsan-minsan lang namin sila nakakasama.
"Si Wesley, Mama? Anong oras siya darating?" Tanong ko sa aking Ina na si Catalina de Legazpi.
Nilagyan ng inumin ang aking baso ng isang katulong. Pagkatapos ay nagsalin din siya sa iba pang baso.
"Masyado pang maaga, hijo. Ni hindi ka pa nakakapag-ayos. Si Wesley kaagad ang nasa isip mo?"
Tinignan ko ang aking suot. Isang pantulog na kulay puti. Mahaba ang manggas ng pantaas samantalang hanggang bukung-bukong naman ang pambaba.
"Maligo ka muna, Hermano Samuel. Nakasisiguro akong lalayuan ka ni Ate Wesley sa oras na maamoy niya ang baho mo." Pang-aasar sa akin ni Violeta, ang nakababata kong kapatid. [Kuya]
"May mahalaga ba kayong lakad ngayon, aking anak?" Biglaang tanong ni Papa, dahilan para lingunin ko siya.
"Wala naman, Papa." Ngumiti ako. "Nais ko lang makasigurong darating siya. Nais ko sanang pumunta ng palayan ngayon."
"Palayan?" Gulat na bulalas ni Ina kaya napalingon ako sa kaniya. "Anong gagawin mo sa sakahan? Nais mo bang mapahamak doon?" Tanong niya sa magkasalubong na kilay.
"¡Calmese!, Mama. Magpapahangin lamang ako roon." [Kalma.] Pampalubag loob ko sa kaniya.
Napabuga siya ng hangin.
"Balang araw, ipapamana niyo sa akin ang ating lupain. Ngayon pa lamang ay nais ko ng pag-aralan kung paano mamalakad nito."
"Nag-aalala lamang ako sa'yo, Samuel. Masyado ka pang bata. Paano kung may mangyaring masama sa 'yo roon?"
"Mama..." Si Violeta, ang sunod sa akin. "... wala namang mangyayaring masama kay hermano." [Kuya]
"Oo nga naman, Mama." Segunda ni Valeria, ang bunso sa amin. "Mas mainam na alam niya kung paano pamahalaan ang ating ari-arian. Puwera na lamang kung hindi siya ang eredero, tama ba?"
"Sige..." buntong hininga ni Ina. "Basta mag-ingat ka roon, ha? At siguraduhin mong wala kang galos sa oras na uuwi ka rito."
Bata pa lamang kami ay ganito na si Ina. Nasanay na rin ako. At dahil ako ang tagapagmana ng mga ari-arian nila, sinisigurado nilang walang masamang mangyari sa akin dahil kapag ako'y pumanaw, maaaring walang magmamana ng lahat ng pinaghirapan nila. Mawawala na lamang ito na parang bula.
Pagkatapos naming kumain ay naligo muna ako't nagbihis ng pambahay. Hindi nga makakarating si Wesley kaya tuloy ang plano kong pupunta ng palayan.
Bago ako umalis ay pinayuhan ako ni Mama na mag-ingat at huwag basta basta makikipag-usap sa hindi kakilala. Tumango ako silbing naintindihan at susundin ko ang kaniyang payo.
"Buenos dìas, Señorito." Bati nila sa tuwing nakakasalubong ko sila.
Dahil kilala ang angkan namin, hindi na ako magugulat pa kung sakaling ang tawag nila sa akin ay señorito. Base sa kung paano ako manamit, malalaman ng mga indio na galing ako sa angkan ng mga Kastila at nararapat lamang na galangin ang isang tulad ko.
'Di kalayuan ay may napansin akong isang lalaki kasama ang isang babae na hindi ko kita ang mukha dahil nakatalikod siya. Basta ay nakaputing bestida siya, mahaba ang maitim at magulo niyang buhok.
Napalunok ako. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay ginapangan ako ng kaba sa aking dibdib. Hindi karaniwan ang tahip ng aking puso. Maaring natatakot o nagagalak. Hindi ko mawari. Hindi ko mabigyan ng pangalan.
Iniwan niya ang kaniyang kasamang lalaki na kung hindi ako nagkakamali ay labinlimang taong gulang na. Sa oras na dumating ang susunod niyang kaarawan, ipapadala siya sa Maynila upang magtrabaho roon na walang sahod.
Minsan ay nakakaramdam ako ng awa sa mga kalalakihang sapilitang magtrabaho. Bukod sa walang sahod, nakakatikim din sila ng karahasan sa oras na hindi sila nagtatrabaho nang maayos. At ang mas masakit pa roon ay ang mahiwalay sila sa kanilang mga pamilya.
Ngunit batid kong wala akong magagawa. Ang batas ay batas. Maging ako ay hindi puwedeng tumuligsa sapagkat mapaparusahan lamang ako.
"Buenos dìas, mujer joven." Bati ko sa dilag na nakita ko kanina. [Magandang umaga, binibini.]