CHAPTER 8

2148 Words
Sa likod-bahay tuluyang sinunog ni Grasya ang siyamnapu’t walong liham. Pinanood niya ang pagtupok ng apoy sa tumpok ng mga papel. Malinaw na nakasungaw sa mga mata niya ang repleksyon ng nagsasayaw na apoy sa kanyang harapan. Blangko lang ang bukas ng mukha niya. Nakapinid ang mga labi niya. Basa pa rin ng luha ang sulok ng kanyang mga mata, pero halos wala na siyang maramdaman. Matagal na panahong iningatan niya ang mga sulat, at paulit-ulit na binabasa. Pinahalagahan niya ang mga iyon. Akala niya, pagtanda nila ni Sev ay magkasama nilang babasahin ang mga iyon, habang binabalikan nila ang nakaraan. Akala niya ay ipapakita nila iyon sa magiging mga anak nila. Mga liham na patunay kung gaano nila kamahal ang isa’t isa. Maging ang mga sulat na galing dito ay inihagis niya na rin sa apoy. Walang pag-aalinlangan. Determinasyon ang nagliliyab sa puso niya nang mga sandaling iyon. Sinaktan siya ni Sev, kaya tama lang ang ginagawa niya ngayon. Hindi na dapat kumapit sa pag-ibig na nagmistula nang punyal na walang tigil na bumabaon sa puso niya. Dahil kapag patuloy siyang kumapit ay mas magiging malalim lang ang kanyang sugat. Her love for him became too painful to endure. “Sev, ang mga liham natin para sa isa’t isa, dapat ay itago nating mabuti,” aniya sa binata. Ngumiti nang matamis ang kababata. “Bakit, ano ang plano mong gawin sa mga iyan?” Malambing pa siya nitong hinila palapit dito at iniyakap ang mga kamay sa baywang niya. “Ipapabasa ko sa mga magiging anak at mga apo natin. Para malaman nila kung gaano katamis ang naging pagmamahalan nating dalawa.” “Maganda iyan. Sige, itago mong mabuti, ha.” Tumango siya at gumanti ng yakap dito. “Pero kapag sinaktan mo ako, susunugin ko talaga ang lahat ng ’to. Kakalimutan kita. Buburahin kita sa puso ko.” Tumawa ang binata. “Hinding-hindi masusunog ang mga iyan, dahil hinding-hindi kita sasaktan.” Kumawala ang mahinang tunog ng maikli at mapaklang tawa mula sa maputlang mga labi ni Grasya. Mariin niyang iniling ang ulo para alisin sa utak ang mga alaala nilang iyon ni Severen. Napakasinungaling nito. Huwad. Mapagkunwari. “Mula ngayon, hindi na rin kita gusto, Sev. Hindi na rin kita mahal. Ikaw ang unang tumalikod, hindi ako. Kaya tatalikuran na rin kita. Sana ay masaya ka sa taong pinili mong makasama. Sana masaya ka, na mas ginusto mong ako ang saktan,” anas niya sa tahimik na hangin. Ipinikit niya ang mga mata at dinama ang malamig na ihip ng hangin sa kanyang balat. Ayaw na niyang isipin ang dating kasintahan. Ayaw na niya rito. Tapos na sila. Ngayon ay bahagi na lang ito ng huwad niyang nakaraan—nakaraang ibabaon na niya sa limot. ‘Hindi na kita gusto, Grasya. Hindi na kita mahal. Wala na akong nararamdaman para sa iyo. Kahit na lumupagi ka pa sa harapan ko ay walang halaga sa akin,’ ang mga katagang sinabi nito sa kanya. Puwes, wala na rin itong halaga sa kanya ngayon. Kasama ng pagkaabo ng huling piraso ng liham, ay ang pagbigkas niya ng, “Paalam, Severen. Nawa'y hindi na muling magsanga ang ating mga landas. At kung sakali mang muling magtagpo, ituturing natin ang isa’t isa na parang mga aninong nagdaan—walang bakas, walang alaala ng nakaraang isinantabi mo. Pareho nating iiwan sa nakalipas ang alaalang una mong piniling kalimutan.” Tumingala siya sa kalangitan. Mas dapat niyang pagtuunan ng atensyon ang suliranin niya sa pera, na may kinalaman sa mafia. Hindi niya alam kung saan siya kukuha ng dalawampung milyon. Kahit na isang daang trabaho ang sabay-sabay niyang pasukan ay hindi pa rin niya makukumpleto ang halagang hinihingi ng Mafia boss sa loob lang ng tatlong araw. Tunay ngang malupit ang mga de Crassus. Lalo na si Helios de Crassus. Ang mahalaga lang dito ay maibalik ang perang nawala nang dahil sa ginawang pagwawala ng ama niya sa VIP ng casino. Pero alam naman niyang hindi ito iluluklok sa pinakamataas na posisyon kung hindi animo bakal ang gulugod ng desisyon nito para sa organisasyong pinamumunuan. Every decision he made had a spine of steel—cold, deliberate, and impossible to break. Gayunman, hindi pareho ang mundong kinalakhan at ginagalawan nila. Kaya para sa kanya, hindi pa rin makatarungan ang hinihingi nitong dalawampung milyon. Sumagi rin naman sa utak niya ang isiping i-reklamo si Helios sa istasyon ng pulisya o sa mga opisyal na gobyerno. Pero tuwing naiisip niya iyon ay sumusungaw lang sa gunita niya ang mukha nito—may ngiting matalim, tuso, at nakakayanig habang nakatitig sa kanya. Ang sabi ng mga taga-Santa Catalina ay matatag ang hawak na impluwensiya at kapangyarihan ng mga ito. Personal niyang nakita ang karangyaang nakapalibot sa lalaki, at nakita niya rin kung gaano karami ang mga tauhan nito. Tiyak na dadanak talaga ng dugo kung may pangahas na kokontra sa mga ito. Kaya nasisiguro na niyang walang tutulong sa kanya. Helios de Crassus was no ordinary man. Maybe he could end a life—or countless more—with a single, effortless snap of his fingers. Tama ang sinabi nito sa kanya—na mapanganib ito. Ramdam na ramdam niya iyon. At ang binata pa lang ang nakaharap niya, hindi pa ang buong angkan nito. Ang angkan nitong hindi puwedeng kantihin ng kahit na sino. Nanlumo siya, napahugot ng malalim na paghinga. Kung bakit naman kasi, sa dinami-rami ng taong maaari niyang makaharap, isang de Crassus pa? Pero hindi siya susuko. Kailangan siya ng ama niya. Mariing pumikit si Grasya. “Tay, wala akong hindi kayang gawin para sa iyo. Mahal na mahal kita.” Mahal na mahal niya ang kanyang nag-iisang magulang. Isang bagay na lang ang naiisip niyang gawin—ang ipresenta ang sarili niya sa kamay mismo ng taong may kakayahang magkulong at magpalaya sa kanyang ama. “Helios...” kabado niyang sambit sa pangalan nito. Nakagat niya nang mariin ang ibabang labi upang pigilin iyon sa bahagyang panginginig. Ang sabi ng Mafia boss ay masamang tao ito. Hindi raw ito mabait. Pero buong-puso niyang yayakapin ang kalupitan at karahasan kung ang magiging kapalit niyon ay kalayaan ng kanyang ama. Muling bumuhos ang malakas na ulan. Hindi siya kumibo mula sa kinatatayuan. Nanatili lang siya roon hanggang sa nanuot na ang tubig sa kabuuan ng suot niyang puting bestida. Wala iyong manggas at hanggang tuhod ang haba. Hindi niya alintana ang lamig, o ang nakakapangaligkig na ihip ng hangin. Pagkaraan ng ilang sandali ay nagsimula nang kumilos ang mga paa niya. Wala siyang suot na sapatos, o kahit tsinelas. Naglakad siyang nakayapak sa mabato at maputik na daan. Kahit may naaapakan siyang matulis ay hindi pa rin siya humihinto sa paglalakad. Walang pahinga o putol ang paghakbang niya. Nakatingin siya sa unahan, sa direksyong papunta sa Villa Serpentis. She walked under the heavy rain in a thin, plain white dress, barefoot. She kept walking until her feet ached and bruised. Pisikal na sakit lang naman iyon, hindi iyon maihahambing kahit sa isang kapat ng kirot na nag-aalimpuyo sa kailaliman ng dibdib niya nang mga oras na iyon. Ang pagnanais na mailigtas ang kanyang tatay ang tanging nagbibigay sa kanya ng lakas upang patuloy na huminga at mabuhay. Kahit masakit, kahit mahirap. Makalipas ang tila napakahabang sandali ay narating niya rin ang malaking gate ng villa. Tumapat siya sa itim na kahong pumupulso ng pulang ilaw upang ipabatid ang kanyang presensiya. “Ikaw na naman? Ano na namang kailangan mo?” Tinig iyon ng taong nagbabantay sa malaking gate. Maririnig iyon sa aparato. “Ang... ang Mafia boss ang dahilan ng pagpunta ko rito ngayon,” matapat niyang sabi. Namayani ang saglit na katahimikan bago bumukas ang bakal na gate. Pumasok agad siya sa loob. Nagulat pa ang lalaking sumalubong sa kanya nang makita ang hitsura niya. Pero hindi ito nagkomento. Dinala lang siya nito sa mansiyon. Hindi iyon katulad noong unang beses ng pagparoon niya, dahil ngayon ay wala sa sala ang may-ari ng villa. Wala ring mga kalalakihang pumalibot sa kanya. Dinala lang siya ng tauhan ng lider sa ikatlong palapag ng mansiyong nababalot sa nakabibinging katahimikan. Wala ni kaunting kalansing. Wala kahit mahinang kaluskos. Hindi rin nahagip ng tingin niya ni anino ng isa sa dalawang alagang asong-lobo ni Helios de Crassus, bagay na ipinagpapasalamat niya. Sa tapat ng itim na solido at dobleng pinto huminto ang tauhan ng boss. May nakaukit na imahe ng ahas sa dalawang magkahugpong na dahon ng pinto. And a vintage black snake's head served as the door knocker. Sa bibig ng ahas nakaangkla ang pabilog na bakal. Hinawakan iyon ng tauhan ni Helios at ikinatok sa pinto, lumikha ng malamig na tunog ng bakal sa kahoy. “Boss, kasama ko po ang anak ng bihag.” Bumukas ang pinto. Pumasok sila sa loob ng silid. Pribadong kuwarto siguro iyon ng Mafia boss. Malawak ang kabuuang sukat. Sa pinakagitna ay nandoon ang malaking kama, balot ng makinis na kubrekamang itim na seda. Maging ang mga punda ng unan at ang makapal na kumot ay itim din. Sa dingding, sa bandang uluhan ng kama, ay nakakabit ang malaking painting. It was a painting of a man's silhouette, standing tall in the center, with two wolfdogs at his sides. Sa tingin niya, kay Helios ang silwetang iyon. Biglang naalala ni Grasya ang mga asong-lobo ng lalaki. Kumabog ang dibdib niya. Muntik na siyang lapain ng isa noong nakaraan. Disimulado niyang inilingap ang tingin sa paligid. Wala roon ang mga alaga ng boss. “My wolfdogs are not here, you can breathe.” Marahas na tumuon ang mga mata niya sa pinanggalingan ng pamilyar na boses. Sa direksiyon kung saan nakaposisyon ang sofa. Nakapuwesto iyon sa paanan ng kama at kasingkulay din ng gabi. Doon nakaupo ang lalaki. He wore a black robe, loosely tied at the waist. Kaya kita ang malaking bahagi ng katawan nito. Nakasilip na ang mga muscles nito sa tiyan. Hindi labis ang pagka-umbok, sa halip ay sakto lang ang pagkakabakat at maliwanag na hinulma ng disiplina. Marami rin itong tattoo sa bahaging iyon. It made him more intimidating... and sinfully gorgeous. Ang ilaw sa naturang silid ay mapusyaw, kaya ang kaunting liwanag na humahaplos sa mukha ng boss ay tila lalong nagpapatalas sa anggulo ng mukha nito. May kristal na basong naglalaman ng whisky ang nasa harapan nito, nakapatong sa ibabaw ng mesa. Katabi niyon ay ashtray, at ang nangalahati nang stick ng sigarilyo. Hindi na iyon umuusok at wala na ring baga sa dulo. Hinayon siya ni Helios ng mabagal at matiim na tingin mula ulo pababa. “You are... hmm... very wet.” Nag-init ang magkabilang tainga ni Grasya. Namula ang mga iyon, dahil kakaiba ang tunog ng baritonong boses nito. Animo humahagod. At iba ang tono ng pagkakabigkas nito sa mga katagang, ‘very wet.’ Pinapintig ng tonong iyon ang kung anong bagay sa loob-loob niya. “N-nabasa ako ng ulan,” aniya. “I can see that. Basang-basa ka nga.” Itinaas nito ang kamay—tahimik na utos sa tauhan nito, sinasabing puwede na itong lumabas. Tumalima ang tauhan. Nang mapagsolo silang dalawa ni Helios sa loob ng malapad na kuwarto nito ay napapalunok siya. “N-nabasa ko na ang carpet. Pasensiya na—” “I don’t want to talk about the carpet. I want to talk about the reason why you’re in front of me again. Dala mo na ba ang dalawampung milyon?” tanong nito sa kanya, ikiniling pa nito ang ulo. “I gave you three days. Wala pang tatlong araw, bumalik ka na agad dito.” Napakislot si Grasya. Kumabog ang dibdib niya. Gusto niyang tumitig sa mga mata ng lalaki, subalit ang hirap nitong pagmasdan. Kakaiba ang uri ng pagtitig nito sa kanya—tila may kasamang baga. Napapaso siya. Nang wala itong makuhang sagot sa kanya ay nagsalubong ang mga kilay nito. “Where’s the twenty million, hmm?” “K-kahit siguro bigyan mo ako ng isang taon, ay wala pa rin akong maibibigay sa iyong dalawampung milyon,” kumpisal niya. Tumaas ang mga kilay ng lalaki. “You’re about to propose something, aren’t you?” Inunahan na agad siya nito. Huminga nang malalim ang dalaga. “M-maaari mo bang tanggapin ang... ang...” Nanuyo ang lalamunan niya. Hindi madaling bigkasin ang proposisyong labag sa kalooban niya, “...ang...” “If you can’t say it, then leave,” malamig nitong wika. "Naaaksaya ang oras ko." “Sandali lang ho. Sasabihin ko na.” “Okay, I’m listening.” Pinuno niya ng hangin ang dibdib. Wala na sa tamang ritmo ang pintig ng puso niya. Nagwawala na iyon sa labis na kaba. Ikinuyom niya ang mga kamay, at ibinulalas ang gustong sabihin, “Maaari mo bang tanggapin ang katawan ko bilang kabayaran? Imbes na dalawampung milyon, puwede bang ako na lang ang maging kapalit ng kalayaan ng tatay ko?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD