Wala nang lakas si Grasya para subukan pang ipagtanggol ang sarili niya. Ang pera na lang ang kailangan niya—para mailigtas niya ang kanyang ama. Iyon na lang. Kapag nakuha niya iyon, aalis siya agad. “Pahiramin mo ako ng dalawampung milyon. Kailangang-kailangan ko lang talaga. Babayaran ko naman.” Pantay ang boses niya, patag ang tono, walang sigla. Animo walang buhay. Ang mga mata niya ay nawalan din ng kislap.
Hindi makapaniwalang minasdan siya ni Severen. “Talaga palang mukhang pera ka, ’no? Why didn’t I notice it before? Kung hindi pa ako nagpuntang Manila ay hindi pa ako magigising sa kahibangan ko sa iyo. Mabuti na lang at umalis ako, dahil kung hindi’y tuluyan mo na sana akong napaikot sa mga palad mo.”
Hindi nagbago ang blangkong ekspresyon sa mukha ni Grasya. Pagod na pagod na siyang masaktan. Nakakapanghina ang walang tigil na pagkirot ng puso niya.
“Nakakulong ang tatay ko sa Villa Serpentis. Dalawampung milyon ang hinihingi sa aking halaga pantubos kay tatay.”
Sa sinabi niya ay dumaan ang saglit na pag-aalangan sa mga mata ng binata. “Ano ang nangyari kay Mang Gabriel?”
“Love! Are you seriously falling for her tricks?” galaiti ni Riva. Humawak ito sa braso ng fiancé. “She’s obviously lying! Gumagawa siya ng rason para kaawaan mo siya, para makuha niya ang loob at simpatiya mo! Can’t you see that?”
Lumingap si Sev dito, nahulog sa sandaling pag-iisip, at nang muli nitong itutok ang mga mata sa kanya ay matalim na ang kislap sa mga iyon. “You think I’m stupid, Grasya?” mapakla nitong tanong sa kanya.
“Hindi ako gumagawa-gawa lang ng kuwento! Nagsasabi ako ng totoo! Kung gusto mo, samahan mo pa ako sa Villa Serpentis nang personal mong makitang—”
“See? She wants you to go with her! Gusto ka niyang makasama!” tili ni Riva, nandidilat ang mga mata nitong napapalibutan ng pilik na pinakapal at pinahaba ng eyelash extension.
“Love, calm down,” pang-aalo ng binata rito.
Napailing na lang si Grasya, dismayado sa kababata. Gusto na talaga niyang tumalikod at umalis, subalit iniisip niya ang ama niya. “Pahiramin mo na lang ako ng pera, Sev, tapos ay aalis na ako. Kapag nabayaran na kita, hinding-hindi na ulit ako magpapakita sa iyo.”
Bumakas ang tensiyon sa mukha ng lalaki nang sabihin niyang hindi na ulit siya magpapakita rito. Bakit? Hindi ba, iyon naman ang gusto nito? Gusto nitong mawala na siya sa buhay nito. Gusto nitong umalis na siya at putulin na ang kahit anong nag-uugnay sa kanilang dalawa.
Payag na siya.
Isasarado na niya ang kabanata ng buhay niya na naging parte si Sev—basta tulungan lang siya nito ngayon.
“Sev!” yugyog ni Riva sa lalaki. “Ano ba!”
Ipinilig ni Severen ang ulo. Pinatigas nito ang mukha. “Pakiusap, Grasya, huwag ka nang humabi ng kuwento.”
“Hindi ako humahabi—”
“Make her kneel, Sev!” giit ni Riva, nanlilisik ang mga mata.
“What?” baling dito ng binata.
“I said, make her kneel!”
Bumuntong-hininga ang lalaki. “Lumuhod ka, Grasya,” utos nito sa kanya.
Hindi siya makapaniwala. Nanlalamig ang mga kalamnan niya. Naglapat din nang mariin ang mga ngipin niya, lalo na tuwing napapatingin siya sa babae at nakikita niya ang kislap ng tagumpay sa mga mata nito. “Sev...” sambit niya sa pangalan ng dating minahal. "Huwag mong gawin sa akin ito," samo niya.
“Luhod!” biglang hiyaw nito. Sumasabog sa lakas ang boses. "May kailangan ka sa akin, hindi ba? Kaya sundin mo ang ipinapagawa ko sa iyo. Lumuhod ka!"
Nagulat siya, pero sa puso niya ay mas nanaig ang pait kaysa pagkagilalas. Ikinuyom niya ang mga kamay, at ibinaba ang sarili sa harapan ng mga ito. Habang kinakawawa siya ng binata, ay parang tubig na tumatagas ang emosyon niya para rito. Patuloy na tumatagas, at sana ay masaid na. Nais niyang wala nang matira sa puso niya. Dahil hindi na ito ang lalaking inibig niya. Ang lalaking minahal niya ay hindi siya sasaktan nang ganito. Hindi siya pagmumukhaing kapirasong binhi sa isang malawak na palayan—na tila ba ang liit-liit niya.
Lumuhod siya. Nakatingala sa mga ito. “Ang pera, Sev,” aniya.
“You think just because you kneeled, we’re going to give you the money? Istupida!” sikmat sa kanya ni Riva. “Pinaluhod kita, dahil gusto ko lang malaman kung ubod ka ng tanga. And you did not disappoint—you really are stupid.”
Rumagasa ang emosyon sa dibdib ni Grasya. Napuno ng pagkapoot ang mga ugat niya. Marahas siyang tumayo at hindi napaghandaan ng mga ito ang ginawa niyang paghila sa buhok ng babae. Sinabunutan niya ito at sinampal-sampal. Hindi siya nagpigil. Inipon niya ang lahat ng lakas at ibinuhos sa paghampas kay Riva.
“Grasya!” sigaw ni Sev. Napaigik siya nang malakas nitong pisilin ang braso niya, at hinatak siya palayo sa fiancée nito.
Taas-baba ang dibdib niya nang mga sandaling iyon. Hiningal siya sa ginawang pagsabunot at pagsampal sa babae.
“Ano ba ang nangyayari sa iyo? Kailan ka pa naging bayolente?” paasik na tanong sa kanya ng lalaki.
“Kailangan ko ang pera. Ipautang mo sa akin iyon,” mapakla niyang wika rito.
“No!” sigaw ni Sev. “After what you did to my fiancée, you’re not getting anything from me! Kahit piso, wala!”
“Itinuring kang parang tunay na anak ng tatay ko, Sev,” sabi niya pa rin.
“So, what?” singit ni Riva. “Your father isn’t his father-in-law. Please! Huwag kang mamalimos ng tulong dito! Kung wala kang pera, hindi na namin problema iyon.”
Tumitig siya sa binata. Baka may natitira pa kahit gabutil na kabutihan sa loob nito. Pero umiling lang ito sa kanya.
“Hindi ko obligasyong tulungan ang ama mo. Ama mo iyan. Hindi kita asawa, kaya hindi ko problema ang problema mo. You are acting so cheap right now. Nakakahiya itong ginagawa mo.”
Nagngalit ang mga ngipin niya. Pinahid niya ang mainit na luhang masaganang umagos sa kanyang mga pisngi. Totoong wala itong obligasyon sa kanya, o sa tatay niya. Alam din naman niyang hindi maliit na halaga ang kailangan niya. Hindi naman niya ini-expect na mapapahiram nito sa kanya ang buong halaga. At kung ayaw talaga nito, hindi naman nito kailangang batuhin pa siya ng masasakit na salita.
Cheap?
Nakakahiya?
Iyon ang tingin nito sa kanya?
“P*tang ina ka, Sev! Napaka-p*tang ina mo!” Tumingin siya kay Riva na pinagtaasan siya ng kilay, tapos ay ibinalik niya ang tingin sa lalaki. “Bagay na bagay kayo niyang fiancée mong demonyo! Pareho kayong walang puso!” Galit na galit siya.
“Ano ang ginagawa ng hampaslupang iyan dito?” Si Señora Renata. Dumating na ito at ang asawa nitong si Silvio. Nagmamadaling lumapit ang dalawa sa kanya, na parang gusto siyang saktan.
Bago pa nakalapit ang mga ito ay dinampot na niya ang isang malaking bato. “Sige, subukan n’yong saktan ako! Babasagin ko talaga iyang mukha n’yong naghuhumiyaw sa pagkamatapobre!” Nagtatagis ang bagang niya.
Nasuspende ang akmang paglapit sa kanya ng mag-asawa.
Pumalatak siya. Ang bahay ng mga Morenzo ay nagmistulang impiyerno para sa kanya ngayon. Hawak pa rin ang malaking bato ay nagmartsa siya palabas. Hindi na rin siya pinigilan ng mga guwardiya.
Nakauwi siya sa bahay nila na tigib ng luha ang mukha. Sinampal siya ni Sev, pinaluhod, binato ng masasakit na salita, minaliit. Hindi rin siya nito pinaniwalaan.
Akala ba nito ay may mararamdaman pa siyang espesyal dito pagkatapos ng mga ginawa nitong iyon sa kanya? Hindi gawa sa bato o bakal ang puso niya. Tao siya—nasasaktan, nagdaramdam, napapagod.
“Tatay... hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko,” tangis niya. Sumiksik siya sa isang sulok ng bahay nila at humagulhol nang malakas. Inilabas na niya ang lahat ng sama ng loob niya, ang lahat ng bigat ng dibdib niya. “Tay, ikaw na lang ang meron ako. Kaya kahit ano pa ang maging kapalit ay kakayanin ko, basta mailigtas lang kita. Huwag kang panghihinaan ng loob, Tay. Hintayin mo lang ako.”
Gumapang siya palapit sa kama, at hinugot ang maliit na kahon sa ilalim niyon. Binuksan niya ang kahon at tumambad sa kanya ang mga liham na ginawa niya para kay Severen.
‘Binigyan mo ako ng cheesecake kanina, Señorito. Sobrang sarap ho! Nagustuhan ko talaga. Idinagdag ko na nga sa listahan ng mga paborito ko. Baka nagalit na naman sa iyo ang mama at papa mo dahil binigyan mo ako n’on? Pasensya ka na, Señorito. Palagi ka na lang napapagalitan nang dahil sa akin. Huwag kang mag-alala, paglaki ko, patutunayan ko kina Señora at Señor na kaya kong iangat ang sarili ko at maging karapat-dapat sa iyo.’
‘Maligayang kaarawan, Señorito! Rumaket ako nang isang linggo sa merkado, sa puwesto ni Manang Rosa. Hindi ko sinabi sa iyo, siyempre, para magulat ko sa sorpresa ko. Gamit ang kalahati ng suweldo ko, ibinili kita ng cheesecake! Nagawa ko ring maibili ka ng cake na katulad ng ibinibigay mo sa akin palagi. Pero isang slice lang, hindi ko kaya ang buong cake. Ang mahal. At ang natitira sa sinahod ko ay ibinigay ko naman kay tatay. Happy birthday ulit, Señorito. Hangad ko ang lubos mong kasiyahan. Sana ay palaging masaya ang puso mo.’
Habang binabasa ni Grasya ang mga sulat niya noon para kay Sev ay mapait siyang ngumiti. Hawak niya ang lahat ng siyamnapu’t walong liham. Liham na patunay ng puro at dalisay niyang paghanga para sa kababata.
‘I’m going to keep the ninety-ninth letter, and you keep the rest. Kukunin ko ulit ang lahat ng iyan sa iyo kapag dumating na ang araw ng pag-iisang dibdib natin.' Iyon ang sabi ni Sev. Pero ngayon, malinaw nang hindi matutupad iyon.
Kumuha siya ng posporo. Oras nang sunugin ang mga iyon, upang maging abo ang mga alaala ng kahapon.