Chapter 7- Palaban

1360 Words
Nang makarating sa ospital naabutan ni Anthony si Mia na nakaupo sa isang bench habang umiiyak. Hinanap ng mga mata niya si Doughs at nakita niya itong nakaupo sa isang bench na may ilang dipa ang layo mula kay Mia. Nakasandal ito at nakatakip ng cap ang mukha kaya hindi siya nito napapansin. Napailing na lang siya nang marinig niya ang paghilik nito habang papalapit siya. “Doughs!” aniya. Tinapik niya ang cap nito na nakatakip sa mukha kaya bigla itong napaigtad. “Yes, Boss!” agad na sabi nito sabay tayo. "Loko-loko ka talaga! Ang sabi ko i-aasist mo sila. Bakit natutulog ka lang diyan?" Hinubad niya ang suot niyang cap atsaka niya ipinalo sa gawing likuran ni Doughs. "Boss, nasa operating room pa ang mga doctor. Medyo napurahan yata si Mang Mando, eh,” wala sa loob na sabi nito. Napatingin sa kanila si Mia kaya agad niyang siniko si Doughs. “Itikom mo nga ‘yang bibig mo. Hindi ka naman doctor kung ano-ano ‘yang sinasabi mo.” Napakamot sa ulo si Doughs. “Totoo naman ‘yung sinasabi ko,” nakatulis ang ngusong bulong nito. Pigil ang emosyong inginuso niya si Mia kaya alanganing napangiti si Doughs at kunwaring kumaway sa dalaga. Napasibi naman si Mia at muling napaiyak. Muli niyang binalingan si Doughs atsaka niya tinapik sa braso. “Tingnan mo ang ginawa mo?” pigil ang boses na sabi niya. “Sorry. Nawala sa loob ko na nandun siya, eh,” bulong ni Doughs. Muli niyang sinulyapan si Mia. Mas lalo pang lumakas ang pag-iyak nito. Lalo tuloy siyang nakaramdam ng awa para sa dalaga. Kung sakali kasing madidisgrasya si Mang Mando, mamumuhay itong mag-isa. Gusto niya sanang lapitan si Mia para aluin at sabihing handa siyang tumulong, pero nahahalata niyang takot ito sa kanya kaya mas pinili niyang dumistansiya na lang. “Boss, bakit ba tayo nandito? Kamag-anak mo ba si Mang Mando?” tanong ni Doughs nang maupo sila. Muli niyang tinapik ang cap ni Doughs na napatakip sa mukha nito. “Ang dami mong daldal. Itikom mo na lang kaya 'yang bibig mo,” aniya. “Eh, bakit kasi kailangan pa nating magbantay dito? Hindi naman natin sila kamag-anak,” mahinang sabi ni Doughs habang inilalapat sa ulo ang cap. Tinapunan niya lang ito ng tingin pagkatapos ay muli siyang tumanaw kay Mia na noo’y nasa kabilang bench. Biglang nanlaki ang mga mata ni Doughs na noo’y nag-iisip lang pala. “Huwag mong sabihing may nakaraan kayo ni Mang Mando?” anito. Sa narinig ay agad na umigkas ang siko niya sa dibdib ni Doughs kaya bigla itong naubo at napahawak sa dibdib. “Boss, sakit nun, ah,” reklamo nito. “Talagang masasaktan ka sa akin kapag hindi ka pa tumigil. Kung ano-ano ang pinagsasasabi mo riyan!”singhal niya rito. Nakasimangot na sumandal sa bench si Doughs. Muli nitong itinakip ang cap sa mukha atsaka nito pinagsalikop ang magkabilang braso. Pero bigla rin itong napaigtad nang maramdaman nito ang pagtayo ni Anthony. Bumukas na kasi ang pintuan ng operating room at iniluwa ang mga doctor. Halos kasabay din nila noong napatayo si Mia. Matamlay at hitsurang pagod ang doctor na lumapit kay Mia. Ilang oras din kasi ang itinagal ng operasyon. Idinantay nito ang isang kamay sa balikat ng dalaga bago ito nagsalita. “The patient is in a state of coma. He suffered from a severe traumatic brain injuries dala ng pagkakabugbog sa ulo niya. Nagkaroon ng damage sa skull at pagdurugo sa brain ng pasyente kaya siya nasa state of coma ngayon. He will remain in the ICU for a few days for monitoring. Let’s see by then kung ano ang magiging progress niya,” sabi ng doctor. Nakatanaw lang sila noon kay Mia na tila noo’y natulos sa kinatatayuan matapos kausapin ang doctor. Nakatungo ang ulo nito sa sahig habang nakatayo malapit sa pintuan. Pansin nila ang unti-unting pagyugyog ng balikat nito hanggang sa mapahagulgol na ito ng iyak. Doon na hindi nakatiis si Anthony. Lumakad siya ng ilang hakbang papalapit kay Mia pero bigla siyang nag-alangan. Napakunot ang noo ni Doughs. “Boss, lalapit ka ba o lalapit ka?” mahinang sabi nito. Nilingon niya si Doughs sabay kagat sa labi na tila nagbabanta. “Hawakan mo na kasi,” buyo ni Doughs. Unti-unti siyang lumapit at dahan-dahan niyang idinantay ang kamay sa balikat ni Mia. “Don’t worry, ako na ang bahala sa tatay mo. Sasagutin ko ang lahat ng expenses niyo hanggang sa bumuti ang lagay niya.” Galit na hinawi ni Mia ang kamay niya. Hilam sa luha ang mga mata nito nang tumingin sa kanya.“Bakit? Dahil ba nakukunsensiya ka? Dahil ikaw ang puno’t dulo ng lahat ng ito?” sigaw ng dalaga. “Hindi!” mariing sabi niya. “Kung ganun, bakit mo ginagawa ‘to? Ano’ng motibo mo?!” “Sabihin na lang natin na hindi ako komportable na pinapanood lang ang mga taong naghihirap sa harapan ko,” aniya. "Ano'ng kapalit?" diretsahang tanong ni Mia. Napailing si Anthony. Sa halip na sagutin ay tinalikuran niya lang si Mia atsaka siya bumaling kay Doughs. “Doughs, kausapin mo ‘yung doctor. Gusto kong tutukan nila si Mang Mando. Kuhanan mo rin siya nang malaking kwarto kapag ilalabas na siya sa ICU.” Namilog ang mga mata ni Doughs. “Gusto mong gawing VIP patient si Mang Mando? Malaki ang perang kakailanganin dun, baka hindi kayanin ni Mia.” “Ako ang magbabayad ng lahat,” aniya. Napaawang ang mga labi ni Doughs. "Siguraduhin mo na magiging komportable si Mang Mando. Ano mang pagbabago sa lagay niya i-update mo ko," dugtong ni Anthony. Doon na muling nabuhay ang galit ni Mia. "Bakit ka ia-update? Ikaw ba ang anak? " sigaw nito habang papalapit sa kanya. Napakunot ang noo ni Anthony. "Ano ba'ng problema mo, ha?" "Ikaw! Ikaw ang problema ko! Kung hindi ka dumating sa buhay ng papa ko, hindi siya magkakaganito!” umiiyak na sabi ni Mia. “Bakit ako? Kasalanan ko ba kung sugarol ang ama mo?” “Oo! Kung hindi niyo kinukunsinti si Papa, hindi siya mag-aadik sa sugal!” “So, kasalanan ko pa ngayon kung sa sugal siya nalilibang at nakahahanap ng kapanatagan?” “Kapanatagan?! Ilang araw nang lutang at parang wala sa sarili ang papa ko, tapos sasabihin mo kapanatagan?” “Eh, ano naman ang kinalaman ko ro’n?” Napangisi si Mia. “Talagang nagmamaang-maangan ka pa?” "Ilang beses ko bang kailangang sabihin na wala akong kinalaman sa nangyari sa papa mo?!" "Talaga? Bakit nandito ka? Hindi ba't ang dami mong negosyo? Bakit may oras ka pa para rito? Dahil ba nagi-guilty ka at gusto mong pagtakpan ang ginawa niyo sa papa ko?” “Ginawa namin? Hindi ba’t pinagtanggol ko pa kayo?” “Hindi ba kasama ‘yon sa plano mo para kunwari wala kang alam?” palabang sagot ng dalaga. Napailing si Anthony. “Kung kompiyansa ka sa mga sinasabi mo, bakit hindi ka tumawag ng mga pulis? Pahuli mo ko,” naniningkit ang mga matang sabi niya. “Pulis?” malamlam ang mga matang tanong ni Mia. “Hindi ba’t kasabwat mo rin ang mga ‘yon?” “Aba’t!” sambit ni Doughs na noo’y akmang susugod kay Mia pero sinenyasan ito ni Anthony na ‘wag nang makialam. Naniningkit ang mga matang humakbang si Anthony papalapit kay Mia hanggang sa mapasandal na ito sa dingding. Napalunok pa ito nang itukod niya ang kamay sa dingding atsaka niya bahagyang inilapit ang mukha niya sa mukha nito. "Sa maniwala ka at sa hindi, hindi ko kagustuhan ang nangyari sa papa mo. Kung sa tingin mo ako ang may kagagawan nang lahat ng ito, ipakulong mo ako kung kaya mo." Palabang sinalubong ni Mia ang mga mata niya. “Malakas ang loob mo kasi mapera ka at alam mong walang-wala ako!” Napakagat sa labi si Anthony na noo’y pikon na pikon na sa dalaga. “Alam mo, naawa sana ako sa’yo, eh. Pero since ganyan ka katigas, sige! Aalis na kami at ikaw na ang bahala sa mga gastusin ng ama mo!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD