Dinuro muna isa-isa ni Anthony ang mga salbaheng lalaki na para bang nagbabanta, bago ito patakbong lumapit sa mag-ama.
“Doughs, ibukas mo ang kotse!” sigaw ni Anthony habang binubuhat si Mang Mando.
Agad namang tumalilis si Doughs at binuksan ang kotse. Pagkatapos ay mabilis na umikot ito sa driverseat.
“Mia, sakay na!” ani Anthony habang isinasakay nito ang ama.
Hindi agad nakakilos ang dalaga na noo’y tila wala na sa sarili.
“Bilis!” singhal ni Anthony sa dalaga. Dumukwang na ito at binuksan ang pinto para sa kanya.
Sa huling upuan sa gawing ulunan ni Mang Mando, sumakay si Mia. Nagulat na lang siya nang walang sabi-sabing dumukwang sa kanya si Anthony atsaka nito iniunan sa hita niya si Mang Mando. At nang masigurong komportable na si Mang Mando, isinara na nito ang pinto atsaka ito dumungaw sa unahang bintana at kinausap si Doughs na nasa driverseat. “Doughs, ingat sa pagda-drive, ha? Susunod na lang ako sa ospital. I-text mo na lang sa akin kung saan ospital," anito.
“Sige, Boss. Subukan ko muna sa mas malapit.”
Hindi na alam ni Mia noon kung ano ang nangyayari. Tila umaayon na lang siya sa kung ano’ng sabihin ng dalawa sa kanya, maging sa ospital ay si Doughs na lang din ang halos nakipag-usap. Tinatanong lang siya nito sa mga detalye tungkol sa papa niya pero sa kabubuan, ito na halos ang nag-asikaso.
Tahimik lang na naghihintay sa labas ang dalaga habang inaasikaso sa emergency room si Mang Mando. Naghalo na ang antok, kaba at takot niya noon. Hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa papa niya at kung gaano kalaki ang bill na babayaran niya sa ospital pagkatapos. Mukha kasing mamahalin ang ospital na napuntahan nila. Napasulyap si Mia sa kalbong lalaki na tinatawag na Doughs, abala pa rin ito sa pakikipag-usap sa telepono. Patingin-tingin pa ito sa kanya habang nakikipag-usap, bagay na lalong nagpapakabog ng dibdib niya. Batid niyang may kinalaman ang mga ito sa nangyari sa papa niya pero hindi niya magawang sitahin ang mga ito.
“Hindi ba mahal ang bayad dito, Kuya?” tanong niya nang lapitan siya ni Doughs.
“’Wag kang mag-alala baka sagutin na ni Boss ang pagpapa-ospital sa papa mo.”
"Salamat,Kuya.”
Napakamot sa batok si Doughs.. “Huwag ka sa aking magpasalamat, sumusunod lang naman ako sa utos ni Boss,” nakangising sabi nito.
“Pakisabi na lang po sa kanya, salamat. Kaya ko na po itong mag-isa," lakas-loob na sabi ni Mia.
“Naku, pasensiya ka na. Kabilin-bilinan ni Boss sa akin na ‘wag na ‘wag raw kitang iiwang mag-isa rito. Hintayin na lang muna natin siya, mayamaya lang nandito na rin ‘yon.”
Balot ng takot sa dibdib, kunwaring ngumiti ang dalaga. Sa tingin niya kasi kailangan niyang maging matalino sa pakikitungo sa dalawa lalo’t hindi naman niya talaga alam kung ano ang pakay ng mga ito sa kanila.
"Daming collection, ah," nakangiting bungad ni Anthony sa pinto. Nakaupo noon at abala sa pagbibilang ng pera si Gardo, ang manager ng pasugalan na kilala rin sa bansag na bigote. Patong-patong na bundle ng perang papel ang nakapatong sa ibabaw ng mesa nito.
Napatingin si Gardo sa kanya sabay napangiti. "Ano ang atin, kaibigan?" Binitiwan nito ang ginagawa atsaka ito tumayo at sinalubong siya.
College palang si Anthony nang maging barkada niya si Gardo. Palagi niya itong sinasama noon sa bahay nila kaya nakilala ito ng papa niya. May mga taglay na katangian si Gardo na kagaya ng sa papa niya kaya madaling nagkalapit ang loob ng dalawa. Sa ngayon ay isa na si Gardo sa taong pinagkakatiwalaan ng lubos ng papa niya sa mga negosyo nito.
"Bakit pati si Mang Mando tinalo niyo?" aniya habang papalapit. Nilampasan niya si Gardo atsaka siya dumiretso at naupo sa ibabaw ng mesa nito.
"Bakit naman hindi? Espesyal ba ang taong ‘yon sa’yo?" ani Gardo na noo’y muling bumalik sa pwesto.
Kinuha ni Anthony ang isang bundle ng pera atsaka sinipat-sipat. "Magkano ang pagkakautang ni Mang Mando?" hindi tumitinging tanong niya.
Kunot ang noong tumingin sa kanya sa Gardo. Pinagsalikop nito ang magkabilang braso atsaka ito seryosong tumingin sa kanya. "Bakit interesado ka yata sa kanya?" anito.
Binitiwan niya ang pera atsaka siya seryosong humarap kay Gardo. “Sagutin mo na lang ang tanong ko! Magkano na ba ang utang niya sa casino?” mataas na ang tono ng boses niya.
Napangiti si Gardo sabay napailing atsaka ito muling dumampot ng isang bundle na pera. Pero napatigil ito at napatingin sa kanya nang tapikin niya ang kamay.
Saglit na nagtama ang kanilang paningin. Hindi niya ito binitiwan ng tingin hanggang sa maasiwa ito at kusang bumitiw. "Okay, fine! Nakasanla ng Isang Daang Libong Piso ang bahay at lupa niya sa atin. Tapos umutang pa siya ng Dalawang Daang Libong Piso nitong huli," anito.
Nagsalubong ang kilay ng binata. "Bakit umabot siya sa ganoon? Bakit hinayaan mo? Dati naman may koto lang ang pautang mo na hanggang Isang Daang Libong Piso sa mga katulad niya," singhal niya kay Gardo.
"Ano’ng gagawin ko? Eh, gusto raw makabawi ng tao," anito.
"Kahit na! Alam mo namang walang kapasidad magbayad ‘yung tao. Bakit hinayaan mong lumaki nang ganun ang utang niya?”
Umabot ng isang pirasong sigarilyo si Gardo atsaka nito sinindihan."Meron pa siyang alas, ‘yung anak niyang dalaga. Maganda 'yun. Malaki ang kikitain natin dun kapag nagkataon," nakangising sabi nito sabay hitit ng sigarilyo.
Natigilan si Anthony sa narinig. Biglang nag-flashback sa alaala niya ang maamong mukha ng dalaga habang umiiyak sa tabi ng duguang ama. May kung ano’ng pwersa ang nag-uutos sa kanyang protektahan ito.
“Huwag na ‘wag niyong kakantiin ang anak ni Mang Mando!” mariing sabi niya.
“Bakit ba interesado ka sa matandang ‘yon? Babayaran mo ba ang utang niya?” tanong ni Gardo matapos magbuga ng usok.
"Oo. Aarborin ko na ang isang ‘yun. Linisin mo ang lahat ng utang niya, babayaran ko kung kinakailangan. Basta ‘wag mong pakikialaman ang anak niya,” aniya.
Napaawang ang mga labi ni Gardo. “Seryoso ka ba sa sinasabi mo?”
Sa halip na sumagot naglabas ng tseke si Anthony atsaka nito pinirmahan.Pagkatapos ay inihagis niya iyon sa harapan ng kaibigan.
Namilog ang mga mata ni Gardo. “Seryoso ka nga?”
“Blanko ‘yan. Nasa sa’yo na kung gusto mong dagdagan. Sa akin na may pagkakautang si Mang Mando kaya 'wag na ‘wag mo silang kakantiing mag-ama kung ayaw mong magkaaway tayo," banta niya.
Nagtaas ng dalawang kamay si Gardo bilang pagsuko. “Sabi mo, eh,” nakangising inabot nito ang tseke na wala pang ilang segundo ay nasulatan na agad nito nang kabuuang halaga.
“Ayan, ha? Hindi ko na dinagdagan,” nakangiting sabi nito nang ibaba ang ball pen.
Kung tutuusin, hindi na kailangang magbayad ni Anthony. Ginawa niya lang ‘yon para suhulan si Gardo na alam niyang tuso pagdating sa kaperahan.
Todo ang ngisi ni Gardo habang pinagmamasdan ang tseke na nagkakahalaga ng Tatlong Daang Libong Piso na diretsang papasok sa bulsa nito.
“Siguraduhin mo lang na malilinis mo ang utang ni Mang Mando, ha?” aniya bago niya ito tinalikuran.
“Areglado, Boss!” nakangiting sabi ni Gardo na noo’y napasaludo pa sa kanya sa sobrang tuwa.