Chapter 2- Meet da Boss

1420 Words
Nagulat si Mia nang tapikin ng Anthony sa balikat ang papa niya. "Okay ka lang, Mang Mando?" anito. Hindi niya akalain na malapit ito papa niya. Nakangiting tumango ang papa niya bago sumagot. "Ayos lang.” Napakunot ang noo niya. "Kilala mo ba ang mga 'yon, Pa?" tanong niya nang makalampas sa kanila ang buong grupo. "Si Boss Anthony, 'yon, anak ng may-ari ng pasugalan.” "Huwag ka ngang nakikipaglapit sa mga 'yon, Pa,” may himig pagka-irita na sabi niya. Nangingiting umakbay sa kanya ang ama. "Mabait naman ang mga 'yon." Nanlaki ang mga mata ni Mia. "Mabait? Alam mo ba kung ano ang ginawa ng mga 'yon kanina lang?" "Nakipagsuntukan?" nakangiting tanong ni Mang Mando. Nakababa na sila noon at kasalukuyan nang binabaybay ang kalsada pauwi. "Alam mo naman pala, eh. Bakit parang natutuwa ka pa, Papa?" "Paraan niya lang 'yon, para sindakin ang mga sugarol na baon na sa utang para hindi na bumalik." "Iyon na nga, eh! Hindi ka ba natatakot sa kanila? Paano kung isang araw ikaw naman ang sindakin nila?” Napangiti si Mang Mando. “Ano ka ba namang bata ka? Matanda na ako, hindi na nila ako kailangang bugbugin.” Hindi na nakasagot si Mia nang bulabugin sila nang sunod-sunod na pagbusina mula sa likuran. “Mang Mando, hatid ko na kayo,” sigaw ni Anthony na noo’y nakadungaw sa bintana ng sasakyan. Napakunot ang noo ni Mia pero hindi si Mang Mando na mabilis na nakalapit sa sasakyan. “Mia, tara na! Baka abutan pa tayo ng ulan,” ani Mang Mando, medyo umaambon na kasi noon. “Hindi na, Pa! Maglalakad na lang ako,” sigaw niya atsaka siya nagpatuloy sa paglalakad. Sakay si Mang Mando, binuntutan siya ni Anthony habang naglalakad. “Lumalakas na ang ulan, sumakay ka na!” sigaw nito kasunod ng pagbusina. Pero ‘di natitinag si Mia na noo’y patuloy lang sa paglalakad. Hanggang sa unti-unti nang bumuhos ang ulan. Itinigil ni Anthony ang sasakyan atsaka ito nagmamadaling bumaba. Wala na siyang nagawa nang buhatin siya nito at sapilitang isinakay sa sasakyan. “Ano ba?!” singhal niya rito nang maibaba siya sa loob ng kotse. “Waterproof ka ba?” nangingiting tanong ni Anthony sabay hagis ng towel sa kanya. Nilingon siya ni Mang Mando na noo’y nakupo sa gawing harapan atsaka ito ngumiti. Nakasimangot na tinignan niya ang ama habang tinutuyo niya ang mukha. Nang makarating sila sa bahay, nagpatiunang bumaba si Mia at dire-diretsong pumasok sa loob. Ilang minuto pa ang lumipas bago sumunod sa kanya ang ama. Binatak niya ang isang silya malapit sa mesa atsaka siya naupo habang naghihintay sa sasabihin ama. Pero tahimik lang itong naupo malapit sa kanya na parang walang balak magsalita. Pinagsalikop niya ang magkabila niyang braso atsaka niya hinarap ang papa niya. "Wala ka bang sasabihin, Papa?" tanong niya. Dinig niya ang malalim na paghinga ni Mang Mando pero hindi ito sumagot. "Pa, ano? Wala ka man lang bang sasabihin? Hindi ka man lang ba magpapaliwanag kung bakit inabot ka nang magdamag dun? Pa, alam mo ba’ng nag-alala ako sa’yo?” mariing sabi niya. Hindi umiimik si Mang Mando na noo’y nakatungo lang ang ulo sa sahig. “Saka bakit parang ang lapit-lapit mo sa lalaki na ‘yon?" Nagtaas ng paningin si Mang Mando at seryosong tumingin sa kanya. "Anak, pabayaan mo na ako. Kapag nakabawi na ako, titigil din ako," anito. Napailing si Mia. "Papa naman. Imposible na 'yang sinasabi mo na 'yan. Parati na lang ganyan ang sinasabi mo sa akin, eh. Hindi mo ba napapansin? Lulong na lulong ka na sa sugal nang dahil sa sinasabi mong pagbawi na ‘yan. Tingnan mo ang bahay natin," sabi niya sabay kumpas ng kamay. "Wala na halos ang mga gamit natin kababatak ng mga pinagkakautangan mo. Baka kapag ‘di ka pa tumigil pati bahay natin maitaya mo na. Huwag ka naman sanang umabot sa ganun, Pa. Ito na lang ang natitirang alaala sa atin ni Mama," mariing sabi niya.. "Huwag kang mag-alala, Anak. Alam ko naman 'yon. Babawiin ko lang kahit kalahati ng natalo ko. Pagkatapos, ilalaan ko na 'yon sa pag-aaral mo sa kolehiyo." Napatayo si Mia. "Pa, naman! Hindi mo naman pwedeng iasa na lang ang lahat sa sugal! Kaya ko pong gawan ng paraan ang tuition ko. Kapag nabayaraan ko na ang utang niyo sa mga kapitbahay, pag-iipunan ko na po ang pang-tuition ko." Hindi na siya nakatiis at napagtaasan na niya ito ng boses. Hindi na niya kasi ito madaan sa mahinahon na pakikipag-usap. Pakiramdam niya kasi kung hindi siya magtitigas-tigasan sa papa niya hindi siya nito pakikinggan. Senior high school na si Mia nang mamamatay ang mama niya sa sakit na cancer. Maayos at maginhawa ang buhay nila noon. Accountant sa munisipyo ang mama niya at nagmamaneho naman ng sariling jeep ang papa niya. Malaki at maayos rin ang bahay nila na may tatlong kwarto sa itaas at dalawa sa ibaba. Pero naubos ang naipong pera ng mama at papa niya nang magkasakit ang mama niya. Naglabas-pasok kasi ito sa ospital noon. Naisanla pati ang naipundar nilang jeep. At nang nawala ang mama niya, wala na halos natira sa kanila. Kaya nakaisip si Mang Mando na magsugal para raw dumami ang natitira pang pera. At iyon ang pinakamaling naging desisyon ng papa niya sa buhay. Dahil sa halip na dumami ang natitira nilang pera, natalo lahat ‘yon sa sugal. At nagkautang-utang ang papa niya hanggang sa magpatong-patong na ang naging problema nila. Tuluyan na siyang hindi nakapag-aral. Twenty three years old na siya pero hindi pa rin siya nakakatuntong sa kolehiyo. "Anak, last na lang 'to. Pagbigyan mo na ako. Pagkatapos nito, hinding-hindi na ako magsusugal," hirit ni Mang Mando. Napailing si Mia sa pagkadismaya. Ang hirap na talagang pasunurin ng papa niya. "Pa, ano na naman ba ang naiprenda mo at hindi mo na naman magawang bumitaw?" Hindi siya sinagot ni Mang Mando. Yumuko lang ito atsaka umiling. Biglang kinabahan si Mia. Ramdam niyang mayroong hindi sinasabi sa kanya ang ama. Napabuga na lang siya ng hangin. “Parang hindi na kita kilala, Papa,” aniya atsaka niya ito iniwan. Umakyat na siya sa itaas at nagkulong sa kwarto. Pagkagising niya kinabukasan, agad siyang sumilip sa kwarto ni Mang Mando. Pero malinis at maayos ang kama. Palatandaan na hindi ito roon nahiga. Nagmamadali siyang bumaba sa sala pero sa dulo palang ng hagdanan tanaw na niyang walang tao roon. Blanko ang mukhang unti-unti siyang napaupo sa huling baitang ng hagdanan. Nangilid ang luha sa mga mata niya hanggang sa tuluyan na siyang mapaiyak. Hindi naman dating ganun ang papa niya.. Mabait at ulirang ama ito. Lagi silang nitong inuunang mag-ina. Ni hindi nga ito nagpepera noon. Kahit pa may mga kumpare at kaibigan itong sugarol, hindi ito naiimpluwensiyahan ng mga kaibigan. Nagsimula lang itong magsugal nang mamatay ang mama niya. Naisip niya na baka gusto lang ng papa niyang libangin ang sarili kaya hinayaan niya ito. Hindi niya naman akalain na malulong na ito nang husto sa sugal. Umabot pa ito sa punto na nangungutang na ito sa mga kaibigan para lang maipangsugal. Nakarinig siya ng sunod-sunod na katok mula sa pintuan kaya agad siyang napatayo. Dalidali niyang tinuyo ang luha sa mga mata atsaka niya patakbong tinungo ang pintuan. Tila natulos si Mia sa kinatatayuan nang mabungaran niya si Anthony. "Nandiyan ba si Mang Mando?" seryoso ang mukhang tanong nito. Pagsasaraduhan sana niya ito ng pinto pero agad siya nitong napigilan. "Bakit mo ba siya hinahanap, ha?" angil niya. "Ako ang naunang nagtanong, kaya ako muna ang sagutin mo! Nasaan si Mang Mando? Kailangan ko siyang makausap!” sigaw ng binata. "Hindi ko alam. Wala na siya nang magising ako. Ano ba ang kailangan mo sa papa ko, ha?” “Ang tatay mo ang may kailangan sa akin!” anito sabay hablot sa kanang kamay niya. Dinukot nito ang business card sa bulsa atsaka nito inilapag sa palad niya. "Kapag dumating ang papa mo, tawagan mo agad ako. Importante na makausap ko siya," seryosong sabi nito. "Tapos ano? Bubugbugin niyo rin?" Napatiimbagang si Anthony. "Talagang kapag hindi siya nagpakita sa akin, mabubugbog siya. Ipakausap mo siya agad sa akin kung ayaw mo siyang masaktan!” Napakuyom ang mga kamay ni Mia. Pigil ang galit na tinitigan niya ang lalaki. “Ano ang gagawin niyo sa papa ko, ha?” palabang tanong niya. Napangisi ang binata. Hinawakan nito ang pisngi niya atsaka nito bahagyang pinisil. “Relax, wala akong gagawin sa papa mo.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD