Napasandal na lang si Mia sa dingding habang tinatanaw na paalis ang binata. "Papa, ano ba itong pinasok mo?" nangingilid ang luhang bulong niya. Sinubukan niyang tawagan ang ama pero naka-off ang phone nito. Napahimas na lang siya nang mariin sa noo. Hindi na kasi niya kinakaya ang sakit ng ulo na dala ng tatay niya. Hinablot niya ang payong na nakasuksok sa likuran ng pinto atsaka siya lumabas ng bahay. Plano niya sanang pumunta sa kaibigan niyang si Neri pero naharang siya ni Hazel, ang kapitbahay nila na nagtatrabaho sa isang bar.
"Uy, Mia, aano ka?" sigaw ni Hazel, nakasalampak ito noon sa sahig habang nagkukutkot ng kuko. Hindi niya maiwasang mapangiti sa kakatwang hitsura ni Hazel. Nakapusod kasi ang buhok nito paitaas at pulang-pula ang nguso.
"Diyan lang, kila Neri," nakangiting sagot niya.
"Baka naman pwede akong makisuyo," anito na noo'y tumayo at bahagyang lumapit sa gate.
"Bakit? Ano ba 'yon?"
"Kulang kami ng waitress sa bar, eh. Pakitanong naman baka gusto niyang u-extra."
Bahagyang napangiti si Mia. "Kailangan niyo ng extra? Ngayong gabi ba ‘yan? Pwedeng ako na lang?" tanong niya.
Napakunot ang noo ni Hazel. "Sigurado ka? Baka yariin ako ng tatay mo. Marunong ka bang uminom?"
"Waitress ang hanap niyo, hindi ba? Bakit kailangan pang marunong uminom?"
"May customer kasi minsan na naghahanap ng kausap. Minsan ire-request ka nila sa manager na umupo ka sa mesa nila tapos ililibre ka ng ladies drink."
Napakunot ang noo ni Mia. "Sure ka, waitress ang hanap niyo? Hindi ba GRO ang tawag sa ganun?”
Natawa si Hazel. "Oo. GRO nga ang tawag sa amin dati. Tine-table at pwede kaming ilabas ng customer. Pero binago na ‘yon ng anak ng may-ari. Bawal na ang ganun. Sa maniwala ka man o sa hindi, nakikipagkwentuhan na lang talaga kami sa customer ngayon. Wholesome ang bagong bossing namin ngayon kaya safe ka ro’n. Pwede ka namang tumanggi kung hindi ka komportableng makipagkwentuhan sa customer, hindi ka naman nila pipilitin.”
"Sige, ako na lang. Marami akong kailangang bayaran, eh."
"Sige, basta siguraduhin mo lang na hindi ako mayayari sa tatay mo, ha?"
"Naku, hindi 'yan. Ako ang bahala."
Biglang tumunog ang cell phone ni Hazel kaya naputol ang usapan nila.
“Sige mamayang gabi mag-ready ka. Dadaanan na lang kita,” anito nang muling bumaling sa kanya.
Lumipas ang buong maghapon na hindi nagparamdam kay Mia ang ama. Naglalakad na sila ni Hazel sa bandang high way nang masalubong nila ito.
“Saan ka pupunta?” agad na tanong ni Mang Mando.
“Kulang daw po ang waitress ngayon sa bar na pinapasukan ni Hazel, Pa. E-extra muna po ako.”
“Sa bar? Hindi ba delikado roon?”
“Hindi po, Mang Mando. Hindi na po ‘yon katulad ng dati. Disenteng bar na po iyon. Wala na pong mga escort at extra service,” sabat ni Hazel.
“Sigurado ka bang hindi mapapahamak ang anak ko riyan?”
“Naku, 'wag po kayong mag-alala akong bahala kay Mia."
Nakakailang hakbang na sila papalayo nang biglang maalala ni Mia ang bilin ni Anthony.
“Pa!” sigaw niya nang lumingon sa ama. Agad napaharap si Mang Mando.
“Hinahanap po kayo nung Anthony.”
“Sige, tatawagan ko na lang,” ganting sigaw ni Mang Mando bago ito tumalikod at nagpatuloy sa paglalakad.
Ilang segundo nang nakatitig si Mia sa nakalatag na uniporme ng bar sa ibabaw ng mesa pero hindi niya pa rin magawang kumilos mula sa kinauupuan niya. Hindi niya kasi akalain na ganun ang hitsura ng uniporme ng bar. Maging si Sailor Moon ay mahihiya sa ikli nito.
"Kailangan ko pa bang suotin 'to? Baka naman pwedeng hindi na. Ngayon lang naman ako rito," hirit niya.
Natawa si Hazel. "Gaga! Suotin mo na. Malay mo magustuhan ni Boss ang serbisyo mo. Isa ka na sa laging tatawagan kapag kailangan ng tao. Sayang din ang kikitain mo, malaking tulong din ‘yon sa bayarin mo," ani Hazel habang humihitit ng sigarilyo malapit sa bintana.
Napabuga ng hangin si Mia, sa dami ng utang na ginawa ng papa niya, kailangang-kailangan niya talaga ng karagdagang kita. Pikitmatang sinuot ni Mia ang maikling uniporme para unti-unti na niyang mabayaran ang mga utang ng papa niya.
Dahil hindi siya komportable sa suot na uniporme, panay ang tigil ni Mia at hila ng skirt pababa habang nagse-serve. Pilit niya itong pinaaabot sa tuhod niya kahit alam niyang imposible, bagay na agad na napansin ni Anthony na noo’y lihim na nakamasid sa kanya sa isang sulok ng bar.
Nakadagdag pa sa pagiging asiwa ni Mia ang mga tingin at pagtitig sa kanya ng ilang costumer na parang may pagnanasa. Pakiramdam niya noon ay sobrang haba ng oras kaya kulang na lang ay hilahin niya ang mga kamay ng orasan para makauwi na siya.
Ilang grupo na ng mga lalaki ang nag-aayang makipagkwentuhan ang tinanggihan niya. Pero mayroon pa ring makukulit at hindi makaintindi. Gaya na lang ng grupo na inaasikaso niya ngayon na pilit siyang pinapaupo.
"Miss, balik ka, ha?" habol ng lalaki matapos niyang mailapag ang alak na in-order ng mga ito. Kunwaring nginitian niya ang lalaki atsaka siya umalis. Pagkatapos ay dumiretso siya sa banyo at doon siya napabuga ng hangin.
"Ano? Okay ka lang?" tanong ni Hazel na noo'y kalalabas lang ng cubicle.
Tumabi ito sa kanya sa harapan ng salamin at nag-ayos ng sarili.
"Grabe, ang kulit ng customer sa table three," sabi niya.
"May mga ganyan talagang customer. Sakyan mo na lang.”
"Hazel, sa tingin mo ba kaya kong kitain ngayong gabi ang mahigit Isang Libong Piso?"
Napakunot ang noo ni Hazel. "Bakit? Para saan ba 'yon?"
"Pambayad sa utang namin sa tindahan ni Ate Tess."
“Kikitain mo lang ‘yon kung magpapa-table ka. Sa pag-inom ng drinks ka lang kasi babawi. May porsiyento ka sa bawat ladies drink na maiinom mo. Kaya mas marami kang mainom mas okay," ani Hazel habang nagre-retouch.
"Sure ka ba na hanggang dun lang 'yon?" alanganing tanong niya.
"Ipapahamak ba naman kita?"
"Sige, payag na ko."
Malapad ang ngiting humarap sa kanya si Hazel habang isinusuksok sa bag ang make up. "Sige, kapag may nag-request ng ka-table, sa'yo ko na ipapasa," anito.
Gaya nang pangako ni Hazel, ipinasa nga nito sa kanya ang mga costumer na nagre-request nang makakausap. Mababait naman at mukhang disente ang mga ito kaya hindi naman siya gaanong nahirapan.
Sa paglalim ng gabi, nakarami nang inom si Mia kaya halos magsama na ang antok at hilo na pilit niyang nilalabanan. Medyo lumiliko na ang mga paa niya habang binabaybay niya ang pasilyo papunta sa banyo. Pulang-pula na ang pisngi niya noon sa kalasingan at halos pumikit na rin ang mga mata sa antok. Makakasalubong niya noon si Anthony na katatapos lang ding magbanyo. Masyado itong abala sa cell phone kaya nabigla ito nang biglang tumigil ang lalaking sinusundan nito para mag-sintas ng sapatos. Na-out of balance si Anthony at napasubsob sa dalaga na noo’y kaangat-angat lang din ng ulo matapos mag-message sa ama. Tila tumigil ang mundo nang magdikit ang mga labi nila hanggang sa unti-unti silang bumagsak sa sahig. Agad namang inagapan ni Anthony ang ulo ng dalaga.
Medyo madilim sa pasilyo kaya hindi gaanong maaninag ni Mia ang mukha ng binata na noo'y nakasuot pa ng cap. Agad niyang itinulak papalayo ang binata atsaka niya ito sinampal. "Bastos!" sigaw niya.
Napahawak sa pisngi si Anthony. "Ano'ng bastos? Ikaw nga itong hindi tumitingin sa dinaraanan mo."
"Kaya nanghalik ka?!" matapang niyang sagot.
“Ano?!”
Sa lakas ng sigaw ni Mia, napatingin sa direksiyon nila sina Hazel at Dindo at agad na napatakbo papalapit sa kanila.
"Mia, ano ka ba? Si Boss Anthony 'yan," bulong ni Hazel.
Biglang nanlaki ang mga mata ni Mia. “Anthony? S-Siya ang may-ari ng bar?”
Napagsak ang mga balikat niya. Ganoon kaliit ang mundo para sa kanya, Sa dinami-rami kasi ng tao, ito pa talaga ang naging boss niya. Si Anthony na sa una palang ay hindi na niya gusto.