Prologue
NAPATUWID ng upo si Adrian sa backseat ng service van na kaniyang kinaroroonan nang mamataang dumaan si Maddie sa harapan ng sasakyan. Mag-isa itong naglalakad at mukhang pasakay na rin sa kotse nitong nakita niyang nakaparada sa 'di kalayuan.
Isang emosyong hindi nais pangalanan ang agad na lumukob sa puso niya sa saglit pa lang na nasilayan ang babae. He knew he shouldn't feel that way, dahil kailangan niyang panindigan ang ginawang desisyon at binitiwang isang pangako. Alam na alam niya ang kaniyang limitasyon, ngunit sa kabila niyon ay sadyang hindi pa rin niya magawang pigilan ang bugso ng damdamin.
Kahit anong pilit ang gawin sa sarili, hindi talaga niya maatim na magsawalang-bahala at panoorin na lang ang babaeng espesyal sa kaniya habang unti-unti itong nahuhulog sa mga kamay ng isang lalaking batid niyang hindi kayang ibigay ang pagmamahal at pagpapahalagang nararapat para dito.
Dulot ng itinatakbo ng isip ay namalayan na lang niyang nakababa na siya mula sa sasakyan at may pagmamadaling naglalakad palapit kay Maddie.
"Mads..." maagap niyang pagtawag dito bago pa man nito tuluyang mabuksan ang pinto ng kotse.
Sapo nito ang dibdib nang lingunin siya. "Ikaw lang pala, Adrian. Ginulat mo naman ako. Bakit?"
He just gave her an awkward smile. Wala naman kasi siyang baong mga salitang sasabihin dito. Maging ang pagbababalang gustong gawin ay hindi niya alam kung paano sisimulan.
"Uh... kumusta?"
Maddie laughed at what he said, and God... waring nawala ang lahat ng pagod niya pagkarinig lang sa tawa nito.
"Ano'ng sinasabi mong kumusta? Eh, halos araw-araw na nga tayong magkasama. Okay ka lang?"
Napakamot na lang siya sa batok sa pagkapahiya. Gusto niyang kaltukan ang sarili dahil sa walang kuwentang nasabi. Sa dinami-rami ng usapang puwede niyang buksan, bakit naman iyon pa ang naisip niya?
Well, maybe because he really meant it, deep inside. Kahit naman kasi totoong araw-araw niyang nakikita at nakakatrabaho si Maddie, hindi ibig sabihin noon na lahat ng nangyayari dito at pinagdadaanan nito ay alam niya. Hindi... hindi na ngayon. Hindi na, mula nang magpasya siyang kusang dumistansya rito.
Napabuntong-hininga siya nang ubod-lalim sa labis na paghihirap ng loob. He did not expect things to go that way. Ang nais lang niyang mangyari sa ginawang paglayo ay ang mapabuti silang lahat at hindi na magkagulo. Hindi niya inasahang nang dahil doon ay unti-unting magkakalamat ang pagkakaibigan nila ni Maddie, gaya ng nakikita niyang nagaganap ngayon.
Marahil, sa paningin ng ibang tao ay mas mabuti na ngang ganoon ang kahinatnan nila. Dahil kung pag-iisipang mabuti, iyon nga naman ang tama. Pero kung ang puso ni Adrian ang tatanungin, wala itong nakikitang tama at maganda sa kinasasadlakang sitwasyon. Dahil hindi pa handa ang puso niya na tuluyang mabura siya sa buhay ni Maddie; kahit kailan yata ay hindi ito magiging handa.
At kahit man lang sa maikling sandaling iyon, nais ni Adrian na huwag magbingi-bingihan sa isinisigaw ng puso. Nangangamba siyang kung hindi niya ito pakikinggan ngayon, baka tuluyan na itong madurog at mawasak.
"Hindi na kasi ako updated sa 'yo, eh. Mukhang... hindi na yata ako ang favorite friend mo," kaswal lang na wika niya sa kabila ng pag-ahon ng hinanakit sa kaniyang dibdib.
Tumawa lang ulit si Maddie, ngunit hindi na iyon kasingnatural ng kanina. "Gano'n lang siguro talaga. Iba na ngayon, eh. Mas demanding na ang mga priority natin."
Nanatiling nakangiti ang babae, pero hindi pa rin nagawang ikubli sa kaniya ang lamlam ng mga mata nito. Heck! Ni hindi na rin niya maalaala kung kailan nagsimulang matutuhan niyang basahin ang bawat damdaming nagtatago sa likod ng magic mask nito.
"O, paano? Sa susunod na lang tayo magkuwentuhan, ha? Maaga pa kasi tayo bukas, hindi ba?"
Agad na lumakas ang kabog ng dibdib niya sa pagkataranta nang hindi na hintayin pa ni Maddie ang sagot niya at tumalikod na. Isinantabi niya ang lahat ng pag-aalinlangan sa isip at mabilis na hinawakan ito sa braso upang pigilan sa pag-alis.
"Si Jordan, is he courting you again?" Bumigat ang kaniyang paghinga nang ma-imagine ang sunod na sasabihin. "O baka naman... kayo na ulit?"
Muling humarap si Maddie ngunit hindi agad sumagot. Sandaling tila nag-alinlangan pa ito.
"Hindi namin napag-uusapan ang tungkol doon, pero wala akong nakikitang masama kung sakali. After all, single naman kami pareho."
Sobrang hina ng pagkakasabi ng babae sa mga salitang iyon, kaya mas lalong ginusto ni Adrian na isiping nagkamali lang siya ng dinig. He hates the idea that she considers to take her asshole ex-boyfriend back. He hates all the more how that mere idea crushes him. Hindi niya iyon matagalan.
He looked at Maddie straight into the eyes. "No... hindi ka na dapat bumalik pa sa kaniya!"
"At bakit hindi?"
"D-dahil..." Nag-iwas siya ng tingin, “dahil alam ko kung gaano ka niya sinaktan noong iniwan ka niya dati. I just don't wanna see you getting hurt again."
Nang kumislap ang sama ng loob sa mga mata ni Maddie ay waring nanghina si Adrian dahil---sa kung anong dahilan---pakiramdam niya ay para sa kaniya iyon.
"Pero ilang beses naman na akong nasaktan, Adrian. Kaya balewala na sa akin kung talagang saktan man ako ulit ni Jordan."
"Bagay na hinding-hindi ko gagawin," sabad ng pamilyar na boses na nagmula sa likuran niya, bago pa man siya makaimik. "Hindi ako gano'n kagago to make the same mistake twice."
Hindi na niya kinailangang lumingon para mukhaang makita ang may-ari ng boses na iyon, dahil dire-diretso nang naglakad si Jordan patungo sa harapan niya para tabihan at akbayan si Maddie. Nakangiti pang binalingan nito ang babae.
"Halika na. Ihahatid na kita. Gusto ko kasing masigurong safe kang makauuwi."
In an instance, Adrian felt the slap of reality with what he heard. Paulit-ulit niyang sinasabi na kaya ganoon na lang ang pagtutol niya kay Jordan para sa kaibigan ay dahil sa pagkakamaling nagawa nito noon, ngunit sa pagkakataong iyon ay wala siyang ibang magawa kundi aminin sa sarili na mayroon pa siyang ibang mas malalim na dahilan---a more selfish one. Dahil kitang-kita naman ng mga mata niya ang sinseridad ng pagsisisi ng lalaki gayundin ang katapatan ng pagmamahal nito para kay Maddie.
Nanatiling walang imik si Adrian kahit pa nang magsimula nang kumilos ang dalawa palayo sa kaniya. It was the last minute when he finally got the guts to stop them, ngunit isang kamay naman ang pumigil sa braso niya.
"Just let them be, hon. Hindi mo dapat sila pinakikialaman."
He turned around and saw Lara, ang tangi at nag-iisang rason kung bakit hindi niya mapangahasang hawakan maski dulo man lang ng mga daliri ni Maddie.
Mapait siyang napangiti. Right. Nakapili na nga pala siya. Kaya wala na talaga siyang dapat na maging pakialam sukdulang tuluyan pang makuha ng iba ang puso ng babaeng hindi niya alam kung hanggang kailan kakayaning iwasan.