Seven
"Tara po, Ma'am." Para akong patay na nagawang sumunod sa lalaki. Mabuti na lang ay nagawa rin akong alalayan ni Jojo sa likuran kaya hindi tuluyang bumigay ang nanghihina kong mga tuhod.
"Ayos ka lang ba talaga, Ma'am Jewel?" Nanghihina akong tumango. Hindi ko rin naman kasi alam kung papaano ko ipapaliwanag kapag sinabi kong hindi.
Did he just call me "Ma'am"? Atsaka anong ginagawa niya rito? Ano ba talaga ang nangyayari?!
Dismayado ang buong sistema ko nang tuluyan kaming makarating sa sarili kong opisina. Ni hindi na rin ako nagawa pang balingan ni Rod.
Kung may sasabihin man siya ay mukhang purong trabaho lang ang iniintindi niya.
"Sige na ho, Ma'am. Babalik na rin po ako sa trabaho. 'Wag po kayong matakot dyan kay Rod Antonio, masipag 'yan!" sabi ni Jojo pagkatapos ay nakatanggap siya ng mahinang suntok mula kay Rod.
Ibang iba ang ayos niya. Halatang pagod siya dahil sa gulo-gulo nitong buhok maging ang pagod niyang mga mata pero alam kong masaya siya. I've never seen that eyes before. Iyong para bang purong puro ang ipinakikita nitong mga ngiti. Malabong malabo sa nakita kong puro pagpapanggap.
Bumalik tuloy sa isip ko ang huli naming pag-uusap. Nagsisisi siya, pinagsisisihan niyang lumaban kami. Kinain siya ng insecurities niya kahit ang totoo naman ay hindi namin kailangan ng karangyaan.
Ang hiling ko lang para kay Jihan at sa pamilya namin ay maging masaya at ligtas.
Hindi niya pwedeng sabihin sa akin ngayon na pera ang kailangan ng pamilya namin, na pera ang kailangan ko dahil kung oo man, kung pera lang talaga ang gusto ko ay hindi ko maiisip na umalis sa bahay noon. Hindi ko maiisip na lumaban kasama siya at maghirap sa loob ng apat na taon.
Kapag iniisip ko nang paulit-ulit, mas lumilinaw rin sa akin ang nararamdaman. Mas lumilinaw ang nararamdaman kong pagsisisi.
"-ko na, Ma'am?"
Nagpakurap-kurap lang ako pero hindi ko magawang maalis ang tingin sa kaharap na lalaki.
Hindi niya ako naaalala? Hindi siya apektado ng nangyayari sa akin?
"K-Kilala mo ako?"
Mahina siyang humalakhak, pagkatapos ay bumaling sa akin — hindi pa rin naaalis ang ngiti sa mga labi nito. Malayo malayo sa Rod Antonio na kinasanayan ko sa loob ng apat na taon.
Para bang bumalik ito bigla sa pagiging masiyahing Rod na una kong nakilala noong kolehiyo.
"Nako, Ma'am. Bihira lang po kayo pumasok dito sa opisina pero kilala ko na ho kayo dahil sa laging pagbibida sainyo ni Sir Jelo," malumanay niya pang sabi.
Dumeretso na siyang tingnan ang sirang aircon na naroon pagkatapos ay hininging muli ang permiso ko pero wala sa sarili lang akong tumango.
Sa buong oras na tsine-tsek niya ang aircon ay hindi na niya ako kinausap.
At hindi iyon ang inaasahan ko. Hindi iyon ang gusto ko.
Ano ba talagang nangyayari? Gulong-gulo na ako.
"Ma'am, ibaba ko na lang muna itong aircon. Doon ko na lang po aayusin para hindi na ho kayo maistorbo—"
"No!"
Kapwa kami nagulat sa biglaan kong pagsigaw. Now, I am getting desperate. He needs to remember me.
Hindi ko alam ang lahat ng nangyayari at imposible man marahil ang nasa isip ko ay kailangan kong kumilos.
This is wrong.
Alam kong gusto ko ring makasama si Mommy pero hindi pupwedeng tuluyang mawala sa akin ang pamilya ko.
Si Rod... si Jihan.
Paano si Jihan? Paano ang anak ko kung hindi ako magawang maalala ni Rod? Kung hindi siya kasali sa mga nangyayari sa akin?
Posible kayang bumalik ako sa nakaraan? Para ano? Para itama ang lahat ng naiisip kong pagkakamali? Para bawiin ang lahat ng bagay na maaari kong pagsisihan sa huli?
"A-Ano po, Ma'am?"
Ilang beses kong inulit ang paglunok para lang mapakalma ang sarili. "Dito mo na ayusin 'yan, gusto ko kasing makita. S-Saka, aalis din naman ako mamaya para sa meeting. Para sana may magbantay rito," nanginginig na paliwanag ko.
"Ako ho ang magbabantay?"
Sa sobrang pagpapanic ay agad kong tinuon ang atensyon ko sa harap ng laptop at kung ano ano na lang ang pinagpipindot doon. "Yes, please."
Sinigurado kong magmumukha akong busy habang abala rin siya sa ginagawa. Nanginginig man, wala naman na akong pwedeng magawa. Okay na akong tinitingnan ka habang inihahanda na ang mgha susunod na plano.
Sa kinakalikot na laptop, minabuti kong magsearch ng kahit anong bagay na konektado sa panaginip o kung posible mang mangyari ito sa totoong buhay.
Paanong ang twenty-six years old na tulad ko ay mapupunta sa taong 2016 na twenty two years old ang turing sa akin ng mga tao?
"I-Ilang taon ka na?" minabuti kong magingg pormal at malumanay. Dahil kung totoo ngang hindi niya ako nakikilala ay posibleng matakot naman ito sa akin.
"Bente kwatro ho, Ma'am."
Hindi na ako nakapagsalitang muli. Tama nga ang hinala ko, totoong wala nga itong alam sa nangyayari. Ako lang ang apektado.
Nang dumating ang tanghalian, saka pa lang nagpaalam si Rod at sinabing babalik siya pagkatapos mananghalian. Samantalang ako ay nanatili sa loob, gulong gulo pa rin at hindi makapaniwala sa lahat.
Alin ba talaga ang ang totoo at panaginip?
Nagsisimula na akong kwestyunin ang lahat nang biglang may kumatok sa pinto ng opisina ko. Maya maya ay iniluwa noon si Rod na may dalang paperbag.
"Ma'am, mukhang wala ho kayong balak na kumain kaya dinalhan ko po kayo." Gulat sa kinilos ni Rod ay hindi ako nakapagsalita. Parang gusto kong pumalahaw ng pag-iyak. Gusto kong itanong rito kung talaga bang pinagsisisihan niya ang lahat pero malabo rin namang masagot niya iyon lalo pa't ni hindi niya nga alam na may anak talaga kami.
Hindi ko alam kung ano ang totoo?
Hindi ko maiwasang isipin na ito ang totoong pangyayari pagkatapos ay panaginip lang pala ang lahat ng nangyari sa apat na taong alam ko... baka panaginip lang na twenty-six ako at panaginip lang rin na kasal kami ni Rod at anak namin si Jihan.
No...
Hindi pupwede!
Alam kong totoo iyon! Hindi pwedeng basta basta na lang iyong mawala at makalimutan.
Napadaing na lang ako biglang sinumpong ako ng pagkirot ng sentido. Ang dami-dami kong naiisip at nagkakahalo halo iyon sa sistema kong anumang oras ay pupwedeng sumabog.
"Ma'am! Ma'am, ayos lang ho ba kayo?"
Si Rod... panaginip lang rin na ang lahat ng iyon?
Panaginip lang rin bang minahal niya ako?
"Pakilagay na lang ng pagkain sa mesa k-ko... kakainin ko na lang mayamaya. Ako ng bahalang idagdag 'yan sa suswelduhin mo... i-iwan mo na muna ako," gulong-gulo kong sabi. Mabuti na lang lumabas na rin siya agad.
Wala pa ring message sila mommy at imbes na i-text ko ay minabuti kong buksan ang paper bag na bigay ni Rod.
Siya pa rin iyon — the thoughtful Rod Antonio.
Naalala kong wala siyang pinapalagpas na araw na hindi ako natatanong kung kumusta ang araw ko.
Nang ilabas ko iyon, isang order ng kanin at menudo ang bumungad sa akin. Pagkain iyon na madalas naming pinaghahatian noon.
Nagsimula nang bumuhos ang mga luha ko dahil sa pagkadismayang nararamdaman. Bakit wala akong naiintindihan? Bakit hanggang ngayon hindi ko pa rin talaga alam ang nangyayari.
Para akong masisiraan ng bait. Hindi ko alam ang totoo at ang panaginip. Hindi ko alam kung sino ba talaga ako.
"Ma'am—"
Nang bumalik si Rod dala ang mga gamit nito para maipagpatuloy ang pag-aayos sa aircon, mabilis kong pinunas ang mga luhang nagkalat sa pisngi ko pagkatapos ay itinuon ulit ang atensyon sa laptop na nasa harapan.
"Hindi po maganda ang mag-isang umiiyak, Ma'am."
Mas lalo lang akong nalaiyak ng mga salita ng lalaki. Sa pagkakataong ito, gustong gusto ko siya yakapin. Gustong gusto kong pakalmahin niya akong muli. Gusto kong marinig siyang magsabing andito lang siya para sa akin katulad ng dati.
"K-Kung ganoon, pwede mo ba akong samahan mamaya?" deretsahan kong tanong habang patuloy pa rin sa pagpupunas ng mga luhang nakakalusot sa mga mata ko.
"Po?"
"Samahan mo ako. Kailangan ko lang ng kasama u-uminom–"
"Nako, Ma'am." pigil nito sa sinasabi ko kaya tuluyan akong napalingon sakanya. "Delikado po 'yan..."
"Samahan mo ako pagkatapos titriplehin ko ang sweldo mo para sa buwang ito," malamig kong sabi.
Alam kong mali ang ginagawa ko, alam kong hindi ko siya dapat pilitin pero desperado na akong malinawan. Gusto kong malaman kung wala ba talaga siyang alam. Kung wala ba talaga siyang naaalala.
"S-Sige po, Ma'am. Hindi ko po magagawang tumanggi sa alok ninyo pero hindi po kasi ako pwedeng magabihan ng sobra," paliwanag niya pa.
"Alas nuebe, is that okay?"
Nang tumango ito at ngumiti ay saka pa lang ako nakahinga nang maluwag. Ngayon, paplanuhin ko naman kung anong maaari kong gawin para malaman ang totoo.