Five
Papalit-palit ang mga kulay ng ilaw kaya halos sumakit ang mga mata ko. Hindi ako makapaniwala sa sarili, hindi ko maisip na magagawa ko pang pumasok sa mga lugar na katulad nito.
Malayong malayo sa totoong buhay ko – ni hindi ko nga magawang makapagsuot ng mga maiiksing blouse na katulad ng suot ko ngayon.
Napailing iling na lang ako. I've suffered a lot. Siguro itong panaginip kong ito ang hiniling ni Mommy sa Panginoon para naman kahit papaano ay makapagpahinga ako.
Thank you, Mommy!
Hindi ko mapigilan ang hindi mapatili tuwing may makikitang kakilala. Karamihan pala sa mga tao rito ay mga kaklase ko noong college.
"Lindsey! How are you? Grabe, ang bata-bata mo pa tingnan! Ang tagal nating di nagkita!" tuwang tuwa kong sabi. Agad naman siyang tumugon sa mga yakap ko.
Si Lindsey ang pambato namin sa lahat ng beauty contest noong college. Lahat ata ng sinalihan niya, siya ang nanalo. Ang ganda ganda kasi!
"Palabiro ka talaga, Je! Nagkita lang tayo kahapon, miss na miss mo na ko agad." Agad kong sinabayan ang pagtawa niya pero hindi nakalagpas sa akin ang sinabi nito.
Nagkita kami kahapon?
Sandali akong natigilan pero agad ring nagkibit-balikat. Hindi ko alam iyon dahil ngayon lang rin naman ako nanaginip.
Inubos ko ang oras sa pag-inom ng iba't ibang klaseng inumin na inaabot sa akin ni Faye. Paminsan minsan ay niyaya niya akong sumayaw pero ako na ang nahiya para sa sarili ko. Nakakahiya naman kung makikipagsabayan pa ako sa mga bata.
Madaling lumipas ang gabi at hindi ko na magawang imulat ng maayos ang mga mata ko. Namalayan ko na lang ang biglang pagdating ni Faye sa mesa ko at saka inalalayan ako patayo.
Tawang-tawa pa ang bruha. Tuloy-tuloy ang paghagikhik nito noong patuloy kaming naglalakad pabalik kung saan ko pinark ang sasakyan ko.
Nang makapasok, huli na para mapagtanto kong apat kaming pumasok sa loob ng sasakyang dala ko — dalawa iyong lalaki!
Parang natauhan ako sa nakita, mukhang nawala pa ata sa sistema ko ang ilang bote ng alak na nainom at agad na nilingon si Faye na nasa likod.
May nakaibabaw na ritong lalaki na hindi tumitigil sa kakahalik sakanya. Tututol pa sana ako nang maramdaman kong biglaan akong hinila ng lalaking nakaupo rin para sa passenger seat.
Pinipilit ako nitong halikan pero matuloy lang ako sa pagtutol. Pinagtutulak ko ang lalaki at nagsisisigaw.
"Faye! Faye! Ano ba? Ano 'to?!"
Nakahinga ako nang maluwag nang huminto siya sa pakikipaghalikan sa lalaki at agad na bumaling sa akin. Ngiti pa lang niya, alam ko ng marami na siyang nainom.
"Oh, come on! Je, this is exciting! Tuwang-tuwa ka nga kahapon, 'di ba?"
Sisinghalan ko pa sana ang dalaga nang bigla itong dumaing sa lalaking nasa ibabaw pa rin niya. Doon ko tuloy bulgarang namataan ang paggapang ng mga kamay nito sa loob ng maiksing palda ng kaibigan.
What? No!
"Labas," matiim kong sabi pero napansin ko agad ang pagkatigil ng mga kasama ko sa sasakyan.
"Je—"
"Kayong dalawang lalaki, labas!!" Imbes na kumilos ay tinitigan lang ako ng mga ito. "Labas sabi, eh!"
"Kung hindi kayo lalabas, ibababa ko kayo sa presinto!"
Dali-daling nagkalas ang lalaki at si Faye sa likuran. Pagkatapos, mabilis namang lumabas ang lalaking nagtangkang humalik sa akin. Takot naman pala, eh.
Mga lalaki talaga! Mabilis kumagat sa mga bagay kahit hindi naman kaya panindigan.
Nang makalabas ang dalawang lalaki, nagsimula na akong magmaneho. Hindi ko na lang pinansin ang paghihimutok ni Faye na nasa likuran pa rin ngayon lalo pa't hindi ko rin naman maintindihan ang sinasabi niya.
"Hindi kita ma-gets, Je! Yesterday, you were so drunk. Idea mo pa nga 'to, eh! But now, you were acting different. Nag-aalangan kang magdrive kanina pero kahapon, halos makipagracing ka sa mga sasakyan sa EDSA. Kahapon, you told me you want fun! Now, ang KJ KJ mo! We were there!"
Halos takpan ko ang tainga ko dahil sa pinagsasasabi ng kaibigan. Hindi ko siya gustong paniwalaan pero hindi ko mapigilang isiping ganoon ba talaga ako?
Talaga bang ganoon akong babae... kahapon?
Ah, forget it! Siguradong paggising ko bukas, babalik na rin naman ako sa dati kaya might as well enjoy this night! Pero sana naman huwag ng magsama ng kung sinong lalaki ang kaibigan.
Hindi pa namin ginustong umuwi pero napagdesisyonan naming lumipat sa ibang bar.
Ibang iba iyon, hindi katulad sa nauna. Mas kalmado ang mga tao ay kaonti lang ang mga magsasayaw. Mas kaya kong tiisin ang ganitong lugar kaysa roon sa kanina.
Marami ulit kaming nakitang kakilala. Mayroon doong kaklase ko noong highschool na halos iba na ang mga mukha. Hindi ko na halos makilala.
Ilang shots pa ang nainom namin bago tuluyang bumagsak ang kaibigan. Doon pang ako nakahinga ng maluwag. Sigurado kasi akong hindi na siya manghihila ng kung sinong lalaki.
Akay ang pasuray-suray na kaibigan, binagtas namin ang daan patungong parking lot. Bigla tuloy bumalik sa isip ko ang nangyari kagabi. Rod was drunk. Lasing siya pero alam kong aware pa rin siya sa mga sinasabi niya. Alam niya... totoo ang lahat. Totoong nagsisisi siya.
At pagkatapos ng panaginip na 'to, babalik na naman ako sa buhay naming dalawa. Hindi ko alam kung saan ako maaaring makatuloy. Walang malambot na kama, walang magagarang damit. Walang oras para sa sarili.
Wala naman talagang kaso sa akin kung wala ako ng mga bagay na iyon dahil matagal ko nang tinalikuran ang marangyang buhay. Para kay Jihan. Para sa pamilya namin.
Hindi ako iyong tipo ng babaeng sanay sa mga gawaing bahay pero pinilit kong gawin ang lahat, hindi lang makadagdag sa pasanin ng asawa. Pero lahat ng sinabi nito? Lahat ng sinabi niya kagabi?
Natatawa kong ipinikit ang mga mata. Dapat hindi ko na nga iniisip ang mga bagay na iyan. Ilang oras na lang ang mayroon ako bago matapos ang panaginip.
Dapat mas sinusulit ko ito.
Pero kahit gaano ko kagustong magsaya, hindi ko na rin nagawa nang muli kong titigan ang tulog na tulog ng si Faye.
"Thank you... thank you sa lahat ng itinulong mo sakin, Faye. Alam kong hindi ko magagawa, hindi ko mapapalaki ng maayos si Jihan kung hindi dahil sa'yo. Kung hindi dahil sa mga tulong mo. H-Hindi ko alam kung paano pa ako makakabawi... hindi pa ngayon pero babawi ako, Faye."
Agad kong minaniubra ang sasakyan. Buti na lang tanda ko pa rin ang bahay nila lalo pa't hindi naman na siya umalis doon. Nasa ibang bansa kasi ang mga magulang niya at ayaw niya rin namang umalis sa bahay na iyan.
Nang makarating, nag-aabang na pala ang guwardya at kasambahay nila para kay Faye. Sila na rin ang umakay rito papasok matapos magpasalamat sa akin.
Bagsak na bagsak talaga ang bruha. Hindi man lang nagising noong binuhat siya.
Pasado ala-una na ng madaling-araw noong nakauwi ako. Bahagya pa nga akong natakot na baka mapagalitan ni daddy pero hindi nga nangyari.
Papasok sa kusina noong naabutan ko si mommy na sumisimsim ng tsaa. "Jewel, anong oras na!"
Imbes na mainis, katulad ng madalas kong reaksyon noon, dali dali ko siyang nilapitan at hinagkan.
"Ano ba! Ambaho mo!" singhal nito sa akin na ikinatawa ko lang.
"Ma, mahal po kita. 'Wag na 'wag niyo po akong iiwan ulit ha? L-Lagi mo po akong babantayan. S-Sorry po..." hindi ko magawang maituloy ang sinasabi ko dahil sa tuloy-tuloy na pagbuhos ng mga luha ko. "Sorry kung iniwan kita, sorry kung p-pinabayaan kita. Mommy, hindi ko dapat ginawa 'yun! Forgive me, please!"
Nang titigan ko siyang muli, hindi ko na mabasa ang ekspresyon niya. Sandali kaming binalot ng katahimikan bago ako nakatanggap ng malakas na hampas mula sa ina.
"Aray!"
"Ano bang pinagsasasabi mo! Para naman akong mamamatay!" Wala sa sarili akong napaayos ng upo, pagkatapos ay bumuntong hininga na lang. "Aminin mo nga sakin, Jewel..."
Nanlalaki ang mga mata ko siyang binalingan. Alam niya na kayang mamamatay siya? Alam niyang namatay na siya?!
"Nakadrugs ka ba?"
Sa pangalawang pagkakataon, natahimik muli ang buong kusina. Ni hindi ko na nagawang sagutin ang tanong niya sa labis na pagkabigla.
"Akala mo ba hindi namin napansin ng daddy mo? Andami mong kinain noong breakfast! Puro kanin! Pagkatapos, ilang beses ka bang natapilok sa sapatos na suot mo kahit napakababa pa ng takong niyan. Kanina, hindi mo man lang tinakasan ang daddy mo kahit buryong buryo ka na sa opisina niya. Anak, okay ka lang–"
Hindi ko na siya pinatapos. Agad agad ko niya siyang niyakap. Ang sarap sarap sa pakiramdam. Parang totoo, parang kasama ko talaga si mommy. Parang hindi siya nawala.
"Iparerehab na kita agad!"
"Mommy, hindi po ako nakadrugs." sabi ko sa mababang boses.
"Oh, eh bakit ang bait mo bigla? Kahapon, pinagsisigawan mo mga kasambahay natin dahil sobrang frustrated kang hindi nabasa ni daddy mo 'yung chat mong bilhan ka ng cellphone."
Kumunot naman agad ang noo ko sa nalaman. Ginawa ko 'yun?!
"Hindi ho ba pwedeng bumait na ako?" sinabi ko na lang para naman hindi magduda si mommy na nakadrugs ako.
"Baka nauntog ka bigla! Tama!"
Bagsak ang mga balikat ko nang pinili ko nang tumayo. Bumait man ng kaonti, pikon pa rin ako.
"'Yan, go to sleep. Sasamahan mo ko maggrocery bukas," sabi niya habang nagpapagpag na rin. Mukhang dederetso na rin sa kwarto nila ni daddy.
"Goodnight, mommy. I love you," sagot ko.
Nagpakurap kurap muna siya bago pinaningkitan ng tingin. Parang nagdududa pa rin sa mga ikinikilos ko.
"Oo na, I love you too. Matulog ka na don!"
Malulungkot ang mga ngiti ko bago ko tuluyang nilisan ang kusina at dumeretso sa kwarto. Sana nga, Ma. Sana nga makasama mo ako maggrocery bukas.
Gustuhin ko mang humingi ng labis, hindi ko na rin ako aasa. Dahil bukas, siguradong kung hindi tambak na labahan ang bubungad sa akin ay ang malakas namang iyak ni Jihan ang magiging dahilan ng aking paggising.