Two
"Aalis na ako–"
"Teka, mahal. 'Yung baon-"
Hindi ko pa natatapos ang sinasabi ko nang dali-dali na siyang lumabas. Malelate na siya pero wala naman siyang kakainin.
Pero mas may malaking bagay pa tungkol doon — alam kong iniiwasan niya ako.
Isang linggo na pero ni hindi niya man lang ako nagawang titigan sa mga mata. Hindi ko maintindihan kung bakit. Hindi ko maintindihan kung bakit ngayon pa?
Nangungulila ako kay Mommy. And I want to cry it all out. Pero bakit parang hindi niya nahahalata iyon? I need him! Mas kailangan ko siya ngayon pero anong ginagawa niya?
He's obviously leaving me behind!
Natagpuan ko ang sarili kong tuloy tuloy sa paghagulgol habang nakatitig sa photo album naming mag-asawa. Simula noong kolehiyo, hanggang ikasal at maipanganak ko si Jihan.
He's an out-of-school youth. Natigil na siya sa pag-aaral noong naulila rin siya sa mga magulang. Marami sana siyang potensyal, marami siyang kayang gawin pero hindi na niya naipagpatuloy ang pag-aaral. Waiter siya roon sa paborito naming milk tea shop.
Naalala ko pa noong minsan kaming nag-order at kung paanong naubos ang buong milktea sa damit na suot ko. Hindi sinasadyang nabuhos niya iyon at doon na rin nagsimula ang lahat..
He never failed to take care of me. Pagkatapos noong nangyari, agad-agad siyang nag-out sa trabaho at sinamahan pa ako paalis doon.
Pinahiram niya ako ng extra t-shirt niya at niyaya pa ako paalis doon para mabilhan ng bagong damit.
I already knew back then na hindi kami magkapareho. Hindi kami magkapareho ng buhay, maging ng pera sa wallet ng mga araw na iyon.
He has two hundred pesos while I have tons of thousands sa malaking pitakang hawak pero hindi iyon nakapigil sakanyang magmalasakit.
Hindi iyon kayang gawin ng mga kaibigan ko, sigurado. Kung makikita lang ninyo ang pandidiri sa mukha nila noong binalingan nila ako at nakitang punong puno ng nagkukulay brown ang damit ko, marerealize niyo rin ang sinasabi ko.
It was the first time that I felt... wanted. Na gusto rin akong alagaan at nagagawa ring isipin ang kalagayan ko.
Hindi ako pumayag na bilhan niya ako that time pero sa sobrang gusto niyang makabawi ay pinilit niya naman na ihatid ako.
Iyon din ang unang beses na sumakay ako sa tricycle kaya ilang beses akong nauntog. Pabiro niya naman akong tinatawanan kapag nangyayari iyon kaya hindi ko na napapansin ang sakit. Naalala ko na lang, nakikipagtawanan na ako sakanya.
We became friends. Iyong kaibigan na nagdadamayan, yung palaging andyan para sa isa't isa.
Siya yung naging human diary ko. Kapag hindi ko na kaya, pupuntahan niya ako at papatawanin. Makikinig siya sa mga reklamo at hinaing ko tungkol sa school pagkatapos ay maya maya hindi ko namakalayan na tawa na lang pala ako ng tawa.
I became the happiest when I met him. At hindi siya mahirap mahalin.
Noong pumasok kami sa isang relasyon, ako na ang nagsabing kailangan muna namin isekreto ang lahat. Malugod niya namang naintindihan iyon.
Ang plano, ipakikilala ko siya ng tuluyan kina mommy at daddy sa graduation.
But everything became out of our control...
Nabuntis niya ako bago pa lang mag graduation kaya roon na nagsimula ang gulo.
Alam kong pinakaunang tututol dito ang mga magulang ko. They want me to takeover our company. Alam kong hinding hindi sila papayag na bumuo ako agad ng pamilya.
But then, it was my dream — our dream. Pinangako namin ni Rod sa mga sarili namin na magiging mabubuting magulang kami kay Jihan. Gagawin namin ang lahat para hindi maging magulo... gagawin namin ang lahat para maging masaya ang pamilya namin. Malayong malayo sa nakagisnan kong pamilya.
Nang umalis kami sa bahay, apat na taon na ang nakararaan. Nangako kami sa isa't isang lalaban kami.
We did.
Nang maipanganak ko si Jihan, sumunod naman ang kasal naming dalawa. It was actually a kasalang bayan dito sa Tondo. Sobrang saya noon! Makikita mo ang napakaraming tao sa simbahan na talagang may mga ngiti sa labi at masayang masaya.
Pinunas ko ang mga luhang nagkalat na ngayon sa mukha ko. Those were the days na alam kong may babalikan pa ako. Iyong mga araw na magagawa ko pang balikan si mommy pero hindi ko man lang nagawa.
Inilapag ko na ang photo album at agad na kinarga si Jihan na busy sa paglalaro. Mabuti nga't hindi ito umiiyak katulad ng mga nakaraang araw. Naramdaman rin sigurong hindi okay ang pakiramdam ng mama niya.
"Mama, bakit galit papa?"
Napakunot tuloy ang noo ko bago ko siya balingan. Paano niya naman malaman iyon?
"Jiji, bakit naman po magagalit si Papa?"
Mas hinigpitan ko ang pagkakahawak ko sa maliit niyang kamay at saka niyakap ito. Tumatawa tawa naman siya kapag inaamoy amoy ko ang leeg niya dahil nakikiliti raw siya.
"Kasi nina usap ko siya, galit face and sigaw." Kasi kanina kausap ko siya, galit yung face and sumigaw.
"Kailan 'yan?!"
Nayukom ko agad ang kamao ko. Hindi ko man narinig iyon dahil siguro sa sobrang busy sa paghahanda ay hindi ko na makontrol ang galit. How dare he?
Okay lang sana kung sa akin siya magalit at ako ang sigawan niya pero iyong bata? Yung idadamay niya si Jihan? Ano ba talagang problema ng lalaking iyon?
Nilibang ko si Jihan sa paglalaro ng mga maliit na kotseng hawak niya pero hindi ko nagawang libangin ang utak at maalis ang munting galit na iyon sa sistema ko.
Una, hindi na siya makausap ng matino. Pangalawa, sinisigawan niya pa ang anak namin. Ni hindi ko nga alam ang problema niya!
Tanghaling tapat ng maramdaman ko ang sobrang panlalamig at panginginig. Nakakapagtaka iyon dahil tirik naman ang araw sa labas.
Pilit ko lang ininda iyon hanggang sa makaramdam na rin ako ng pagkahilo. Mabilis kong kinuha ang maliit na telepono at tinipa ang numero ng asawa para matawagan pero hindi ito sumagot.
Muli kong tinitigan ang tulog na ngayong si Jihan. Nasanay na kasi itong matulog tuwing hapon pagkatapos nito kumain.
Labing walong tawag na ang nagagawa ko pero hindi pa rin sumasagot si Rod. Ano naman ang pinaggagagawa nito?!
Nasa kalagitnaan ako ng pagtetext nang biglang magring din ang teleponong hawak. It was Faye, my bestie since college.
Siya na lang ang kaibigan kong hindi nawalan ng contact sa akin na siyang ipanagpapasalamat ko. Minsan kasi nagpupunta rin siya dito sa bahay para bisitahin si Jihan. Madalas din siyang nagdadala ng kung ano anong pagkain at laruan.
Nahihiya man, alam kong malaki ang naitutulong niya sa amin kaya hindi na rin ako makahindi.
"H-Hello?" saad ko.
"Jewel! You at your house? I'm on my way! May dala rin ako para kay–"
"Faye, t-thank you so much..."
"Hey! No need na magthank you. Wait for me," sabi pa nito. Gayunpaman, may kung anong mali akong nararamdaman sa sistema.
Narinig ko pang muli ang tunog ng pagbaba ni Faye sa tawag bago ko tuluyang naipikit ang mga mata.
*
Nagising akong nakahiga sa malambot na kama kaya alam ko na agad na wala ako sa bahay. Agad kong iminulat ang mga mata ko at tumambad sa akin ang mukha ng nag-aalalang si Faye.
Nasa maliit na sofa naman ang anak kong busy sa paglalaro sa isang tablet.
"Je! Ano ba? Anong nangyari sa'yo? You passed out! Ang sabi ng doctor, over fatigue raw! Ano ba talaga ang pinaggagagawa mo?!" sunod sunod niyang tanong na nakahawak pa sa bewang.
Marami pa siyang hindi alam. Ni wala nga itong ideya na wala na ang mommy ko. Itinago kasi iyon sa medya dahil ayon kay Tita Jessie, ayaw ni daddy na ipaalam sa publikong magpakamatay ang mommy ko dahil makakaapekto raw ito sa kompanya.
Dapat si daddy na lang ang namatay. Hindi na ang mommy ko.
"Wala na si mommy," wala sa sarili kong sambit. Bahala na. Alam ko namang mapagkakatiwalaan rin si Faye, ang gusto ko lang may mapagsabihan ako ng sakit.
Gustuhin ko mang si Rod pero wala naman na akong dapat asahan pa.
"What?!" Sandali itong natahimik. "No way! That's a fake news! Wala namang balita tungkol– s**t! Is she really dead?"
Imbes na kumpirmahin ay paghagulgol na lang ang naging sagot ko. Ang sakit sakit pa rin. Ang sakit sakit pa ring tanggapin na wala na si mommy. Na wala na akong babalikan.
"Kasalanan ko 'yun, Faye. Iniwan ko siya, iniwan ko siya kay Daddy. Kung hindi ako umalis, buhay pa sana siya ngayon!"
Gusto ko pa sana mag-iiiyak. Gusto ko pa sanang ilabas ang lahat ng sakit pero nang napabaling ako sa wall clock na nasa loob ng kwartong iyon, dali dali na akong kumilos.
"Gusto ko nang umuwi, Faye."
Alas siete na ng gabi. Paniguradong naroon na si Rod at siguradong hindi pa iyon makakakain dahil sarado pa ang bahay. Hindi niya kami madadatnan ni Jihan, paniguradong mag-aalala iyon.
"Teka, okay ka na ba? Pwede ka namang magstay rito overnight," sagot ng kaibigan ko.
Maluha luha ko siyang nilingon, "Faye, thank you so much. It's been years now pero hindi mo pa rin ako nakakalimutan. Gusto ko magpasalamat dahil hindi lang ako 'yung tinutulungan mo kundi pati si Jihan. Pero ngayon, gusto ko na talagang umuwi. Darating na si Rod at paniguradong—"
Natigil ako sa matiim niyang mga titig. "He's been too hard on you, right?"
Mabilis akong umiling. Marami rin namang nagawang magagandang bagay sa akin ang asawa kaya walang wala ang mga ito kumpara doon.
"Je, you deserve better kaya please lang... 'wag na 'wag mong uubusin ang sarili mo sa isang tao. Maiintindihan ko kung mahal mo siya pero Je, is love enough to lose yourself?"