KABANATA LABING ANIM

3325 Words
“Nabusog ka ba?” Nakangiting tanong ni Adrian kay Keith, na ngayon ay satispadong nakasandal sa kanyang upuan. Bahagyang tumango si Keith, sabay himas sa kanyang busog na tiyan. “Mm...” Bakas na sa kanyang maamong mukha ang antok, pansin na din ito ng mga kasama nilang Kumain, na ngayon ay nakatingin na sa kanila. Nabaling ang tingin nila nang humagikhik si Adrian. “Kaya pa ba?” Tumatawang tanong nito sa binata. Lahat ba naman ng inilagay nito sa kanyang plato, ay naubos niya. Napailing si Keith dahil sa tanong nito, at matipid na ngumiti. Hindi na niya kakayanin kung maglalagay pa ito ng pagkain sa kanyang plato. Kahit ganon pa kasarap ang ulam na hinahain sa kanya. Ngayon ay gusto na lamang niya itong pasalamatan, lalo na sina Kane at ang magnobyo. Nahihiya lamang siya sa babaeng nasa tabi ng mga ito. Gagawin niya na lamang iyon kapag natulog na ang babae. Hannah. Gusto niya ding banggitin ang ngalan ng babae, ngunit hindi niya alam kung gusto siya nito. At isa pa, ayaw niyang istorbohin ang dalawa dahil sa ngayon lamang ulit nakita ang isa't isa. “Haaayst, nabusog ako nang sobra...” Satispadong singhay ni Shane na kaagad na ikinatawa ni Jake. “Busog ka sa'kin mamaya. HAHAHAHA——Aray! Babe!” Isang pinong kurot sa tagiliran ang natanggap niya. “Damuho ka! Nasa hapag tayo! Mahiya ka naman!” Utas ni Shane, at lalo pang diniinan ang pagkurot sa nobyo. Habang nagsesermon si Shane, hindi naman namalayan ni Keith na kanina pa siya nakatitig kay Hannah. Nagulat na lamang siya nang ngitian siya nito nang pagkalaki-laki. Halos masinok siya dahil dito, kaya naman mabilis siyang yumuko. Nag init ang pisngi niya sa di malamang dahilan. Hindi maalis ang imahe ng ngiti nito sa kanyang ulo. Dumagdag pa ang biglaang pagkaramdam niya ng pagkaihi. Hiyang-hiya na at hindi alam kung anong gagawin niya. Wala na siyang magawa kund tapikin si Adrian. “S-sir, nasan ang p-palikuran?” Natawa naman ito sa kanya. “Sir? Hanggang ngayon Sir pa din ang tawag mo sa'kin? Hayst.” Anito habang pailing-iling. “Tara, ituturo ko sayo——” “Ako na. Gagamit din ako.” Kagulat-gulat na saad ni Kane. Lahat sila ay napalingon sa dito, maging siya mismo ay gulat sa biglaan niyang sinabi. Hindi naman siya naiihi o kahit ano. “Ganon ba? Okay.” Wika ni Adrian, patango-tango. Naiinis man, hindi na mabawi ni Kane ang kanyang sinabi. Kaya naman tumayo na siya, at inanyayahan si Keith. “Tumayo ka na riyan.” Utos niya. Bigla na lamang nasinok si Keith dahil dito. Tulalang nakatingin kay Kane. Para bang mas dumoble ang init sa kanyang mukha, kasabay ng pag init ng kanyang sikmura. “Ano nakaupo ka pa rin diyan? Bahala ka nga riyan.” Pagaalburuto nito, dahilan upang kabahan pa lalo siya. Nagmamadali siyang tumayo dahil nauna nang maglakad si Kane. Ano na namang nagawa ko? Simangot niyang tanong sa kanyang isip, habang nagmamadali sa pagsunod dito. Diretso ang tingin nito, at hindi siya kinikibo nang maabutan niya ito. Para bang galit na galit ito sa mundo. Muli siyang napasimangot. “Bakit ang ingay-ingay niyong dalawa kanina? Parang wala kayo sa harap ng hapag. Tsk.” Gulat niyang nilingon ito, habang prenteng nakatabingi ang mukha. Magtatanong pa sana siya nang maalala niyang hagikhik siya nang hagikhik. Halos sumakit na ang tiyan niya dahil sa pagpipigil sa tawa. “S-sorry, Kane.” Aniya't mas lalo pang bumilis ang paglakad nito, ani moy iniiwasan siya. “Hindi ko maintindihan kung bakit tawang-tawa ka, eh ang tatanda naman ng mga biro ng unggoy na 'yon.” Angil nito sa kanya. Halos tumatakbo na siya dahil sa laki't bilis ng hakbang ni Kane. Nagsalubong ang kilay niya dahil sa sinabi nito. “Kuya mo 'yon, diba? Bakit unggoy tawag mo sa kanya? M-masama 'yon, Kane.” Saad niya, na kaagad na ikinahinto ni Kane. Hinarap siya nito, at ngayon pa lang, ay binabawe na niya ang winika niya. Napalunok siya ng laway nang makita ang walang emosyon nitong mga mata. “Tsk. Tatawagin ko siya sa pamamaraang gusto ko. Unggoy naman talaga 'yon. Malaking unggoy.” Putak nito sa kanya, at muling naglakad. “Masama 'yon, eh.” Bulong niya sa hangin na nahagip pa din ng mga tainga ni Kane. Gayon pa man, napayuko siya't nahiya nang maalala niyang minsan niya na ding tinawag na kalabaw ang Kuya Brandon niya. Nagawa niya iyon dahil sa sobrang inis. Naging pampalipas oras na din kase nito ang inisin siya. Nakita niyang lumiko si Kane, kaya naman tahimik na lang siyang sumunod. Narating nila ang isang malinis na palikuran. Ang mga pader na nakapalibot rito ay mga itim na marbol, nagsisikintaban sa kinis. Ngayon lamang siya nakakita ng ganong klase ng palikuran, kaya naman namamangha siya ng sobra. Para bang sobrang linis nito para sa isang palikuran. “Wow... ” “Ano pang hinihintay mo riyan? Iihi ka ba, o magsasalamin riyan sa pader? Tsk.” Rinig niyang angil nito. Nabaling ang kanyang tingin kay Kane, at tumango. Kaswal na lumakad si Kane papuntang urinal na nakakabit sa kabilang pader. Kaagad nitong tinanggal ang kanyang sinturon na para bang walang tao sa kanyang likod. Muling bumalik ang init sa sikmura ni Keith, dahilan upang mapahawak siya dito. Hindi naman masakit ang kanyang tiyan, subalit parang pinahihina nito ang kanyang mga tuhod. Tila ba'y may mga kung anong naglilikot sa loob nito. Muling sumimangot ang mukha niya, bago siya sumunod Kay Kane. Gaya nito, tinanggal niya din ang kanyang sinturon, at kaswal na umihi. Ilang pulgada lamang ang namamagitan sa kanilang dalawa, kaya naman halos makita na nila ang kanya-kanyang sandata. Dahil sa satispakyon, ay napapikit si Keith habang bahagyang napapatingala. Napailing na lamang si Kane sa tabi niya, at tinuloy ang pag ihi. Muli siyang napailing nang makita niya itong nanginginig dahil sa satispakyon. Naunang natapos si Kane, at inayos ang kanyang pantalon bago pumunta sa sink para maghuhas ng kamay. Akmang bubuksan na nito ang gripo nang mapansin niyang biglaang pag iba ni Keith. Nagsalubong ang mga kilay ni Kane, nalilito sapagkat masyadong komportable ngayon si Keith. Nagawa pa nitong umihi sa tabi niya. Kakaiba... Sandali siyang napaisip, ngunit kaagad niya itong iniling, at tuluyan nang naghugas ng mga kamay niya. Ilang sandali pa, at sumulpot na sa gilid niya si Keith. “Inaantok ka na ba?” Mahinang tanong ni Kane nang marinig niya itong humikab. “Mm...” Huni ni Keith bilang pagsagot. Naghuhas na din siya ng mga kamay, pagkatapos ay pinunas sa kanyang tuksedo. “Ihahatid na kita sa kwarto mo. Doon rin naman ako dadaan.” Aangal pa sana siya, ngunit mukhang pinal na ang desisyon nito. “Teka.” “Hmm?” Kusot-kusot ni Keith ang mga antok niyang mga mata niya. Gusto na lamang niyang matulog kaagad. Naestatwa na lamang siya bigla nang walang pasabing hawakan siya nito sa baba. Wala na siyang nasabi nang maiangat ni Kane ang mukha niya, ani moy may tinitignan sa leeg niya. “Masakit ba?” Tanong nito, pagtukoy sa kanyang leeg, na kanyang ikinalito. Ngunit nang madampian ito ng daliri ni Kane, napadaing siya sa hapdi. “Ahh—K-Kane.” Daing niya nang bahagya nitong hinimas ang parteng kumikirot. Kaya naman tumango-tango siya. “Halika. Gagamuitin ko.” ——___—— “Ahh—Aray...” Tanging daing lamang ni Keith ang maririnig sa kwarto kung saan siya iginaya ni Kane. “Mawawala din 'yan. Onting ointment na lang.” Ani ni Kane habang maingat nitong dinadampi ang isa niyang daliri na may gamot sa mga markang iniwan niya. Onting pahid pa, at natapos na siya. “'Wag ka nang mag inarte. Kinailangan kong gawin 'yon para makasama ka. Tsk. Hindi ako patatahimikin non ni Shane kung sakaling hindi ka naisama.” Pagpapaliwanag ni Kane sa kanya. Tumango na lamang siya, hindi na dumaing pa. “S-salamat, Kane.” Aniya, sabay yuko ng kanyang ulo. “Dito ka matutulog. 'Wag na 'wag kang magbubukas ng pinto kapag may kumakatok.” Utos ni Kane sa kanya habang inililigpit ang mga ginamit na gamot. Ngayon, ay alam niya na kung anong mayroon sa leeg niya. Puro mapupulang marka. Nong una, ay natakot siya, ngunit alam niyang kung hindi dahil dito, hindi siya makakalabas sa piitan. “Kane?” Halos bulong na lamang ang lumabas sa kanyang mga labi, ngunit sapat na para marinig nito. “Ano na naman?” Asar na tanong nito, ngunit hindi niya pinansin. “Si Hannah... G-girlfriend mo siya?” Nahihiyang tanong niya. Naiintindihan na niya kung bakit laging galit si Kane nong nasa piitan pa sila. Mayroon pala siyang naiwan sa labas. Lalo pang tumahimik ang may kadiliman na kwarto matapos niyang magtanong. Ilang segundo pa, ay umiling ito, at nagsalita. “Fiance... Fiance ko siya.” Hindi alam ni Keith kung dahil ba sa antok, at hindi niya magawang ngumiti, ngunit unti-unting may nabubuong kung ano sa kanyang dibdib. Hindi niya maipaliwanag kung ano iyon. Siguro nga't inaantok lamang siya. Pagtango na lamang ang nagawa niya, bago tuluyan na natumba sa kalambutan ng kama. “G-goodnight, Kane.” Aniya, at muling kinusot-kusot ang mga mata niya. Gusto niya pa sanang magpalit, ngunit inaantok na talaga siya. Narinig niya pang suminghay si Kane, bago nilisan ang kwarto niya. Sinara nito ang pinto, at pinindot ang lock. Bago siya tuluyang humimbing, lumitaw sa kanyang isip ang imahe ng Kuya Brandon niya. Gaya ng mga nakalipas na araw, inaasahan niyang mapapanaginipan niya ito. ——__—— “Nasan si Keith?” Pabungad na tanong ni Shane sa kanya nang may pag aalala. Hindi niya ito binalingan ng tingin, at naupo sa tabi ng kanyang fiance. “Hinatid ko na sa kwarto niya.” Tipid niyang sagot, sabay tiklop sa kanyang mga braso. Bigla na lamang nilang narinig ang sarkastikong pagtawa ni Adrian, at pumapalakpak pa. “Sigurado ka bang inihatid mo lang?” Tanong nito, na kanyang mabilis na kinainis. “'Wag mo 'kong itulad sa'yo.” Anas niya kay Adrian. Ni hindi niya ito binalingan ng tingin. Napataas naman ito ng mga kamay, at muling tumawa. Saka ito tumayo, at niluwagan ang kanyang kurbata. “Hayst, makaalis na nga dito.” Saad nitong may pagkasarkastiko, bago nilisan ang sala nila. Dahil sa akwardong katahimikan, tumikhim si Shane upang mawala ito. “Siya nga pala, Hannah, kailan lalabas si Baby Aro? Excited na 'ko maging uncle!” Masiglang wika niya. Natawa naman ang babae sa inasal nito. “Sa susunod na katapusan. Hindi na nga ako pinapatulog nito. Sipa nang sipa.” Natutuwang paliwanag nito. “Nako, halatang gusto na ding lumabas ng pamangkin ko.” Banat naman ni Jake, na ikinatango ni Hannah. “Tayo, Babe? Kailan ba tayo magkaka baby?” Dagdag pa nito. Napalisik naman ng tingin si Shane dahil dito. “Tigil-tigilan mo 'ko, Jake, at baka hindi ka na masilayan ng pamangkin mo.” Inis nitong saad sa nobyo. Nanatiling tahimik, at walang kibo si Kane, sa kabila ng ingay ng mga ito. Hanggang ngayon ay okupado pa din ang isip niya. Ginugulo ng simpleng hindi pag ngiti ni Keith kanina. Tanging 'yon lamang ang kasalukuyang bumabagabag sa kanyang ulo. Ang inasahan niya'y magtatanong ito nang magtatanong hanggang mainis siya, ngunit natapos ang pag uusap nila dahil sa iisang tanong lamang. Tiim bagang siyang napapikit, at pilit na iniling ang bumabagabag sa isipan niya. Maya-maya pa, ay nakaramdam siya ng mahinang tapik sa kanyang binti. Pagkamulat ng mga mata niya, ay nakita niya ang maamong mukha ng kanyang kabiyak. “Kane, tulog na tayo?” Paanyayang ani nito sa kanya. Pagtango lamang ang tugon niya, at tumayo na. Nilingon niya muna sina Shane, at nagbigay senyas bago niya inalalayang tumayo ang kabiyak. Nang maihatid niya na ito't napatulog na, tahimik niya itong pinagmasdan. Hindi niya naiwasang mapangiti nang matipid. Ngiting hindi nga lang umabot sa kanyang mga mata. Hindi nito maitatago ang pait sa kanyang mga labi. Ang dating pinagkukunan niya ng dahilan para ngumiti, ay tila naging dahilan ng pagkupas ng kanyang mga ngiti. Maingat niyang hinawi ang bilang ng mga buhok na tumatakip sa maamong mukha nito. Tahimik niyang pinagmasdan ang kagandahan ng kanyang mahal, na para bang hindi nagbabago kahit sa mga lumipas na taon. Gustong-gusto niyang ngumiti. Sunod ay bahagyang dumapo ang mga mata niya sa malaking tiyan nito, ngunit walang katiting na reaksyon ang lumabas sa kanyang mukha. Gustuhin man niyang ngumiti sa tuwa dahil mabibiyayaan na sila ng anak, hindi niya ito magawa. Hinding hindi nito maiwawaksi ang katotohanang ito ang dahilan kung bakit siya nasasaktan; kung bakit araw-araw siyang parang pinapatay. Matagal niyang pinangarap magkaroon ng sariling pamilya, ngunit hindi ito umaayon sa eksatong gusto niya. Hindi niya namalayang tuluyan nang tumulo ang patak ng luha mula sa kanyang mga mata. Nang dumanak ito sa kanyang pisngi, ay agad niya itong pinunasan. Pilit niyang itinulak ang kanyang emosyon, at ayaw niya itong maistorbo sa pagtulog. Muli siyang ngumiti nang matipid, bago hinalikan ang noo ng kanyang kabiyak. Napag desisyonan niyang uminom ng alak, kaya naman tahimik siyang tumayo, at nilisan ang kanilang kwarto. Nais lamang niyang mawala ang mga bumabagabag sa kanya. Sa tahimik at madilim na pasilyo, ay naglakad si Kane. Dahil sa kanyang pagod na mga mata, halos naparesan na niya ang kalungkutan ng tahimik na gusali. Tiyak niyang siya na lang ang natitirang gising dahil sa oras, kaya naman unti-unti niyang hinubad ang kanyang polo. Ramdam niya ang lamig nang sandaling ilaglag niya ang polo at mahaplusan ng hangin ang kanyang hubad barong katawan. Ngunit hindi niya iyon ininda. Wala iyon kung ikukumpara sa lamig na unti-unting bumabalot sa kaloob-looban niya. Nang marating niya ang kusina, ay agad siyang lumapit sa kabinet na naglalaman ng mga mamahalin nilang alak. Ang mga asul na ilaw lamang ang nagbibigay kulay sa kusinang iyon. Walang patumpik-tumpik niyang binuksan ang kabinet na iyon, at kumuha ng isang bote ng tekila. Hindi niya pa nakikita ngunit alam niyang isa iyon sa pinaka mapapit at matatapang na mga alak. Sakto upang mabalot ang sistema niya. Hindi na siya kumuha pa ng baso, at binuksan niya na iyon. Wala pang segundo, at nilaklak niya na iyon. Pagkusot lamang ng kanyang mukha ang reaksyon niya, habang nilulunod ang sarili sa pamamagitan ng tekila. Nang kinakapos na siya sa hininga't nakalahati na niya ang bote, walang paking itinapon niya iyon sa makintab na sahig. Pira-pirasong nabasag ang mamahaling bote ng tekila, habang binubuhos niya ang sakit at mga problemang nakapasan sa kanya. Napahilamos siya sa kanyang mukha, at mapait na tumawa sa nagawa. Hindi malayong natamaan kaagad siya ng alak. Mabilis nitong minamanipula ang kanyang nanlulumong sistema. Patuloy siyang tumawa, hanggang sa tuluyan siyang nanghina. “Tang inang buhay 'to.” Saad niya, sabay pinagmasdan ang mga piraso ng boteng binasag niya. Ngayon na lamang nakatikim ng alkohol ang katawan niya, kaya naman nag init ito sa saya. Unti-unti niyang nakalimutan ang kaninang mga pinoproblema niya. Gusto na lamang niyang magpahinga, kayw naman ginamit niya ang natitirang lakas upang lumakad. Kahit pa nagiging dalawa na ang paningin niya. Ngunit napatigil siya nang bigla niyang maalalang ayaw sa alak ng magiging asawa niya. Ayaw na ayaw nito sa amoy ng alak, kahit pa na sabihin niyang maliligo siya. Wala sa sarili siyang napatawa nang maalalang minsan na siya natulog sa sala dahil sa galit nito sa kanya. Bahala na. Muli siyang naglakad, ngunit patungo na sa dating kuwarto niya. Hindi na balanse ang paglalakad niya, kasama ng panglilito ng paningin niya sa kanya. Gayon pa man, madali niyang narating ang kwartong tutulugan niya. Halos nakapikit na ang kanyang mga mata nang pihitin niya ang hawakan ng pinto, at buksan ito nang walang pag aalala. Pumasok kaagad siya, at mabilis na sinara ang pintuan. Pikit siyang napangiti nang masamyo niya ang pamilyar na amoy ng kanyang lumang kwarto. Gusto na niyang magpahinga. Nakapikit siyang lumakad papuntang kama niya, at walang habas na humiga. Nagkaroon lamang siya ng pagtataka dahil bukod sa lambot ng kama niya, mayroon ditong isang maliit na pigura. Halos kasukat lamang ng kanyang mahal na Hannah. Wala sa sarili siyang napatawa, at nagsalita. “Hannah, ngayong gabi lang, ah... N-namiss kita, Mahal...” Aniya, at hinagkan ang nakatalikod na pigura. Sinamyo-samyo niya pa ang napakabangong aroma nito. Napangiti siya nang maramdaman niyang umikot ito't inayos ang puwesto paharap sa kanya. Niyakap rin siya nito at ibinuro ang mukha sa kanyang hubad na dibdib. Kinuha niya ang oportunidad na iyon upang langhapin ang mabango nitong buhok. “Hmmm... ” Halinghing niya nang masatispa siya sa bango nito. Mabilis nitong kinomporta ang tensyonado niyang katawan, at kaagad siya nitong pinakalma. Maya-maya pa ay nilamon na siya ng antok, at tuluyang nakatulog nang may ngiti sa mukha. “Oy, Keith, nilalagnat ka ata?” Pagpukaw ng atensyon ni Shane sa kanina pang tulalang estado ni Keith. Gulat na lumingon si Keith sa kaibigan, at mas lalo pang namula. “Bakit, Shane?” Tanong niya rito, at kinapa sa ang sarili sa parteng noo. Napailing naman si Shane dahil sa kanya. “Anong bakit Shane? Namumula ka, oh.” Paguro nito sa kanyang pisngi, bago siya nito kinapa sa leeg. Napakunoot noo ito nang makapa siya, at malamang tama lang naman ang temperatura niya. “Bakit namumula ka? May nakain ka ba? ” Pagtatanong nito, na kanyang ikinalito. “Hindi naman ako maselan sa pagkain, eh.” Pagdadahilan niya, kahit na pansin niyang nag iinit nga ang mga pisngi niya. Ngunit alam niyang walang kinalaman ang kinain niya. Itlog at tinapay lamang ang inalmusal nila, katulad ng dati niyang kinakain. Bigla na lamang sumulpot si Jake sa likuran nila nang may malaki at nang aasar na ngiti. “Baka naman kase dahil sa mga paro-paro sa tiyan mo, Keith.” Nakangising wika nito, na mas lalo niya pang ikinalito. Bahagya siyang napahawak sa kanyang sikmura, at pinakiramdaman iyon. Nagsalubong ang kilay niya dahil nag iinit ito, ngunit sigurado siyang walang mga paro-paro doon. “Wala naman akong nakaing paro paro, eh. Tsaka, h-hindi ako nanghuhuli ng mga paro paro, Jake... ” Bigla na lamang humagalpak sa tawa ang lalaki dahil sa rason niya. Kumunot nang tuluyan ang noo niya dahil sa hindi pagkakaintindihan. “HAHAHAHAHHA! Ngayon lang ako nakarinig ng ganyang joke! HAHAHAHA!” Nagpatuloy ito sa pagtawa, napapa palakpak pa ito sa tuwa. Dahil sa lito, ay lumingon siya kay Shane, ngunit nakita niya din itong mahinang tumatawa. “Paro paro?” Pag ulit niya, kaya hindi na napigilan pa ni Shane, at humagalpak na din sa tawa. Dahil dito, ay unti-unti siyang napangiti. Hindi niya maintindihan ang dalawa, ngunit tunay siyang nagalak dahil napatawa niya ang mga ito kahit wala naman siyang ginagawa. Humagikhik siya nang hampasin ni Shane ang nobyo habang patuloy sa pagtawa. Tumahimik lamang sila nang may tumikhim sa likod nila. Seryosong mukha ni Kane ang sumalubong sa kanila, kaya naman mabilis silang napatigil sa pagtawa. Tumikhim rin si Jake, at nagbigay senyas kay Kane. “Kumusta na ang ulo mo, Kane? Marunong pa lang mag alaga itong si Keith, eh.” Pabirong ani ni Jake, dahilan upang panlisikan siya nito ng mga mata. “Lumang kwarto ko 'yon, nakalimutan kong naroon ka... ” Pagpapaliwanag ni Kane, nakatiklop ang mga braso niya sa kanyang dibdib. Naka seryosong postura na naman ito. Pagtango lamang ang tugon ni Keith, at ngumiti nang matipid. Sinungitan man siya nito kaninang umaga pagkagising nila, ito naman ang nagluto ng almusal nila. “Siya nga pala. Mamaya, babalik tayo sa dating gawi. Shane, isama mo si Keith, at aasikasuhin ko pa ang mga papeles niyan.” Pag uutos ni Kane sa kanila. Nanatili na lamang siyang tahimik, at pinakinggan ang mga utos nito. Kahit na wala pa siyang maintindihan. “Kilos na, hindi tayo pwedeng makampante. Lalabas at lalabas pa rin ang nagawa na'tin sa mga dyaryo. Maghanda kayo.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD