"Kuya, babalik pa ba yung mga manong?" Pagtukoy ni Keith sa mga lalaking linggo-linggong naniningil sa kanilang yumaong na ama, na ngayon ay tinutustusan na ng Kuya Brandon niya.
Tahimik siyang gumagawa ng kanyang takdang aralin sa kanilang maliit na sala. Ang Kuya Brandon naman niya ay naghahanda ng kanilang gabihan. Napasamyo siya nang simulang gisahin ng Kuya Brandon niya ang paborito nilang sugpo na ginisa sa margarine.
Nilingon siya ng Kuya Brandon niya, at kumibit balikat. "Wala tayong magagawa, eh. Bukod sa kailangan na'ting ibenta 'yong dalawang kabayo para makabayad, kailangan rin isama iyong maliit na taniman na'tin." Pagpapaliwanag nito, na lubos niyang ikinalungkot. Muli itong bumalik sa kanyang niluluto.
Unti-unting nawalan ng gana si Keith gumawa ng takdang aralin niya dahil sa sinabi nito. "'Wag kang mag alala, Bunso. Hindi ko ibebenta 'yong mga bibe mo." Dagdag pa ng Kuya Brandon niya, habang maingat na hinahanda ang gabihan nila.
Ngumiti na lamang siya nang matipid, at pilit inintindi ang sitwasyon nila. Magmula noong iwan sila ng kanilang mga magulang, siya at ang Kuya Brandon na lamang niya ang gumagawa ng paraan para magkabuhay ang tahanang naiwan sa kanila. Nakapagtapos naman ang Kuya Brandon niya ng senior high, kaya kahit papaano, ay natatanggap ito sa mga maliliit na restawrant bilang trabahador.
Ilang buwan silang nagluksa matapos silang tuluyang iwan ng ama. Hindi na sila umasang may dadalaw pa sa libing nito dahil wala din namang pumunta nong libing ng kanilang Mama. Ganon na lamang siguro kapag malaki ang galit ng pamilya mo sa iyo. Kahit sa araw ng libing, hindi man lang magawang dumalaw o magparamdam.
"Tara, Bunso. Kain na. Niluto ko paborito mo." Nagyayayang anunsyo ng Kuya Brandon niya habang dala-dala ang ulam na paborito niya.
Otomatiko siyang ngumiti, at nagmamadaling itinabi ang kanyang gamit. Matapos ay maingat siyang kumuha ng dalawang plato at dalawang pares ng kutsara't tinidor. Kitang-kita ang kabataan sa Kanyang masayang pigura dahil sa ngiting namumutawi. Akala mo nga ay nakalimutan na niyang kanina lamang ay malungkot siya.
Inosente, makulay, at umuusbong pa lamang siya. Ganoon na lamang ka-bilib ang Kuya Brandon niya sa kanya. Nagagawa pa din nitong ngumiti sa kabila ng mga masasamang nangyayari sa kanila. Sinasabayan na lamang niya ito para hindi na lumala pa.
"Oh, pakabusog ka, ah..." Masiglang wika ng Kuya Brandon niya. "Bukas dadating ulit 'yong mga manong. Kapag sinabi kong sa kwarto ka lang, sa kwarto ka lang, ah?" Pagtango lamang ang tugon niya dahil naglalaway na siya sa ulam nila.
Hindi maintindihan ni Keith kung bakit minsan ay nagiging aggresibo ang mga manong na naniningil sa kanila. Masyado pa siyang walang kamuwang-muwang. Gayon pa man, sumusunod pa din siya sa utos ng Kuya Brandon niya na manatili lamang sa kanyang kwarto. Dahil don ay wala siyang kaide-ideyang puno na ng pasa ang katawan ng Kuya Brandon niya mula sa pambubugbog.
"Dahan-dahan lang, Bunso. Baka mabilaukan ka niyan." Ani ng Kuya Brandon niya, ngunit ngumiti lamang siya, at nagpatuloy sa pagkain.
Kinabukasan, ay maagang nagpakain si Keith ng mga alagang bibe, kasama na ng mga inahing manok. Sinabuy-sabuyan niya ang mga munting hayop ng mga patuka. Tuwang-tuwa siya nang magsiliparan ang mga ito papuntang lupa kung saan may mga patuka. Masaya niya iyong pinanood, habang humuhini ng kanta.
Wala siyang pasok dahil sabado, kaya naman nakapambahay lamang siya. Puting baro ng Kuya Brandon niya ang suot-suot, at ang shorts niyang pambahay. Dahil nasa liblib na lugar sila nakatira, kakaunting sinag ng araw lamang ang nakikita sa paligid, ngunit sapat na para lumiwanag ang buong paligid nila.
Nasa bukid naman ang Kuya Brandon niya, na malapit lamang sa likod ng bahay nila. Doon nila nakukuha ang mga prutas at gulay na nakakain nila. Buhay bundok kung tatawagin.
Maya-maya pa, ay narinig na ni Keith ang pamilyar na tunog ng isang van sa tapat ng kanilang bakuran. Kaagad siyang kinabahan dahil nasa burikin pa ang Kuya Brandon niya, at siya lamang mag isa. Naalala niya ding sinabihan siya nitong manatili sa kanyang kwarto.
Papalakad pa lamang siya nang sitsitan siya ng lalaking ka edaran ng Kuya Brandon niya. "Psst! Pakibukas nitong gate niyo, bata. Tawagin mo din 'yong Kuya mo. Bilis." Halos takasan siya ng hininga dahil dito.
"O-opo."
Nagmamadali siyang lumakad papunta sa lalaki, at mabilis na binuksan ang gate nila. Kaswal itong pumasok, at naupo sa isang kahoy na upuan malapit sa mga manok. Nagsindi kaagad ito ng sigarilyo, at humithit na kala moy pamamahay niya ito.
Akmang aalis na siya nang marinig niya ulit itong sumitsit. "Lapit dito. Bilis."
Kunot-noo siyang lumapit sa lalaki, at yumuko. "Pakisabi sa Kuya mo, bilis, at baka maubos ang pasensya ko, magalaw pa kita. Ang kinis mo pa naman." Ngisi ngisi nitong usal, na ikinatakot pa niya lalo.
Kaagad niyang tinungo ang bukirin sa likod ng kanilang bakuran. Isang metro pa, at nakita na niya ang Kuya Brandon niyang namimitas ng sibuyas, kasama ng mga talbos.
Nakita kaagad siya nito, at ngumiti. Ngunit mabilis naglaho ang ngiti nito nang makitang natatakot sa kung ano ang nakababata niyang kapatid. Hinihingal pa si Keith dahil sa pagtakbo, kaya naman mas lalo pa itong nag alala.
--__--
Dahil sa mahihinang paghagikhik ng tatlo, nagising si Keith mula sa pagkakatulog. Kaagad na nagsitigil ang mga ito, nang inayos niya ang pagkakaupo, at kinusot-kusot ang mga mata niya. Hindi niya naiwasang humikab mula sa natitirang antok.
Napatigil na lamang siya sa ginagawa nang maalala kung anong ginawa nila. Nang sandaling dumilat siya, ay nakita niya kaagad ang mga nakangiting sina Shane, Jake, at Adrian, animoy wala lang sa kanila ang krimeng ginawa nila. Bigla na lang niyang naalala si Kane, kaya naman lumingon siya sa kaninang upuan nito.
Wala na ito sa kanyang tabi.
"Nauna na ang mokong. Hinihintay ka lang namin magising." Kaswal na saad ni Adrian. Ngumiti na lamang siya ng matipid, at nilingon sina Shane.
"Shane, s-sama ako." Nahihiya niyang ani, na ikinangiti naman nito.
Mabilis na lumipat si Shane ng upuan, sabay tabi sa kanya. "Oo naman, Keith. Kaya nga kita sinama dito, eh." Wika ni Shane, at tinapik ang kanang braso niya. "Nahihilo ka pa ba?"
"Hindi na. S-salamat, Shane."
Bigla namang sumingit si Jake, sabay akbay sa kanyang nobyo. "Tara na, Babe. Baka nagugutom na si Keith." Nakangiting saad nito, na ikinatango ni Shane.
Nauna nang lumabas si Adrian, bago sila lumabas ng malaking sasakyan. Paglabas na paglabas pa lamang nila, ay nakaramdam na si Keith ng pagkawala, at hindi pagkakapamilyar sa lugar. Kaagad siyang napayuko dahil sa kahel na sinag ng araw na sumisinag sa mga mata niya. Palubog na ito, kaya naman saktong-sakto ang tama sa kanyang maamong mukha.
Sinalubong sila ng malamig na simoy ng hangin. Mula ito sa dagat na malapit lamang sa kinatatayuan nila. Magandang tanawin o dalampasigan. Halos maluha si Keith sa tuwa nang masamyo niya ang sariwang hanging akala niya hindi na niya malalanghap pa. Bahagya siyang napapikit, at huminga nang malalim.
At sa sandaling dumilat siya, naroon na si Kane sa di kalayuan, tahimik na naghihintay sa kanilang pagsunod. Muling bumalik ang kakaibang kaligtasan, na nararamdaman niya sa tuwing nasa paligid ito. Muli ding naramdaman ni Keith ang hindi pamilyar na pakiramdam sa kanyang sikmura. Nag iinit ito, at tila nagbibigay ng kung anong kiliti paakyat sa kanyang dibdib.
Akmang hahakbang na siya nang may isang magandang babaeng bigla na lamang lumitaw mula sa likuran ni Kane. Napaka amo ng mukha nito, na sumakto sa taas nitong umaabot lamang sa dibdib ni Kane. Nahihiya itong kumaway sa kanilang direksyon, habang ang isang kamay ay prenteng nakakapit sa tagiliran ni Kane. Hinahangin pa ang itim nitong buhok na hanggang sa kanyang balikat lamang. Para itong isang anghel dahil sa suot nitong puting bistida na umaabot hanggang ilalim ng mga tuhod niya.
"Hannah!" Natigilan na lamang si Keith sa pagtitig sa babae nang kanyang marinig ang masiglang pagsigaw ni Shane.
Mas mabilis pa sa alas kwatro itong tumakbo papunta sa babaeng tinawag niyang Hannah. "Jusko po! Napaka ganda mo talaga!" Natahimik na lamang si Keith, at matipid na ngumiti.
Sumunod na din si Jake sa nobyo, at binati ang babae. "Kumusta na ba, Hannah? Gumaganda tayo nang gumaganda, ah." Pabiro nitong ani, ngunit hindi naman pumalya sa pagpapangiti sa babae.
"Nang bola pa kayong magnobyo. Mabuti naman ako, healthy'ng healthy, lalo na si Baby Aro." Mahinhin nitong tugon, sabay himas nito sa umbok ng kanyang tiyan, na ngayon ay masasabi nang malaki.
Hindi na nakagalaw pa si Keith sa kanyang kinatatayuan, at patuloy na pinanood ang tatlong masayang nag uusap. Sinubukan niyang lingunin si Kane, ngunit naka pokus na din ito sa babae. Hannah. Isang magandang pangalan para sa isang magandang babaeng katulad niya.
"Ehem. Baka makatulog ka diyan, Bata." Napukaw ang atensyon niya nang kanyang marinig ang pagtikhim ni Adrian, mula sa kanyang gilid.
Nilingon niya ito nang tahimik, at tumango. "Tara, mukhang tayo na lang ang natitirang mag isa dito." Anito habang lumilinga-linga.
"S-san tayo pupunta?" Naiilang na tanong niya, na ikinangiti naman nito.
"Saan pa ba? Edi sa penthouse ni Papa. May isa pang kwarto doon, kaso hindi pa nalilinis. Pwede ka namang tumabi sa'kin." Pabiro nitong pagpapaliwanag. Napangiti naman nang matipid si Keith, at tumango. "Tara't ipapakilala muna kita kay Papa." Biglang patong ng kanang kamay nito sa kanyang buhok.
Sumunod na lamang si Keith, at hindi na hinintay pa sina Kane. Siguradong nangungulila ang mga iyon dahil ilang buwan sila nawala. Hindi na niya ginusto pang tawagin ang mga ito.
Ilang metro lamang ang nilakad nilang dalawa, hanggang sa nakarating sila sa isang pribadong resort. Kaagad namangha si Keith dahil sa angking kagandahan ng gusaling ngayon niya lamang nakita. Dati ay kinukwento lamang sa kanya ito ng Kuya Brandon niya, ngunit ngayon ay nakikita na niya. Tahimik, mapayapa, at sariwa ito kung titignan mula sa pananaw niya.
"Doon tayo." Pagtuturo ni Adrian sa transparent elevator nang makapasok sila sa gusali.
Sandaling napahinto si Keith, at maingat na lumingon sa kanya. "S-susunod sila Shane?" Halata sa boses niya ang pag-aalala, na ikinahagikhik ni Adrian.
"Oo, 'wag kang mag alala. Tara na--"
"W-wait..." Nahihiya, yumuko si Keith at nilingon ang transparent na elevator. Kaagad siyang kinabahan dahil hindi niya tiyak kung ligtas bang sakyan ang bagay na iyon.
Muli siyang tumingin kay Adrian, ngunit umiwas siya sa mga mata nito. "W-wala bang hagdan?" Nahihiya niyang tanong.
Mabilis na nag init ang mga pisngi niya nang humagalpak ito ng tawa. "Nako, pagod na ako kakalakad. Sigurado din akong pagod ka na. Dito na lang tayo sa elevator, safe 'yan." Paniniguro nito sa kanya.
Bahagya siyang napalunok ng laway dahil sa kaba, ngunit tumango siya dito. "O-okay..."
--__--
"Haaa... Ahh..." Paghihingalo ni Keith nang makalabas sila ng elevator. Patuloy naman sa paghagikhikhik ang lalaki dahil sa halos masuka-suka niyang mukha.
Marahan siyang tinapik nito sa likod. "Masasanay ka din, Bata. Baka nga araw-araw kitang maririnig." Pilyong wika nito.
Patuloy lamang sa paghingal si Keith, at hindi naman nakuha ang erotikong biro ng lalaki. Napasandal siya sa pader, at niluwagan ang tuksedong nakabalot sa leeg niya. Doon na nagsilitawan ang mamula-mulang mga marka na iniwan ni Kane sa kanya.
Halos bumulwak ang mga mata ni Adrian nang makita ang hindi mabilang na mga marka. Hindi niya naiwasang hawakan si Keith sa baba. Ikinabigla iyon ni Keith, ngunit hindi naman nagpumiglas. "Puta! Ang sabi ko lagyan lang ng isa. Inenjoy pa ata nong mokong, ah." Inangat-angat nito ang baba ni Keith, dahilan upang makita niya pa ang iba.
"Ang alin?" Kuryos na ani ni Keith. Walang kaalam-alam sa kung anong bumabalot sa kanyang leeg.
Suminghal ito dahil sa kaignorantehan siya. "Anong 'Ang alin'? kulang na lang angkinin ka na nong mokong!" Inis na usal nito, na mabilis na ikinalito ni Keith.
Angkin?
Inosenteng nakataas ang isang kilay ni Keith habang nakakunot ang kanyang noo. Bahagya pang nakatabingi ang mukha niya dahil sa pagkalito, ngunit mas iniinda ng katawan niya ang pagkahilo mula sa pagsakay sa elevator.
"M-may c-candy ka?" Utal-utal niyang tanong sa lalaki.
Tumigil ito sa paghimas sa kanyang leeg, at hindi makapaniwalang umiling. "Meron doon sa office..." Usal ni Adrian, na kanyang ikinatuwa. "Tara na nga. Baka mabatukan ko pa 'yong si Kane kapag makita ko, eh. Papahiran ko na lang rin 'yan ng ointment."
Matipid na ngumiti si Keith dahil dito, at bahagyang tumango. Hanggang ngayon ay wala pa din siyang ideya na may mapupula siyang markang nakapaligid sa kanyang leeg.
Tahimik at nagmamasid-masid na sumunod si keith kay Adrian. Hanggang sa tumigil ito sa paglalakad nang makita nila ang isang pintuang gawa sa makapal na kahoy.
Bigla na lamang nakaramdam si Keith ng kaba nang makita ito. Mabilis siyang yumuko upang itago ang kanyang mukha. Gusto sana niyang magtago sa likod nito, ngunit huli na nang katukin nito ang pintuan na iyon.
Wala pang limang segundo, at binuksan na nito ang pintuan, dahilan para mas lalo pa siyang kabahan.
"Pa..." Monotonong wika nito nang makita ang loob, kung saan naroon ang magarbong opisina ng kanilang ama.
Dahan-dahang tumingala si Keith upang makita ang tinawag nitong Papa. At nang makita niya iyon, muli siyang napayuko. Dala ng kaba, takot, at hiya. Malamang ay alam na nito kung ano siya. Kriminal. Preso.
"Ano't nakatayo lang kayo riyan? Pasok rito. Nasasayang ang oras." Rinig nilang usal nito. Kung gaano kabaritono ng boses ng magkapatid na sina Adrian at Kane, ganon rin ang sa kanilang Ama. Dagdagan lamang ng kaunting katandaan ang tono nito.
Nauna nang humakbang si Adrian patungo sa loob, tahimik at reserba. Dala-dala nito ang paggalang sa Ama'ng nasa loob. Sa sandaling humakbang si Keith, ay nakaramdam kaagad siya ng kakaibang lamig. Mula ito sa modernong "Airconditioner" na nakapalibot sa loob ng opisinang iyon.
Pilit niyang kinibit balikat iyon, kahit na bakas na bakas sa balikat niya ang panginginig mula sa di pamilyar na lamig. Habang naglalakad ay maingat niyang inililibot ang kanyang mga mata. At doon, nakita niya ang mga ibat-ibang obra na nakadikit sa malawak at matitibay na pader.
Halos malaglag ang mga panga ni Keith nang masilayan niya ang Aranya (Chandelier) sa itaas, na nagbibigay ng liwanag sa anim na sulok ng opisina. Magarbo nga ito. Isang bagay na hindi niya inakalang masisilayan niya. Nabubuhay lamang ito sa kanyang imahinasyon na mula sa kwento ng yumaong Kuya Brandon niya.
Wow... Hindi maiwasang bulong niya sa kanyang isip.
Patuloy pa siya sa paghanga, hanggang sa makabunggo siya ng malapader na likod ni Adrian. Isang mahinang hagikhik ang kanilang sunod na narinig dahil sa kaignorantehan niya. Napakusot siya sa kanyang mata dahil sa pagkakabunggo sa likod ni Adrian.
Nakayuko siyang humakbang papuntang gilid nito. Binalot ng akwardong katahimikan ang opisina, kaya naman lalo lang nadagdagan ang kaba sa dibdib niya. Ramdam niya ang mga mata na nakatingin sa kanya. Para bang hinihintay siya ng mga ito magsimula.
Dahil sa katahimikan, ay huminga si Keith nang may kalaliman, at nagpasiyang bumati sa Ama nina Kane.
Iniyuko niya ang kanyang ulo bilang paggalang, na sinundan ng natataranta niyang pagbati. "M-magandang u-umaga po, S-sir..." Nakakuyom na ang kanyang mga kamao dahil sa kaba, kasabay ng pagpikit ng mga mata niya sa hiya.
Muli niyang narinig ang mahinang pagtawa ng matanda. Pinagtatawanan siya?
"Palubog na ang araw, Ijo. Napakagalang na bata." Garalgal ang pagtawa ng lalaki, isang ebidensyang nasa edad trenta na ito. At katulad ni Adrian, pumupungay din ang mga mata nito kapag tumatawa.
Sandaling napaisip si Keith. Ganon rin kaya si Kane? Wala siyang ideya. Ngayon ay wala nang kaba sa dibdib niya. Tanging hiya na lamang, at panliliit. Muli siyang yumuko, at nagbigay galang sa lalaki.
“Maupo kayo, Ijo, Adrian.” Paturo nito sa dalawang upuan sa harapan lamang ng kanyang kwadradong lamesa.
Dala ng natitirang pagkahilo, maingat na umupo si Keith sa pang opisinang upuan, sabay patong ng dalawang kamay niya sa kanyang magkadikit na binti. Gaya ng lagi niyang ginagawa, nanatili siyang tahimik. Hanggang sa magsalita ang Ama nina Adrian at Kane.
“Keith Sebastian. Labing walong taong gulang. Honored student sa naiwang school. Anong kaso?” Rinig pa din ang garalgal na pagtawa nito. “Ahh... Murder at possession of illegal drugs.”
Kaagad na naestatwa si Keith sa biglaang sinambit nito. Para bang normal na bagay lamang ito't nagawa pang tumawa.
“Bakit mo naman pinatay ang Kuya mo?——”
“Pa naman!” Agarang pagtutol ni Adrian nang marinig ang kanyang ama.
Kaagad na nangilid ang mga luha ni Keith, at lalo siyang nanliit. Hindi niya mawari kung bakit ganon na lamang kadaling isampal sa kanya ang mga bagay na pinagsisisihan na niya. Pilit niyang pinigilan ang pagtulo ng mga ito, habang kinakagat ang pang ibabang labi niya.
“Biro lang. Eto naman.” Napatiklop ng braso ang matanda, at naging seryoso ang mukha. Sa di malamang dahilan, nagbitaw ito ng isang di kilalang kasabihan. “Nagmula sa kahirapan, hanggang ngayon ay nasa kalaliman...” Napasinghay ito, at bahagyang umiling.
“Mabuti na lang, at hindi ako nabubuhay sa ilalim ng bulok na batas ng ponyetang bansa na ito.” Dadgdag pa nito.
Nanatiling walang imik si Keith habang pilit na iniintindi ang sinasabi nito. Si Adrian, ay nakatingin lamang sa kanyang di mabasang Ama.
“Di bale, saan mo ito balak panatilihin, Adrian?”
Napatikhim ito, at bahagyang iniyuko ang ulo. “Pa, Kargo daw siya ni Kane.” Saad niya, na ikinalingon ni Keith.
Kargo?
“Ahh, naiintindihan ko.” Mabilis na ani ng matanda. “Maghain na kayo, at may bisita tayo.” Anunsyo nito't tiningnan si Keith nang nakangiti. “Sana'y magustuhan mo ang pamamalagi dito, Keith Sebastian.”
——__——
“Muntik ka nang umiyak kanina, huh?” Ani ni Adrian. Ngayon ay naglalakad na sila sa isang pasilyo patungong sala.
Napasimangot si Keith dahil sa sinabi nito. “K-kakaiba ang Papa niyo...” Tahimik na kumento ni Keith habang maingat na pinagmamasdan ang kanilang nadadaanan.
“Ganon ba?” Tanong nito sa kanya. Kanina pa nito gustong lakihan ang kanyang mga hakbang, ngunit sinasabayan lamang niya si Keith dahil ayaw niyang maligaw ito. Malaki na nga ang penthouse na nilalakaran nila, ang liliit pa ng mga hakbang niya.
“Mm.”
“Ganon rin ang tingin ko sa kanya. Tumatanda na siya, kaya ganon.” Pagsang-ayon ni Adrian. Hindi maalis-alis ni Keith ang paningin sa paligid. Napakagarbo. Mayamang mayaman.
Maya-maya pa sa kanilang paglalakad, mayroong nahagip na siluweta ng mga pamilyar na tao si Keith. Sa sulok na kanyang mga mata, ay nakita niya sina Shane. Nasa isang magarbong sala ito. Nakaupo na sa isang mahabang hapag at malamang ay nakahanda nang maghapunan. Ganon rin si Kane, katabi ng magandang babae na kanina niya lamang nakita.
Nang dahil sa tunog ng pagyapak ng mga sapatos nila, nakuha nila ang atensyon ng mga ito.
“Keith! Dito!” Naunang kumaway si Shane, suot-suot ang maganda nitong ngiti. Naroon sa tabi niya si Jake na ngayon ay kumaway na din sa kaniya.
Hindi niya maiwasang mapalingon kay Kane, kaya naman nilingon niya ito. Hindi niya din inasahang magtatama ang mga mata nila. May kakarampot na pag-aalala sa mga nito, habang ang kanya nama'y pangungulila. Klaro at detalyado pa din ang ginawa sa kanya ni Kane, at simula non, ay binabagabag na siya ng hindi pamilyar na sensasyon.
Naputol ang segundo ng kanilang pagtititigan nang maramdaman ni Keith ang pagpatong ng braso ni Adrian sa kanyang balikat. Walang ano-ano at iginaya siya nito sa isang upuang nasa katapat lamang nila Kane. “Kumain ka na, at pupuntahan pa na'tin ang kwarto mo.” Pabirong ani nito.
“Ako na ang sasama sa kanya.” Madiin na wika ni Kane.
Nabalot ng katahimikan ang buong hapag dahil sa di inaasahang pagsabat nito. Nagtatakang tumingin sa kanya si Keith, at muling nagtama ang kanilang mga mata.
“Wag ka nang mag abala. Hindi ba dapat samahan mo si Hannah? Ngayon na lang ulit kayo nagkita.” Nakangiting susestiyon ni Adrian, sabay kindat nito sa Babae sa tabi ni Kane. “Sigurado akong nananabik kayo sa isat-isa. Hindi ba?”
Natameme si Kane sa kanyang kinauupuan, at nilingon si Keith, na ngayon ay nakatingin na sa kanyang pagkain. Hindi na siya nakapagsalita pa dahil inunahan na siya ng nakatatandang kapatid niya.
“Kainin mo lang kahit anong gusto mo. Yung candy pala, nakalimutan ko. May ice cream don, baka gusto mo.” Tadtad nito habang nilalagyan ng samo't saring ulam ang plato ni Keith.
Tiim bagang napapikit si Kane, at pilit na pinakalma ang sarili. Hindi niya mawari kung bakit ngayon ay gustong-gusto niya sapakin sa mukha ang nakatatandang kapatid. Hindi niya maintanggi ang iritang nararamdaman niya, lalo na nang muli siyang dumilat, at nakita kung gaano kalaki ang ngiti ni Keith sa mukha dahil kay Adrian.
AUTHOR'S NOTE
AKO'Y INYONG PAGPASENSYAHAN. MUAAAAH!
VOTE|COMMENT|SHARE