KABANATA LABING DALAWA

3244 Words
“PAGBABAGO NG TADHANA.” Nagsisimula nang pumagitna ang araw sa kalangitan, ngunit ang tsokolateng mga mata ni Keith, ay nakatulala pa rin. Animoy nahulog sa kawalan. Magtatanghalian na, ngunit umalingawngaw pa rin ang mga salitang binitawan ni Kane sa kanyang tainga. “Isasama ka namin. Literal.” Hindi niya batid kung nagbibiro ba ito, ngunit sapat na ang katotohanang kahit kailan, ay hindi niya pa ito naririnig magbiro. Lalo pa nang makita niya ang seryosong mukha ni Shane. Inaamin niyang may namumuong saya sa kanyang loob, ngunit hindi pa rin niya maiwasang mag isip kung tama ba ang gagawin nila. Nila, kasama siya. Kasama na non ang pag asa na agad nagningas sa puso niya. Hindi maiwasang pumalakpak ng mga tainga niya nang sandaling sambitin iyon ni Kane. Kay bilis niyang naisip ang kalambutan ng berdeng mga damo, at agad niyang naramdaman ang napaka sariwang simoy ng hangin mula sa labas ng selda. Gayon pa man, hindi niya maiwasang timbangin ang posibilidad at ang katotohanan. Naisip niyang mararanasan nga niya ang payapang buhay sa labas, ngunit mas mabigat ang timbang ng pagkakasala niya. Malinaw na naiipit siya sa sitwasyong kinakaharap niya ngayon. Ang kagustuhan ng puso niya, ay halatang sumasalungat sa naiiisip ng kanyang utak. Masyadong malaki ang kasalanang nagawa niya, lalo na kung papayag siya sa pagsama. “Keith, usap tayo?” Mabilis na naglaho ang iniisip ni Keith nang marinig niyang magsalita si Shane. Umupo ito sa tabi niya, kaya naman tumango na lamang siya, at hinarap ito. “A-ano, kase... Gusto mo bang sumama sa 'min? Baka kase napipilitan ka lang.” Mahinahong tanong ni Shane, at marahang tinapik ang likod ni Keith. Kanina pa rin siya ginugulo ng tanong na ito. “S-saan ba tayo p-pupunta, Shane? Bakit niyo ko i-isasama?” Pabalik na tanong ni Keith. Malamang ay hindi niya pa rin ito lubos na naiintindihan. Hindi rin naman alam ni Shane kung papaano ipapaliwanag ang plano nilang gawin sa inosenteng tulad ni Keith. Huminga muna siya nang malalim bago isinasalita ang nais malaman ni Keith. “Ganito kase 'yan, Keith. S-si Kane—K-kami, hindi kami mga kriminal...” Pagsisimula niya, na kaagad namang ikinakunot ng noo ni Keith. “S-sina Kane at Jake, kaya nila tayong t-tulungan makalabas dito nang walang nakakaalam.” Pagpapaliwanag niya. Walang nagawa si Keith, kundi ang tumango, at yumuko dahil sa panliliit. “P-pero ako, Shane...K-kriminal a-ako. P-pano ako?” Pilit na tanong ni Keith, habang pinipigilan ang luhang nangingilid na sa kanyang mga mata. Lubos na naawa si Shane sa narinig. “Sinusubukan ko maniwala, Keith—Na kriminal ka. Pero, hindi ko nakikita sa'yo ang pagiging kriminal, eh. Sa tingin mo ba, kakaibiganin kita kung kriminal ang tingin ko sa'yo? Hindi pa namin alam ang totoong nangyari sa'yo, pero nakasisiguro kaming biktima ka lang rin ng bulok na sistema ng hustisya dito...” Muling napatingin si Keith sa mukha ni Shane. Punong-puno ng sinseridad ang boses nito. Ngunit hindi non mabubura ang katotohanang napatay niya ang Kuya niya. Ngumiti na lamang siya nang mapait, at tumango. “S-shane, n-nakapatay a-ako, eh.” Hindi na napigilan ng mga luha ni Keith na tumulo. Masyadong masakit ang nararamdaman ng dibdib niya para matiis pa iyon, ngunit nanatili siyang nakangiti. Lalo na nang makita niya ang mabilis na pagbabago ng ekspresyon ng mukha ni Shane. “A-ano? N-nakapatay ka?” Halos walang boses na tanong ni Shane, at nanginginig niyang tinanggal ang kanyang kamay mula sa braso ni Keith. Mas lalo pang lumala ang sakit na nararamdaman ni Keith nang mapansing may takot sa mga mata ni Shane. Para siyang sinasaksak sa dibdib ng daang-daang kutsilyo. Muling bumalik ang ulo niya sa pagkakayuko dahil sa kahihiyan. Alam niyang naririnig na ng tatlo ang pag iyak niya, ngunit hindi niya magawang pigilan. Agad siyang nagsisi sa desisyong biglaan niyang ginawa. Ang sabihin ang totoo sa mga ito. Halata ang pagkagulat sa mukha ni Shane. Bahagyang nakaawang ang labi, habang napupuno ng pagkagulat ang mga nangingintab niyang mga mata. “K-keith, p-pano? Parang i-imposible naman niyang s-sinasabi mo.” Pagdiin ni Shane, ngunit umiling lamang si Keith habang pilit na pinupunasan ang mukha. Hindi na maipinta ang mukha ni Keith, at napupuno na ng paghagulgol niya ang selda nila. “S-shane, n-napatay k-ko... N-napatay ko s-si K-kuya, e-eh.” Hindi na niya magawang magsalita nang maayos, ngunit ito na lamang ang natitira niyang pagkakataon para masabi ito. Dahan-dahang siyang lumingon sa direksyon nila Kane at Jake. Mas nanlumo naman siya nang makitang nakatitig ang dalawa sa kanya. Nakikinig, at hindi malaman kung hinuhusgahan na siya. Muli siyang yumuko, at nagpasyang ipaliwanag na lang. “A-akala ko n-nagbago n-na siya, p-pero tinangka n-niya kong g-gahasain, e-eh. H-hindi k-ko si—sinasadya. S-shane, h-hindi k-ko alam n-na t-tatama sa leeg n-niya y-yung kutsilyo.” Katulad niya, humahagulgol na rin si Shane sa halo-halong emosyon na pinangingibabawan ng awa. “S-shane, K-kuya ko y-yon, e-eh. A-ayoko n-naman s-siyang p-patayin! S-siya na lang y-yung n-natitira k-kong p-pamilya, e-eh!” Doon na siya tumigil dahil nahihirapan na siyang huminga. Halos hindi na siya makakita dahil sa kapal ng luha na bumubulag sa kanya. Ang tanging nagawa na lamang niya, ay yumuko, at iwasan ang mga matang nakatingin sa nakakaawa niyang sitwasyon. Ngunit hindi niya inaakalang lalapit sa kanya si Kane. Lalo na nang biglaan siya nitong hatakin papunta sa kanyang bisig. Abruptong siyang niyakap nito, kahit na alam niyang nakatingin sa kanila ang magnobyo. Sumunod naman si Jake para yakapin ang humahagulgol nobyo. “Umiiyak ka na naman. Alam mong ayaw ko ng maingay.” Mahinang usal ni Kane sa kanang tainga ni Keith. Kaagad na hinawakan ni Kane ang ulo ni Keith, bago isinubsob ang mukha nito sa kanyang dibdib. Walang nagawa si Keith, kundi iburo ang mukha sa dibdib niya, animoy humahanap ng magpapatahan sa kanya. “Tsk, tahan na. Isasama ka pa rin namin. Ganon din ang gagawin ko kung may magtangka sa'kin. Kahit sino pa. Tumahan ka na.” Hindi na nagpatumpiktumpik pa si Kane, at literal na binuhat na niya ito. Kanang braso niya ang sumusuporta sa pang-upo ng tila parang batang si Keith, habang ang kaliwang braso naman ang humahagod sa kanyang likod. Kitang-kita ang dipirensya ng laki ng katawan nila, dahil sa laki ng katawan ni Kane. Para lamang siyang bumubuhat ng bata dahil sa liit ni Keith. Hindi na alintana ang magnobyo para kay Kane, dahil naiirita talaga siya kapag naririnig na umiiyak ang binata. Totoo ngang napaka imposible ng kinukwento ni Keith, ngunit halos magwala na si Kane sa galit nang marinig ang katotohanan. Maya-maya pa, ay unti-unti nang humina ang paghagulgol ni Keith, na kalaunan ay naging paghikbi na lamang. Maga na ang kanyang mga mata dahil sa kakaiyak, kaya naman nakapikit na siya. Wala na siyang pakielam kung mairita si Kane sa pagkayap niya. Ramdam niya ang pagkawala ng mga bagaheng dinadala niya sa dibdib niya nang malamang hindi siya hinuhusgahan ng mga ito. Lalo na si Kane. Ilang minutong pinakiramdaman ni Kane ang binata, at hindi na niya namalayang tulog na ito. Dahan-dahang siyang lumingon sa mukha ni Keith na ngayon ay nakasubsob na sa gilid ng kanyang leeg. Kitang-kita ang kapaguran nito, kaya naman hinayaan na lang ni Kane na matulog. Nakapag desisyon na siya na isama ito. Lalo na nang malamang dinipensahan niya lamang ang sarili mula sa kamuntinkang pagkakagahasa. Sa sarili pa nitong kadugo. Hindi napigilang umigting ng mga panga niya sa galit. “Gago 'yang Kuya mo. Siya dapat ang nandidito.” Bulong ni Kane sa hangin. Nilingon naman niya ang magnobyo, at nakitang kalmado na si Shane. Napasinghal siya nang makitang nakangisi si Jake. “'Wag mo 'kong simulan, Jake.” Pagbababala niya, na ikinatawa nito. “Nakahanda na yung mga gagamitin natin mamaya, Kane. Kulang na lang yung bangkay na susunugin na 'tin.” Pagpapaliwanag ni Jake pagkatapos tumikhim. Tumingin sa kanya si Shane, at nagbigay din ng babala. “Siguraduhin niyong bangkay 'yan, ah. Ayokong malalamang pumatay ang kahit na sino sa inyo.” Diin na pagpapaalala ni Shane. “Lalo na ikaw, Jake. Ayokong madungisan ulit 'yang kamay mo.” Ngumiti naman si Jake nang malapad, at pinisil ang pisngi ng nobyo. “Pramis 'yan, Babe. Pwede paisa mamaya—Aray!” Pinong kurot ang natanggap niya mula kay Shane. Tumikhim naman si Kane upang makuha ang atensyon ng dalawa. “Bukas na bukas, aalis na tayo. Kasama na 'tin si Adrian.” Pag anunsyo niya, sabay tingin sa itaas kung saan may isang cctv na nagbabantay sa kanila. Sa likod non nagbabantay ang pulis-pulisan na ilang linggo na nilang kasabwat. Alam niyang pinapanood siya ng kapatid niyang si Adrian mula rito. Tinitigan niya lamang ito, at agad itong gumalaw, ani moy tumatango sa kanyang direksyon. Hudyat na naroon nga ang kapatid niya ngayon. —__— Pagkatapos na pagkatapos niyang kumutan si Keith, bumuntong hininga siya. Sinigurado niyang tulog ito bago siya tumayo mula sa kama nito. Ilang gabi na niyang sinasamahan ito sa pagtulog. Hindi niya alam kung anong nagtulak sa kanya para gawin iyon gabi-gabi. Sa bawat gabing tinatabihan niya ito sa pagtulog, lagi niya ito napapansing umiiyak. Kumakapit at humihikbi sa dibdib niya. Paulit-ulit na binabanggit ang “Kuya”. Hindi alam ni Kane kung tanga ba ito o mahal na mahal lang talaga ang Kuya niya. Si Keith na ang nagsabing kamuntikan na siya nitong gahasain, ngunit nananabik pa rin siya sa presensya nito. Dahil sa lalim ng iniisip ni Kane, hindi na niya namamalayang hinahawi na niya ang mga buhok na humaharang sa noo ni Keith. Mga buhok na humaharang sa magagandang mga mata niya. Napahinto siya sa ginagawa nang hindi inaakalang gumalaw ito, dahilan upang mapausog siya sa dulo ng kama. At dahil sa kaliitan ng kama nito, nahulog siya sa malamig na sahig. “Ayan, nahulog ka tuloy.” Hagikhik ni Jake na kasalukuyang hinaharot si Shane. Agad siyang tinitigan nang masama ni Kane. “Tukmol.” Usal niya bago tumayo mula sa pagkakaupo. Bukod sa paghagikhik ni Jake, rinig na rinig ni Kane ang agresibong pagtibok ng kanyang puso. Ani moy tinatambol ang kanyang dibdib sa di malamang dahilan. Nagmamadali siyang lumakad patungo sa bakal na rehas na hindi naman nakakandado. Kagaya nga ng sinabi ni Shane, hindi naman talaga sila kriminal. Kahit anong oras, ay pupwede silang lumabas. At ganon nga ang ginawa ni Kane. Kaswal siyang lumabas mula sa piitan, at tinungo ang opisina kung saan naroon ang nakatatanda niyang kapatid. Hindi kagaya nilang tatlo, ang nakatatandang kapatid niya ay ang kaisa-isang naiiba sa kanilang grupo. Mahahalata mo naman dahil hindi nila ito kasama sa piitan. Habang kaswal siyang naglalakad sa pasilyo ng kulungan, naroon nakatingin sa kanya ang mga presong nasa loob na kanikanilang piitan. Bata, matanda, at kung ano anong lahi ng mga preso. Para itong mga maninila na kung pakakawalan mo, ay maghahasik ng karahasan. Ngunit, nginisian lamang ni Kane ang mga ito. Alam niyang alam ng mga preso na hindi siya kriminal, at naparito lamang dahil sa utos ng ama. Nang makalagpas siya sa pasilyo ng kulungan, kaswal siyang kumatok sa bakal na pintuan na nasa dulo nito. Sa gilid ng pintuan na ito, may isang maliit na Kamera na nagsisilbing paunang seguridad para hindi ito mabuksan. Itinapat niya rito ang kanyang gitnang daliri, at bahagya itong iwinagayway. At doon sa maliid na radyo sa taas ng kamera, narinig niya ang pagtawa ng nakatatanda niyang kapatid. “'Wag mo 'kong tinatawa-tawanan diyan, Adrian. Buksan mo 'to.” Buryong utos niya sa kanyang Kuya. Muling tumunog ang radyo, at doon niya narinig ang boses nito. “Bubuksan ko 'to, kung tatawagin mo 'kong Kuya. AHAHAHA.” Pang aasar nito sa kanya. Suminghal naman si Kane dahil sa narinig. “Tigilan mo 'ko, Adrian. Baka nakakalimutan mo, may kasalanan ka pa sa'kin.” Pabalik na sagot ni Kane, habang pinipigilan mainis nang tuluyan. “Sows, wala kong kasalanan sa'yo, pero sa batang 'yon, meron. Ano nga ulit pangalan non? Keith ba? Malay ko bang maraming malibog dito sa kulungan, at napag tripan siya.” Pagpapaliwanag ni Adrian, bago pinindot ang butones na nagbukas sa bakal na pintuan. Kaagad na pumasok si Kane, at kaswal na naupo sa isang pang-opisinang upuan. Kaswal niyang hinarap ang nakatatandang niyang kapatid, at nagsalita. “Siguro naman nakuha mo na yung records niya?” Pagpapasawalang bahala niyang tanong, animoy wala silang ginagawang krimen. Bahagyang kumunot ang noo ni Kane nang marinig niyang sarkastikong tumawa ito. “Naman! Alam mo bang sabi dito? Drug addict daw 'yang Keith, AT pumatay pa! Napaka inosente pa naman ng pigura niya. Naalala ko lang nung nakaraang linggo, sobrang higpit makayakap sa'kin—” Pabigla-biglang paliwanag ni Adrian, na ikinakulo ng dugo ni Kane. “Alam na namin, Adrian. Tinatanong ko 'yung records niya, hindi yung kung pano kayo magkayakap, gago.” Mahinahon, ngunit nakakapangilabot kung ilalarawan ang boses ni Kane. Maging ang nakatatandang kapatid niya, ay napaurong dahil sa lalim ng boses niya. Pilit na humagikhik si Adrian bago tumikhim. Tinignan niyang mabuti ang papel na may talaan, tungkol kay Keith. “Well, batay dito, labing walong taong gulang na si Keith. Nakakapagtaka't ang liit-liit niya para sa edad niya. Base din dito, iskolar daw siya sa isang unibersidad. Ang ipininagtataka ko pa, bakit parang napakalayo naman ng lokasyon niya dito. Malamang sa malamang, hindi taga dito ang bata na yan.” Panimulang pagpapaliwanag ni Adrian, habang nakataas ang kilay. Lalo namang kumunot ang noo ni Kane dahil sa pagkalito. “Anong ibig mong sabihin? Pupwede ba 'yan?” Kaagad na tanong ni Kane, na ikinailing ni Adrian. “Malinaw na hindi siya taga dito, dahil batay sa records niya, taga malayong probinsya siya. Hindi naman malabong inilipat siya dito kase walang kulungan ng mga preso sa kanila.” Paglilinaw ni Adrian, na ikinatango naman ni Kane. “'Wag ka na mag-alala. Si Papa na bahala sa records niya. Madali lang naman magbago ng pangalan. Atsaka, isang bangkay lang naman ang katumbas ng pagtakas niya. Na sasakin na din 'yung records ng bangkay. Pwede na tayong umalis dito bukas na bukas.” Nakangising pagtatapos ni Adrian. Napatango na lamang si Kane, at sumandal sa likod ng upuan. Mukhang nakapag desisyon na nga silang isama si Keith. Gayon pa man, hindi nila tiyak kung sang-ayon ba si Keith sa desisyong ginawa nila. -_- Nang pumatak na ang oras ng tanghalian, kaswal na bumalik si Kane patungo sa kanilang selda. Kagat-kagat niya ang loob ng kanyang pisngi, at tahimik na nag-iisip, habang ang mga kamay niya ay nakapasok sa kahel niyang pajamas. Hindi alintana ang mga presong maya-maya ay minumura siya. Nakakaawa ang tingin niya sa mga ito. Naghalong mga inosenteng tao at mga demonyo. Masyadong puno ang isip ni Kane ng mga larawan ni Keith. Hindi niya mai alis ang mga halo-halong larawan ni Keith. Masyado na siyang binabagabag ng mga ito. Naalala niya na noong unang salta pa lamang nila, ay nagkasundo na sila na huwag mamamansin ng iba, maliban sa kanila. Ngunit isang araw lang nang dumating si Keith, puno ng pasa at marurumi't malalaswang marka, pagkaawa kaagad ang naramdaman niya. Gayon pa man, dahil sa kasunduang ginawa nila, pilit niyang iniwasan ang binata. Lalo na nang una niya itong narinig na umiiyak. Pagkairita ang naramdaman niya. Sinubukan niyang iwasan si Keith, ngunit wala pang araw, ay kinaibigan na kaagad ng magnobyo. Wala sa plano nila ang makipagkaibigan. Ano pa ang isama ito sa gagawin nilang pagtakas. Nang makabalik siya sa kanilang selda, kaagad niyang binuksan ang pintuang rehas. At sa pagpasok niya, bahagya siyang umiling nang marinig niya ang ungol ng dalawa. “Magtatanghalian na. Tumigil muna kayo diyan.” Aniya habang pinupukpok ang bakal nilang kama. Gulat na umupo si Shane mula sa pagkakapatong kay Jake. Halata pa ang kaunting pamamaga ng mapupulang labi niya, pati na rin ang mga matitingkad na bakas ng mga paghalik sa kanya ni Jake. Pinalo niya pa ito sa dibdib nang marinig niyang tumawa ito. “Damuho ka! Anong tinatawa-tawa mo diyan? Mauna na nga muna ako!” Pikon na ani ni Shane. Namumula pa ang mga pisngi niya nang tumayo siya, at nilisan ang kama nila. Hindi naman nagpahuli si Jake, at tumayo na din. “Wait lang, Babe! Sama 'ko! Ikaw nga yung unang humalik sa'kin, eh!” Natatawang ani ni Jake, at pinuntahan ang nanggigigil niyang nobyo. Muling napailing si Kane dahil sa inaasal ng magnobyo. Maya-maya pa, ay bahagyang dumapo ang mga mata niya kay Keith. Payapa itong natutulog, habang yakap-yakap ang unang ipinahiram niya kanina. Hindi namamalayan ni Kane na may matipid na ngiti na siya sa kanyang mga labi. Sa ngayon, ay hindi maiwasang mapaisip ni Kane na kung sa paggising ng binata, ay gugustuhin ba nitong sumama sa kanila. Dahan-dahang umupo si Kane sa gilid ng kama ni Keith. Ayaw pa sana niya itong gisingin, ngunit kailangan dahil magtatanghalian na. Marahan niya itong tinapik sa braso, at nagsalita. “Keith...” Aniya, ngunit wala itong anumang reaksyong ginawa. Bahagya niyang nilakasan ang pagtapik, hanggang sa umungot si Keith sa kanyang pagtulog. “Gumising ka na diyan. Magtatanghalian na.” Usal ni Kane nang may kalaliman, ngunit hindi pa din ito nagpapatinag. Gumulong pa ito papunta sa kanya, at binuro ang mukha sa unan niya. Dahil sa irita, ay napapikit na lamang si Kane. Hindi siya makapaniwalang nagmimistulang bata na naman ito. Napailing na lamang siya, at bahagyang minasahe ang sintido. Lumipas pa ang isang minuto, at hindi pa din ito gumagalaw mula sa pagkakahiga. Napatingin na lamang si Kane sa nakaburong mukha ni Keith. Buong minuto niya itong pinagmasdan, hanggang sa unti-unti na niyang inilalapit ang mukha niya sa tainga nito. Nang dahil sa lapit nang mukha niya sa ulo ni Keith, hindi niya naiwasang malanghap ang kakaibang amoy nito. Sigurado siyang mint ang shampoong ginagamit nila araw-araw. Strawberry? Tanong niya sa isip, at patuloy na nilanghap ang kakaibang aroma ni Keith. Para siya nitong hinahatak papalapit upang maamoy ito. Kaagad na napailing si Kane dahil sa nagawa. Mabilis niyang tinanggal ang mga bagay-bagay sa isip niya, bago niya marahang inihipan ang tainga nito. At dahil dito, napansin niyang nanginig ito, at unti-unti nagising. “Gumising ka na. Kapag tayo naubusan ng pagkain, malalagot ka sa'kin.” Mahinang ani ni Kane, at muling umihip sa tainga ni Keith. Dahil sa kaba, tuluyang napaupo si Keith mula sa pagkatulog. Gulo-gulo pa ang buhok niya, at pikit-pikit pa ang mga mata dahil sa antok. “Hmm.” Huni niya, at kaagad na kinusot ang mata, animoy bata na ginigising ng mama niya para pumasok na. Ilang segundo pa, ay tuluyan nang dumilat si Keith. Kaagad na nag init ang mga pisngi niya, at napayuko nang makitang nakatitig sa kanya si Kane. “K-kane, anong oras na?” Tanong niya nang mapansing medyo maliwanag na. “Kakasabi ko pa lang na magtatanghalian na.” Ani ni Kane, habang nakatitig sa mukha nito. Lalo pang namula ang pisngi ni Keith sa kahihiyan, kaya naman muli siyang nag isip ng maitatanong. “Kane?” Paninimula niya nang hindi ito nililingon. “Nasan sina Shane?” Doon na tumayo si Kane, at nag-unat ng braso. “Nauna na sa labas. Bumangon ka na riyan, kung ayaw mong maiwan mag isa dito.” Pababalang ani ni Kane, bago nagsimulang lumakad papunta sa rehas na pintuan. Dahil sa takot, mabilis na tumayo si Keith mula sa kama niya, at kaagad na sumunod sa likod ni Kane.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD