CHAPTER EIGHTEEN
"DOMING, ikaw na muna ang mag deliver nito doon sa Barangay Pag-asa at Barangay Syete. Nagkasakit kasi si Allan kaya absent siya ngayon." Anang Tomas kay Dom nang paparada na sana siya dahil tapos niya na ang kaniyang trabaho sa araw na ito.
Ganito ang kalakaran nila sa trabaho, dahil may kaniya-kaniya silang lugar na pagdi-deliver-ran, magiging full na 'yong attendance nila sa isang araw kapag natapos na nila ang assignment kahit na anong oras pa nila ito matatapos.
Ngunit ngayon, mukhang mapapa-over time na naman siya nito. Sanay naman na siya sa ganito ngunit mas maganda pa rin 'yong walang over time dahil mas maaga siyang makakauwi sa bahay niya upang makapagpahinga.
"Huwag kang mag-alala dahil habang ikaw ang gumagawa sa assignment ni Allan, 'yong sweldo niya sa iyo mapupunta. Bale, magiging doble ang sahod mo." Dagdag pa ni Tomas dahilan upang magliwanag ang napapagod nang mukha ni Dom.
"Salamat po, Sir." Masayang tugon niya matapos marinig ang sinabi ng amo.
Ito ang magandang katangian ni Tomas bilang amo. Hindi abusado sa mga trabahante at hindi kuripot. Maalaga rin ito sa mga masipag na manggagawa tulad ni Dom, at minsan may pa-bonus pa kung mas magiging malaki ang kikitain nito kaysa sa inaasahan sa isang buwan.
Kaya naman matapos malamang magiging doble ang kaniyang sahod sa araw na ito ay kaagad na kinuha ni Dom ang mga idi-deliver niya sa dalawang Barangay na assignment ng kasamang nag-absent.
Madali lang naman ito dahil sa isang Barangay, ay hindi naman hihigit sa dalampong tindahan ang pagdi-deliver-ran nila linggo-linggo. Kaya sa araw na ito, baka nasa tatlo o apat lang ang kaniyang gagawing delivery sa bawat Barangay. Kaya nasa anim na balikan lang siguro niya ito dahil malaki naman ang desinyo ng kaniyang chariot na dala.
Pero isa itong tricycle na kakaiba ang desinyo sa mga pampasahero. Motorsiklo lang kasi itong may maliit na trailer sa likuran, kaya nila ito tinatawag na chariot. At dahil mas malaki ito kesa sa mga normal na tricycle, kaya nitong kumarga ng deliveries para sa dalawang tindahan.
Matapos maiayos ang mga kargang deliveries ay umalis na si Dom sa tindahan ng kaniyang amo.
Pagkalipas ng apat na oras ay natapos na ring pag-deliver-ran ni Dom ang walong tindahan sa dalawang barangay na ito. Hindi niya alintana ang pagod sa walong beses niyang pabalik-balik sa dalawang barangay na iyon at sa tindahan ng kaniyang amo dahil naging doble naman ang kinita niya sa araw na ito. Kaya ang 200 pesos niyang sahod ay naging 400 pesos, bagay na napakalaki na para sa kanila.
Sa panahong ito kasi, nasa 500 lang ang isang sako ng bigas, 100 lang ang kilo ng karne ng baboy at baka, at hindi na sila bumibili ng mga gulay dahil may maliit na garden ang kaniyang magandang asawa sa likuran ng bahay nila.
At dahil 400 ang kinita niya ngayon, 200 din ang mapupunta sa kaniyang savings, 100 ang mapupunta sa ipapadala niya sa kaniyang mga magulang sa katapusan ng buwan.
Araw-araw kasi ibinigay ng kanilang amo ang kanilang sweldo, kasi naiintindihan nitong may araw-araw na pangangailangan ang mga tauhan. Kaya kung buwanan o kinsenas ang sahuran, siguradong magkakautang pa sila.
Pagkakuha niya ng kaniyang sahod ay kaagad na nagpaalam si Dom sa kaniyang amo at tumungo sa palengke upang bumili ng pang ulam nila. Matagal-tagal na rin kasin hindi sila nakakain ng karne, panay tuyo at gulay lang sila ng asawa kaya gusto niyang gumastos ng kahit isang daan lang para naman magiging masarap ang kanilang kain sa susunod na kainan.
Nang makarating sa palengke ay bumili si Dom ng kalahating kilong karne ng baboy at kalahating kilo rin ng isda. Pinagkasya niya nalang ang isang daan niya para maipon pa niya ang sobrang pera.
Mabuti nalang at extended pa ang bakasyon nila kahit na tapos na ang pasko at bagong taon, kaya kahit ginabi siya ng uwi ngayon, ay hindi na siya masyadong nagmamadali kasi wala naman siyang pasok.
Dahil naglalakad lang siya pauwi, inabot din siya ng halos kalahating oras bago makarating sa kanilang bahay.
Madilim na noon kasi pasado alas syete na rin kasi ng gabi. Ngunit nang makita niyang madilim pa sa kanilang bahay ay bahagyang napakunot ang kaniyang noo.
'Nag over na naman ba siya?' Tanong ni Dom sa kaniyang isip habang dahan-dahang binuksan ang gate ng bahay na gawa ng kawayan.
Tahimik siyang pumasok sa loob at binuksan ang ilaw.
Wala pa nga rito ang kaniyang asawa, kaya nilagay niya nalang sa kusina ang dalang karne at isda at pumasok sa kanilang silid higaan upang magbihis.
Pagkatapos ay bumalik na siya sa kusina upang magluto.
Habang naglilinis at naghihiwa ng isda at karne ay di mapigilan ni Dom ang sariling mapangiti. Sa isip niya, tiyak na matutuwa ang kaniyang asawa pag uwi nito dahil may nakahandang masarap na pagkain.
Simula kasi nang matanggap ito sa trabaho bilang salesgirl ng San Diego City Mall, ay palagi na itong pagod sa tuwing uuwi ng bahay.
Naiintindihan niya naman ito dahil alam niyang hindi rin talaga biro ang trabaho ng mga salesgirl at salesman dahil halos buong araw na nakatayo ang mga ito. Isa pa, isang linggo palang sa trabaho ang asawa kaya naninibago pa ang katawan nito.
Kaya kahit na isang linggo na rin siyang hindi pinagbigyan ng asawa sa tuwing nangangalabit siya rito kapag nakaramdam ng init sa katawan, ay inintindi niya pa rin ito. Hindi niya na rin ito pinipilit, kasi kaya niya namang magsarili kung kinakailangan. Ganito niya kamahal ang asawa, at ganito kalaki ang respeto niya rito.
Pagdating ng alas otso ng gabi ay natapos nang magluto si Dom, at kahit na nakaramdam na siya ng gutom, dahil na rin ito sa pagod niya sa buong maghapong pagta-trabaho ay pinilit niya pa ring huwag muna kumain dahil gusto niyang hintayin ang asawa. Gusto niyang sabay silang kakain.
Ngunit nag-a-alas nuebe nalang ay wala pa rin ang asawa.
Ilang ulit na rin siyang lumabas ng bahay upang tingnan kung dumating na ba ito ngunit wala siyang nakikita maliban sa ilang mga tambay na nag-iinum sa isang kanto.
Maya-maya lang narinig niyang may humintong sasakyan sa tapat ng kanilang bahay kaya mabilis siyang lumabas upang tingnan kung sino ito. At gano'n nalang ang pasasalamat niya nang makitang bumaba si Matilda mula rito. Nakita niya ring isang babae ang driver kaya hindi na siya nag-isip ng masama sa asawa.
Oo nga at mabait siyang tao, pero tao pa rin siya. At nagsisinungaling siya kung sasabihin niyang hindi kailan man sumulpot sa kaniyang isip ang pagdududa sa kasalukuyang inaakto ng kaniyang asawa, lalong lalo na kapag hindi siya nito pinagbigyan sa tuwing gusto niyang makaniig ito.
Pero dahil malaki ang tiwala at respeto niya rito ay palagi niyang inaalis sa isip ang mga ganitong pagdududa dahil wala naman itong katuturan.
"Salamat, Ma'am." Sigaw pa ni Matilda sa babaeng nasa driver's seat ng kotse naghatid nito nang umusad na iyon paalis.
"Ginabi ka yata, Mahal." May pag-alalang tanong niya sa asawa at nilapitan ito sabay kuha sa dala nitong malaking paperbag.
"Over time na naman. Alam mo na, palaging may audit na gagawin pagkatapos ng out. At saka isang oras din ang byahe pauwi. Kaya nga naisipan kong mag-apartment nalang sana." Tugon naman ng asawa niya habang nauna nang maglakad papasok ng bahay.
Hindi nakapagsalita si Dom nang marinig ang sinabi ng asawa.
Ayaw niyang mangungupahan ito malapit sa trabaho dahil halos wala na nga silang panahon sa isa't isa, magkakalayo pa sila kapag nagkataon. At saka nasa sentro ng lungsod ang Mall na pinagta-trabahuan nito kaya malapit sa mga kalayawan, baka mapa-barkada pa ito roon at magbi-bisyo.
Hindi naman pwedeng sasamahan niya ito roon dahil maiiwan niya ang trabaho rito na siyang bumubuhay sa kanila nitong mga nagdaang mga buwan mula nang naging mag-asawa sila.
Pero sa kabilang banda, ayaw niya ring maging selfish. Alam niyang nakakapagod ang ginagawa nitong pagba-byahe ng mahigit isang oras sa umaga papunta sa trabaho at mahigit isang oras na namang byahe pauwi. At palagi pa itong ginagabi dahil panay over time sa trabaho.
"Baka nagugutom ka na, Mahal. May niluto akong masarap na ulam, ang paborito mong adobo at paksiw na isda." Pang-iiba niya ng usapan nang makapasok na sila sa loob ng bahay.
"Gumastos ka na naman ng pangbili mo niyan? Alam mo namang wala pa tayong pero diba? Baka akala mong nakapag-trabaho na ako, eh pwede kanang gumastos nang gumastos. Alalahanin mo, wala pa akong sahod, kaya 'yong ipon natin ang ginagamit kong panggatos sa pagkain at pamasahe ko. Eh kung maubusan tayo ng pera dahil sa kakabili mo ng mga pagkaing 'yan na pwede namang tuyo at gulay nalang? Hihinto ako sa pagta-trabaho dahil walang pamasahe at panggatos para sa pagkain? Tapos ano? Magpapatuloy tayo sa buhay na ito?" Mahabang sabi nito habang naiinis na pumasok ng kanilang silid. Kaya dali-dali niya itong sinundan dahil ayaw na ayaw niya ang ganito na magagalit ito sa kaniya.
"Mahal naman." Tugon niya rito at akmang magpapaliwanag na sana ngunit nagpatuloy na naman ito sa pagsasalita.
"Pagod na ako sa ganitong buhay natin, Dominic. Kung kontento ka sa ganito, ako hindi. Minsan nga nagsisisi ako kung bakit pumayag akong mag-asawa ng maaga kahit na hindi pa tayo nakapagtapos o nakahanap man lang matinong trabaho." Wika pa nito habang hinuhubad ang mga damit upang magbihis. "Hindi ganitong buhay ang gusto ko." Dagdag pa nito dahilan upang napatingin na lamang si Dom sa sahig.
Inaamin niyang biglaan 'yong naging kasalan nila. Pero hinding hindi niya iyon pinagsisihan, bagkus ay ikinatuwa niya pa ito dahil makakasama niya na ang babaeng minahal habangbuhay. Ngunit nang marinig niya sa labi ng asawa na nagsisisi pala ito sa naging desisyon na magpakasal sa kaniya ay parang dinurog sa sakit ang puso ni Dom.
Akala niya kasi okay lang sila.
Akala niya kasi handa siya nitong samahan sa hirap at ginhawa na siya namang pinakita nito sa loob ng halos isang taong pagsasama nila bilang mag-asawa.
Akala niya sabay silang tatapos ng pag-aaral at aahon sa hirap.
Pero pagod na pala ito sa buhay nila? Hindi ba nito na appreciate ang paghihirap na ginawa niya mabigyan lang ito ng simple ngunit masayang buhay?
"Tatlong semester na lang naman, magtatapos na tayo." Tugon naman niya sa mahinang boses.
"Matagal pa 'yon." Galit nitong pambabara sa kaniya dahilan upang matahimik na naman siya. "At sa tingin mo pag nakapagtapos na tayo magiging mayaman na agad tayo? Wake up, Dom. Hindi gano'n kadali 'yon." Dagdag pa nito.
Napabitiw nalang ng malalim na buntong hininga si Dom nang marinig ang tugon nito.
Dati-rati, sabay pa silang mangangarap ng gising sa kung ano ang gagawin nila pagkatapos nilang mag-aral.
Ang tanging pagtatalunan nila noon ay tungkol lamang hindi magkaparehong mga plano nila. Si Matilda ay gusto lang mamuhay ng simple habang magta-trabaho bilang guro. Siya naman ay gustong mag negosyante. Tapos magtatalo sila kung sino ang kukunin nilang mga mapagkakatiwalaang empleyado.
Gano'n ka simple ang buhay nila. Ngunit ngayon, simula nang makapag-trabaho ito ay wala na ang gano'ng moment nila.
Wala na 'yong panahong palagi silang nangangarap nang gising.
At napakasakit nito para kay Dom. Hindi niya masyadong napansin ang lahat, ngunit nitong mga nakaraang araw ay nagbago na si Matilda.
Maliban sa wala na itong panahon sa kaniya, ay madali na rin itong magalit sa kaniya.
Tulad ngayon.
Gumastos lang naman siya ng isang daan para sana makakain din sila ng masarap bilang pambayad sa pagod nila sa buong araw na pagta-trabaho.
At saka galing naman 'yon sa over time niya. Hindi 'yon galing sa regular na sinasahod niya.
"Patayin mo na 'yang ilaw, matutulog na ako dahil pagod ako." Matigas nitong utos sa kaniya habang humiga sa kanilang higaan. Katatapos lang nitong magbihis at nailigpit na rin nito ang hinubad na damit.
"Kakain muna tayo. Masarap 'yong niluto ko." Mahina niyang tugon habang tinitigan ito, ngunit nang pukulin siya nito ng matalim na titig ay agad siyang napatingin sa sahig.
"Tapos na kaming kumain ng amo ko sa labas kaya busog na ako." Tugon naman nito at inis na kinumutan ang sarili sabay talikod sa kaniya.
'Amo? Lalaki ba 'yon o babae?' Tanong ni Dom sa isip. Gusto niya sana itong itanong sa kabiyak pero baka magalit na naman ito at mapagsasabihan na naman siya ng masakit.
"Mahal naman. Hindi naman kasi galing sa regular na sinasahod ko 'yong pinambili ko ng karne at isda. Absent kasi si Allan kanina, 'yong isa kong kasama sa trabaho, kaya ako ang gumawa sa kaniyang trabaho kaya dinoble ni Sir Tomas 'yong sahod ko. Kaya ginastos ko ang isang daan para naman kahit papaano ay makakain tayo ng masarap na ulam. Pambayad na rin 'yon sa sarili natin dahil sa buong araw na pagta-trabaho." Mahinahon niyang sabi rito.
Ngunit hindi man lang ito gumalaw sa pagkakahiga. Ipinikit lang nito ang mga mata na parang walang narinig.
"Sige na, mahal. Kain na tayo." Mahina niyang pangungulit dito.
"Busog na ako sabi, eh! At pagod ako kaya gusto ko nang magpahinga! Intindihin mo naman ako! Kung gusto mong kumain, eh di kumain kang mag-isa! Hindi ko naman dala-dala 'yang niluto mong pagkain!" Pabulyaw nitong tugon sa kaniya sabay balikwas ng bangon at padabog na tumungo sa switch ng ilaw ng silid nila at in-off iyon. Tapos ay bumalik sa ito sa paghiga.
Dahil sa tinuran nito ay biglang tumulo ang luha ni Dom.
Gusto niya sanang tanungin kung anong nangyari bakit bigla nalang itong naging ganito.
Pero dahil sa takot na baka mas magagalit pa ito ay hindi na lang siya umimik.
At kahit na nagugutom na sana ay humiga nalang din siya sa tabi nito. Ngunit nang maramdaman nitong tumabi siya rito, ay umusod ito palayo sa kaniya. Nang sumunod siya rito ay umusod na naman ito hanggang na nasa pader na ito.
Buti nalang at wala silang kama, kung hindi ay nahulog na sana ito.
"Ano ba, Dominic?! Pagod ako!! Ano bang hindi mo naiintindihan do'n?!" Pagalit na bulyaw nito sabay sipa sa kaniya palayo rito.
"Ano bang nangyari sa 'yo, Mahal? Wala naman akong ginawang masama, ah." Garalgal ang boses na sabi niya dahil labis na siyang nasasaktan sa ginagawa nito.
"Huwag ka ngang mag-drama riyan?! Pagod ako at gusto kong magpahinga dahil maaga na naman akong gigising bukas. Kaya kung ayaw mong do'n ako matutulog sa bahay nina Nanay at Tatay, huwag mo akong istorbohin." Paangil na sabi nito sa kaniya at binalot ng kumot ang sarili sabay takikod ulit sa kaniya.
Wala naman nang nagawa si Dom kung hindi ang humiga na lamang nang malayo sa asawa.
At habang nakatingin sa madilim na bobong ng bahay na walang kisame, ay patuloy ang pagtulo ng kaniyang luha.
Hindi niya alam kung anong nakain ng kaniyang asawa at bigla nalang nag-iba ang ugali nito.
May nangyayari kayang hindi maganda sa trabaho nito?