17: The Past Part 2

2560 Words
CHAPTER SEVENTEEN "OUR BOSS likes you." Namilog ang mga mata ni Matilda sa gulat nang marinig ang sinabi ng isa sa dalawang lalaking bigla nalang lumapit sa kaniya upang tanungin ang kaniyang pangalan at Address. "So, tell us your name and address and you will thank us later." Dagdag naman ng kasama nito. "Hindi ko alam ang pinagsasabi ninyo. At wala akong panahong makipagbiruan. Umalis nalang kayo rito kung ayaw ninyong makita ng asawa ko," tugon naman ni Matilda habang pilit na kinakalma ang sarili. Hindi niya kilala ang dalawang lalaking ito kaya pinilit nalang niya ang sariling magtimpi, dahil kung tatarayan niya ang mga ito, baka ano pa ang gagawin ng mga ito sa kaniya. Mag-isa lang din kasi siya sa bandang ito ng beach dahil nasa kanilang cottage pa ang kaniyang mga kasama, at si Dom naman ay nasa kusina tumutulong sa pagluluto ng kanilang tanghalian. Kaya kung may masamang gagawin sa kaniya ang dalawang lalaking ito, tiyak na walang makakatulong sa kaniya. "Nakikita naming nakatingin ka sa mansyon na 'yan. Gusto mo bang pumunta riyan? Bahay 'yan ng Boss namin." Pangungulit pa ng lalaking unang nakipag-usap sa kaniya. "Excuse me, po. Wala po akong panahon sa ganitong kalokohan." Tugon nalang niya at mabilis na umalis sa harapan ng dalawa at tumungo sa cottage kung saan naroon ang kanilang mga kasama. Nakahinga naman siya ng malalim nang hindi na siya sinundan ng dalawa. At nang sulyapan niya ang mansyon na sinabi ng dalawa na pag-aari ng Boss nila, ay may nakita nga siyang lalaking nakatayo sa may veranda nito. Dahil medyo malayo ay hindi na niya makita ang mukha nito. Ngunit base sa kung saan ito nakaharap ay masasabi niyang nakatingin ito sa banda niya. Totoo kaya 'yong sinabi ng dalawang lalaki? "Sino 'yong mga 'yon? Binastos ka ba nila?" Muntik nang mapatalon sa gulat si Matilda nang marinig ang seryosong boses ni Dom. Nakatingin ito sa dalawang lalaking kumausap sa kaniya kanina na ngayon ay paalis na ng resort. "Hindi naman. Tinanong lang nila ang pangalan ko. Hindi ko alam kung bakit, dahil umalis agad ako." Tugon naman niya sa asawa. "Tapos na ba kayong magluto?" Pag-iiba niya ng usapan. "Hindi pa, pinuntahan lang kita rito para i-check kung okay ka lang." Seryosong tugon nito na hindi pa rin inaalis ang tingin sa dalawang lalaking kumausap sa kaniya kanina. "Sigurado ka bang hindi ka binastos ng mga 'yon? Baka tinakot ka lang nila?" Tanong pa nito. "Hindi nga sabi. Kung binastos nila ako, hihingi naman ako ng tulong sa mga katrabaho mo." Medyo inis niyang tugon sa asawa dahilan upang matahimik ito. At upang mawala ang tensyon sa pagitan nila ay niyaya nalang ni Dom ang asawa na maligo sa dagat habang naghihintay silang maluto ang tanghalian. Dahil nakakubli pa sa manipis na ulap ang araw ay pinaunlakan nalang din ni Matilda ang asawa at sinamahan itong maligo. Napakasaya nila nang mga sandaling 'yon. Dahil maliban sa first time ni Dom na maligo sa dagat, ay first time din nilang dalawang magkasama sa ganitong okasyon. Kinagabihan, naging masaya at kasiya-siya naman ang kanilang Christmas Party. May exchanging gift at may mga palaro at parlor games na sinalihan nang lahat na may prices na pera. Kaya pagkatapos ng party nila ay nanalo ng mahigit isang libo ang mag-asawang Dom at Matilda, dahilan upang mas na-enjoy nila ang party na iyon. Kinabukasan, muling naligo sa dagat ang lahat. Pagkatapos ay nag-agahan sila at naligo na naman hanggang tanghali. Sinulit na nila ang pagkakataon dahil minsan lang mangyayari ang ganito sa buhay nila. Pagkatapos naman nilang mananghalian ay bumalik na sila sa lungsod ng San Diego kung saan balik na naman sa dati ang kani-kanilang mga buhay. Trabaho. Trabaho at maraming trabaho. Mabuti nalang at Christmas Break nila kaya nakapagpahinga rin kahit papaano si Dom. Dumaan ang isang linggong naging matiwasay ang pamumuhay ng batang mag-asawa. Hanggang sa isang araw, habang nasa isang grocery store si Matilda upang mamili ng mga sangkap panghanda nila sa darating na bagong taon, ay may isang magandang babaeng lumapit sa kaniya. "Hi. Ikaw ba si Matilda Nuñez?" Tanong ng magandang babae habang nakangiti. "Opo, ako po." Magalang namang tugon ni Matilda dahil kagalang-galang din naman kasi ang postura nga babae. At Nuñez pa ang dinadala niyang apilyedo dahil hindi pa dumating ang kanilang Marriage Certificate ni Dom. Isa pa, ito rin kasi ang ginagamit niya paaralan. Magastos ng pera at panahon kapag papalitan niya kaya hindi na muna niya dinala ang apilyedo ng asawa. Tumingin muna sa kaniyang paligid ang babae, at nang makitang abala ang lahat sa pamimili ng kani-kanilang gustong bilhin ay saka ito sumagot. "Interesado kasi sa 'yo ang Boss namin. Dahil dito, may ino-offer siyang trabaho para sa 'yo. Nasa sa 'yo na ito kung tatanggapin mo o hindi. Pero sana pag-isipan mo dahil bihira lang ang ganitong opportunity." Matamis ang mga ngiting sabi ng babae. Napataas naman ang kilay ni Matilda nang marinig ang sinabi nito. Nawala ang ngiti sa kaniyang mga labi at biglang sumeryoso ang kaniyang mukha habang bumalik sa kaniyang isipan 'yong nangyari sa island resort na pinuntahan nila no'ng nakaraang linggo. Naisip niyang baka kasama ng dalawang lalaking iyon ang babaeng kaharap niya. Baka may masama nga itong balak sa kaniya dahil hanggang dito ba naman ay sinusundan siya. At isa pang ipinagtataka niya ay kung paano nito nalaman ang kaniyang pangalan? "Para patunayan sa iyo na totoo ang sinabi ko, 'eto, tanggapin mo ito at kung makakapagpasya kang tanggapin ang alok naming trabaho sa iyo, dalhin mo ito at ipakita sa manager o kahit na sinong manggagawa ng San Diego City Mall. Sa araw ding 'yan, magkakaroon ng trabahong malaki ang kikitain." Dagdag pa ng babae sabay abot sa kaniya ng isang kulay itim na parang ID card. Tinitigan lang ni Matilda ang babae at ang inaabot nitong laminated card. Naisip niyang wala naman sigurong masamang gagawin ang babae sa kaniya dahil nasa loob sila ng grocery store. May bantay rin sa labas kung sakali man. Kaya tinanggap niya nalang ang card at dali-daling umalis sa harapan nito. Hindi naman na siya sinundan ng babae. Sa halip ay lumabas lang ito ng grocery store na parang walang nangyari. Habang pumipila sa counter upang bayaran ang kaniyang binili ay hindi maiwasang tingnan ni Matilda ang laminated card na ibinigay ng babae sa kaniya, at gano'n nalang ang gulat niya nang makitang nakasulat pala sa likuran nito ang kaniyang Pangalan at may 1x1 ID picture pa siya rito na hindi niya alam kung saan kinuha nang kung sinong gumawa ng card na ito. Kanina kasi nang inabot ito sa kaniya ng babae ay ang harapang bahagi lang nito ang nakita niya kung saan nakasulat sa malalaking letra ang "San Diego City Mall" Special Employee Card. Tapos may nakalagay na "Antonio Romano" sa bottom right ng card at may pirma pa ito. Nang tingnan niyang muli ang likuran nito kung saan nakalagay ang pangalan, address at larawan niya, ay nakita niyang may nakalagay na "Employee" sa ibabang bahagi ng pangalan niya. 'Kailan pa nila ako naging empleyado?' Takang bulong hindi sa isip habang tinitigan pa ring maigi ang card. Saka lang siya napatigil sa pagtitig dito nang matapos nang makapagbayad ang babaeng sinundan niya. Hanggang sa pag-uwi ni Matilda ay nanatiling gumugulo sa kaniyang isipan ang mga nangyayari. At upang bigyang kasagutan ang ilang mga katanungang gusto niyang malaman, nakapagpasya siyang pumunta sa San Diego City Mall kinabukasan. Syempre, hindi niya sinabi ang lahat kay Dom. Ang tanging sinabi niya lang sa asawa ay mag-a-apply siya ng trabaho para matulungan ito sa mga gastusin sa bahay nila. Ayaw sana nito, ngunit dahil nagpupumulit siya ay wala na itong nagawa. Kaya kinabukasan, pagpunta ni Dom aa trabaho ay nagbihis na rin siya at tumungo sa San Diego City Mall. May kalayuan din ito sa barangay kung saan sila nakatira, kaya gumugol muna siya ng isa't kalahating oras na byahe sakay ng bus bago makarating sa sentro ng lungsod kung saan naroon ang malaking mall. Pagkababa ng sinakyang bus ay nilakad niya na lang ang Mall dahil malapit lang naman ito. At pagdating niya roon ay agad siyang lumapit sa isang guard at pinakita ang dalang card na binigay sa kaniya no'ng babae kahapon. Ilang segondong pagsusuri lang ay isinauli agad ng guard sa kaniya amg card. Akala niya papaalisin na siya nito ngunit may kinausap pala ito sa two-way radio, at maya-maya lang ay nilapitan na sila ng isang pamilyar na mukha. "Hi. I am glad that you came." Nakangiting sabi ng babaeng nagbigay sa kaniya ng card kahapon. "Promise, hinding hindi mo pagsisisihan ang ginawa mong desisyon ngayon." Dagdag pa nito at inakay siya papasok ng Mall at sinamahan patungo sa elevator. Sumakay sila rito, at maya-maya lang, ay huminto na ito sa ikaapat na palapag ng mall kung saan naroon ang opisina ng management nito. Naglakad sila sa maluwang na pasilyo na may mga pintuan ng mga opisina nga iba't ibang departments ng management ng Mall. At sa pinakadulo niyon ay naroon ang napakaluwang at napakagarang CEO's Office. Parang nanliliit si Matilda nang pumasok siya rito. Napakalaki kasi ng opisina na ito. Kumikintab sa linis ang marmol nitong sahig, at nakakalulang tingnan ang mamahaling mga paintinga na ginawang dekorasyon sa pader ng buong silid. Sa bandang kanan ng opisinang ito ay may dalawang pintuan. Ang isa ay pintuan ng conference room at ang isa ay pintuan ng main office ng CEO. Dahil pumasok ang kasamang babae sa main office ng CEO ay wala nang nagawa si Matilda kung hindi ang sumunod na lamang dito habang namumutla na sa kaba. "Boss, she's here." Nang makapasok sila ay agad na lumapit ang babae sa isang middle aged na lalaking nakaupo sa isang mala-tronong executive chair. Nakayuko ang ulo nito habang nagsasalita, tanda kung gaano kataas ang posisyon ng lalaking tinawag nitong Boss. "Mmm." Tipid na tugon ng lalaki sabay angat ng tingin dahilan upang magkasalubong ang kanilang mga mata. Halos mapasinghap naman sa gulat si Matilda nang mapantantong napakagwapo pala ng lalaking ito. Inakala niya kasing isang matandang kulubot ang Boss na sinasabi ng babae. Ngunit sino bang mag-aakalang napakakisig pala nito? "You may go out now." Seryosong wika ng Boss sa babaeng kasama niyang pumasok dito na agad namang sinunod nito. Bigla naman siyang kinabahan nang mapagtantong silang dalawa lang ng Boss ngayon ang natira sa opisina nito. 'Lagot.' Kinakabahan at takot niyang bulong sa isip habang tinitigan ang babaeng kakalabas lang ng pintuan. "So, your name is Matilda." Sabi ng Boss sabay tayo sa magarang upuan nito at dahan-dahang lumapit sa kaniya dahilan upang mapaatras siya patungo sa pintoan. "Isn't it a bit old fashioned to use such name to a beauty like you?" Wika pa nito habang tinitigan siya ng mataman. "Don't worry, I won't do anything bad to you." Dagdag pa nito nang makitang namumutla siya at parang natatarantang tinutulak ang pintoan ng opisina nito na sa kasamaang palad ay ayaw bumukas. "A-anong kailangan ninyo sa akin?" Sa kabila ng kabang naramdaman ay tanong niya rito habang inihanda ang sarili sa kung anuman ang mangyayari. Sa loob ng isip niya ay labis ang kaniyang pagsisisi kung bakit siya pumunta rito. Mukhang isa lang palang patibong iyong laminated card na ibinigay sa kaniya. At siya namang isang gaga ay nahulog din agad sa bitag na iyon. Kaya ngayon, heto siya at parang dagang na-corner ng isang pusang gutom. "I like you, Matilda." Diretsang tugon nito dahilan upang mas lalo pa siyang kabahan. "The moment I lay my eyes on you on that beach, I was immediately infatuated by your innocent beauty." Dagdag pa nito. "But then I was disappointed to know that you're already married, however, I am not used to not getting the things that I want." Patuloy pa nito habang nakapamulsang nakatingin sa kaniya. "So, how much do I need to pay you for you to leave your poor husband? And how much would it cost me for you to be mine?" Walang preno ang bibig na tanong nito. Para namang biglang nabingi si Matilda nang marinig ang sinabi nito. Umigting ang kaniyang mga bagang at nagtatagis ang kaniyang mga ngipin dahil sa galit. Kinuyom niya ang kaniyang mga kamao at biglang sinugod ang Boss. Ngunit bago pa lumapat sa mukha nito ang kaniyang kamao, ay nahawakan na nito ang kaniyang kamay. At sa lakas nito, kahit anong gawin niya ay hindi siya nito mabitiwan. "Bitiwan mo ako!" Matapang na wika niya habang pilit na binabawi ang kamay mula sa pagkakahawak nito. Ngunit kahit anong pilit niya ay hindi siya nito bunitiwan. "Come on. Wag na tayong maglokohan pa. Money can buy everything as long as you'll name your price." Aroganteng sabi nito habang nakangisi sa kaniya. "Wag ako! Kahit na anong gagawin mo, hinding hindi ko iiwan si Dom!" Tugon niya naman habang patuloy na hinihila ang kamay. "Oh. You're a tough one, aren't you?" Parang nalilibang nitong tanong habang nakangisi. Pagkatapos ay bigla nitong hinawakan ang isa pa niyang kamay dahilan upang mas lalo pa siyang nagpupumiglas. Nang itinaas at isinandal nito sa matigas at malamig na pader ang kaniyang dalawang kamay na mahigpit pa rin nitong hinawakan, ay halos naiihi na siya sa takot. Sinubukan niyang tuhurin ang pagitan ng mga hita nito ngunit mabilis naman nitong nawahi ang kaniyang tuhod gamit ang malakas nitong hita. "What if I'll tell you that with my money, I can get your father's illness cured? What if I can make their lives better? With my help, they will live the rest of their lives happily without ever tiring themselves out from working." Pangungumbinsi nito sa kaniya habang nakangisi. "Your siblings can finish their education without much struggle, and with my connections, they can achieve their dreams easily." Dagdag pa nito. "Tingin mo maniniwala ako sa 'yo?!" Matapang niyang sigaw dito tuhod na naman ulit dito, ngunit tulad kanina, hindi pa rin niya mapatamaan ang pagitan ng mga hita nito. Naiihi na siya sa takot ngunit alam niyang wala talagang mangyayari kung hindi siya lalaban. Wala siyang pakialam kung sino at ano pa ang taong ito, basta gusto niyang makawala sa pagkakahawak nito at lumayas sa lugar na ito. Ngunit sa kabilang daku ng kaniyang isip ay parang gusto naman niyang maniwala sa pinagsasabi nito. Bilang anak na tumutulong sa kaniyang mga magulang sa araw araw na paghahanap buhay, ay pangarap niya talagang maiahon sila sa hirap. Pangarap niyang mapag-aral ang dalawang kapatid nang hindi na mahihirapan tulad niya. Pangarap niyang mapagamot ang karamdaman ng kaniyang ama na matagal na nitong dinadala. Pangarap niyang mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang mga magulang at kapatid. Oo nga at may asawa na siya, ngunit sinabi naman niya ito kay Dom noon na tutulungan niya ang kaniyang mga magulang kung sakaling nakapagtapos na sila at makahanap ng matinong trabaho. Naiintindihan naman siya ng asawa kaya ito ang naging dahilan kung bakit nagsusumikap siyang mag-aral kahit na may asawa na siya. Ngunit ngayon, biglang lumitaw itong isang oportunidad na magbibigay sa kaniya ng pagkakataong maabot ang lahat ng mga pangarap na ito. Ngunit ano naman ang dapat niyang gawin kung ang kapalit naman nito ay kaniyang pansariling kaligayahan? Handa ba siyang isakripisyo ang sarili para sa kapakanan ng kaniyang mga magulang? Handa ba siyang iwan si Dom para makamit ang matagal niya nang pinangarap para sa kaniyang pamilya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD