KABANATA 2

1284 Words
“Oh, anak ano ang nangyari sa ‘yo? Bakit ka umiiyak?” nag-aalalang tanong ni Mama nang makasalubong ko siya habang papasok ako ng bahay. “M-Mamaya na lang po tayo mag-usap, ‘Ma,” umiiyak na sagot ko kay Mama. Yumuko ako at dire-diretsong pumasok sa kwarto. Agad akong nahiga sa kama. Kinuha ko ang cellphone sa bulsa at ini-off. Nagtakip ako ng unan sa mukha at doon ko ibinuhos lahat ng sakit. Nang mapagod sa kaiiyak ay nakatulog ako. Nagising ako nang may humaplos nang marahan sa aking pisngi. Bumungad sa akin ang nag-aalalang mukha ni Mama nang imulat ko ang mga mata. “’M-Ma,” namamaos na sambit ko. “Namumugto na ’yang mga mata mo. Puwede ka na bang magkuwento? Makikinig ako.” Dahan-dahan akong bumangon. Muling tumulo ang mga luha sa pisngi ko nang maalala ko na naman ang ginawa ni Jace at ng babaeng tinuring kong parang tunay na kapatid. “M-Ma, s-si Jace po, niloko niya ako. N-Nahuli k-ko po sila ni Bettina sa kwarto.” Biglang humiwalay si Mama mula sa pagkakayakap sa akin. “Ano‘ng sinabi mo? Nahuli mo silang gumagawa ng milagro? Walanghiya talaga yang Jace na ’yan! Nagloko na nga tapos sa dinami-daming babae, si Bettina pa talaga!” nanggagalaiti sa galit na bulalas ni Mama. Nagtataka akong napatingin kay Mama nang tumayo siya sa kama at nagmamadaling tinungo ang pinto. “Sandali lang, ’Ma! Saan po kayo pupunta?” Bumaba ako sa kama at patakbong sumunod kay Mama. Pumasok siya sa silid nila ni Papa Bernard. Nanlaki ang mga mata ko nang paglabas niya ay may dala na siyang itak. “Tatagain ko ‘yang mga talipandas na ’yan. Hindi ako makakapayag na gaguh*n ka nila,” nagtatagis ang mga bagang na sabi ni Mama habang bitbit ang itak na puro naman kalawang. “Mama naman, tatagain mo sila sa lagay na ‘yan? Eh puro naman ‘yan kalawang!” “Bakit, nakamamatay naman ang tetano, ah?” “Akin na nga po ‘yan.” Kinuha ko ang itak kay Mama. Dinala ko iyon sa kusina at inilagay sa ilalim ng lababo. Maliit lang ang bahay na tinitirhan namin. Pagmamay-ari ito ni Papa Bernard. May dalawa itong silid, ang isa ay sa akin at ang isa naman ay sa kanilang mag-asawa. Mula nang ikasal sila ay lumipat na kami dito ni Mama. Hindi sila nabiyayaan ng anak dahil sa aksidenteng nangyari noon kay Papa Bernard bago pa sila magkakilala ni Mama. “Inom ka muna, anak.” “Salamat, ’Ma.” Kinuha ko ang isang basong tubig na inabot sa akin ni Mama nang humarap ako. Inubos ko ang laman niyon. Hinugasan ko ang baso at inilagay sa dish cabinet. “Tinakot mo naman ako kanina, Mama,” saad ko nang humarap sa kaniya. Napalabi ako at humalukipkip. “Ikaw kasi, kilala kita. Kung hindi kita idi-distract siguradong hindi ka naman titigil sa kaiiyak mo. Ganiyan na ganiyan ka noong bata ka pa kapag hindi ka napagbibigyan sa gusto mo.” “Si Mama naman, hindi na po ako bata. Siyempre titigil din naman ako sa pag-iyak. Hindi mo naman ako kailangan takutin.” “Oh, bakit? Effective naman, ah? ’Di ba tumigil ka kaagad.” “Eh! Kahit na!” Napakamot ako sa ulo. “Sus! Halika nga!” Hinawakan ni Mama ang isang kamay ko at hinatak ako pabalik sa silid. Pinaupo niya ako sa harap ng maliit na tokador. Yumuko si Mama at inilapat ang kanang kamay sa balikat ko. “Nakikita mo ba ang kagandahang nasa harapan mo?” Inilagay ni Mama sa ilalim ng kaniyang baba ang likod ng palad niya at nakangiting pumikit pikit pa. “Maganda ka, dahil nagmana ka sa akin. Kaya huwag mong iiyakan ’yang mga ganiyang klaseng lalaki!” Dagdag pa ni Mama. Namaywang siya at itinaas ang kilay. Napangiwi ako sa sinabi niya. “Mama, alam ko naman pong maganda tayong dalawa, pero hindi po ako nagmana sa ’yo. Look, oh!” Ginaya ko ang ginawa niya kanina. Inilagay ko sa ilalim ng baba ang ibabaw ng palad at nagpa-cute sa salamin. Ang sabi ni Mama ay nagmana daw ako sa Tatay kong may lahing Amerikano. Maputi ang aking balat. Five feet and six inches ang taas. Light hazel ang mga mata ko at blonde naman ang unat kong buhok. Umirap si Mama sa akin. Muli siyang yumuko at niyakap ako mula sa likod habang nakatingin kami parehas sa salamin. “Heto anak seryosong usapan na, ha? Huwag mong panghihinayangan ’yang mga ganiyang klaseng lalaki. Dapat nga magpasalamat ka pa kasi maaga mong nalaman ang tunay na ugali niya.” “Salamat po sa payo, ’Ma. Hayaan po ninyo, tatandaan ko po lahat ng payo n’yo sa akin.” Ngumiti ako kay Mama. Pumikit ako upang pigilan ang muling pagsungaw ng mga luha sa mga mata ko. “Isa pa pala ’yang Bettina na ’yan! Naku! Naku! Nanggigigil ako sa kaniya!” tiim-bagang na bulalas ni Mama nang biglang tumuwid mula sa pagkakayuko. Nakataas ang dalawang kamay niya habang kuyom ang kamao. Malungkot akong bumuntong hininga. High school pa lang magkaibigan na kami ni Bettina. Mas nauna ko pa siyang maging kaibigan kay Camille. Siya ang pinakaunang nakaalam na crush ko si Jace noon. Kung sino pa talaga ’yung pinakamalapit na kaibigan mo siya pa talaga ang unang tutuklaw sa ’yo. “Hayaan na po natin siya, ’Ma. Wala na tayong magagawa, nangyari na, eh. Sinira niya lang ’yung anim na taong pagkakaibigan namin nang dahil lang sa isang lalaki.” “Akala ko chismis lang, pero totoo pala na malandi ang batang ’yun. Pinagtatanggol ko pa naman siya noon tuwing pinag-uusapan siya ng mga kapitbahay natin at sinasabihan na malandi. Muntik pa akong mapaaway dahil sa kaniya.” “Huwag mo na din po sanang ipagsabi sa mga kapitbahay natin ang ginawa niya, ’Ma.” “Ay! Nagbabalak pa naman sana akong i-chismis siya. Sayang!” Napapalatak pang sambit ni Mama. “’Ma! Hayaan na natin siya, okay?” “Pero nagantihan mo naman?” “Opo, hinatak ko ’yung buhok niya tapos nakatikim siya sa akin ng headb*tt.” “’Yun naman pala, eh! Sapat na sa akin ’yun. Halika na? Magmeryenda na tayo.” “Susunod po ako, ’Ma. Ayusin ko lang ’yung hinigaan ko.” “Sige, bilisan mo diyan, ha? Wala nang iiyak, okay?” “Yes, Mader!” Tumayo ako at humarap kay Mama. “Payakap nga si Mama?” Tinawid ko ang pagitan namin at yumakap nang mahigpit sa kaniya. Napakaswerte ko dahil siya ang naging nanay ko. Hindi ko man nakilala at nakasama ang tunay kong ama ay binusog naman niya ako ng pagmamahal. “Kapag nasa tamang edad ka na, saka ko sa ’yo ipapaliwanag ang lahat.” ’Yan ang madalas sabihin sa akin ni Mama noon tuwing tinatanong ko siya tungkol sa ama ko. Labing-dalawang taon ako nang ipaalam sa akin ni Mama ang dahilan kung bakit wala akong kinagisnang ama. Labing walong taon din daw si Mama noon nang maging kasintahan niya si Papa na noon ay isang guro sa pinapasukan niyang paaralan. Hindi daw siya gusto ng mga magulang ni Papa. Handa naman daw siyang ipaglaban ang relasyon nila pero bigla na lang daw na hindi nagparamdam si Papa sa kaniya. Huli na nang malaman niyang ipinagbubuntis niya ako noon. Dahil sa kahihiyan ay pinalayas si Mama nila Lolo at Lola. Mula sa Bohol ay napadpad si Mama dito sa Alabang. Namasukan siyang kasambahay. Naging maayos ang trato sa kaniya ng kaniyang mga amo at hinayaan niya kaming manirahan doon hanggang sa makilala niya si Papa Bernard at inuwi kami dito sa bahay niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD