KABANATA 3

1141 Words
“Diyosa po! Yoo-hoo! May diyosang papasok sa bakuran po ninyo!” Sa labas pa lang ng gate ay sumisigaw ng ang isa sa best friend ko na si Camille. Ay mali! Iisa na lang pala ang best friend ko dahil tinuklaw ako ni Bettina at inahas niya ang boyfriend kong hindi mapakali kapag hindi nakakadilig. “Diyosa po! Papasok na ang diyosa!” Sumilip muna siya sa pinto bago tuluyang pumasok at naglakad na akala mong model na rumarampa habang may bitbit na isang supot ng plastic. “Binago na pala? Hindi na ‘tao po’ kundi ‘diyosa po’. Bakit di ako na-inform?” nakataas ang kilay na tanong ko sa kaniya. “Ay, oo! Binago na, teh! Tulog ka kasi lagi sa pansitan, eh!” maarteng sambit niya. Inilapag niya ang plastic bag sa lamesa. Pumunta sa lababo at kumuha ng isang baso sa dish cabinet. Sinalinan niya ng tubig ang baso at uminom. “Hi, Tita! Sarap naman po ng meryenda ninyo. Makikikain ako, ha? Swap tayo ng dala kong nilagang mais.” Hinila niya ang plastic naming upuan at saka naupo. Ganito siya kung kumilos sa bahay kapag wala si Papa Bernard dahil na rin sa tagal ng aming pagkakaibigan. Pero tuwing nandito ang madrasto ko ay parang hindi makabasag pinggan ang galaw niya. “Teka lang at ikukuha kita ng platito at tinidor mo.” Tumayo si Mama at pumunta sa lababo. Pagbalik ay may dala na siyang platito, tinidor at baso. Isinalin niya ang natira naming pansit canton sa platito at inabot kay Camille. “Thank you, Tita Athena! Lab mo talaga ako. Heto po ang mais, kuha kayo. Masarap ’yan.” Ibinigay niya kay Mama ang plastic bag. “Salamat dito, Camille. Pero mamaya ko na lang ito kakainin, busog pa kasi ako. Maiwan ko na muna kayo.” Sinilip ni Mama ang laman ng plastic at muling inilapag sa lamesa. Tumalikod siya at tinungo ang silid nila ni Papa Bernard. Inilapit ni Camille ang pagkain sa harapan niya. Nag-sign of the cross muna siya bago sumubo. Habang ngumunguya ay nag-angat siya ng tingin sa akin. Napakunot ang noo niya nang mapagmasdan ang mukha ko. “Uy anteh, bakit namumugto yata ’yang mga mata mo?” usisa niya sa akin habang kumakain. “Break na kami ni Jace,” walang emosyong sagot ko. “Anteh, katatapos pa lang ng April fools. Huwag mo akong pinagloloko.” Tinaasan niya ako ng kilay at ipinagpatuloy ang pagkain. “Nahuli ko sila ni Bettina sa kwarto niya kanina.” “Minukbang ni Jace si Bettina?” hindi makapaniwalang tanong niya. Tumango lang ako sa kaniya. “Aba’t! Mga p*tang ina naman talaga ng mga kupal na ’yan, oh!” walang prenong bulalas niya. “Huy! ’Yang bibig mo! Nasa harap ka ng pagkain. Kaka-sign of the cross mo pa lang kanina pero heto at puro ka mura.” Pinandilatan ko siya ng mata. Natutop ni Camille ang bibig niya. “Hala! Minus ten na naman ako nito sa langit. Sorry po!” Pinagdaop niya ang dalawang palad at tumingala. “Ano ba ang buong detalye ng mga pangyayari? Kuwento mo nga?” nakabungisngis na tanong niya at itinaas baba pa ang mga kilay. Muli na namang kumirot ang puso ko nang ikinuwento ko sa kaniya ang naabutan ko kanina. Wala akong kinaligtaan. “Ang kakapal din naman talaga ng pagmumukha ng mga ’yan. Lalo na si Bettina. Humanda lang talaga siya sa akin. Akala mo namang mauubusan ng lalaki kaya pati jowa ng best friend pinatos na.” “Wala tayong magagawa, nangyari na. Hindi na nila napigilan ang kakatihan nila.” “Ikaw naman kasi, Anteh! Noon ko pa sinasabi sa ’yo na hindi ko talaga bet ’yang Jace na ’yan para sa ’yo. Kaso ang sabi mo nagbabago naman ang tao? Oh, ngayon? ’Yan ang mapala mo! Deserve!” Nakahalukipkip na sermon niya sa akin. “Wow! Thank you, ha? Gumaan ’yung pakiramdam ko sa mga sinabi mo.” Nakasimangot kong irap ako sa kaniya. “Kasi ’di ba nga? Fvckboy na ’yan noon pa? Kaso ikaw pinatos mo pa. Hindi ibig sabihin na nagtiyagang ligawan ka ng anim na buwan eh magtitino na. Bakit ’yung tatay ko? Pagkatapos nilang magkabalikan ni mama nagloko pa din matapos ang sampung taong pagsasama nila? Naku, once a cheater always a repeater! Lalo na kapag alam nilang mahal na mahal sila ng isang tao, uulit at uulit ’yang mga ‘yan. Kaya ikaw, huwag kang magpapauto kapag nakipagbalikan ’yan sa iyo. Huwag marupok!” “Wala naman akong sinabi na babalikan ko, ah!” “Pinapaalalahanan lang kita. Kasi kung nakinig ka na sa akin noon na huwag mong patulan ’yan kasi nga red flag, eh ’di sana hindi ka nasasaktan ngayon!” “Eh hindi ko naman alam na ganiyan siya noong magkagusto ako sa kaniya. Thirteen years old lang ako noon, ano ba ang alam ko. Tapos hindi ko namalayang lumala na pala pagkagusto ko sa kaniya.” Napanguso ako. “Basta, huwag marupok, ha? Tatandaan mo ang mga sinasabi ko sa iyo. Kurot ka talaga sa singit kapag bumigay ka na naman sa pagpapapogi ng kup*l na ’yun.” “Oo na! Kailan nga pala ang alis natin? Baka drawing na naman ’yan, ha!” “Oo nga pala, muntik ko nang makalimutan. Sa miyerkules na ang alis natin. Maaga tayong aalis dito, ha? Mga alas singko ng umaga tayo aalis. Kasama natin si Mama, pinayagan siya ng amo niyang magbakasyon.” “Sige, mag-iimpake na ako ng mga dadalhing damit. Gusto ko sanang isama si Mama kaso baka pagdating namin wala na naman kaming mga gamit dito sa bahay kagaya noong nangyari last year.” “Ano ba naman kasi ’yang step father mo, kahit mahal na araw ayaw pagpahingahin si Tita sa paglalabada tapos ipinangsusugal lang naman niya ang perang pinaghihirapan ni Tita.” “Hinaan mo ’yang boses mo at baka biglang dumating.” “Hindi ’yan. Lagi namang gabi ‘yun kung umuwi dito sa inyo para lang kumuha ng pera tapos aalis din agad para magsugal ulit kung saan-saan.” “Gusto ko na sanang umalis dito, eh. Kaso ayaw ni Mama kasi mahirap daw kapag mangupahan kami, sayang daw ng ipangbabayad sa upa. Ang mahal pa naman ng mga paupahan dito sa atin.” “Luh! Eh sa ginagawa ni Tito Bernard eh para na din kayong nangungupahan. At saka, sa tingin mo ba dito lang sa Alabang ang mahal ang upa? Wala nang mura ngayon.” Napabuntong hininga na lang ako at hindi na muling nagsalita. “Makauwi na nga. Baka bigla pang dumating ’yun. Sige na, babush!” Uminom muna siya ng tubig bago tuluyang lumabas. Tinakpan ko ang natirang mais para kay mama. Pagkatapos kong magligpit ay nag-impake na ako ng mga damit na dadalhin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD