“Ako na po ang maghuhugas nito, ’Ma.” Presinta ko nang matapos kaming maghapunan ni Mama.
“Ako na, anak. Hindi naman ako pagod ngayon.”
“Ako na po. Manood na lang po muna kayo ng TV doon. Minsan na nga lang kayo makapag-relax.”
Pinag-day off sila mama ng kanilang amo ngayon kaya maghapon siyang nakapagpahinga. Gusto pa sana niyang kumuha ng labada pero sabi ko ay saka na muna.
“Sige na nga.”
Pagkatapos kong maghugas ng mga pinagkainan namin ni Mama ay tumabi ako sa kaniya sa sala habang nanonood siya ng TV.
“Tao po! Ash! Ashanti! Tita Athena! Si Jace po ito!” Sigaw ni Jace sa labas ng bahay namin. Nakakunot noo ako nang marinig ang boses niya.
“Nandiyan ’yung ex mo, ’nak.”
“Ikaw na po ang kumausap, ’Ma. Ayaw ko siyang makita.”
Tumayo si Mama at naglakad papunta sa nakasaradong pinto. Binuksan niya iyon ng bahagya at sumilip sa labas.
Nilakasan ko ng kaonti ang TV. Kahit boses niya ay ayaw kong marinig. Maya-maya ay bumalik si Mama na nakasimangot.
“Ayaw umalis, anak. Labasin mo na nga lang saglit, prangkahin mo na. Kapag ako nainis t*gain ko talaga ’yan. Ang lakas ng loob na magpakita pa dito pagkatapos niyang magloko.” Nayayamot na muling naupo si Mama.
Napilitan akong tumayo at puntahan siya sa labas ng bahay.
“Ano pa ba ang kailangan mo?” walang emosyong tanong ko sa kaniya.
“H-Hi! Para sa ’yo nga pala.” Alanganin siyang ngumiti sa akin sabay lahad ng isang box ng donuts at isang pumpon ng iba’t-ibang uri ng daisy.
“Umalis ka na, puwede? Nakakaabala ka, eh!” Hindi ko inabot ang mga dala niya.
“Ash, please? Ayusin natin ’to. Mahal na mahal kita. Hindi ko naman mahal si Bettina, eh. Baka puwedeng bigyan mo pa ako ng second chance? Please? Babawi ako, promise!” Maluha-luhang pakiusap niya.
“Ayaw ko na, Jace. Tapusin na natin ’to. Maghiwalay na tayo.”
“Ash, please? Pangako, una at huling beses na ’yun. Hindi na ulit ako titikim ng iba at tutuparin ko ’yung sinabi ko noon na hihintayin kong maikasal tayong dalawa.”
“Ano ba ang hindi mo maintindihan sa sinabi ko na ayaw ko na?”
“Mahal mo pa naman ako ’di ba? Imposible namang wala ka na agad nararamdaman para sa akin. Puwede pa natin ’tong ayusin.”
“Bahala ka sa buhay mo. Basta ako tinapos ko na ang relasyon ko sa ’yo.” Pinagsarhan ko siya ng pinto.
“Akala ko hindi mo pa iiwanan ’yun, eh. Lalabasin ko na sana,” Ipinakita ni Mama ang kinakalawang na itak nang makalapit ako sa kaniya.
“Itago mo po ’yan, ’Ma! Baka mamaya ano pa ang magawa mo. Mamaya makulong ka pa nang wala sa oras dahil sa walang kwentang taong ’yun.”
“’To naman, ’di na mabiro!” Natatawang inilagay ni Mama ang itak sa ilalim ng sofa.
Muli akong naupo. Isinandal ko ang balikat kay Mama nang akbayan niya ako. Ngunit maya-maya ay sabay kaming napaigtad ni Mama nang kumalabog ang pinto.
Iniluwa niyon si Papa Bernard na may bitbit na isang kahon ng donuts at pumpon ng bulaklak. ’Yun ’yung dala kanina ni Jace na hindi ko tinanggap.
“Ano ’yung nabalitaan kong hiniwalayan mo daw si Jace, Ashanti?” galit na tanong niya sa akin.
“Bern, kumain ka na ba? Halika, ipaghahain kita.” Tumayo si Mama at lumapit kay Papa Bernard.
“Hindi ikaw ang kausap ko, Athena! Tumabi-tabi ka diyan at baka hindi kita matantiya!” Singhal niya kay Mama.
“Dapat lang ho na hiwalayan ko ang taong ’yun dahil manloloko siya.” Kuyom ang kamao na sagot ko at lumapit sa kaniya.
“Handa naman daw siyang magbago para sa ’yo, ah! Huwag ka ngang tanga, Ashanti! Kapag siya ang napangasawa mo hindi na laging maglalabada ang Mama mo dahil kahit papaano ay nakakaangat siya sa buhay. Masipag ang batang ’yun. May paupahan na pero nagtatrabaho pa rin!”
“Ako ho ang magdedesisyon para sa sarili ko pagdating sa ganiyang bagay.”
“Hindi puwede! Bukas mag-usap kayo! Ayusin ninyo ’yan!” Inihagis niya ang bulaklak sa sahig sabay talikod.
“Pagpasensiyahan mo na lang ang Papa mo, anak. Hayaan mo, kakausapin ko siya kapag hindi na mainit ang ulo. Baka natalo lang ’yun sa sugal. Sige na, pasok ka na sa silid mo.” Hinging paumanhin sa akin ni Mama para kay Papa Bernard.
Napabuntong hininga ako. Muli kong sinulyapan si Papa Bernard na nasa kusina bago ako pumasok sa kwarto. Nakataas ang paa niya habang nilalantakan ang donut na galing kay Jace.
Napailing ako. Hindi ko alam kung bakit nagkaganito na siya ngayon. Dati naman ay napakalambing niya sa amin ni Mama. Tinanggap niya ako at tinuring na tunay na anak. Masipag siya at maalaga sa amin. Lagi ko silang ipinagmamalaki ni Mama.
Bilang ganti sa mga sakripisyo niya para sa amin ay lagi kong ginagalingan sa school. Nagsipag ako sa pag-aaral. Ngunit nang tumuntong ako sa kolehiyo ay bigla na lang nag-iba ang pakikitungo niya sa amin.
Bihira na siya pumasok sa trabaho bilang isang family driver kaya tinanggal na lang siya ng amo nila ni Mama. Family driver siya samantalang si Mama naman ay kasambahay.
Naging laman siya ng pasugalan at inuman sa lugar namin. Minsan pa nga ay nauwi siyang may pasa dahil nakipagsunt*kan dahil natalo sa sugal.
Kinukuha niya din madalas ang kinikita ni Mama. Magmula noon ay naglabada na din ako kahit labag sa loob ni Mama. Gusto ni Mama na mag-focus ako sa pag-aaral. Pero kung hindi ako tutulong ay kakapusin kami parati.
Mabuti na lang at nakakuha ako ng scholarship. Kahit papaano ay nakabawas na sa gastusin.
“Good morning, anak!” masiglang bati ni Mama kinabukasan habang naghahain sa hapag.
Nagtataka akong napatingin kay Mama na ipinagkibit balikat lang niya. Hindi ako makapaniwalang madadatnan ko si Papa Bernard sa bahay nang ganito kaaga.
Isang taon na siyang halos sa sugalan na tumira. Uuwi lang sa amin kapag hihingi ng pera kay Mama. Lalagpasan ko na sana sila para pumasok sa banyo na katabi lang ng lababo nang magsalita si Papa Bernard.
“Mamaya pupunta ’yun dito si Jace, mag-usap kayong dalawa. Ayusin ninyo ang relasyon n’yo,” sambit ni Papa Bernard. Saglit siyang tumingin sa akin at muling ipinagpatuloy ang pagkain.
Nang makaalis si Mama sa bahay para magtrabaho ay nagkulong si Papa Bernard sa kwarto. Hindi ko alam kung ano’ng oras pupunta si Jace.
Habang nasa kwarto si Papa Bernard ay nag-aabang naman ako sa labas para sa pagdating nito. Ayaw kong magkita silang dalawa dahil igigiit na naman ni Papa na magkabalikan kami.
Bago matulog kagabi ay inilagay ko sa iisang kahon ang lahat ng bagay na ibinigay sa akin ni Jace noong kami pa. Ibabalik ko ang mga iyon sa kaniya. Ilang sandali pa ay natanaw ko na ang sasakyan niyang pumarada sa tapat ng bahay namin.
“Hi Ash!” Nakangiting bati niya sa akin nang makababa sa kaniyang sasakyan.
Blangko ang mukhang humakbang ako palapit sa kaniya.
“Ano ’to, Ash? nagtatakang niyang tanong. Binuksan niya ang kahon.
“Kumpleto ’yan. Lahat nang gamit na ibinigay mo sa akin noon ay iningatan ko. Ito na sana ang huling beses na guguluhin mo ang buhay ko.” Hindi ko na siya inantay pang magsalita. Agad akong tumalikod. Isinara ko ang pinto at pumasok sa sarili kong silid.
Kinagabihan ay bumalik pa din siya. Hindi ako lumabas ng silid. Si Papa Bernard lang ang nakipag-usap sa kaniya. Kahit si Mama ay ayaw din siyang kausapin.
Maging sa sumunod na araw ay ganoon pa din. Hindi ako lumalabas ng silid kapag naririyan siya. Tanging si Papa Bernard lang ang nakakausap niya at tumatanggap ng mga dala niyang pagkain. Ang mga bulaklak naman ay itinatapon ko sa basurahan.