Chapter 1

1447 Words
Point of view - Amelia Sandoval -   Ang mga tao sa 'king paligid ay tila nagmamadali at nagtatakbuhan. Ang bata sa aking tiyan ay nais nang lumabas at harapin ang bagong mundo.   Habang ako ay nakahiga at nakataas ang paa, isang malakas na sigaw ang aking ginawa, isang sigaw na rinig ng buong ospital at sa pagsigaw kong iyon. Lumabas mula sa akin ang isang anghel, ang anghel na kinatatakutan kong makita.   "It's a baby girl, Mrs. Monteverde," saad ng doktora na nagpaanak sa akin.   Nilapit niya sa akin ang aking anak at nasulyapan ko ang kaniyang mukha. Mabilis na tumulo ang aking luha nang makita ko siya.   Sinasabi ko na nga ba, dumating na ang araw na kinatatakutan ko.   Nawalan ako ng malay sabay sa pagdulas ng luha sa aking pisngi.   *** Matapos ang ilang araw na pamamalagi ko sa ospital, hindi man lang ako nagawang dalawin ng aking asawa.   "Nasaan si Homer?" tanong ko sa private nurse na nakabantay sa akin.   "Hindi ko po alam, Madame. Wala po siyang sinabi sa amin," tugon niya.   Marahan akong napayuko. Nakatitig lamang ang aking mga mata sa hawak kong sanggol, saka ako mapait na ngumiti.   Patawad, Angel. Patawad dahil kinailangan mong isilang sa mundong ito. Patawad dahil sa tingin ko, hindi tanggap ng iyong ama ang iyong hitsura. Patawad dahil nakuha mo ang aking dating mukha.   Ang aking luha ay hindi mapigilan sa pagdaloy mula sa aking mata. Ang masakit na pakiramdam na tila tumutusok sa aking puso ay parang unti-unti kong ikamamatay. Hanggang sa marinig namin ang pagbukas ng pinto kung saan kami naroon.   Mabilis na pumasok ang mga naka-black suit na bodyguard ng aking asawa at hindi nagtagal, iniluwa ng pintuang ito si Homer Monteverde, ang ama ng batang hawak ko sa aking bisig.   "Sabihin mo, Amelia! Kailan mo pa ako niloloko?!" bulyaw niya sa akin.   "Patawarin mo ko, Homer. Natakot ako na baka iwan mo ko kung malaman mo ang totoo," naghihinagpis kong tugon sa kaniya.   Ngunit ang galit niyang mukha ay tila hindi na tatanggap ng kahit anong paliwanag.   "Hindi masama ang loob ko dahil sa iyong hitsura, masama ang loob ko dahil nakuha mong itago sa akin ang katotohanan sa loob ng maraming taon," sunod-sunod niyang saad. "Hindi ko akalain na ang pinakamagandang babaeng kinababaliwan ko ay isang impostora — isang retokada," pagpapatuloy niya.   Ang mga bagay na sinabi niya sa akin ay lubos na dumurog sa aking puso.   Masama bang asamin na ako'y maging maganda? masama ba na palitan ko ang pangit kong mukha para lang magawa niya akong tanggapin ng mundo?   "Kung nakita mo ang dati kong hitsura, Homer. Magagawa mo pa rin ba akong mahalin?" wika ko sa kaniya.   Isang matalas na tingin ang kaniyang iginanti sa akin bago siya muling magsalita.   "Kung nakita ko ang iyong dating mukha, baka hindi lang kita kasuklaman, pandidirian pa kita."   Nanlaki ang aking mga mata dahil sa kanyang sinabi. Nabigyang linaw sa aking isip na ang pag-iibigan naming dalawa noon ay dahil lang sa maganda kong mukha, na tuluyan na talaga siyang nagbago mula sa pagkakakilala ko sa kanya.   "Isama mo ang batang iyan, hindi ko siya anak! At bilang pakunswelo, inasikaso ko na ang inyong lilipatan pati ang pag-aaral ng batang iyan ay naasikaso ko na rin, kaya 'wag na 'wag ka nang magpapakita sa ‘kin."   Matapos niyang sabihin ang mga bagay na iyon, mabilis siyang lumabas sa silid kung saan kami naroroon ng kaniyang anak.   Gaano ba kasama ang maging isang retokada? Gaano ba kasama ang umibig at mag-asam ng magandang mukha?   Naiwan akong luhaan sa loob ng silid habang yakap-yakap ang walang muwang na sanggol, ang sanggol na walang kasalanan kundi ang maging anak ko.   Matapos ang pagproseso niya sa aming annulment, hindi na nagparamdam ang aking asawa na si Homer. Napilitan kaming lumipat sa isang maliit na bario sa Rizal kung saan siya kumuha ng aming titirhan. Malayo ang lugar na ito sa Manila, halatang ayaw na talaga niya kaming makita.   Lumipas ang maraming taon, habang nasusubaybayan ko ang paglaki ng aking anak, hindi ko mapigilang hindi maawa sa kaniya dahil ang ibang bata ay tinatawag siyang halimaw, ang ibang bata ay tinatawag siyang pangit at salot. Minsan, nakikita ko na lang na umiiyak siya sa sulok, agad ko siyang pinupuntahan at niyayakap nang mahigpit.   Patawad anak, ito lang ang alam kong paraan upang maibsan ang sakit sa iyong puso. Maniwala ka, alam na alam ko ang pakiramdam na nadarama mo ngayon.   Nagsimulang pumasok sa elementarya ang anak kong si Angel, walang araw na hindi siya umuuwing umiiyak. Ilang eskwelahan na rin ang nilipatan ko sa kaniya ngunit ganoon pa rin ang kaniyang nararanasan. Gustohin ko man na siya ay ipagtanggol at bantayan bente-kwatro oras, hindi ko kayang gawin dahil nagtatrabaho na rin ako.   Kahit ganoon ang naging sitwasyon ni Angel, nakukuha pa rin niyang ngumiti sa akin at ipakita sa akin na ayos lang ang lahat.   ***   "Mommy, bakit po gano’n? Bakit ako pangit ikaw maganda?" rinig kong saad sa akin ni Angel habang siya ay nakaupo sa harapan ng salamin. Ako naman ay nakatayo sa kaniyang likuran at sinusuklay ang kaniyang kulot at maiksing buhok.   Tumigil ako sa aking ginagawa nang marinig ko ang bagay na sinabi niya, saka ko hinawakan ang kanyang balikat at sabay kaming humarap sa salamin.   "Hindi ka pangit, Anak. Sadyang hindi lang nila nakikita ang kagandahan sa likod ng iyong mukha."   Ngumiti si Angel sa aking sinabi at alam kong kahit paano ay napasaya ko siya.   "Mommy, sana paglaki ko, maging maganda rin akong tulad mo."   Ngumiti ako at tumango sa kaniya habang siya ay nakatingin sa akin.   Mahigpit kong niyakap ang maliit niyang katawan at hinagkan ang kaniyang noo.   Bakit kailangan danasin ng aking anak ang mga naranasan ko noong ako ay bata pa? Bakit sa dinami-rami ng mamamana sa akin ay ang aking mukha pa?   "Mommy, nasaan pala ang daddy ko? Kasi 'yong iba kong classmate inaasar ako na wala raw po akong daddy, totoo po ba 'yon?" sunod-sunod niyang tanong sa akin na nagpablanko ng aking isip.   Ngunit pinilit ko pa rin tumugon sa kanyang tinatanong.   "Ang masasabi ko lang, Anak. Mayroon kang daddy, nasa malayo nga lang siya. Dahil ang daddy mo ay ubod nang yaman."   Mahina akong tumawa matapos kong sabihin ang bagay na iyon.   "Ibig sabihin, mommy. Mayaman tayo?" Muli kong niyakap nang mahigpit ang aking anak, saka ako tumugon sa kaniya.   "Maiintindihan mo rin ang mga bagay-bagay paglaki mo, Angel."   Sa paglipas ng maraming taon, tumapak ng highschool ang aking anak na si Angel.   ***   Point of view - Angelica Sandoval -   "Manong, ang mahal naman ng benta mo rito. Kay aling Isay mura lang ‘to, eh,” saad ko sa isang tindero rito sa palenge. “Baka naman p'wedeng beynte na lang, g'wapo ka naman," dugtong ko sa aking sinabi sabay impit na tumawa.   Kahit napakaraming tao at napakainit dito sa palengke, nakikipagtawaran ako sa mga nagtitinda para sa panahog ni nanay sa sinigang.   "Hoy, Angel! Mahal ang kalakaran ngayon. Kung gusto mo, doon ka na lang kay Isay bumili."   "Ito naman si Manong, 'di na mabiro. Sige na, heto na." Inabot ko ang aking bayad.   Nakita ko ang pagnguso at pagkunot ng kilay niya bago abutin ang aking bayad.   Ang totoo mas mura sa kanya, kaso, umaasa ako na bababaan niya ang presyo, sayang.   Nagsimula akong lumakad at muling lumibot sa buong palengke, matapos akong mamili ay umalis na rin ako sa lugar na iyon. Ngunit sa aking paglalakad, nakakita ako ng isang itim at mukhang mamahalin na kotse. Nasulyapan ng aking mata ang isang kahinahinalang lalaki na palapit sa sasakyan na ito at hindi ako nagkamali. Mayro’n siyang dalang screwdriver at balak niyang nakawin ang side mirror ng kotse.   Ano pa nga ba ang gagawin ko? Eh 'di itong si ako, to the rescue! Feeling tagapagtanggol ng pag-ibig at katarungan, eh.   "Hoy, magnanakaw! Loko ka, ah!" sigaw ko sa kaniya.   Mabilis na tumingin sa akin ang lalaking 'yon, saka siya tumakbo palayo sa kotse. Mabuti na lang at hindi siya nakabatak dahil baka mapagtripan pa ako, tapang-tapang ko pa naman. Lumapit ako sa itim na kotse at tiningnan kung may gasgas ito, mabuti na lang wala.   "What are you doing in my car?"   Muntik nang tumalon palabas ng aking dibdib ang puso ko nang makarinig ng malalim na boses galing sa isang lalaki. At dahil sa takot, dahan-dahan akong lumingon sa pinanggalingan ng tinig na 'yon, saka nanlaki ang aking mga mata. Napagtanto ko kung sino ang may-ari ng magarbong sasakyan na nasa aking harapan. Tila napako ako sa aking kinatatayuan habang tinititigan ang mukha ng lalaki.   Siya ‘yong madalas kong makita sa magazine — si Mr. Homer Monteverde.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD