“PAGKATAPOS ng graduation, ano’ng plano mo?” bulong sa kanya ni Baste. Magkatabi silang nakaupo sa harap ng klase, parehong may hawak na libro.
“H-hindi ko pa sigurado…maghahanap siguro ng trabaho?” tugon niya, nang pabulong rin. Hawak ni Sahara ang makapal na libro at itinayo niya iyon doon sa desk, na ginaya ni Baste. “Ikaw?”
“Ganoon rin.” Hinawakan ni Baste ang isa niyang kamay at pinisil-pisil iyon. “Kung puwede lang na pareho tayo ng kumpanya na pasukan, mas maganda sana. Para parati pa rin tayong magkasama.”
Inihilig ni Sahara ang ulo sa balikat ni Baste at tsaka ipinagpatuloy ang pagbabasa. Sa mga ganoong pagkakataon lamang siya nakakaramdam ng katahimikan ng utak ng katahimikan ng loob. Sa tuwing kasama niya si Baste, parang biglang nawawala ang lahat ng alalahanin niya sa buhay at parang kayang-kaya niyang lampasan ang kahit na anong pagsubok na darating pa.
“Salamat, ha,” narinig niyang sabi nito. Nang tingnan niya ito ay hindi ito sa kanya nakatingin kundi sa librong binababasa.
“Salamat saan?”
“Sa pagbibigay mo sa akin ng pagkakataon. Alam ko, ang dami kong karibal sa iyo pero ako pa rin ang pinili mo.”
“Ako ang dapat magpasalamat sa ‘yo. Kasi, mahal mo ako kahit matigas ang ulo ko, kahit hindi ako ‘yung ‘ideal girlfriend’ para sa ‘yo.”
“Ano ka ba, ikaw ang ideal girlfriend. Wala nang makakahigit sa iyo para sa akin.”
Umiling si Sahara dahil kung mayroon mang higit na nakakakilala sa sa sarili niya, siya iyon at wala nang iba. Kung pwede nga lang ibalik ang nakaraan niya, marami siyang gustong burahin mula roon bago niya makilala si Baste.
“Basta, mahal kita, Sahara. Kahit na ano ka pa, mahal kita, okay?”
“Thank you.” Hindi napigilan ni Sahara ang sarili na haplusin ang pisngi ni Baste at halikan iyon. Nagulat ito sa ginawa niya at lumingun-lingon. Ilan sa mga kaklase nila ang nakatingin sa kanilang direksyon.
“Pinagtitinginan na tayo,” nakangiting bulong ni Baste.
“So?” natatawa niyang sabi. Kinuha niya ang kamay nito at itinapat sa itaas na bahagi ng kanyang dibdib. Sa simula ay nagulat ito dahil akala siguro ay kung ano na naman ang binabalak niyang gawin. “Basta kahit anong mangyari, tandaan mo, ikaw ang narito, ha?”
“Bakit, ano ba ang mangyayari?” natatawang tanong ni Baste.
Marami, kung pwede lang sabihin ni Sahara – napakarami. Ngayon pa lang, hindi na niya alam kung paano makakawala sa banta ni Max at alam niyang hindi lang iyon basta banta. Kilala niya ang pagkatao ni Max. Dominant, possessive. And she’s sure that his threat was real and that she has to keep Baste safe. At bukod doon, hindi pa rin siya sigurado sa kung ano ang p’wedeng gawin ni Del Mundo sa oras na malaman nito ang tungkol sa kanila ni Baste.
“Uy, natahimik ka na d’yan.” Muling naramdaman ni Sahara ang paghawak ni Baste sa kanyang kamay. “Alam mo, kinakabahan ako kapag natatahimik ka,” bulong nito.
“Bakit naman?”
“Wala lang, baka lang kasi magbago bigla ang isip mo…baka na-realize mo na hindi mo pala talaga ako mahal…baka iiwan mo na ‘ko.”
Hinigpitan ni Sahara ang kapit sa kamay ng nobyo at muli siyang humilig sa balikat nito. “Kakasabi ko lang hindi ba? I love you…marami lang akong iniisip.”
“Tulad ng?”
Umiling siya at humarap kay Baste. “Basta. At basta, mahal kita, okay?”
“Okay,” tugon nito sabay ngiti. Napatingin ito sa paligid nang unti-unti nang naglalabasan ang iba nilang kaklase. “Teka, ano’ng oras na ba? Hindi na ba darating si sir?”
Napatingin si Sahara sa relong-pambisig na suot niya. Halos kalahating oras na pala silang naghihintay roon at bihirang ma-late si Del Mundo sa klase nila at kapag nagkaganoon, parati itong nagpapasabi.
“Baka nga hindi na papasok ‘yon,” narinig nilang sabi ng isa nilang kaklase na nakapuwesto sa likod nila. Maliit itong lalaki pero mahaba ang buhok nito na parating naka-ipit. Mahilig rin ito sa mga kulay pink na shoulder bag. “Baka totoo ‘yung nabalitaan ko na na-suspend si Prof. Del Mundo.”
Kinabahan si Sahara sa narinig.
“Bakit raw?” tanong ni Baste sabay lingon sa kaklase.
“Ewan, ang intindi ko, parang nahuli yata na may karelasyon na estudyante.”
Biglang bumitiw si Sahara sa kamay ni Baste. Parang ayaw na niyang marinig ang susunod pa nitong sasabihin.
“I don’t know the whole story pero parang may nakakita raw yata na may kasamang estudyante si Prof na pumasok sa isang hotel. Grabe ano, sa itsura ni Prof na gano’ng sobrang seryoso, uma-affair rin pala.”
Nagtawanan ang iba pang nasa loob ng silid. Nagsimula nang mag-ayos ng gamit ang iba pa at naghanda na ring lumabas.
“Totoo kaya?” tanong sa kanya ni Baste nang pababa na sila ng hagdan.
Hindi niya alam pero malaki ang posibilidad ng balita’ng iyon. At hindi alam ni Sahara kung paano iyon sasabihin kay Baste. Na siya ang dahilan kung bakit maaaring masuspendido si Del Mundo.
“Kawawa naman si Prof. Ang galing pa naman tapos masu-suspend dahil lang doon?” napapailing na sabi ni Baste. “Kung sa bagay, kasalanan rin naman niya. Alam naman niyang bawal makipag-relasyon sa estudyante, ginawa pa rin. Tsk, tsk. Pero mas kawawa ‘yung estudyante, baka ma-expel pa ‘yon.”
Expulsion. May posibilidad na ma-expel siya sa eskuwelahan nang dahil sa mga mali niyang desisyon.
She immediately called Del Mundo to ask him about the situation but his number could not be reached. Lalo tuloy siyang kinabahan. Paano kung totoo ngang nalaman na ng school administration ang tungkol sa kanilang dalawa?