TAKOT man, itinuloy pa rin ni Sahara ang paglipat sa unit ni Karen. Sinundo siya nito ng itim nitong sasakyan umaga ng Sabado. At nakahinga siya nang maluwag nang sa wakas ay malayo na siya sa kasumpa-sumpang bahay na iyon ni Michaela.
“Sino ‘yong lalaki na kanina pa tingin nang tingin sa ‘yo doon?” tanong ni Karen nang sa wakas ay nakarating na sila sa unit nito sa ika-apat na palapag ng condominium.
“B-boyfriend ng pinsan ko.” Iyon na lang ang itinugon niya dahil hindi niya kayang sabihin kay Karen ang totoo. Hindi pa sa ngayon.
“In fairness, cute ha. At ang lalaki ng muscles!” may himig na panunukso nitong sabi. “I’m sure alam mo ‘yan!”
Napailing na lang si Sahara. She knew Max more than those muscles. “Boyfriend ‘yon ng pinsan ko,” pagdidiin niya dahil alam niya ang ibig sabihin ng mga tingin ng kaibigan.
“Sus, I know you, Sahara. Walang boyfriend-boyfriend sa iyo, ha, ha.” Ipinatong nito ang kanyang dalawang bag sa ibabaw ng napakalaking kama na may itim na bedsheet. “Don’t tell me na hindi mo ‘yon pinagnasaan one way or another dahil hindi ako maniniwala. Dahil kahit naman ako, gagapangin ko ‘yon sa gabi.”
“Hay naku, Karen. Nagbago na ‘ko ano. FYI, may Baste na ‘ko.”
Isa-isa nilang ipinasok ang mga gamit niya sa guest room, na kanya nang magiging kuwarto. Mabuti na lamang at kaunti lamang ang mga iyon – dalawang malalaking gym bags, at dalawang kahon na katamtaman ang laki. Wala naman talaga siyang naipundar na gamit kundi mga damit, sapatos, ilang bags na halos lahat ay pinaglumaan ni Karen, mga libro at iba pang kailangan sa eskuwela. Bukod doon, wala na.
“Eh kailan lang ba kayo ng Baste mo? Bago lang hindi ba?” Naupo ito sa gilid ng kama at pinanuod siya sa pag-aayos ng gamit. “Come on, Sahara. Tell me. Tayu-tayo lang naman. Promise, hindi makakarating kahit kanino, kahit na kay Baste.” Lumapit ito sa kanya at tinulungan siya sa pagtatanggal ng mga damit sa bag na iyon. “Ano, natikman mo ba? Masarap ba?”
“Karen!”
“Ito naman, nagtatanong lang, eh,” natatawa nitong sabi sabay tayo. “Oh sige, maiwan na kita at may date pa ‘ko. Ikaw nang bahala, you know your way around. Just find something to eat in the fridge, okay?”
Tumangu-tango si Sahara. “Thanks, Karen. Ano na lang ang gagawin ko kung wala ka?”
“Hay naku. Tsaka na tayo magkuwentahan ng utang na loob, ha?” Lumakad na ito papuntang pinto. “Before I forget, here’s your key of the unit.”
“Thanks!”
Hindi na mabilang ni Sahara kung ilang beses na siyang pinatulog doon ni Karen at maraming beses na rin niyang pinangarap na makatira sa ganoong klaseng bahay – moderno, maganda, malaki, pang-mayaman. Wala yatang gamit doon ang mumurahin, at kahit nga yata ang mga basahan at tissue paper ay branded rin.
Nang wala na si Karen at maisara na niya ang pinto ay pasalampak siyang nahiga sa malawak na kama at dinama ang lambot niyon.
Magkakaroon rin ako nito, sabi niya sa sarili. Balang araw, magkakaroon rin ako ng ganito kalaking condominium unit. Hindi ko na kailangang makitira. Pagdating ng araw, titira kami ni nanay sa ganito…makakain namin ang lahat ng gusto naming…mabibili namin ang lahat…
Inilibot ni Sahara ang mata sa buong kuwarto. Sa tingin niya ay malaki pa iyon kaysa sa bahay nila sa probinsiya. Marmol ang sahig, may kulay pula’ng carpet sa ibabang bahagi ng kama. Ang dalawang malalaking lampshade sa magkabilang gilid ng kama ay tulad ng mga nakikita niya sa mga pelikula at mga mamahaling hotel. Sunod siyang tumungo sa banyo para ilagay ang kanyang mga personal na gamit doon. Pagbukas pa lamang niya ng pinto ay sumalubong na sa kanya ang amoy ng lavander perfume. Kulay maroon ang kabuuan ng banyo, na ay itim na accent sa itaas na bahagi. Pormal, moderno, romantic. Maayos na rin ang ilang piraso ng tuwalya na nakasabit sa bakal na sampayan, may shampoo na rin at sabon. Ngayon lamang siya nakapasok roon dahil parati naman siyang sa kuwarto ni Karen natutulog, at ang banyo nito ang ginagamit niya kaya naman hindi niya mapigilang mamangha sa mga nakikita.
Biglang gusto na niyang subukang maligo sa mala-jacuzzi na bathtub doon. At hindi niya maiwasang isipin kung ano kaya ang pakiramdam nang nakababad ang buong katawan doon na punung-puno ng bula? Hay, ang sarap siguro, lalo na kung kasama niya roon si Baste.
Pinilig-pilig ni Sahara ang ulo para maialis sa utak ang eksenang naisip. Natatawa sa sariling lumabas si Sahara ng banyo at ipinagpatuloy ang pag-aayos ng gamit. Ipinangako niya sa sarili na hinding-hindi siya mag-iisip ng mga ganoong bagay tungkol kay Baste dahil ayaw niyang bahiran ng pagnanasa ang relasyon nila ni Baste.
Okay naman sila ni Baste. Almost perfect – almost. Dahil maraming beses na niyang binigyan ng pagkakataon ang nobyo na ‘pagsamantalahan’ siya pero parati siyang bigo. Yeah, she should be proud of him, she should be happy dahil bilang na lang sa daliri ang tulad ni Baste pero mahirap rin pala minsan, naisip niya. Babae lang siya, may mga pangangailangan at kadalasan, napakahirap para sa kanya ang pigilan iyon.
Normal ba ang nararamdaman niyang iyon? Hindi alam ni Sahara kung tipikal ang gano’n sa mga kabataang babae na tulad niya, o nadungisan na nang tuluyan ang utak niya’t katawan kaya siya nagkakaganoon.
Then she thought, Karen was probably right about this ‘s****l frustration’ thing she has for Baste and she just needed to satisfy that need for it to be able to come to an end.
Naputol ang kanyang pag-iisip nang biglang mag-ring ang kanyang cellphone. Si Del Mundo. Sa totoo lang ay ayaw niyang makipagkita rito. Bukod sa guilt na nararamdaman, natatakot siya na baka may makakita sa kanilang magkasama. Propesor si Del Mundo at estudyante siya nito kaya hindi malayong mayroon kahit isang nakakakilala sa kanila ang makakita sa kanila na magkasama. Pero nakipagkita pa rin siya rito dahil magandang pagkakataon na rin siguro iyon para tapusin na niya ang tungkol sa kanilang dalawa.