“TOTOO ba? Sabi ni Michaela, aalis ka na raw?”
Umaga noon at paalis na sana si Sahara ng bahay pero nagulat siya nang sa pagbukas niya ng pinto ng kanyang kuwarto ay naroon si Max sa labas na naghihintay sa kanya. Nilampasan niya ito at nagtuluy-tuloy siya pababa ng hagdan.
“Bakit ka aalis? Para makaiwas sa akin?”
Ayaw magpaapekto ni Sahara sa ganoong klaseng ngiti at ganoong klaseng titig ni Max. Sa halip na pumunta sa kusina para sana kumuha ng isang bote ng tubig ay tumuloy na siya sa sala pero bago pa man niya mahawakan ang doorknob ay naroon na agad sa harap niya si Max.
“Paggising ko sa umaga, nakaalis ka na. Pagdating mo sa gabi, tulog na ‘ko. Sinasadya mo bang hindi tayo magkita?”
“Obvious naman, diba?” Kung noon ay napapaikot siya nito, iba na ngayon.
Halatang nagulat si Max pero natawa ito pagkatapos. “Uy, ang taray ng baby ko.”
“Huwag mo ‘kong ma-baby-baby, ha. Puwede ba, umalis ka diyan sa daraanan ko.”
“Kiss muna,” sabi nito sabay nguso.
“Sampal, gusto mo?” nagngangalit niyang tanong.
“Ouch!” sigaw nito. Hinawakan pa nito ang isang pisngi, kahit wala naman siyang ginagawa. “Ang sakit no’n, ha.”
Itutuloy na sana ni Sahara ang pagsampal rito pero hinuli nito ang kamay niya.
“Ano ba talagang ikinagagalit mo sa ‘kin? Dahil ba sa hindi ako nagpaalam sa iyo nung umalis ako? Nagtatampo ba ang baby ko? Sorry na,” sabi nito. “Narito na naman ako, hindi ba?”
Aba, at nakuha pa talaga nitong magtanong! Nagka-amnesia ba ito noong nasa barko at wala itong maalala? Hindi niya iyon pinansin, bagkus ay pilit niyang inabot ang doorknob pero dahil sa laki at lakas ni Max ay siya ang mabilis nitong napinid sa pinto
“Grabe Sahara, na-miss kita…”
Nang subukan ni Max na halikan siya, itinulak niya ito pero mabilis nitong kinabig ang baywang niya at nahuli ang kanyang mga labi. Pinanatili niyang nakasara ang kanyang bibig habang hinahalikan siya ni Max. Hindi rin maintindihan ni Sahara kung bakit ba hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabago ang epekto ng mga halik ni Max sa kanya na para siyang nakakalimot sa tuwing natitikman niya iyon.
Ang kaninang tumutulak na mga kamay ni Sahara sa dibdib ni Max ay nakapulupot na ngayon sa leeg nito. Her heart rate went too fast that she felt like going out of breath. She couldn’t deny that she missed his hot kisses and it’s as if her desire for him was just sitting in the corner, just waiting for his return.
“Kunwari ka pang ayaw mo na, ha…ramdam ko sa mga halik mo, Sahara…mahal mo pa rin ako...”
At ang mga katagang iyon ni Max ang nagpabalik sa kanya sa katinuan. Gustung-gusto niya itong sampalin, suntukin at sipain pero ipit na ipit siya nito doon sa pinto. “H-hayop ka, Max.” Pinilit ni Sahara na maging mahinahon dahil kung magpapakita siya ng kahinaan rito ay tiyak na mauulit na naman ang nakaraan. “Tigilan mo na ako, hayop ka.”
“Ako, hayop? Ah, hayop sa galing,” nakangising bulong ni Max sa tapat ng kanyang mukha. “Kaya nga mahal na mahal mo ‘ko diba?”
“N-noon ‘yon…’nung tanga pa ako.”
“Bakit, may iba na ba?” Biglang nagdilim ang mukha ni Max
“Ano naman ngayon sa ‘yo?” nanunuya niyang tanong. “Wala tayong relasyon, Max at p’wede akong mag-boyfriend kahit kailan, kahit ilan pa kung gugustuhin ko.”
“Aba, aba, ang lakas na ng loob mo ngayon ha. Sino ba ‘yang pinagmamalaki mo, ha? Mas magaling ba ‘yan sa akin?”
“Oo, Max! Mas magaling siya sa iyo sa lahat ng bagay at hindi siya tulad mo na manloloko!”
“Ako, manloloko? Kailan kita niloko?”
“Hayop ka talaga! Ibinigay ko sa ‘yo lahat, Max. Ang puso ko, ang katawan ko, ang kaluluwa ko, ang buo kong pagkatao…” nanginginig na sabi ni Sahara. Hindi na niya napigilan ang sariling mapaluha nang nanumbalik ang sakit na idinulot ni Max sa kanya. “Pagkatapos, basta-basta mo na lang ako iniwan…s-sabi mo, hihiwalayan mo si Michaela para sa akin, para sa ating dalawa…pero ano? Pinaasa mo lang ako, Max…pinaniwala mo ‘ko na mahal mo ko.”
“M-mahal naman kita eh,” mahina nitong tugon. “P-pero…wrong timing lang talaga…“
Umiling-iling si Sahara. “Alam mo ba kung bakit hindi ako umaalis rito sa lintik na bahay na ‘to? Dahil umaasa ako na babalikan mo ‘ko, na ilalayo mo ako rito.”
“Shh…narito na ‘ko uli, Sahara,” marahan nitong sabi sabay yakap sa kanya. “Magsimula uli tayo.”
Sa isang saglit ay nagkaroon ng pag-asa pero bigla rin iyong nawala. Tinitigan niya ito sa mata at pagkatapos ay tinanggal niya ang mga kamay nito sa kanyang baywang. “Too late, Max. Ikaw ang dahilan kung bakit ako ganito ngayon. Sinira mo na ang buhay ko, hayop ka at hindi na ‘ko papayag na ulitin mo ‘yon.”
“Please Sahara, huwag kang umalis,” halos magmakaawang sabi ni Max, na hindi niya inaasahan. Mas hinigpitan ni Max ang pagkakahawak sa braso niya at halos hindi na siya makahinga dahil halos nakadagan na ang mabigat nitong katawan sa katawan niya.
“Bitiwan mo ‘ko! Hindi na ako ang dating Sahara na nakilala mo, hindi na ko tanga, hindi na ako uto-uto.”
Sa wakas ay hinayaan na siya nito. Pero bago pa niya mabuksan ang pinto ay may pahabol itong pagbabanta.
“Sige, umalis ka. Pero tandaan mo, Sahara. Hindi ako basta-basta sumusuko. At ang sa akin, akin lang. Hindi ako pumapayag nang may kaagaw.”