“ASAWA mo si Trevor Lombardi?” hindi makapaniwalang tanong ni Madellaine kay Laiza. “Oh my God! I can’t believe it!”
“Well, hindi na ngayon dahil hiniling niya sa akin kagabi na maghiwalay na kami.” Nagsimula muli siyang lumuha.
“Maghihiwalay na kayo?!” tanong nitong hindi makapaniwala. “`Di ko man lang nalaman na mag-asawa kayo, ‘tapos ngayon ay maghihiwalay na kayo?”
“It's a long story, Mad.” Naupo siya sa paahan ng kama kung saan katapat niya ang malaking larawan. Nagsimula muling tumulo ang kanyang luha matapos mapagmasdan ang kanilang wedding picture. Larawan iyon ng masayang relasyon. Ngunit hindi alam ni Laiza kung saan na napunta ang relasyon niya kay Trevor.
Pinipilit niyang alalahanin ang relasyon niya sa lalaki kaya lalo siyang naiyak. Wala man lang siyang maalala na masayang date o kahit masayang pangyayari dito sa kanilang tahanan. Masyado siyang nagpakaabala sa trabaho. Nawalan siya ng oras sa relasyon niya sa lalaki.
“Spill the tea, sis! Anong nangyari? Paano kayo naging mag-asawa? Kailan pa? Bakit hindi ito alam ng publiko?” sunod-sunod na tanong nito.
“Isa-isa lang, okay?” Sa palagay niya ay kailangan din niyang ibahagi sa babae ang katotohanan para mabawasan kahit kaunti ang bigat sa kanyang damdamin. “As to your question, when did we got married? It was more than two years ago before you became my manager.”
“Oh!” Napasinghap ito, hindi makapaniwala na ganoon na katagal.
“Sa tanong naman kung bakit hindi alam ng publiko, ikinasal kaming dalawa sa Amerika. Limang taon na ang relasyon naming dalawa at noong nakaraang dalawang taon nga ay nagpakasal kami.”
“Five years na?”
“Eksaktong five years, kahapon. Anniversarry namin kaya may nakahandang pagkain sa mesa. Iyon din ang dahilan kung bakit nagmamadali akong umalis sa set.”
Bumilog ang bibig nito na hindi makapaniwala. “Paanong nangyari na hindi ko man lang nalaman ang tungkol dito? Saka bakit n’yo mas pinili na ilihim sa lahat? Like, I mean—”
Alam ni Laiza na pinoproseso pa ng utak nito ang balitang asawa niya si Trevor at wala man lang nakaalam kahit isa—kahit ito ay hindi nalaman ang tungkol doon sa loob ng dalawang taon. Nagsimulang magpaliwanag si Laiza.
“Beinte-uno anyos ako noong nagpakasal ako kay Trevor. I'm just twenty-three at alam mo naman kung ano ang mga role na ginaganapan ko sa pelikula o sa serye nitong mga nakaraang buwan. Hindi makatutulong sa akin kung malalaman ng publiko na meron na akong asawa. Alam mo kung gaano kahirap ang pinagdaanan ko para lang balewalain ang lahat ng iyon.”
Isang sweet na dalaga ang tingin sa kanya ng publiko. Kung malalaman ng mga fans na may asawa na siya sa katauhan ni Trevor, siguradong hindi iyon makatutulong sa kanyang trabaho na papaangat ang karera. Madalas na gumaganap siya bilang nakababatang kapatid ng bidang babae noon. Nitong mga nakaraan naman ay sweet love ang mga role niya sa pelikula. Madalas na estudyante ang mga role niya. Ang magkaroon nga ng kissing scene ay hindi pa niya nagawa. Malayong-malayo sa totoong nagaganap sa personal niyang buhay.
Napapitik ito sa hangin. “I knew it! Kaya pala sunod-sunod ang offer sa’yong trabaho ng management. Does he know about the—”
“He doesn’t know about it!” Pinutol niya ang sasabihin dapat nito sa nangyari anim na buwan ang nakaraan.
“Pero pwede mo namang sabihin na boyfriend mo si Trevor, bakit hindi mo ginawa?” usisa muli nito.
“Kapag nalaman ng fans na nasa iisang gusali lang kaming nakatira at magnobyo na kaming dalawa, ano sa palagay mo ang iisipin nila? Iisipin nilang nakikipag-live in ako kay Trevor o kaya naman ginagamit ko ang estado niya para marating ko ang kung nasaan man ako ngayon. Hindi iyon maganda sa imahe ko. Lalo pa ngayon na nagsabi na siya sa akin na i-a-annul namin ang kasal.”
Naipasa na kasi nila ang kasal sa gobyerno ng Pilipinas. Kinikilala ng hindi lang ang Amerika ang kasal niya kay Trevor kung hindi pati na sa sariling bansa.
“What is your plan now, Laiza? Pwede nating gamitin ang kasal mo kay Trevor para masabi sa publiko na imposibleng maging kabit ka ni Mr. Suatenco. You are already married to one of the richest bachelors in the country, it’s impossible for that accusation!”
Umiling siya. “Of course not, Mad! Hindi ko siya pwedeng gamitin dahil lalo lang iyon makasisira sa imahe ko ngayon. Ano sa palagay mo ang sasabihin sa ‘kin ng publiko kapag nalaman nilang sa edad na beinte-tres ay hindi lang ako nag-asawa, kung ‘di makikipaghiwalay pa? Isang divorcee or annuled woman?”
Nahilot niya tuloy ang ulo dahil kumirot iyon nang todo. Napagtanto naman ni Madellaine ang kanyang sitwasyon.
“Hindi na ba talaga kayo magbabalikan? Ganoon na ba kalala ang hiwalay n’yo?”
“Yes, Mad.” Suminghot siya matapos maalala muli ang lalaki.
“Magpahinga na muna tayo. Mamaya na tayo mag-iisip ng gagawin.”
Tumango siya. Mas magandang ipahinga na muna niya ang isipan. “Walang nakakaalam nito, Mad, I hope you keep my marriage with Trevor a secret.”
“Makakaasa ka.”
Si Laiza na yata ang pinaka-masikreto at sinungaling sa buong bansa. Sa dami ng kanyang inililihim, siguradong makabubuo siya ng nobela.
***
CONFERENCE ROOM, DUSIT HOTEL.
Makalipas ang dalawang araw ay napagkasunduan na magkaroon ng paliwanag si Laiza tungkol sa kasalukuyang isyu niya. Nagtatalo ang fans at anti-fans niya sa social media. Nagpapalitan ng maaanghang na salita ang mga ito dahil sa balitang kabit siya ni Mr. Suatenco—ang kanyang ama.
Napaka-plastik ng babaeng ‘yan! anang isang comment mula sa kanyang hater. Sinamahan pa iyon ng meme niya.
Laiza, we will always support you! Ipakita mo ang tapang mo sa lahat!
Ang pangit naman ng idol n’yo. Buti pa si Gidget, maganda! Ang laki ng ilong niyang Laiza n’yo!
Tumahimik ka! Ikaw ang pangit at mataba! Iyang pagmumukha mo ang chararat! H’wag ang idol namin!
Kabi-kabila ang mga nag-aaway para sa kanya at hindi siya handa roon.
Nalaman na ng kaniyang ina ang tungkol sa balita at nakiusap ito sa kanya na huwag sasabihin ang tunay na relasyon niya sa kanyang ama. Hindi rin naman nahihibang si Laiza para ipitin ang ina sa pangyayaring ito. Inaabangan niya ang sasabihin ni Trevor. Nais niyang ito ang maglinaw sa kaso niya, ngunit sadyang tahimik ang lalaki na nabalitaan niyang nasa China sa kasalukuyan dahil sa trabaho nito.
Masyado siyang nasaktan matapos maisip na wala na siguro talagang plano ang lalaki na makipagbalikan pa sa kanya.
Samantala, sa Tsina sa kasalukuyan…
“Sir, Ms. Laiza is having a live conference on her Facenote account. Do you want to watch it?” tanong kay Trevor ni Amir, ang kanyang assistant.
Ito ang kasalukuyang nagkokontrol ng isyu tungkol sa kanyang asawa habang wala siya sa Pilipinas. Ang tanging nagawa nito ay patahimikin ang asawa ng ama ni Laiza sa kasalukuyan. Hindi na ito nagkomento o nagsalita pa. Ganun pa man, nasira na nito ang imahe ni Laiza.
“Yes, please.” Mayroon pa siya ng sampung minuto bago magsimula ang kanyang meeting.
Ipinatong nito ang kanyang laptop sa mesa at nakahanda na ang venue sa lugar nito sa Pilipinas. Ilang saglit lang ay nakita niya si Laiza na umakyat ng entablado at umupo sa pinakagitnang bahagi ng mesa. Tinabihan ito ni Madellaine na manager nito. Hinahanap na niya ang presensiya nito, ang amoy nito. Ngunit nais niyang malinawan si Laiza sa desisyon nito sa buhay. Kailangan alam ni Laiza kung ano ang mga plano nito sa kanilang relasyon.
Sa kabilang banda. Hinihiling ni Trevor na linawin ni Laiza ang relasyon nito sa kanya. Kahit hanggang doon na lang. Kapag ginawa nito ang bagay na iyon, ititigil niya ang nakaplanong pakikipaghiwalay. They will move forward and forget everything. He wants Laiza, but she has too many priorities. Hindi niya naramdaman na kabilang siya sa mga importante rito.
Nalungkot si Trevor. Bakit sila umabot sa ganoong estado? They are supposed to be making babies, creating a family. How did they end up like that? Nang tulungan niya si Laiza noon. Hindi pumasok sa kanyang isipan na makipaghiwalay rito. Masaya sila noon, ngunit hindi na ngayon.
“You may start the question,” wika ni Madellaine na pumukaw sa kanyang isipan.
“Laiza, is it true that you are Mr. Suatenco’s mistress?”
“No.”
“Then, how do you explain what happened in Bicol? Bakit inaakusahan ka ni Monica Paraiso na kabit ng kanyang asawa?”
Naramdaman ni Trevor ang tensiyon sa mukha ni Laiza.
“Karapatan iyon ni Ms. Monica na akusahan ako, pero wala po akong romantikong relasyon sa— I mean kay Mr. Suatenco. Kung bakit po kami nagkikita, personal na dahilan po ‘yon.”
Alam ni Trevor na naiipit ito sa kasalukuyan. Hindi sasabihin ng kanyang asawa ang totoo.
“You are not Mr. Suatenco’s mistress, but you are seeing him in private? Can you explain?”
“I’m sorry, but I can’t. I-I am in a relationship with someone else.”
Umugong ang bulungan sa lugar nito.
“You are in a relationship? And who was it? Is it Sebastian Mendez?”
“Tell him, Laiza! Tell him that you are married and I am your husband!” Pati si Trevor ay natetensiyon na sa kanyang kinauupuan habang nanonood. Nais niyang sabihin nito na mag-asawa sila. Kahit hanggang doon man lang. Nais niyang isigaw nito sa buong mundo na asawa siya nito.
Tumikhim si Laiza. “I’m sorry, but I can’t.”
Tila siya pinagbagsakan ng langit sa isinagot nito sa reporter. Dinurog nito ang umaasang damdamin niya.
Nabigla na lang sila nang magkaroon ng komosyon. “Malandi ka! Inagaw mo ang asawa ko! Manloloko ka! Sinungaling! Isa kang kabit!”
Tumigas ang panga ni Trevor nang makita ang kamera sa ibang lugar. Isang babaeng buntis ang bigla na lang nagwala. Umingay sa bulwagan, sa lugar nito.
“Excuse me, I don’t know what you were saying.” Halata sa mukha ng kanyang asawa na naguguluhan ito.
Binato nito ng larawan si Laiza. Nagkaroon na ng problema sa lugar nito.
“Malandi ka! Kabit ka ng asawa ko! Malandi!” Pinigilan ito ng security para hindi makalapit.
Naluluha na si Laiza sa kinauupuan nito na halatang hindi inaasahan ang mga pangyayari, lalo na nang pagbabatuhin ito ng itlog na hindi niya alam kung saan nagmula. Pinaalis na ito sa entablado, ngunit patuloy pa rin na nagagalit ang iba pa.
“Sir, your meeting will start in one minute,” pukaw ni Amir.
Masama ang hilatsa ng mood ni Trevor. “Alamin mo kung sino ang babaeng nanggugulo kay Laiza; ang babaeng buntis na gumawa ng istorya at ang mga nambato sa kanya sa conference. They must face the consequences!” galit na wika niya.
Dinudurog ang damdamin niya sa ginawa ni Laiza ngunit kailangan niya itong tulungan.
This would be the last I’ll help you, Laiza. Kumuyom na lang ang kanyang kamao na lumabas ng conference.