Pababa noon si Giovanni sa hagdanan nang mamataan niya si Daria na mukhang papunta sa kusina. Napatingin siya sa suot na relo at saka niya na-realize na sa ganoong oras tuwing umaga ay madalas ngang magpunta ng kusina ang babae. Halos kapareho niya ang oras nito kung saan nagpupunta rin siya sa kusina para naman magkape. Ilang araw na rin siyang naiinip sa tahimik na nagyayari sa mansiyon. Bihira lang kasing magpunta si Lucca sa casino at madalas ay sina Carlo o kaya ay si David ang nagpupunta roon. Hindi naman siya makasama dahil ang trabaho niya nga ay manatili kung nasaan si Lucca. Sa ilang araw niya rin doon ay wala pa rin siyang natutuklasang kahit ano.
"Good morning, Gio."
Napalunok siya nang marinig kaagad ang boses ni Daria. Hindi pa nga siya tuluyang nakakapasok sa kusina ay nabati na siya nito.
"G-good morning..." ganting bati na lamang niya rito.
Ngumiti si Daria bago ito lumabas bitbit ang isang basong may lamang fresh milk. Ngunit hindi nakaligtas sa kaniya ang mugtong mata ng babae kaya naman nagtaka siya. Inisip niyang baka nagkaroon lamang ito ng simpleng away kay Lucca. Hindi niya naman kasi puwedeng isipin na nananakit si Lucca dahil kita niya namang ayos ang mga ito. Hindi rin mahigpit si Lucca kay Daria at halata naman iyon.
Nagkibit-balikat na lamang siya at nagsimula ng magtimpla ng kape.
"Pahingi rin ako ng mainit na tubig mo."
Napaigtad si Giovanni dahil sa gulat sa biglang pagsulpot muli ni Daria roon.
"I'm sorry... Did I startle you?" hinging paumanhin naman ni Daria sa kaniya.
Sandali naman siyang natigilan nang matitigan ang mga mugtong mata ni Daria. Bukod kasi sa namumugto ang mga iyon ay tila ba may nakasilip na lungkot sa mga mata nito.
"I'll just go back here later," wika ni Daria nang hindi magsalita si Giovanni.
Hindi na nga nakapagsalita pa si Giovanni hanggang sa mawala na nga roon si Daria. Napasapo na lamang siya sa noo dahil sa ikinilos. Ngunit hindi niya naipagkaila sa sarili ang pag-aalala o concern na nararamdaman nang makita ang lungkot sa mga mata ni Daria...
******
Magdadalawang buwan na rin si Giovanni bilang bodyguard ni Lucca ngunit wala pa rin siyang nakakalap na importanteng impormasyon. Hanggang isang araw ay inabot ng maghapon na hindi niya namamataan si Lucca. Hindi niya naman masabing kasama nito sa Daria o nagkukulong sa kuwarto ng mga ito dahil maghapong nasa labas si Daria.
Abala ang babae sa pag-aayos ng mga halaman nito nang lakas loob niya itong lapitan.
"D-Daria, magtatanong lang sana ako..." may hindi man siya maipaliwanag na kaba sa dibdib ay itinuloy niya pa rin ang pagtatanong dito.
"Hm? Ano iyon?" simpleng tanong naman ni Daria na patuloy sa pagtatanggal ng mga tuyong dahon sa mga halaman nito.
"P-parang m-maghapon ko na kasing hindi nakikita si Boss L-Lucca... G-gusto ko lang sanang itanong kung umalis ba siya..." gustong-gusto na naman niyang murahin ang sarili dahil sa pagkautal. Sa dalawang buwan niya roon ay wala pa yata siyang natatandaan na nakausap niya ang babae nang hindi siya nauutal, nahihiya, at kinakabahan. Dinaig niya pa ang high school na nahihiyang makipag-usap sa crush nito.
"May pinuntahan siya," tipid na sagot ni Daria at napansin ni Giovanni na para bang biglang nawalan ng gana ang boses ng babae.
"Umalis s-siya? Pero 'di ba dapat ay k-kasama n-niya ako?" Nagtataka niyang tanong na may halo pa ring utal.
"Hindi ba dapat ay mas alam mo ang sagot dahil isa kang personal bodyguard?" asik bigla ni Daria na ikinagulat ni Giovanni.
Hindi tuloy siya kaagad nakapagsalita dahil doon. Hindi niya rin naman kasi alam kung dapat o tama bang sagutin niya pa si Daria.
"I'm sorry... I'm j-just t-tired..." para namang nahimasmasang sagot ni Daria at nagmamadali na nitong iniwan si Giovanni roon.
Nasundan na lamang nga ng tingin ni Giovanni ang pagpasok ni Daria sa mansiyon. Nang mawala na ito sa paningin niya ay nagpasya naman siyang lapitan ang isa sa mga bantay sa labas ng mansiyon. Nais niyang magtanong dito kung nasaan nga si Lucca. Hindi pa rin kasi siya makapaniwala sa sagot ni Daria sa kaniya na may pinuntahan si Lucca. Sa pagkakaalam niya naman kasi ay kasama dapat siya palagi ni Lucca saan man ito magpunta.
"Nakita mo ba si Boss Lucca?" pasimple niyang tanong sa bantay na may malaking pangangatawan. Halos lahat naman ng tauhan ni Lucca ay malalaki ang pangangatawan.
Umiling lang ang lalaki sa kaniya. Kahit na gusto niya pa sanang magtanong ay hindi na siya nagsalita pa. Mukha rin naman kasing walang balak makipag-usap nang matagal sa kaniya ang lalaki. Nagpasya na lamang siyang maglakad papunta sa pinaka-gate upang tanungin na lamang si Carlo kahit na hindi niya ito ganoong kasundo. Nasa pinaka-gate kasi ng mga sandaling iyon si Carlo dahil kausap nito ang isa sa mga bantay doon. Si David naman ay nasa library at kapag nandoon ang lalaki ay hindi ito nagpapaistorbo maliban na lamang kung si Lucca nga ang maghahanap dito. May mga tauhan pa siyang nadaanan dahil madadaanan niya rin nga ang mga maliliit na bahay o kubo roon na tinitirhan din ng mga ito. Hindi na nga siya nagtanong sa kahit na sino sa mga iyon dahil mukhang hindi rin alam ng mga ito ang sagot. Si Carlo na lamang ang pag-asa niya.
"What are doing?" kunot-noong tanong ni Carlo hindi pa man masyadong nakakalapit si Giovanni.
"I'm not going anywhere, Carlo... May kailangan lang akong itanong sa 'yo kaya ako napapunta rito," mahinahon namang sagot ni Giovanni.
"Okay," hinarap ni Carlo si Giovanni at ipinamulsa nito ang mga kamay. "Go ahead. Ano bang kailangan mong itanong?"
"About Boss Lucca... Hindi ko kasi siya makita kahit saan... Kaya nagtanong ako kay Daria at ang sabi niya nga ay umalis daw si Boss Lucca," paliwanag ni Giovanni.
"Nasagot naman pala ang tanong mo, eh... Ano pang gusto mong malaman?" may pagkasarkastikong ani Carlo.
Napabuntonghininga na lamang si Giovanni. Kung hindi lang siguro siya nagpapanggap, malamang sa malamang ay matagal na niyang napatikim ng kamao niya ang lalaki.
"Because as his personal bodyguard, hindi ba't dapat ay kasama niya ako? I'm just concern kaya hinahanap ko siya," sagot ni Giovanni.
Ngumisi naman si Carlo. "Mukhang hindi ka na-orient ni Kuya Lucca about this," iiling-iling nitong sabi.
"So... Tell me..." ani Giovanni.
"Okay. Since you're so eager to know, ipapaliwanag ko na rin sa 'yo ang hindi naipaliwanag ni Kuya Lucca," nananatili pa rin ang iritableng mukhang sabi ni Carlo. "Sinabi na sa 'yo ni Daria na umalis siya pero nagtataka ka kung bakit hindi ka kasama? Iyon ay dahil hindi ka niya kailangan kung saan man siya nagpunta..."
"I just want to know... That's all. Wala naman sigurong masama para lang mapanatag ako since ako nga ang bodyguard niya, 'di ba?" nakipagtagisan naman ng tingin si Giovanni kay Carlo.
"You fool... Kuya Lucca is visiting our father and it's none of your business... Hindi ka talaga niya kasama dahil ibang usapan ang sa ama namin..." tila nagpipigil lang si Carlo habang sinasabi iyon. "Now, if you'll excuse me, I don't want to see your face here... Bumalik ka na lang sa loob at babalik din naman si Kuya Lucca..."
Hindi na nga nagsalita pa si Giovanni at tumalikod na ito upang bumalik sa mansiyon. He gritted his teeth. Nagpipigil na lang din talaga siya sa pagtrato ni Carlo sa kaniya. But he needs to control his temper...