Chapter 7 - Volunteer

1053 Words
Matagal ang naging morning assembly kaysa sa nakasanayan, pero halos wala namang pumasok sa isip ni Bhem sa mga sinabi ng principal. Ang totoo, hanggang ngayon ay naiisip pa rin niya ang inis—at litong pakiramdam—na dulot ni Jack Lee. Ang mga irap na sinasagot niya sa bawat ngiti nito, ang inis sa tuwing tinatawag siya nitong ‘darling,’ at ang pinakakinaiinisan niya sa lahat, ang sariling puso niyang naguguluhan tuwing ginagawa ito ng binata. Naputol lang ang malalim niyang iniisip nang banggitin ng principal ang tungkol sa bagong proyekto ng Student Government — isang outreach program para sa mga batang kapos-palad. Lulutuin at ihahanda ng mga estudyante ang pagkain, at magbibigay rin sila ng basic health education. Malaking dagdag puntos sa grades ang matatanggap ng mga volunteer, at malaking tulong ‘yon kay Bhem. Pero ang ideya ng pagsali nang mag-isa ay hindi niya feel. Kusa siyang naghanap kina Daphne at Lora matapos ang assembly. Mas okay sana kung may kasama, baka sakaling maging masaya. Pero gaya ng nakasanayan, wala na namang balita kay Lora. Si Daphne naman ay dumating na hinihingal at abala sa pagrereklamo habang habol-habol ang kung sino-sinong kaklase. Habang palakad-lakad sa campus para hanapin si Lora, may kung anong kilabot na dumaan sa pakiramdam ni Bhem. Hindi niya maipaliwanag, pero simula noong nakaraang linggo, pakiramdam niya ay may nagbago. Mas aware siya sa paligid niya — o baka mas aware lang siya sa presensiya ng isang tao na kahit anong pilit niya, hindi niya kayang balewalain. Tama ang hinala niya. Pagliko nila sa isang hallway, naroon na naman si Jack . Nakasandal sa pader na parang sariling bahay niya ang eskwelahan. Naka-ukit sa mukha ang paborito nitong ngisi — ‘yung tipo ng ngiti na gusto niyang burahin gamit ang sariling kamao. “Hi, girls,” casual na bati nito, pero tumigil ang tingin kay Bhem ng ilang segundo — sapat para pag-initin ang kanyang tenga. Napalunok si Bhem at hindi na pinatulan ang pang-aasar nito. Pero gaya ng dati, sinundan-sundan pa rin sila ni Jack hanggang sa tuluyan nilang makita si Lora — nakatago sa isang sulok, may kausap. Si Ronald. Ang Ronald na ilang buwan nang laman ng kwento ni Lora, pero ni minsan ay hindi nila nakita o nakilalang personal. Walang matagal na komprontasyon. Pero nang magkahiwalay silang tatlo, may kung anong bigat sa dibdib ni Bhem. Parang lahat ng tao sa paligid niya ay may tinatahak na direksyon — may patutunguhan. Si Lora, may Ronald. Si Daphne, kahit makalat, may pangarap. Samantalang siya? Naiwan sa isang gulong-gulong sitwasyon kasama si Jack , ang taong hindi niya maintindihan kung mortal enemy ba o isang bagay na mas malala pa. Kaya nang umikot ang volunteer form sa klase, laking gulat ni Bhem nang mapansing automatic siyang nag-sign up. Kailangan niya ng distraction — sa grades, sa buhay, at higit sa lahat, sa sarili niyang nararamdaman. Ang hindi niya inaasahan, halos buong klase pala ang sasali. Mas lalong hindi niya inaasahan na magiging by-pair ang setup. At sa lahat ng pwedeng ipares sa kanya, bakit si Jack pa? Nag-ingay ang buong classroom sa halong kilig at pang-aasar. Parang hindi pa sapat na naiinis na siya, nagpasalamat pa si Jack na parang nanalo sa lotto. “Looks like we’re a team, darling,” bulong pa nito habang dumadaan sa tabi niya. Putang ina talaga. Kinabukasan, puro kaguluhan ang sumalubong sa kanya sa school gates. Naglalakihan ang mga bus, puno ng estudyanteng nagbibilangan ng partners at naghahakot ng supplies. Nasa isang tabi lang si Bhem, nakapamewang, hinihintay ang partner niyang late, syempre. At nang dumating ito — fresh, mabango, at parang wala lang — kailangan niyang huminga ng malalim para hindi bumuga ng apoy. “Good morning, darling,” casual nitong bati. Hindi siya sumagot. Sa biyahe pa lang, ramdam na ramdam na ni Bhem ang bigat ng hanging bumabalot sa pagitan nila. Tahimik si Jack, na para bang walang nangyari. May inabot itong snacks, tinanggihan niya. Nag-alok ng balikat para sandalan, tinawanan lang niya. Pero ilang minuto lang, tulog na siya sa balikat nito. Nagising siyang nakatingin si Jack sa kanya — hindi nakangisi, pero may kakaibang lambing sa mga mata nito. Hindi niya maintindihan kung inis ba o kilig ang nararamdaman niya. Tangina, hindi siya sanay. Pagdating sa community site, halos wala nang oras para mag-isip si Bhem. Sunod-sunod ang trabaho — pagluluto, paghahanda ng pagkain, at pakikipaglaro sa mga bata. Pero kahit abala, ramdam niya pa rin si Jack sa gilid-gilid. Minsan tumutulong, minsan tahimik lang na nanonood. At ‘yung paraan ng pakikitungo ni Jack sa mga bata — mahinahon, pasensyoso, at parang ibang tao — ‘yun ang nagpagulo lalo sa isip ni Bhem. May mga pagkakataong nagkakabanggaan sila ng kamay sa pag-abot ng mga gamit. Mga saglit na tagpo na parang wala lang sa iba, pero sa kanya, sapat para magparamdam ng kilabot sa balat. Minsan nahuhuli niya rin itong nakatitig sa kanya. At sa bawat tinginan, unti-unti niyang napapansin — wala roon ang dating pang-aasar. May init na hindi niya matukoy kung galit o… iba. Pagsapit ng hapon, naupo silang dalawa sa gilid, pareho nang pagod. Sa unang pagkakataon, tahimik sila nang hindi nag-aasaran. “Bagay sa’yo,” sabi ni Jack, basag sa katahimikan. “Ano?” kunot-noo niyang tanong. “‘To. ‘Yung nag-aalaga.” Wala siyang maisagot. Hindi siya sanay sa seryosong Jack . Hindi siya handa. Bago pa siya makasagot, tinawag na sila para magligpit. Parang sanay na silang magkasabay gumalaw — isang bagay na hindi niya napansin noon, pero ngayon, parang matagal nang nangyayari. Sa bus pabalik, si Jack naman ang nakatulog sa tabi niya. Nakasandal sa balikat niya, at sa unang pagkakataon, hindi niya iyon tinabig. Hindi niya alam kung ano sila. O kung meron nga ba. Pero ngayong gabi, mukhang ayos lang kahit hindi niya alam. Nakakatakot. Pero parang ayos lang. At sa unang pagkakataon, parang naghintay siya sa kung anuman ang susunod. Para bang sinasabi ng gabing iyon na dapat may kasunod na mangyari,kaya hindi niya maiwasan na titigan si Jack habang nakasanday sa balikat niya na himbing ang tulog yong para bang comfortable sa kinahihigaan niya , ngunit nagtaka si Bhem na sa oras nayon hindi niya kayang alisin ang ulo ni Jack sa kanyang balikat . To be continued......
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD